Share

Chapter 4: The Bourbon story

***

Pagkatapos ng pagtatago, ng habulan, ng dalawang eskandalong kinasangkutan, nakabalik din si Erin sa apartment niya. Na malamang ay panandalian lang. Kasama niya si Sexy Man na may bitbit na pagkain, alak, at cake na panlimahang tao.

Agad siyang nag-dive sa mahabang couch at yumakap sa throw pillow. Saka siya nabahing. Naramdaman niya—sa ilong at balat—ang lumilipad na alikabok sa buong silid.

Nilinga niya ang paligid. Walang sapot ng gagamba sa kisame pero may manipis na latag ng alikabok sa mga muwebles. Mukhang hindi siya sinunod ni Aly sa request niya ng pagpapalinis ng apartment. O puwede ring nakalimutan nito. Ito kasi ang taong nakilala niya na sa batang edad pa lang (mga two years old) ay lumala na agad ang sakit na kalimot.

Napatingin siya kay Sexy Man na alanganing nakatingin sa bakanteng couch. Mukhang pinag-iisipan nito kung mauupo roon. Probably unlike her, naramdaman agad nito ang alikabok. Bumangon siya at nagpagpag ng sarili.

Tumikhim siya. Lumingon ang lalaki na bitbit pa rin ang ecobags at paperbags ng pagkain. He looked so tall inside her apartment. Sumikip ang espasyo.

Habang nakangiti ito ay umiilaw ang emergency light sa utak ni Erin. There’s something she forgot. Hindi pa nga pala niya naitatanong ang pangalan ng lalaki. O baka sinabi na nito pero hindi niya narinig dahil busy siyang magplano kung paano niyang ie-enjoy ang huling araw ng kalayaan niya.

“What’s your name again?” aniya rito.

Matalinong utak: Great. Napabili mo na ng kung anu-anong pagkain bago mo tinatanong ang pangalan? Just great.

Nakangiti ito sa kanya. “Adam. Adam Ledesma.”

Intrimitidang utak: Is this real?! Pati pangalan bakit ang sexy?

Matalinong utak: I second the motion. And does he really have to always smile that way?

Kung may flavor ang ngiti ng tao, ang kay Adam ay siguradong chocolate-caramel. Nakaka-cavity sa tamis. Nakakikilig to the bones. May kapangyarihang sumuot sa kukote niya at magpaisip sa kanya ng malalanding bagay.

Tumikhim uli siya para patigilin ang internal dialogue at overdrive ng utak niya. “Marumi ’yong apartment ko. My cousin probably forgot my request of having it cleaned.”

Tumango ito. “And then?”

May question mark sa mukha ni Adam. Wala itong clue sa ipinahihiwatig niya.

She wore her best smile. “I mean, I’m going to pick-up the vacuum, I will give you a duster, and we are going to clean first.”

Ibinaba ni Adam sa sahig ang mga bitbit na balutan.

“Whoa! Let’s be clear about this. You want us to clean your apartment?”

Umiinit ang ulo niya. Nalusaw ang chocolate-caramel feeling. Imposible ba ang sinabi niya? Maglilinis lang naman. Bakit parang big deal?

“Allergic ako sa alikabok,” panimula niya.

“I don’t like it either,” dugtong ng lalaki.

“Marumi ang bahay.”

“I am aware. But that’s not my problem.”

“But you said we are going to drink here since wala pang bukas na bar,” aniya. Pinigilan niyang magmartsa sa inis.

Lumapad ang ngiti ni Adam. Parang pinagtatawanan siya. “That’s because you insisted that you needed a drink bago ka dalhin sa presinto.”

“That’s the truth. And I don’t just need a drink! I have to get drunk!”

Napailing-iling si Adam. “Unbelievable! I caught you, you cried, you made me spend on food, and now you want me to clean. Ganito ba kahirap magpakulong ng babae?”

Umangil siya. “Look. Payag na nga akong padala sa presinto, ’di ba? I just needed this. Kailangan kong madalaw ang apartment ko bago ako makulong. Kailangan kong maglinis kung marumi. I want to eat my favorite food, my favorite cake. And if I want to get drunk at walang available na bar, I want to get drunk in my apartment!”

Napapataas na ang tono ng boses niya. Naiiyak na rin siya. Kalmado naman sana siyang kasama ang lalaki. He’s good company as long as hindi nito o niya mababanggit ang kulungan kung saan siya magbabakasyon.

Nakangiting lumapit sa kanya si Adam at pinisil ang ilong niya. “Are you aware that you have a funny way of wrinkling your nose when you’re on tantrums?”

Nablangko siya sa pisilan portion. Hindi ba aware ang lalaking ito na malakas makapaasa sa mga marurupok na tulad niya ang kaswal na trato nito sa kanya? He’s chocolate-caramel from head to toe. He acted like they were familiar. But they were not familiar.

“I have never met a woman as high-strung and as scandalous as you,” anito pa.

“Don’t act so familiar,” sabi niya rito.

Pero hindi nawawala ang ngiti nito. “You’re the one acting so familiar. You wrecked my car, you made me pay on your food and alcohol, and now you want me to clean your apartment. All I did was pinch your little nose. What’s familiar?”

Umirap siya. Talo siya sa mga argumento ni Adam. At hindi nito alam na hindi lang siya high-strung at scandalous. Brokenhearted din siya. Kung ang ibang tao ay manhid sa kilig at attraction kapag broken, siya naman ay vulnerable doon. And he’s so damn attractive. Lahat ng kilos ng lalaki—pati maliliit na gestures—ay may halong kaseksihan at kalandian sa paningin niya.

Hindi rin nakatutulong na straightforward siyang tao. She doesn’t know much about flirting. At ang love life niya ay walang itinuro sa kanya kundi ang mag-eskandalo, ngumawa, uminom ng alak, at magdala ng condom sa mga dates. She couldn’t read the guy. Is he flirting with her and her broken heart? O ganito siya ka-vulnerable sa mga tulad nito?

“When you’re done fantasizing about me, you can give me what I need so we can clean your apartment. But take your time, though. I’m not that excited in cleaning someone else’s place. I’m more into probing what’s going into your mind right now.”

Hinatak siya ni Reality nang marinig ang sinabi ng lalaki.

“Mayabang ka rin, ’no? I’m not fantasizing about you.” ‘At least not right now.

“Really?” He looked at her playfully. “That’s too bad.”

Tumayo ang balahibo niya. Maraming pagkakataon ang aminado siyang naglalandi lang siya pero nakapapahamak ang ngiti nito. He’s either flirting or playing with her. Kailangan na niyang bigyan ito ng vacuum cleaner o duster o ng kahit na ano para makapagsimula na sila. Para makainom na siya at malasing agad-agad. Para anuman ang magawa niya sa mga susunod pang minuto na kasama niya ang lalaki, at least, lasing siya.

Mabilis siyang pumihit at hinagilap ang vacuum cleaner niya.

Makalipas ang dalawang oras ay malinis na ang apartment at nakahain na sa malaking center table sa living room ang sisig, crispy pata, steak, kimbop, burritos, bucket ng yelo at bourbon. Nakapag-shower na rin si Erin at kasalukuyang nakasalampak sa carpet niya, pakurot-kurot sa crispy pata. Hinihintay niya si Adam na naki-shower din.

Narinig niya ang pagbukas-sara ng bedroom door. Iniluwa niyon si Adam na suot-suot ang kamiseta at shorts ni Adrian. May hawak pa itong towellete at tinutuyo ang buhok. Feel-at-home. Salubong ang kilay niya rito.

Sa halip na mapansin ang arko ng kilay niya ay hinagip ng kamay nito ang nakataob na picture frame sa nadaanang patungan. Titig na titig ito sa larawan habang naglalakad palapit sa kanya.

Pinanood niya ang hindi makalas na mata nito sa frame. Kunot na kunot ang noo nito.

‘Confirmed? Is he gay?’

“Type mo?” hindi napigilang tanong niya rito.

Nakisalampak din ang lalaki sa carpet. Hindi niya mabasa ang nasa mukha nito nang tumingin sa kanya.

“What?”

“Tinatanong ko kung type mo?”

Hindi nito pinansin ang sinabi niya. “Is he the boyfriend?”

Kinuha niya sa kamay nito ang picture ni Adrian. 8R ang size niyon at isang buong pagmumukha lang ng ex niya ang naroon. Nakangiti. Mukhang model. Mukhang fresh. Mukhang in love sa kanya. Mukhang pakakasalan siya. At bakit lumalabo ang picture? Lumalabo ang daigdig.

“Erin?”

Nag-angat siya ng tingin kay Adam. Lumaglag ang isang patak ng luha mula sa kaliwang mata niya. Kaliwang mata talaga. Ang sabi sa isang nabasa niya, ang luha raw na dahil sa kalungkutan at sakit, lumalabas sa kaliwang mata. Sumunod na pumatak ’yong sa kanan niyang mata. Ang sabi naman, kapag lumabas na rin sa kanang mata ang luha para maki-combo sa pag-iyak, maaaring dalawang bagay na iyon: Una, tanga kang umiiyak. Ikalawa, malapit ka nang mabigyan ng FAMAS award. Wala siyang makukuhang FAMAS award. Na ibig sabihin, doon lang siya sa option one: tanga siyang umiiyak. Na naman.

“Oh no. . . He left you.”

Matalas ang mata niya kay Adam. “Ipagdiinan talaga natin?”

Itinaas nito ang dalawang kamay. “I’m not stressing it out. Just saying what’s obvious from your face.”

Obvious na pala, bakit kailangan pang banggitin? Marahas ang kurot niya sa crispy pata. Isinubo niya iyon bago nagsalin ng bourbon sa baso at deretso iyong inumin.

“Yeah, right! Obvious from my face, my hysteria, and my fats!” angil niya.

Nakangiti pa rin si Adam. Gusto na niyang kalmutin ang mukha nito. Kaso may flavor ng crispy pata ang kuko niya.

“You can tell me about it,” anito na nagsimula na ring uminom.

“What?” Umismid siya rito. “And then let you laugh at me? No, no, and no.”

 “What makes you think I will laugh at you?”

Itinuro niya ang magaang mukha nito. “That! You’re already laughing at me!”

Malutong ang pagtawa nito, his head almost thrown back without a care in the world.

“You got me.” Nagkibit-balikat ito. “But you can still tell me about it. Try it.”

Umismid uli siya. Halos tumigil na ang luha niya dahil sa pagkaasar. “Not in a million years.”

Ano siya? Uto-uto? Petty? Sumbungera? Wala ba siyang ibang puwedeng makausap para sabihin niya sa isang palatawang estranghero ang sakit ng puso niya kay Adrian? No way.

Umiling-iling si Adam. Sinalinan ng alak ang basong hawak niya. “I doubt that. Very much.”

Sumimsim siya at dinama ang pagguhit ng mapait na alak sa lalamunan niya. “I won’t tell you, Adam.” She looked him straight in the eye. “Never.”

***

Makalipas ang isang oras pa uli, tumutugtog na sa living room ang All by Myself ni Celine Dion at hulas na ang mascarra at eyeliner ni Erin sa kaaatungal.

“He ran away like that? For real?”

Inangilan niya si Adam. “Mukha ba ’kong kalbo sa paningin mo para magpatawa? For real! Iniwan niya ’ko just like that!”

Malutong ang tawa ng lalaki na um-echo nang pabalik-balik at sumaliw sa head tone ni Celine Dion. Warped na sa pandinig ni Erin ang boses nito. Everything was liquid. Umaalon ang carpet at ang mga pagkain. Gumegewang ang daigdig. Namumula na ang mukha niya habang magulo ang buhok. Papikit-pikit na rin ang mga mata niya.

“No wonder you’re angry like that!”

Binato niya ng throw pillow ang lalaki. Pero lumiko ang unan at ni hindi man lang ito nahagip.

“That’s not funny! It hurts!” aniya. “And it pissed me off!”

“Right. I believe you.”

Ibinato niya pa uli ang isa pang unan. Na lumiko uli.

“It’s not about the sex, moron! I mean, wala man lang proper goodbye! One second we were kissing and I was naked and then, shit, bibili lang ng condom? Bibili ng condom sa convenience store, pero bumalik sa ibang kama at sa ibang hubad na babae? That hurts! That’s not a joke!” giit niya. Uminom siya ng alak mula sa hawak na baso.

Tuloy-tuloy ang laughing frenzy ng walang kuwentang lalaki. Aliw na aliw pa yata.

“And that’s when you realized that your world was. . . fucked-up? Pun intended.”

Naaasar siyang lalo. Whenever she looked at Adam, his eyes seemed to get warmer. His brown eyes melted into a delicious caramel brown. She’s weak with caramel.

“No, no, no. I knew the world was a mess after that. When I realized that everyone around me’s getting married! Hindi lang batchmates ko! Hindi lang classmates ko.

“I’m thirty, moron! Everyone’s tying the knot. Kahit ’yong mga mas bata pa sa akin. They have lives, they have kids, they have husbands. They have a house—an actual house. ’Yong mga walang asawa, they have careers that they enjoy! What about me? I have nothing!”

“What are you talking about?” anito. “Look at me. I’m thirty-two and unwed and I don’t worry about it.”

She tsked at him. Wala itong karapatang mag-compare. “But you’re sexy! You’ve got a nice, firm butt. You looked so good. Ano’ng poproblemahin mo sa love life? Women will jump on you whenever—unless you’re actually gay!

“But look at me? I got a thirty-six inches waistline! Ni hindi pa ako nagkakaanak, lumalapad na ako. Everyone’s asking me kung kailan ako ikakasal. And I don’t know how to answer that. . . because. . . I don’t even have someone.”

Ngumalngal uli siya. Unaware na lumapit sa kanya si Adam para hagurin ang likod niya.

“It felt like. . . I’m the only one stuck! My ex-bestfriend—who’s a traitor by the way, who married my first love—actually got promoted from a project she took from me! And not just that. My ex-boss got an award for being an outstanding entrepreneur when she made my life a living hell!” Huminga siya nang malalim. Sumigok. “Me? I can’t even. . . face my family. Tatanungin nila ako kung bakit naghiwalay kami ni Adrian. And I can’t tell them about that stupid condom story. ’Cause who does that? Why does it have to happen to me?”

“They’re family, Erin, they might understand.”

Umiling siya. “How? Ni hindi ko nga naiintindihan, eh. Adrian and I. . . we’ve been together for five years! Sure, some things went wrong between us. . . but we held on. I thought things were working before he left me.

“Now, I don’t know kung paano ikukuwento sa iba kung bakit, kung paano, kung ano’ng dahilan kaya naghiwalay kami. There’s no explanation at all. Just a text saying he’s sorry. An apology for wasting five years of my youth.”

Pinahid niya ang luha sa mga mata. “You have the same car. Kaya nasira ko ’yong Ford mo—it’s because you have the same car. I thought, kotse niya ’yong pinipinturahan ko. And then at the mall. . . I saw Adrian wearing the same color of shirt. So I thought. . .”

Sige ang singhot niya. Iyak. Pahid ng luha. Inom ng bourbon. Singhot uli.

“Okay,” anito. “I get that part already.”

At naalala niya ang taboo word mula nang makilala niya si Adam.

“I’m so messed up! And now. . . I’m going to jail!” Pumalahaw siya ng iyak. “It’s the end of my life!” #

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Ylena
ang "familiar" na nung dalawa ...
goodnovel comment avatar
Ri Gales
Hahaha I miss crazy erin but this really hurts ahh kahit nakakatuwa in some ways. Gigil padin ako kay Adrian.
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status