Share

Chapter 5

Chapter 5

“AKO NGA. May problema ka?” wala mang ekspresyon ang mukha ngunit mahihimigan naman ang yabang sa boses ng lalaki. 

Napayukom ng mga kamay si Eleanor bago sila kapwa nagtagisan ng tingin. 

Hindi niya alam kung bakit simula palang ay tila may tinatago na agad na galit sa kaniya ang lalaki kahit dalawang beses pa lamang silang nagkikita. Hindi niya maintindihan ang ugali nito at wala rin naman siyang balak intindihin pa.

Tuloy ay unti unti niya nang naiisip na masasama lahat ng lalaki dahil lahat ng nakikilala niya ay ganoon ang trato sa kaniya.

“Op! Tama na iyan! Hindi kayo dapat mag away.” Singit ng matanda. Tumingin ito sa lalaki sa paraang may nagbabantang tingin. Bahagyang napanguso ang lalaki bago nag iwas ng tingin. Inilipat naman ng matanda ang tingin kay Eleanor.

“Pasensiya kana hija dito sa apo ko. Wala pa kasi itong nagiging matinong girlfriend kaya ganito ang ugali.”

“Grandma?!” iritadong sabi ng lalaki ngunit tinalikuran laman siya ng matanda bago iginayang muli si Eleanor papunta naman sa dining hall.

“Mabuti pa sa hapag na natin ipagpatuloy ang pag uusap na ito dahil sigurado akong gutom kana.”

Isang sulyap pa muna ang ginawa ni Eleanor sa lalaki, na matalim naman siyang tinignan. Iniiwas niya na lang ang tingin at tumango sa matanda bago sumunod dito.

Nakaramdam nga ng pagkagutom si Eleanor nang makakita ng mga pagkain. Iba't ibang putahe ang nandoon bago ang ilang mga tipikal na pagkain tuwing almusal. Nagtagal ang tingin niya sa mga iyon nang maalala ang ginagawang pangbabastos ng kaniyang mga biyenan at mga anak nito sa pagkaing hinahain niya. 

Naibaba niya ang kubyertos na hawak at tuluyang nawalan ng ganang kumain.

“Wala kabang nagugustuhan hija? May gusto kabang ipagrequest?” Tanong ng matanda para bumalik siya sa kaniyang wisyo. Ngumiti muli ito sa kaniya at iyon na naman ang tila haplos sa dibdib niya na naramdaman niya tuwing nginingitian siya nito. Umiling siya, medyo nakaramdam ng hiya dahil sa inasal.

“Okay lang po. Hindi pa naman po ako gutom.” Pagsisinungaling niya at pinisil ang mga daliri. Malungkot na ngumiti sa kaniya ang isa. Napatungo siya.

“Ang gusto ko lang po sanang malaman ay kung bakit pinaimbestigahan niyo ako at bakit nandito ako ngayon. Bakit po ako dinala dito ng apo niyo dito? At kailan niya po ako dinala dito?”

Sopistikadang sumimsim ang matanda sa tasa na sinalinan ng tsaa ng serbidora. Nagpasalamat ang matanda doon bago bumaling muli sa kaniya. 

“Alam kong mali ang ginawa ko sa pag iimbestiga kaya pagpasensiyahan mo sana ako hija. Nag aalala lang talaga ako sayo. Nang nakita ka namin sa unang beses ay tila wala ka sa sarili kaya naman upang masigurong makakauwi ka nang ligtas ay pinasundan kita sa apo ko. At…hindi ko namang akalaing ganoon na pala kabigat ang dinadanas mo sa pamilyang iyon nang dalhin ka dito ni Noah na dumudugo ang ulo at walang malay.”

Napatitig si Eleanor sa matanda, gulat sa narinig. Hindi siya makapaniwalang dumating ang apo nito sa mga oras na iyon. Bahagya siyang nakaramdam ng guilt dahil sa paraan ng pakikitungo niya kanina sa lalaki.

Inabot ng matanda ang kamay niya at mahigpit na hinawakan iyon. Gumapang ang mata ni Eleanor doon.

“Una palang ay alam kong… nasa mahirap kang sitwasyon at nakikita ko sayo ang kalagayan ko noon, hija. Gaya mo ay muntikan na din akong magpakamatay dahil sa sakit. Magkaiba man tayo ng pinagdaan ngunit gaya mo ay nasaktan din ako ng sobra sobra.”

Pumarte ang labi ni Eleanor sa narinig.

“Namatay ang asawa at anak ko sa ilang araw lang ang pagitan at hindi ko kinaya iyon. Kaya naman…makailang beses akong sumubok na tapusin ang buhay kong ito at sumunod sa kanila.”

Mabigat ang dibdib na muli niyang inangat ang tingin sa matanda. Ngayon ay wala na siyang nararamdamang kung anumang paghihinala at hesitasyon dito. Tanging simpatya na lamang ang nararamdaman niya.

“At natatakot akong gawin mo din iyon, hija. Hindi man tayo magkadugo ngunit ayokong pagsisihan mo ang bagay na iyon.”

“Hindi ang pagsuko ang sagot sa mga problema.”

Lumandas ang luha mula sa mga mata niya matapos amrinig iyon. Pinunasan niya agad iyon ngunit muli na namang may bumagsak.

“P-Pasensiya na po…” 

Maliit na umangat ang labi ng matanda. Pinisil nito ang kamay niya at hinaplos iyon. Gaya ng yakap ng matanda kanina ay muli na naman siyang nakaramdam ng kaginhawaan at kakampi.

“Hindi ko man alam ang buong istorya ngunit…huwag mo sanang sayangin ang buhay mo hija sa mga taong hindi karapat dapat.”

Malabo man ang paningin ay nagtagal ang tingin niya dito. 

Simula pa noon ay walang taong sumuporta at dumamay kay Eleanor sa mga problema niya at hinanakit. Dahil simula pa naman noon ay wala din siyang naging kaibigan at tanging ang asawang si Herbert lamang ang taong naging malapit sa kaniya. Kaya naman ngayong mayroong taong sinsero at totoo siyang pinapayuhan at dinadamayan ay hindi niya maiwasang maging emosyonal.

“Tutulungan kita hija na makabangong muli.” Nagpaulit ulit ang mga salitang iyon ng matanda sa tenga ni Eleanor. 

Matapos ang breakfast kasama ang matanda ay nagpaalam na siya dito. Pinigilan man siya ng matanda ngunit ayaw niya ng mang abala pa. Ipinangakuan niya naman itong pag iisipan niya ang payo nito bago niya nilisan ang mansion. Hindi niya na muna hinanap at kinausap ang apo nito, wala pa siyang lakas ng loob magpasalamat dito.

Tinignan ni Eleanor ang mga pasa sa braso niya at binti na hindi matakluban ng damit niya.

Isa lang ang nasa utak niya habang nasa byahe pabalik ng bahay ng mga Jimenez. Susubukan niya muli ang asawa niyang si Herbert. At kung ayaw na talaga nito ay aalis na siya. Masakit man para sa parte niyang magpaubaya ngunit kaniya na lamang iyong tatanggapin. Kahit na alam niyang mahihirapan siyang makabangon at makalimot.

Magdadasal na lamang siyang maghilom iyon at dumating ang araw na matuto siyang patawarin ang mga ito.

Iyon ang matigas na desisyon niya. Ngunit nang makita ang asawa niyang kahalikan ang kabit nito, bago pa man siya makatuloy ng bahay ay tila apoy na muling nagbaga at sumiklab ang panghihinayang at galit niya. Masayang masaya ang dalawa lalo na ang asawa niyang hinahaplos pa ang tiyan ng babae kahit wala pa namang bukol iyon. 

Naalala niya bigla ang kanilang anak. Naghihinayang siya ngunit kapag naiisip niya ang mga sakit na naranasan niya, ang pag iyak mag isa, ang pagtitiis at ang pagmamakaawa, nawawala ang panghihinayang at napapalitan ng galit.

Napapikit siya nang mariin bago tinalikuran ang mga ito. Tumiim bagang siya habang lumuluha. Mabilis nga lamang siyang nagtago sa sasakyan na nakaparada sa gilid nang makita ang pagdating ng kaniyang mga biyenan at ang kambal nitong anak. Pinanood niya ang pagbati ng mga ito kay Herbert at kay Clarisse na tila ang mga ito ang tunay na mag asawa.

Bago pa siya makapag isip, dahil sa galit ay lumabas siya at sumugod sa mga ito. Napatingin ang mga ito sa kaniya na may gulat at putla ang mga mukha. Ngunit si Eleanor ay nakatutok lamang ang mata sa kabit ng asawa niya. Gigil na gigil siya at handang handa siyang manakit.

Tinakbo niya ang distansiya. Sumigaw ang lahat, lalo na ang asawa niya matapos niyang walang pakundangang itulak si Clarisse na noo'y hindi naman nakakilos agad. Natumba ang babae sa sahig at sa isang kislap lang ag nakita ni Eleanor ang dugong lumandas papunta sa binti nito hanggang sa sahig.

“What are you doing, Eleanor?!” tinulak siya nang asawa niya. Ngunit mabilis siyang nakabangon at matigas na tumayo sa harapan nito bago malakas na sinampal ito sa mukha.

“Hindi kayo nararapat magka anak!” sigaw niya.

Ngumisi siya bago binalingan ang nanlalamig at putlang mukha naman ng kaniyang biyenan.

“Hindi ba ganiyan din ang ginawa mo noong nagbubuntis ako?! Bakit hindi ka humalakhak ngayon at magdiwang muli?” sigaw niya naman dito sa malakas at dumadagundong na galit.

Parang bulang nawala ang mga iyon nnag makarinig siya ng boses mula sa likuran niya.

“Are you intend to just cry like a child? At panoorin lang sila?” 

Bumalik si Eleanor sa wisyo at natapos ang madilim niyang imahinasyon. Walang emosyon niyang pinunasan ang pisnge habang natatanawan parin ang masayang pamilya na kailanman ay hindi siya tinanggap at pinahalagahan, di gaya ng sa kaniya, na buong pusong minahal ang mga ito hanggang sa maubos na lamang siya.

“Bakit mo ko sinundan?” tanong niya bago nilingon si Noah na nakasandal sa gray na kotse habang magkakrus ang mga braso. 

Pormal at nakakaintimidate ang lalaki sa suot nitong itim na tailored suit. 

“Hindi mo na ako kailangang sundan pa dito. Hindi na mauulit ang nangyari noong nkaraan.” Dagdag niya.

Tumuwid ng tayo ang lalaki bago lumapit sa kaniya. Tila nang iinsulto siya nitong tinignan mula sa maliit na distansiya. Sa taas nito ay napatingala si Eleanor at ginantihan ang madilim nitong tingin sa kaniyang wala namang emosyong mga mata.

Dahan dahang kumurba ang gilid ng labi ni Noah na bahagyang ikinagulat niya. Hindi agad siya nakabawi lalo na nang tumungo ito at inilapit ang mukha sa kaniya. Tinitigan siya nito bago sinulyapan ang nasa di kaluyuan mula sa gilid niya.

“What a nice view. Asawa mong estupido at ang kabit nitong manloloko. Great combination.” Anito bago binalikan siya nang tingin gamit ang mga mata nitong tila dagat ang kulay. Saglit na kumunot ang noo ni Eleanor sa narinig. 

“While the legal wife is here, peeking and crying pitifully.”

Sa inis ni Eleanor ay tinulak niya ito. Tamad namang umatras si Noah bago siya pinagtaasan ng kilay nito.

“Ano bang kailangan mo?” inis na untag ni Eleanor. “Kung mangiinsulto ka lamang din ay umalis kana. Wala akong ganang makinig pa sayo.” Mangiyak ngiyak niyang sabi bago inalis ang mga mata dito. Aalis na lang sana siya, nang higitin siya nito pabalik. Parang isang spring siyang napabalik sa kinatatayuan. Napasubsob siya sa katawan ni Noah. Agad siyang inatake ng amoy nito. Pilit man niyang balewalain ngunit mahirap iyon sa ganoong kalapit nilang distansiya.

Sa ikalawang beses ay muli niyang itinulak ito. “Ano bang problema mo?”

Umismid si Noah. “Ano? Hahayaan mo na lamang silang maging masaya? Habang ikaw umiiyak na lang? Kung ganon nga ay hindi na ako nagtataka kung bakit pinagpalit ka ng asawa mo—”

Lumagapak ang kamay niya sa mukha nito bago pa ito makatapos sa sasabihin.

Nag iinit na naman ang sulok ng mga mata ni Eleanor bago siya galit at mariing sinagot ito. “Wala kang karapatang sabihin sakin iyan dahil hindi mo alam ang nararamdaman ko! Hindi ikaw ang niloko! Wala ka sa sitwasyon ko ngayon!” Mabilis niyang pinasadahan ng kamay ang mata para pahiran iyon.

“Wala kang alam kung gaano ako nasasaktan ngayon! Hindi mo alam kung gaano ako nagtiis! Wala kang alam sa kung…” pinukpok niya ang dibdib habang nananatili ang mata sa lalaki na nakatitig lang sa kaniya.

“…kung gaano kasakit makitang may iba ng mahal ang asawa mo at may anak pa! Wala kang alam sa lahat ng sakit na nararamdaman ko ngayon!”

Dahan dahang napaupo siya. She covered her face with her palms bago humahagulgol na nagsalitang muli. 

“Gusto ko na lamang maglaho para mawala na rin itong nararamdaman ko at upang makasama ko na ang anak ko!”

Umiyak siya nang umiyak. Wala na siyang pakealam kung anong itsura niya at kung kaawa awa man siya sa mata ni Noah. Gusto niya na lamang ibuhos lahat ng sakit na nararamdaman niya sa pag iyak hanggang sa maging manhid ang pakiramdam niya.

Pinanood ni Noah ang pag iyak ni Eleanor. Nakaramdam na naman siya ng asawa para dito at galit para sa asawa nito at sa pamilya nito. Napabuntong hininga siya bago bumaba at lumebel kay Eleanor.

“Kung ganoon wag mong hayaang manatili kang ganiyan. Huwag mong ipakitang talunan ka. Huwag mong hayaang maging masaya sila at ikaw ay hindi. Gantihan mo sila, Eleanor.” 

Nagmulat si Eleanor bago inalis ang mga kamay sa mukha. Malabo ang mga mata niya ngunit unti unti iyong luminaw nang ipaglandas ng lalaki ang daliri nito sa gilid ng mga mata niya upang punasan iyon.

“I will help you, Eleanor.”

Hindi agad rumehistro ang mga sinasabi nito kay Eleanor. Tinitigan niya ang lalaki at ganun din naman ang isa sa kaniya.

Matigas man ang anyo ng lalaki pero sa kauna unahang beses ay nakakita siya ng lambot sa mga mata nito at hindi niya mapaniwalaan iyon. Tila ibang lalaki na ng kaharap niya.

“Bakit…” buka niya sa bibig sa mahinang boses. “Bakit gusto mo akong tulungan? Bakit ginagawa mo ito?”

Isang beses pang pinadaan ng lalaki ang daliri sa basang pisnge ni Eleanor bago sinagot ang tanong nito.

“Dahil may dahilan din ako para paghigantihan ang pamilyang iyan, Eleanor. Kaya magtulungan tayong dalawa.”

Pinisil ni Eleanor ang daliri. Binalikan niya ng tingin ang kaninang pinapanood. Ilang segundong nanatili ang paningin niya sa mga ito bago binalingang muli si Noah.

Tumango siya ng isang beses. “Anong plano mo?”

Kumibot ang labi ng lalaki bago unti unting ngumisi. Tumayo ito at naglahad ng kamay sa kaniya. 

“Come with me.” Sagot ni Noah sa matigas na accent.

Suminghot si Eleanor at tinignan ang kamay nito bago ang mukha nito. Hindi niya alam kung bakit tila nag iba ito ng ugali ngunit hindi na iyon mahalaga. Inilagay niya ang kamay sa lalaki. Lumawak ang ngisi nito bago siya tinulungang makatayo. 

Hindi siya sigurado sa gagawin niya at sa kakalabasan ngunit determinado na siyang maghiganti. Tama ang lalaki at ang lola nito. Hindi dapat siya manatiling mahina at iyakin. Kailangan niyang gumawa ng paraan para bumangon, para sa sarili niya.

“This will be fun.” Ani ni Noah sa kaniya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status