Share

Chapter 6

MARIING binasa ni Herbert ang pirma ni Eleanor sa kanilang divorced paper. Hindi niya alam kung bakit imbes na masiyahan ay tila may pait siyang nararamdaman dahil doon. 

Matapos ang nangyaring pagdating ni Noah Madrigal ay hindi niya na nahabol pa ito at ang asawa niya. Pinigilan din siya ng kaniyang ina at ni Clarisse para gawin iyon. 

Hindi niya maintindihan kung anong koneksyon ng dalawa. Wala siyang maalalang magkakilala ang dalawa kaya nagtataka siya kung paano at bakit kinuha ng lalaki ang asawa niya. Palaisipan sa kaniya ang nangyaring iyon.

Wala namang telepono si Eleanor para sana matawagan niya kaya naman naisipan niyang puntahan na lang ito sa mansion ng mga Madrigal. Asawa pa rin niya ito at nag aalala siya kahit papano dahil nakita niya kung paano ito nawalan ng malay habang dumudugo ang ulo. Gusto niyang malaman kung ano na ang kalagayan nito. Pero ang higit ay kailangan niyang malaman kung bakit dinala ito nang kaniyang katunggali noon pa man na si Noah Madrigal.

Ngunit nang dumating siya sa mansion ng mga ito ay pinaalis lamang siya ng mga gwardiya doon na tila asong tinaboy. Kaya naman nang bumalik siya sa mansion ay nanggagalaiti siya. 

Matagal nang may alitan ang pamilya nila at ng mga Madrigal ngunit hindi niya akalaing ipagdadamot ng mga ito na makita niya ang kaniyang sariling asawa.

“Sinabi ko naman kasi sayong hayaan mo na ang babaeng iyon, Herbert. Hayaan mo na siya doon sa Madrigal na iyon. Hindi mo ba napansin? Mukhang may relasyon ang dalawang iyon--” Ani ng kaniyang ina, na siyang nagpakita ng divorced paper sa kaniya.

Inis siyang bumaling dito at hindi ito pinatapos sa pagsasalita. “Tumahimik ka nga ma! Hindi ganun si Eleanor. At hindi ko pa nakakalimutan ang ginawa niyo sa kaniya!”

Umirap ito sa kaniya. 

Hindi naman lingid sa kaniya na hindi magkasundo ang kaniyang pamilya at si Eleanor, lalo na ang ina niya. Ngunit hindi niya naman akalaing pisikal na sinasaktan pala ng mga ito si Eleanor. At dahil nga sa kaniyang pagiging walang alam ay pinaniwalaan niya ang mga ito na wala silang ginawa kay Eleanor. Ngunit nang panoorin niya ang cctv ay nakita niya ang katotohanan mula doon. Nakita niya ang ginawang pagtulak at pagsabunot ng kaniyang ina kay Eleanor. Maging ang pagtapon nito at ng kaniyang dalawang kapatid sa mga gamit ni Eleanor bago pa man ang pagdating niya at ni Noah Madrigal.

Ngayon ay naiintindihan niya na kung bakit malimit niyang makitang may pasa ang babae noon. Buong akala niya kasi ay lampa lamang talaga ito. Bigla na naman siyang nakaramdam ng konsensiya.

“Huwag mong sabihing mahal mo parin ang babaeng iyon kuya Herbert?” tanong ni Shiela.

Natigilan si Herbert at napamaang sa tanong ng kapatid. 

“Of course not, Shiela. Hindi na mahal ni Herbert ang babaeng iyon. Right, Herbert?” malambing na tanong ni Clarisse na tumayo at lumapit sa kaniya.

Matamis siyang nginitian nito bago hinaplos ang mukha niya hanggang sa iangkla na ang mga braso sa kaniyang balikat.

Napalunok si Herbert bago mabagal na tinanguan ito, nahihipnotismo sa mukha ng babae.

Maganda si Clarisse. Sobrang ganda. Mayroon itong singkiting mga mata, matangos na ilong at mapulang- mapulang labi. Sa madaling salita ay tila isang koreana kahit na purong pilipino. At higit pa ngang lumalitaw ang ganda nito kapag may kolorete ang mukha. Ngunit bukod sa maganda nitong mukha ay mayroon din itong kaakit akit na katawan. Maganda ang kurba niyon at may malulusog na dibdib at likuran.

Kaya naman noong unang beses niya itong nakita ay nabihag na agad siya sa ganda nito. Pinilit niya  lamang ang sariling huwag itong lalong magustuhan dahil may asawa na siya. Kaya naman hindi niya halos mapaniwalaan nang magtapat ito sa kaniya. Dahil bukod nga sa full package na ang babae ay anak pa ito ng kanilang managing director. 

Kaya naman nang magtapat ito, hindi na rin siya nagpaligo ligoy pa. Ipinagtapat niya na rin ang totoo dito, na nagugustuhan niya na rin ito. Kahit pa na sa mata ng diyos at ng lahat ay kasalanan iyon.

Tago lang ang relasyon nila noong una, dahil na rin sa hiling niyang itago muna iyon. Ngunit kahit anong tago niya ay nalaman iyon ng kaniyang pamilya. Ngunit imbes na magalit ay natuwa pa ang mga ito para sa kanila, lalo na nang malamang nabuntis niya si Clarisse.

“O-Of course, hindi ko na mahal si Eleanor, Clarisse. Ikaw na ang mahal ko ngunit asawa ko parin siya at—”

Ngumiwi ito sa kaniya bago kinuha ang papel mula sa kamay niya at iniharap iyon sa mukha niya.

“Ano ba ang tawag dito, Herbert? Divorced paper, right? Hiwalay na kayo. Meaning hindi na kayo mag asawa.” Ani Clarisse sa iritadong boses.

“Tama si Clarisse, hijo. Paniguradong inakit din naman ng babeng iyon ang Madrigal na iyon kaya quits lang kayo." Dugtong ng kaniyang ina. Sasagot sana siya at papalabuanan muli iyon nang makita niya ang pagkunot pa lalo ng noo ni Clarisse matapos ang narinig. Nagtagal ang mata ni Herbert sa babae dahil sa nakitang reaksiyon nito. 

“Imbes na alalahanin mo pa ang babaeng iyon. We should celebrate! Malaya kana at bukod doon, magkakaapo na ako!” 

Sinegundahan naman ito ng kambal na tuwang tuwa din. Ang kaniyang ama naman ay umiinom lang ng wine sa sofa ngunit sigurado siyang natutuwa din ito dahil magkakaanak na siya, na matagal nang hinihiling sa kaniya ng kaniyang ama.

Dumapo ang mata ni Herbert sa tiyan ni Clarisse na hindi pa bumubukol. Unti unti siyang napangiti. Naisip niyang tama ang mga ito. Hindi niya na dapat pang iniisip si Eleanor. Hindi na sila mag asawa. Wala na siyang responsibilid sa babae. Ang makaramdam ng konsensiya ay hindi niya na rin dapat pang maramdaman dahil mukhang niloko din naman siya nito para kay Noah Madrigal.

Ang dapat niya na lang pagpokusan ay si Clarisse at ang magiging anak nila. 

Gumanti ng ngiti si Clarisse sa kaniya bago siya hinalikan sa labi. "You will be a father soon, Herbert.” She whispered on him like a cursed.

MABILIS na lumipas ang mga araw. Matapos lamang ang dalawang buwan ay nagpakasal ang dalawa sa simbahan. Ipinakasal na agad sila ng mahigpit na ama ni Clarisse dahil nalaman nitong nagdadalang tao ang babae. Pumabor naman iyon sa pamilya Jimenez dahil gusto rin nilang matakluban na ang isyung kumakalat tungkol sa panloloko at pambabae ni Herbert.

Nagpalakpakan ang lahat habang pinapanood ang paghahalikan ng dalawa sa harapan. Masaya ang lahat at walang naghahangad na tumutol. 

Ang mga bisita noon sa unang kasal ni Herbert ay mga nakangiti na ngayon, hindi tulad noon na may halong dismaya at pagkontra para kay Eleanor.

Ngayon ay tila nakalimutan na ng lahat ang unang asawa ni Herbert na si Eleanor. Tila bulang naglaho ang alaala nito sa lahat.

Ngunit hindi para kay Eleanor. Hindi siya makakalimot at hindi siya magpapatawad. 

Tila asido para sa kaniya ang natatanawan na tila gumuguhit din sa kaniyang lalamunan papunta sa kaniyang dibdib. Pinanood at pinakinggan niya mula sa likuran ang pagbitaw na naman ng pangako ng kaniyang dating asawa. Hindi rin siya kumurap nang halikan nito ang babae, gaya nang ginawa sa kaniya nito noon.

Gusto niyang tawanan iyon. Ngunit mas higit niyang gustong magwala. Gusto niyang ipagsigawan sa lahat ang lahat ng galit niya ngunit kailangan niyang sundin ang paalala sa kaniya ni Noah, na huwag manggulo sa kasal. Pinagbigyan siya nitong pumunta doon sa pangakong wala siyang gagawin kung hindi ang manood lang. 

Malalim siyang bumuntong hininga at lumabas na bago pa man lumabas ang bagong kasal. Nabunggo nga lamang siya ng kaniyang dating biyenan. Muntikan nang mahulog ang shades niyang suot kung hindi niya agad nasalo iyon. Nanginig ang mga kamay niya nang makita sa malapitan ang biyenang mayroong makapal na make-up ang mukha upang magmukhang bata.

Pailalim siyang nitong tinignan, mula ulo hanggang paa. 

“Sino ka? Hindi yata kita kilala?"

Isang talbog ang narinig niya sa dibdib. Napahinga lamang siya nang tawagin ito ng kaniyang mga malditang anak para magpa picture. Bago pa man ito muling humarap sa kaniya ay mabilis na siyang umalis doon. Sumakay agad siya sa naghihintay na sasakyan sa kaniya.

Kabado siya ngunit mas lamang parin ang panginginig sa galit. Gusto niyang magpakilala sa biyenan kanina at sumbatan ito ngunit pinigilan niya lamang ang sarili. Kailangang maglaho siya sa isip ng mga ito hanggang sa pagbabalik niya.

“Ma'am si sir Noah po.” Ani ng driver pagkapasok niya. Inabot nito sa kaniya ang cellphone nito. Ilang beses pa muna siyang huminga at nagpakalma ng sarili bago tinanggal ang suot na shades at face mask. Kinuha niya ang cellphone at sinagot.

“Your flight is on twenty minutes! Nasaan kana ba? Huwag mong sabihing nagbago na ang isip mo?!” mahihimigan ang pagkainis sa boses ni Noah.

“Pasensiya na…uh, papunta na ako.” Maliit na boses na sagot naman ni Eleanor at bahagyang inilayo ang cellphone sa tainga niya dahil sa lakas ng boses ng lalaki.

Tumahimik ang kabilang linya, kasunod nang pag andar nang sasakyan. Akala niya ay pinatayan na siya ng cellphone ni Noah, nang bigla itong muling magsalita.

“Five years kang mags-stay at mag aaral sa US. Kung ayaw mo ay sabihin mo na agad. Ayokong magsayang ng oras sayo.” Hamon ni Noah sa kaniya.

Napapikit si Eleanor. Nakailang beses na siya nitong tinanong niyon at naiirita na siya. 

Hindi parin sila magkasundo ni Noah. Akala niya mangyayari iyon simula noong tanggapin niya ang plano nitong paghihiganti sa mga Jimenez. Ngunit sa dalawang buwan na pagtira niya sa mansion ay pinapahirapan siya nito. Bukod doon, lalo pa yatang uminit ang ulo nito sa kaniya. Kung hindi nga lang sa bait ng lola nito ay baka nilayasan niya na lang ito.

“Baka ikaw ang gusto ng sumuko sakin?” sarkastikong sagot pabalik ni Eleanor. For the first time ay nasagot niya ito ng pabalang dahil sa nadaragdagang pagkairita mula dito at sa kaniyang asawa. Natuptop niya ang bibig pagkatapos. Akala niya magagalit ang isa ngunit tumawa ito na siya namang bahagya niyang ikinagulat.

She gritted her teeth, nang mapansing mukhang natutuwa lamang ang lalaki sa kaniya kapag nagagalit siya.

“Fine, get yourself here in ten minutes. Malayo pa ang magiging byahe natin.” Makahulugang sabi ni Noah.

Tumingin si Eleanor sa labas ng bintana. Papalayo na siya sa simbahan at kitang kita niya ang pagbubukas ng mga payong ng mga nandoon. Kanina pang madilim ang langit at sa isang kurap, kasabay nang paglabas ng ikinasal, ay bumuhos ang ulan.

Natawa siya dahil tila ayaw ng panahon sa dalawa. Nawala lang ang kurba ng labi niya nang malawa na ang mga iyon sa paningin niya. Nagtagal na lamang ang mga mata niya sa malakas na ulan, na tila pinapakita ang masidhi niyang galit at puot na nararamdaman.

"Eleanor!" iritadong tawag sa kaniya ni Noah.

Napakagat siya sa labi bago inalis ang tingin sa labas at dumiretso ng tingin sa harapan. Para sa kaniya, gaya ng ulan ay sisiguraduhin niyang, parang bagyo din niyang ibubuhos ang lahat ng inipong galit sa dibdib sa kaniyang pagbabalik.

“Sige.” maikling tugon niya.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status