Share

CHAPTER 01

Hindi ko na mabilang kung nakailang beses na akong nagmura sa isip ko habang nakatayo sa waiting shed at naghihintay ng masasakyan papasok sa trabaho. Alas singko nang madaling araw, gumigising na ako para ipaghanda ang sarili ko. Mga ala-sais y medya, aalis na ako ng bahay para magtungo sa waiting shed at maghintay ng masasakyan pero alas siyete na, nakatayo pa rin ako sa gilid ng kalsada kasama ang mga kagaya kong commuters na nakikipagunahan sa pagsakay sa bawat humihintong sasakyan. Karamihan ay mga estudyante ang kasama ko at handa silang makipagbunguan sa kahit na sino makapasok lang sa loob ng sasakyan. 

Tumingin ako sa suot kong relos, alas-siyete mahigit na pero puñeta, wala pa rin akong masakyan! 

" Hayaan na ang jeep! " Napalingon ako sa kaliwa ko nang marinig ang sigaw ng isang barker. Naging alerto agad ang mga kasama ko habang papalapit ang jeep sa gawi namin at hindi pa man ito humihinto, nag una-unahan na ang mga tao sa gilid ko para sumakay sa jeep. Kahit anong sita ng barker, walang nakinig sa kaniya dahil sa pagmamadaling makasakay ng mga tao. 

Lumapit ako kaagad sa driver ng jeep nang mapansing pinababa ang ilang nagtangkang sumakay. Puno na ang loob, siksikan na at kitang-kita 'yon sa bintana. " Kuya, baka puwedeng sumabit na lang? Late na po kasi ako trabaho ko.  "

" Naku, hindi 'yon puwede. Masisita tayo. " anito bago unti-unting paandarin ang jeep kaya wala na akong nagawa kung hindi ang umatras at magpakawala nang isang malalim na buntong hininga. Lunes na lunes, hindi ako puwedeng ma-late. Dapat siguro sa susunod, alas-singko pa lang ay nakaalis na ako saamin nang hindi ako na s-stress nang ganito! 

" Halika na, mag-bus na lang tayo. " Napalingon ako sa dalawang estudyante sa gilid ko na wala pang tatlong segundo ay nakita kong tumatakbo na papunta sa bus na papalapit saamin. Wala na akong pakialam kung may mabunggo akong tao dahil sa pagiging desperado na makasakay. Laking luwag sa dibdib nang makitang may space pa sa likuran kaya dali-dali akong nagpunta roon upang makaupo. Buong akala ko makakapagpahinga na ako nang makitang may kasunod pala akong buntis sa likuran na hindi na makahanap ng mauupan kaya pinili nitong tumayo na lang. 

Tumingin ako sa mga pasahero sa pag-asang may magmamagandang loob na magpaupo sa buntis pero may mga kaniya-kaniya silang sariling mundo hanggang sa umandar ang bus. Hirap itong magbalanse dahil may mga dala itong plastic bag. 

" Miss, dito na po kayo. " Tumayo ako sa kinauupuan ko nang lumingon saakin 'yong babae. Agad naman itong nagpasalamat saakin bago kami nagpalit ng puwesto. Humawak ako sa handle ng bus at inilabas na ang paborito kong wallet na may disenyong pusa upang kuhanin ang eksaktong pera na ibibigay sa konduktor mamaya. Kalahating oras ang byahe papunta sa company kung saan ako nag ta-trabaho bilang isang journalist. Alas-otso ang pasok ko at taimtim akong nananalangin na sana ay mabilis lang ang maging byahe pero mukhang hindi ako nadinig ni Lord dahil naipit ako sa traffic. 

" May aksidente yata sa unahan natin. Sampung minuto na tayong hindi umaabante, " rinig kong sabi ng pasahero na bigla na lang tumayo mula sa pagkakaupo. " Boss, puwede na bang bumaba na? Dito na lang ako at mukhang bukas pa tayo makakausad. Late na ako sa trabaho. "

Nagsitayuan na ang ilan sa mga pasaherong bababa habang ako'y nagdadalawang isip kung susunod na sa kanila dahil kung tatakbuhin ko mula dito sa kinalalagyan namin papunta sa kompanya, nasa kinse minutos rin 'yon. Pero kung mananatili ako sa bus na walang kasiguraduhan kung hanggang kailan aalis, malamang sa malamang ay aabutin ako ng siyam-siyam.

" Miss, may mga bakante ng upuan, oh. Puwede na kayong maupo, " saad ng isang pasahero sa gilid ko. Nakangiti akong nagpasalamat sakaniya pero sa halip na maupo, lumakad na ako palabas ng bus at dali-daling nagtatakbo sa gilid ng kalsada papunta sa kompanya. Mabuti na lang at naka-running shoes ako ngayon kaya komportable ako sa bawat hakbang ng paa ko. Bilang isang journalist, kailangan alerto din ako sa paligid ko dahil maaring may pumukaw sa atensyon ko na maaaring isulat sa news website namin pero sa mga oras na ito, hindi ko na 'yon nagawa dahil sa pagmamadali at pagbabakasakaling makapag login bago mag alas-otso ngunit bigo ako. Twenty minutes akong late, malamang na twenty minutes din akong se-sermonan ng boss ko. Ang saya nito. Napakagandang bungad ng Lunes na'to. 

" Good morning, Zenaida. " Nakangiting bati saakin ng katrabaho ko pagkarating sa workstation, si Terrence Lovato—isa sa mga researchers ng kompanya. Isa rin siyang malapit na kaibigan na tagapakinig sa mga hinanaing ko sa buhay. 

" Sorry, pero walang good sa morning ko, " saad ko saka dumiretso sa cubicle ko at pabagsak na naupo sa swivel chair. Ramdam na ramdam ko ang pawis na mula sa sentido ko pababa sa mukha ko. " Nakaka-stress ang umaga ko. Hindi pa man natatapos ang araw, haggard na ako. Lagkit-lagkit ko na, pesteng 'yan. "

" Punasan mo ang pawis mo. " Inabutan ako ni Terrence ng panyo niya, hindi naman ako nagdalawang isip na kuhanin iyon para punasan ang buong mukha ko pababa sa leeg at batok ko. Malakas ang air-con sa office namin, siguradong sisipunin ako nito kinabukasan. Pabor na rin saakin 'yon nang may dahilan ako para mag absent. 

" Zenaida. " Napalingon ako sa likuran nang marinig ang boses ni Moira Olano—isa ring multimedia journalist kagaya ko. " Pinatatawag ka ni Chief sa loob ng office. Ngayon na raw."

Sa totoo lang, inaasahan ko na 'to pagdating ko, pero hindi ko pa ring maiwasang makaramdam ng inis. Wala pa nga yata sa isang minuto akong nakaupo, tatawagin agad ako ng demanding naming editor-in-chief na pinaglihi sa sama ng loob dahil palaging mainit ang ulo lalo na saakin. 

" Sige, susunod na ako. Salamat, Moi. " Tumayo ako at inayos ang sarili bago ako lumakad patungo sa office room ng aming Chief Editor. Kapag ganitong pangit ang umaga ko, ako na ang umiiwas makipag usap sa mga tao sa paligid ko na maaring mapaglabasan ng inis ko, pero itong boss namin, talagang gumagawa ng paraan para magkaroon ng eksena ngayon sa opisina.

***

" Seryoso ka ba talaga sa trabahong 'to o baka naman naglalaro ka na lang? " Gusto kong itaas ang kaliwang kilay ko sa narinig mula sa aming Chief Editor na may seryosong mukha at matalim na tingin ngayon saakin. " Alam kong isa kang magaling na journalist Miss Zenaida, pero kung laro na lang sayo ang ginagawa mo, mas mabuting umalis ka na ngayon sa kompanya. "

" Mawalang galang na po, pero ano pong problema? Hindi naman yata tama na magbitaw kayo ng ganiyang salita habang wala akong ideya sa kung ano ang dahilan ng galit ninyo? " Nakangiti kong tanong pero sa loob-loob ko, kumukulo na ang dugo ko. Tama ba 'yang approach niya saakin? 

" Wala kang ideya sa ginawa mo? " Kumawala ang sarkastikong tawa mula kay Chief saka nito marahas na iniharap saakin ang computer monitor niya. " Malinaw pa sa sikat ng araw ang pangalan mo rito. Hindi ba't ikaw ang author nitong article na may pamagat na ' Babae Ako, Hindi Babae Lang'?  Ikaw si Zenaida Cabrera, tama ba 'ko? "

Alam ko na pagiging sarkastiko ang pagtatanong niya sa pangalan ko, at kung puwede lang na maging pabalang ang sagot ko,  ginawa ko 'yon ngayon pero kailangan relax lang dahil hindi ko gustong mawalan ng trabaho. 

" Ako nga po, " proud ko pang sambit saka tinapunan ng tingin 'yong screen ng computer monitor na iniharap saakin. Masyado akong malayo mula sa mesa niya kaya hindi ko maaninag nang maayos kung anong gusto niyang ipakita. " Bakit po ba, Chief? Mayroon po ba tayong problema sa article? "

" Bakit hindi ikaw ang tumingin? Lumapit ka, " anito kaya wala akong nagawa kung hindi ang lumapit sa mesa at silipin 'yong naka-display sa screen ng monitor. Noong una ay proud pa ako na walang mali sa article na na-published ko kagabi pero halos lumuwa ang mata ko nang makita kung ano 'yong dahilan ng galit ng boss namin. 

" Sandali, b-bakit ganito 'to? " hindi na ako nakapag-isip nang diretso, basta ko na lang hinablot 'yong mouse ng computer para mai-scroll pababa 'yong website namin pero 'yong article ko lang 'yong may problem sa font na puro symbol ang laman. Sinubukan kong i-refreresh ang website sa pagbabakasakaling bumalik sa mga letters 'yong article pero walang nangyari.

" Alam mo naman ang kaibahan ng Times New Roman sa Wingdings 'di ba? " tila nanunuyang tanong saakin ni Chief. " Anong nangyari at parang nagiging careless ka na sa mga ginagawa mo nitong mga nakaraang araw? "

" Chief, sa tingiin ko may error lang ang website natin. ilang beses ko pong binasa 'yong article na ginawa ko bago ako nag published kagabi, " paliwanag ko saka nag exit sa website at muling nag add ng panibagong tab para bisitahin 'yong article sa website pero ganoon pa rin ang lumalabas. " B-bakit ganoon? Okay naman 'to kagabi, ah. "

" Sigurado ka? " Tinapik niya ang kamay ko sa mouse niya dahilan para bitawan ko ito at bahagyang lumayo sa mesa. Tumingin siya saakin na may halong pagkadismaya. " Miss Zenaida, mayroon tayong freedom of speech pero hindi sa ganitong paraan mo gagamitin 'yon. Kung kalokohan lang naman ang gusto mong isulat, sa social media ka na lang sana nagkalat. "

" Excuse me? " Nagpantig na ang tainga ko sa narinig. " Chief, grabe naman kayo kung makapagsalita. Unang-una, wala po akong alam kung bakit nag puro symbol ang fonts ng aticle ko. Alam ko sa sarili ko na pulido ang gawa ko bago ko siya isinapubliko kagabi. Kung hindi system error, malamang sa malamang ay may sumabutahe sa gawa ko. "

" Bago ka magturo, may ebidensya ka bang maipapakita? "

Pinili kong hindi iyon sagutin dahil kapag nagbitaw ako ng pangalan, malaking gulo ang mangyayari sa pagitan naming dalawa. Hahanap pa ba ako ng ebidensya kung nandito na sa harap ko mismo 'yong taong nasa likod ng pagsira ng article ko.

" Pasensya na po, Chief. Buburahin ko na lang po—"

" Kung kailan madami ng nakakita, saka mo pa naisipang burahin? " tanong nito saka tumayo mula sa pagkakaupo sa swivel chair niya. " Hindi ko alam kung masyado bang naging maluwag sa'yo 'yong company para hindi mo seryosohin ang trabaho mo o talagang laro na lang sa'yo ngayon ang ginagawa mo. Mahusay ka, Miss Zenaida, aaminin ko 'yon, pero sana ay huwag lumaki ang ulo mo sa mga achievement na natatanggap mo. Huwag mong idamay ang company sa kalokohan mo." 

" Chief, seryoso ako sa trabaho ko. Huwag naman kayong humusga agad nang dahil lang sa isang pagkakamali na nagawa ko—

" Isang pagkakamali nga lang ba talaga, Miss Zenaida? "

Napatungo ako upang lihim na paikutin ang mata ko. Malamang gusto niyang isama sa pagkakamali ko 'yong mga typographical error sa bawat article na isinusulat ko. Puñeta, kung hindi lang talaga mataas ang posisyon nito, kanina pa talaga ko nakikipag bardagulan sa kaniya. Sino ba naman kasing matutuwa sa boss na palagi kang pinag-iinitan sa trabaho? Palagi siyang may komento sa lahat ng bagay at imposibleng hindi kami magtalo sa isang araw dahil siya ang palaging naghahanap ng gulo. Limang taon lang naman ang tanda niya saaakin pero kung makapagsalita 'to minsan, akala mo napakarami na niyang karanasan sa buhay.

" I'm sorry, Chief. Hayaan niyong ayusin ko po 'to ngayon..." hindi na ako nag abalang pahabain ang paghingi ko ng pasensya dahil hindi naman 'to bukal sa loob ko. Bakit ako mag so-sorry kung alam ko sa sarili kong wala akong kasalanan? Almost six years na ako dito sa kompanya, habang siya ay four years pa lang. Confindent ako sa ginagawa ko at kung magkaroon man ako ng pagkakamali, minor lang, hindi kagaya ng binibintang niya ngayon saakin.

" Sige, makakalabas ka na, " rinig ko kaya agad akong tumalikod at nakahanda na sanang buksan ang pinto nang marinig ko ulit siyang magsalita. " Email mo saakin bago mo i-publish ulit sa website. Baka mamaya, resignation letter ang i-post mo. "

Mabilis akong lumingon at ngumiti nang hilaw sa kaniya. " Don't worry, Chief, hinding-hindi 'yong mangyayari. "

" We'll see, Miss Zenaida. " Nakangising paghahamon niya na sa wakas, lumabas rin ang totoong dahilan kung bakit palagi kaming nagbabangayan. 

Alam kong gusto niya akong umalis sa kompanya at wala naman akong magagawa doon dahil siya ang tagapagmana. Iyon nga lang, mismong kompanya ay hindi ako kayang bitawan dahil isa ako sa mga kilalang journalist sa bansa. Hindi ko rin naman gustong umalis dahil mahal ko ang trabaho ko, kaya gumagawa siya ng paraan para ako mismo ang mag resign sa trabaho. Sadyang insecure at bugnutin lang talaga ang Executive Editor at ang successor ng kompanya na si Joaquin Delgado. Siya ang anak ng CEO and President ng Updated kung saan ako nagta-trabaho. Isa sa dahilan kung bakit kami laging nagtatalo ay dahil sa magkaiba naming opinyon. Madalas kaming hindi nagkakasundo at kahit sa maliliit na bagay, palagi siyang may komento.

Minsan nga napapaisip ako na talaga bang bully 'to o baka type lang ako ng isang 'to? 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status