Share

CHAPTER 03

" Ate, wala kang pasok ngayon? " tanong ni Zachary nang magkasalubong kami sa kusina. " Alas-otso ang pasok mo 'di ba? Mag a-alas siyete na. "

" A-absent ako, " tipid kong sagot saka kumuha ng tasa para lagyan ng kape at asukal. " May mainit pa bang tubig? "

" Wala na, teka magpapakulo ako. " Kinuha ni Zachary 'yong takure sa loob ng cabinet para lagyan ito ng tubig. " Himala at a-absent ka, ate? Kapag masama nga pakiramdam mo, pinipilit mo pa sarili mong pumasok. Ngayon, mukhang okay ka naman. So, bakit a-absent ka? "

Tumingin ako sa paligid bago ako mag desisyong sagutin ang tanong ng kapatid ko. " Ikaw ba, papasok ka pa rin kung binuhusan mo ng maiinom 'yong professor mo? "

Nanlaki ang mata nito saka dali-daling nilagay sa kalan ang takure bago ako lapitan. " Ate, sino ang binuhsan mo? Boss niyo? "

" Huwag kang maingay. " Pinandilatan ko siya ng mata dahil baka marinig siya nila Mama. " Oo, ginawa ko 'yon kagabi.  Buwisit, eh. Rinding-rindi na ako sa ugali niya. Daig pa ang manok, putak nang putak. "

" Palagi namang mainit ang dugo mo roon,  'di ba? Bakit? Sinagad na ba ang pasensya mo kagabi? " usisa ni Zachary. " Tinanggal ka na ba sa trabaho kaya hindi ka papasok ngayon? "

" Wala pa akong natatanggap na text or email galing sa HR. Baka mamaya pa dumating 'yon. " Napabuga ako sa hangin saka humalumbaba sa mesa. " Kailangan ko ng humanap ulit ng trabaho. Ayokong mabulok sa bahay."

" Mag vlog ka na lang ate. Balita ko malaki ang kita sa ganoon, " suhestiyon ni Zachary. " Gawa ka ng prank, tapos scripted na lang kasi baka atakihin sina Mama dahil masyadong nerbyosa. "

" Lubayan mo nga ako, Zach. Ikaw ba, ba't nandito ka pa? HIndi ba maaga pasok mo ngayon? "

" Alas nuebe ang pasok ko. Ala sais y medya pa lang, " anito saka nagkamot ng batok. Mayroon siyang tingin na parang may gustong sabihin saakin pero pinangungunahan ng hiya. " Ate...ano..."

" Ano? Magkano kailangan mo? " tanong ko kaagad dahilan para umaliwalas ang mukha niya.

" Dalawang daan sana, ate. Mayroon kasi kaming kailang bilhing material para sa project namin. Next week na ang pasahan kaya dapat matapos na rin namin siya ngayon. "

Napabuga na lamang ako sa hangin bago tumayo at pumasok ng kuwarto ko para kuhanin ang wallet ko. Magastos talaga kapag architect student, kaya hindi rin ako puwedeng walang pagkakitaan hangga't hindi nakaka-graduate ang kapatid ko. Ako ang nagpapa-aral sa bunso namin kaya kapag nawalan ako ng trabaho, posibleng tumigil siya sa pag-aaral na hindi ko naman papayagan. Graduating na si Zachary, kaunting kembot na lang, dalawa na kaming magtataguyod dito sa bahay. Si Papa, matagal ng retired sa trabaho at 'yong buwan-buwan na benipisyo lang ang inaasahan niya para maibili siya ng mga maintenance niya. Si Mama, palagi ng dinadaing ang balakang kaya hindi rin siya puwedeng magkikilos.

" Oh, ito na. Dinagdagan ko at baka kulangin ka. " Inabot ko 'yong pera kay Zachary na naabutan kong nilalagyan ng tubig na mainit 'yong tasa ko. 

" Salamat ate! The best ka talaga! Sa lahat ng ate, ikaw ang pinakamabait! " anito saka kinuha ang pera saakin at inipit sa baywang ng short niya. " Ito na ate, uminom ka na ng kape. May pandesal at itlog pa dito. Gusto mo? "

" Anong nakain ng isa diyan at parang maamong tupa kung umasta? " Napalingon ako sa likuran nang marinig ang boses ni ate Zekainah. Bitbit nito ang anak na pinaarawan sa labas. 

" Wala, hindi ka kasali dito. Hindi ka naman mabait, " ani Zachary saka inabot saakin ang plato na may pandesal at piniritong itlog. " Kain ka na ate. Magpakabusog ka para magkalaman-laman ka naman. "

Pinanlakihan ko siya agad ng mata. " Hoy, anong ibig mong sabihin diyan sa sinabi mo? Baka gusto mong bawiin ko ang ibinigay ko sa'yo?! " 

" Hindi kita inaasar. Concern lang ako sa'yo, ate. Ang init agad ng ulo mo. Relax lang. Huwag mo ibubuhos saakin 'yang kape, " hindi ko alam kung nang-aasar ba si Zachary pero nang akma ko siyang lalapitan, kumaripas siya ng takbo papasok sa kuwatro niya.

" Zenaida, wala ka bang pasok ngayon? " Napatingin ako kay ate Zekainah na naupo sa silyang na sa gilid ko. " Anong oras na, oh. Dapat nakaalis ka na nang ganitong oras, 'di ba? "

Binaba ko ang tingin sa kape ko at hinalo-halo gamit ang kutsarita. Hindi ko alam kung dapat kong sabihin sa kaniya ang nangyari kagabi dahil pagagalitan lang naman niya ako. Hindi siya kagaya ni Zachary na puwedeng patahimikin kapag sinuhulan.

" Alam mo kasi, ate..." bago ko pa man matuloy ang sasabihin ko, nag-ring ang cellphone ko na nasa ibabaw ng mesa. Nakita ko ang pangalan ni Terrence kaya bigla akong kinabahan. Hindi kaya nakarating sa kanila ang ginawa ko kay Chief kagabi? Kumalat na kaya 'yon sa office? 

" Hindi mo sasagutin? " tanong ni ate Zekainah kaya agad kong kinuha ang cellphone ko sa mesa at tumayo. 

" Excuse me, sagutin ko lang 'to saglit, " paalam ko kay ate saka lumayo sa mesa bago sagutin ang tawag. " Hello, Terrence? "

" Hi, nasaan ka na? " tanong nito sa kabilang linya. " Malapit ka na ba o malayo ka pa? "

Napakamot ako sa ulo. " Ang totoo niyan, nandito pa ako saamin—"

" Okay, huwag ka na umalis. Hintayin mo kami diyan, " si Jana ang nagsalita at sa tingin ko, naka loudspeaker ang cellphone ni Terrence. 

" Bakit anong mayroon? " tanong ko pero wala na akong narinig na sagot dahil binabaan na nila ako ng cellphone. Lalong nagsalubong ang kilay ko. Anong balak nilang gawin dito? 

***

" Press conference? " takhang tanong ko kina Jana at Terrence na kasama ko ngayong naglalakad papunta sa City Hall. " Bakit ngayon ko lang yata 'yan nalaman? "

" Biglaan. Gusto raw magpa-press conference noong Pastor bago siya sumama sa mga awtoridad, " sagot ni Terrence.

" Ang lakas nga ng loob, eh. Nahuli na't lahat, gusto pang gumawa ng palusot. Para namang may makikinig sa kaniya, 'di ba? " saad ni Jana, " Well, maririnig natin ang mga sasabihin niya at siyempre trabaho natin na isulat 'yong mga kasinungalingang lalabas sa bibig niya. Iyon nga lang, hindi ako maniniwala sa kaniya at walang maniniwala sa anak ng diablo. "

" Kalmahan mo lang, Jana. Hindi ka naman siguro gagawa ng eskandalo sa City Hall, 'no? " pagpapakalma ko sa katabi ko dahil umagang-umaga, ang init na agad ng ulo niya. 

" Depende. Pigilan niyo na lang ako kaagad kapag nakita niyong sasabog na ako, " sagot niya saka inihanda ang cellphone niya para sa live stream na gagawin mamaya kapag nagsimula na ang press conference.

" Zen, bakit pala nasainyo ka pa kanina nang tawagan ka namin? " Napatingin ako kay Terrence. " 'Di ba mga alas siyete pa lang, nasa byahe ka na noon? "

Napalunok ako." Mamaya ko na sasabihin kapag tapos nito. "

Tumango na lamang si Terrence pero kitang-kita ako ang curiosity sa mukha niya. Mukhang  wala pa silang alam sa ginawa ko kay Sir Joaquin, at nai-imagine ko na ang reaksyon nila oras na ikuwento ko ang nangyari kagabi. 

Nang kami ay makarating sa City Hall, naka-puwesto na ang mga media sa labas. Nasa harap ang Pastor na mayroong patong-patong na kasong kinahaharap ngayon, at kabilang doon ang pag mo-molestya sa ilang kabataan na nasa pangangalaga niya. May mga awtoridad ng nakabantay sa ikuran noong Pastor habang ito'y nagsasalita sa harap ng maraming tao. 

"...ang gusto ko lang sabihin, malinis ang aking konsensya kaya malakas ang aking loob na magpatawag ng press conference. Ako mismo ang lumapit sa mga pulis para mapatunayan sainyong lahat na ako ay inosente. Kung guilty ako, dapat ay matagal na akong tumakas at nagtago noong magsimulang kumalat ang tungkol sa mga bali-balita saakin na wala naman katotohanan! " hayag nito.

Lumapit kaming tatlo sa puwesto ng mga media at agad kong kinuha ang cellphone ko para simulang i-record ang mga lumalabas sa bibig niya. Si Jana ay nagsimulang kuhanan ng video ang kaganapan na mapapanood sa aming social media pages habang si Terrence naman ay kumukuha ng litrato. 

" Kung ganoon ano pong masasabi niyo sa kumakalat na mga litrato kung saan kitang-kita ang ginagawa niyo sa mga bata? " tanong ng nasa harapan ko.

" Ang alin? Ang pagtapik ko sa balikat nila? Isa na bang kasalanan 'yon sainyo? " tanong ng Pastor. " Alam niyo, h'wag niyo kasing bigyan ng malisya ang bawat kinikilos ko. Bawat galaw na ginagawa ko ngayon ay may iba ng kahulugan sainyo dahil sa kinahaharap kong kaso. Masyado ng marurumi ang pag-iisip niyo dahil sa mga litartong hindi naman nagsasalita, pero mas pinaniniwalaan ng mga tao! "

" Sinasabi niyo bang nagsisinungaling ang mga bata? " tanong ko, " Kung ganoon paano niyo maipaliliwanag 'yong trauma sa mga mukha nila habang ikinukuwento ang dinanas nila sa kamay niyo? "

" Ako ang nagsasabi ng totoo dito. Madali kayong malinlang nga mga bata dahil sa paningin niyo ay inosente ang mga 'yan, pero hindi! " sagot nito saka pinalo-palo ang dibdib niya. " Ako, alam ko sa sarili ko na wala akong ginagawang masama sa kanila. Alam ng Diyos na malinis ang konsensiya ko! Alam ng Diyos na wala akong masamang ginagawa! "

" Sinungaling! " Napatingin kami lahat sa likuran nang may marinig kaming boses ng isang babae. " Huwag mong gamitin ang Diyos para pagtakpan ang kasalanan mo! Dapat kang mabulok sa kulungan! Hindi ka pa man namamatay, sinusunog na ang katawan mo sa impyerno! "

Ang akala naming lahat ay isa lang ang babae pero bigla silang dumami, sabay hagis ng mga kung ano-anong bulok na prutas sa gawi ng Pastor na ngayon ay pinalillbutan ng mga pulis para ipasok sa loob ng City Hall. Sinubukan naming pumasok rin sa loob pero hindi na kami pinatuloy dahil nagsimula ng magkagulo ang mga tao sa labas. 

***

" Grabe, anong nangyari sainyo? " bakas ang pandidiri sa mukha ni Ruiz nang makita ang mga hitsura namin. " Ang lalansa ng mga amoy niyo. "

" Huwag kang maarte, ikaw na lang nakikiamoy, eh. " Pabagsak na naupo si Jana sa swivel chair niya. " Grabe, ang lala ng nangyari. Bakit pati tayo nadamay sa pinagbababato ng mga nag po-protesta? Kainis. Bagong bili pa naman 'yong perfume ko. "

" Ang akala kasi ng iba, kinakampihan nating mga media 'yong Pastor, dahil sa mga lumalabas na article tungkol sa kaso, " ani Terrence habang pinupunasan ng tisyu ang polo niya na puro talsik ng mga binatong prutas saaming mga taga-media. 

" Hindi rin naman kasi malabo 'yon. Alam naman nating lahat na marami ring koneksyon 'yong Pastor, kaya posibleng may mga bayad na journalist na nagsusulat ng mga pang-malakasang article para matakpan 'yong issue, " pagsang-ayon ko dahilan para mapalingon saakin ang lahat ng nakarinig sa sinabi ko. " Oh, bakit? May mali ba sa sinabi ko? Minsan na akong sinuhulan ng sobre, baka nakakalimutan niyo? "

" Hindi, may katotohanan rin naman ang sinabi ni Miss Zenaida. " Napatingin naman ang lahat kay Miss Lizzie. " Actually, may mga nakilala na akong tumanggap ng sobre pero hindi ko na lang pa-pangalanan dahil matagal na rin naman na 'yon. Ayon, kinalaunan ay nagsisi siya dahil nakasira siya ng buhay ng iba. "

" Taga-rito sa kompanya, Miss Lizzie? " tanong ni Ruiz. 

" Hindi siya taga-rito, huwag kayong mag-alala, " anito saka inilibot ang tingin saamin. " At sana lang ay walang ganoong klaseng tao rito saatin. Hindi lang pangalan ng kompanya ang masisira dahil tiyak akong masisira din ang buhay niyo. "

Todo-iling naman ang lahat sa narinig at nangako kay Miss Lizzie na hindi iyon mangyayari. Pasimple akong tumingin sa hallway kung saan naroroon ang office ni Sir Joaquin. Himala at hindi niya yata ako pinatatawag ngayon? Dapat ba akong matuwa o mas kabahan? Kapag tahimik ang kalaban, tiyak na may pina-plano ang mga 'yan.

" Wala si Chief ngayon. " 

Napatingin ako kay Terrence. " Totoo? Absent siya ngayon? "

Tumango siya saka ipinatong ang braso sa cubicle ko. " So, anong nangyari kagabi? Okay ba ang ka-blind date mo? "

Napangiwi ako. Ano bang dapat na una kong ikuwento sa kanila? Iyong pagbuhos ko ng inumin kay Sir Joaquin o ang hindi pagsipot ni Brett sa date namin? 

***

" Ano?! " Maingay ang resto bar kung nasaan kami, pero halos mabingi ako sa reaksyon ni Jana at Ruiz. " Binuhusan mo talaga ng mocktail si Chief?! " 

Tumango ako sabay kamot sa ulo. " Umabot na sa sukdulan ang inis ko kagabi kaya ayon, naibuhos ko sakaniya iyong in-order ko na hindi ko man lang nainom. "

" Sira ka, bakit mo ginawa 'yon? Paano kung sesantihin ka?! " ani Ruiz.

" Edi tangalin niya ako. Iyon naman ang plano niya  matagal na. " Kinuha ko 'yong baso sa harap ko na may lamang alak para tunggain iyon nang dire-diretso bago harapin si Ruiz. " Tsaka ang dapat rin na sisihin dito ay 'yong si Brett! Bakit ba kasi hindi ako sinipot? Hindi na nag r-reply sa message ko at hindi na rin sumasagot sa tawag ko. Talksh*t pala 'yang pinagmamalaki mo.  "

" Ewan ko ba sa lalakeng 'yon. Wala namang sinabi saakin kagabi. Teka, tawagan ko ngayon—"

" Huwag na! Baka ang isipin niya pa, naghahabol ako sa kaniya. Lumaki pa ulo noon. " Napairap ako sa kawalan tsaka muling nagsalin ng alak sa baso ko para inumin iyon nang dire-diretso. Nandito kami ngayon sa resto bar para magliwaliw matapos ng napakahabang araw. Linggo naman bukas, wala kaming pasok kaya walang problema kung magpakasasa kami sa alak. 

" Ano nang plano mo ngayon? " tanong ni Terrence saakin. " May posibilidad ngang tanggalin ka sa trabaho ni Chief dahil sa nangyari kagabi. "

" Maghahanap ako kaagad ng trabaho dahil hindi puwedeng tumunganga ako sa bahay ng ilang linggo. Kung kinakailangang mag send ako ng resume sa lahat ng kompanya, gagawin ko, " sagot ko saka napasandal sa kinauupuan ko habang pinakikinggan ang kumakanta sa mini stage. " Buwisit naman kasi 'yang si Chief. Palagi na lang ako ang pinag-iinitan. Ang healthy ng working environment natin, siya lang talaga ang toxic. Kung mayroon ngang dapat na mawalan ng trabaho, siya 'yon. Tanggalin siya sa posisyon niya, dahil puro yabang lang naman ang alam niya. "

" Puwede bang makisali sa usapan niyo? "

Halos manigas ako sa kinauupuan ko nang may marinig akong nagsalita sa tainga ko. Paglingon ko sa likuran, lalo akong natameme nang makita kung sino ito. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status