Share

CHAPTER 04

" Archer? " halos lumuwa ang mata ko nang makita ang isang guwapong binata sa harap ko. " Anong ginagawa mo rito? "

" Nag r-relax. Katatapos lang ng shooting namin malapit dito, " anito saka kumaway sa mga kasama ko. " Kanina pa kayo rito? "

" Hindi naman masyado.Kasisimula pa lang namin. Tara dito, maupo ka sa table namin. May mga kasama ka ba? " tanong ni Ruiz, saka tinapik ang natitirang space sa tabi niya pero sa gilid ko naupo si Archer. Binigyan ako ng kakaibang tingin ni Ruiz at Jana pero pinandilatan ko lang sila. Tumingin ako kay Terrence na saktong napatingin rin saakin, bago ko ilipat ang tingin kay Moira na muntik ko ng malimutan na kasama pala namin. Abala ito sa pagkain ng buffalo wings, mukhang ito lang ang dahilan kaya sumama siya saamin.

" Ako lang mag-isa ngayon. Tumakas lang kay Manager Cha, ayaw kasi akong payagan lumabas, " ani Archer, " Tapos naman ng makunan 'yong lahat ng scene ko sa movie kaya akala ko marami na akong time mag unwind, pero ayaw naman ako payagan ni Manager. Tatlong buwan rin akong halos walang pahinga, sa tingin ko deserve ko naman 'to. "

" Alam mo kasi, artista ka, Archer. Kailangan mong ingatan ang image mo kapag nasa public places ka kagaya nito. Natural lang na ayaw kang payagan ng Manager mo kasi baka kung anu-ano ang gawin mo kapag na sa labas ka, " pangaral ni Jana saka nagsalin ng alak sa isang baso para ibigay ito kay Archer. " Pero tama, deserve mo rin ang magliwaliw matapos ng three months na wala kang pahinga. Bottoms up! "

Balak kong kuhanin 'yong baso kay Jana pero nakuha na ito ni Archer na agad na ininom 'yong alak na walang pag aalinlangan. Napailing na lang ako at pinandilatan si Jana na nagkibit balikat na lang at tumango-tango saakin. 

" Archer, alam mo kung ako sa'yo, i-text mo si Manager Cha. Sabihin mo kung nasaan ka dahil siguradong nag-aalala na 'yon sa'yo. " Pagkuha ko sa atensyon ng katabi ko, " Tsaka ang daming tao ngayon dito sa resto bar. Mamaya may mga mag picture nang palihim sa'yo, baka mag trending ka bukas at gawan pa ng issue 'tong paglabas mo. "

Natatawa itong umakbay at tumapik sa balikat ko. " Zenaida, hindi naman ako ganoon kasikat para pag-usapan ng lahat. Nagsisimula pa lang ako sa showbiz. Hindi pa ganoon kaingay ang pangalan ko sa publiko. Baka nga sa loob ng resto bar na'to, kayo lang ang nakakakilala saakin. "

" Pa-humble effect ka pa riyan, Archer. May one million followers ka nga sa mga social media account mo, eh! Imposibleng kami lang ang nakakakilala sa'yo dito, " saad naman ni Jana. " Tignan mo sa kabilang table, may mga nakatingin dito sa gawi natin. Gusto yatang magpa-picture sa'yo, oh. "

Napatingin naman kami sa table na tinutukoy ni Jana at nakita ang ilang kababaihan na tila ba biglang nahiya nang mapatingin kami sa lahat sa gawi nila.

" In fairness, pretty silang lahat, " sabi ko at sinadya ko talagang iparinig 'yon sa katabi ko. " Lalo na 'yong short hair. Ang cute ng face niya. "

" Mas maganda ka naman sa kanila, " bulong ni Archer sa tainga ko.

Tumikhim bigla si Terrence kay naalis ang tingin namin sa mesa sa kabila. " Archer, pakitanggal 'yong kamay mo sa balikat ni Zenaida, kung ayos lang? Mahirap na, baka iba ang isipin ng mga makakakita at pagmulan 'to ng issue tungko sa'yo. "

" Walang problema saakin 'yon. Kung magkakaroon man ako ng dating rumors, mas mabuti ng kay Zenaida, " sagot ni Archer dahilan para tapikin ko ang kamay niya sa balikat ko.

" Umayos ka nga, baka may makainig sa'yo. Gusto mong lamutakin ko 'yang bibig mo? "

" Okay lang, basta bibig mo rin ang ipanglalamutak mo. "

Nagpalakpakan sina Jana at Ruiz sa sinabi ni Archer. Sinabayan pa ng hiyawan at kantyawan na para bang kahanga-hanga ang binitawan nitong salita. Tumingin ako kay Terrence na kagaya ko ay hindi magawang tumawa o makisabay sa mga kasama namin sa mesa.

" Kakainin niyo pa ba 'to? " Natigil ang lahat nang magsalita si Moira. Nakaturo ang daliri nito sa dalawang piraso ng pizza. " Saakin na lang. Order na lang ulit ako ng dalawa pa. "

Minsan, parang gusto ko na lang na maging si Moira. Walang pakialam sa nangyayari sa paligid, pagkain lang, ayos na sa kaniya. 

***

Alas diyes na ng gabi, nandito pa rin kami sa resto bar. Si Jana ay nasa mini stage, kumakanta kasama si Ruiz na ka-duet niya.  Naiwan kaming apat sa mesa nina Terrence, Moira at si Archer na lumabas saglit nang tawagan siya ng driver niya. 

Palagay ko ay may tama na ako dahil nakararamdam na ako ng antok pero gusto ko pang uminom hanggang sa bumagsak ako. Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung anong mangyayari saakin next week dahil siguradong wala na akong trabaho noon. Absent si Chief kaya malamang na sa Lunes niya pa ako ire-report at ipatatangal sa trabaho. 

" Zen, okay ka lang? " Napatingin ako kay Terrence na nasa harap ko. " Gusto mo ng umuwi? "

Umiling ako at kinuha ang bote ng alak bago ako muling magsalin sa baso. " Iniisip ko lang kung ano ang gagawin ko sa Lunes. Hindi puwedeng malaman nila Mama na wala na akong trabaho next week, kaya dapat lumakad na rin ako bukas para makapaghanap ng bagong trabaho. "

" Bakit hindi mo subukang mag sorry kay Chief, baka sakaling magbago ang isip niya? " suhestiyon ni Terrence na agad kong tinutulan.

" Bakit ako mag s-sorry kung deserve naman niya 'yong nangyari kagabi? Kasalanan rin naman niya 'yon dahil napaka toxic niyang nilalang. Pati ang personal kong buhay, pakikialaman niya. " Dire-diretso kong ininom 'yong alak na sinalin ko sa baso saka napadighay nang malakas.

" Hindi ka naman bibitawan agad ng kompanya, Zenaida. " Napatingin ako kay Moira na nakapanghalumbaba sa mesa. " Isa ka sa pinakamahusay na journalist ng Updated. Malaking kawalan kung aalisin ka, kaya siguradong gagawa sila ng paraan para mag stay ka. "

Bahagya akong natawa sa sinabi ni Moira. Kahit papano nagbigay 'yon ng kaluwagan sa dibdib ko, pero kung ang paraan na sasabihin saakin ay ang paghingi ko ng tawad kay Sir Joaquin, mas gugustuhin kong maghanap na lang ng ibang trabaho. 

" Masyado kasing insicure si Sir Joaquin. Bakit kasi hindi na lang siya manahimik sa isang tabi dahil wala namang may gusto makinig sa opinion niya? Hindi naman porque anak siya ng CEO ng kompanya natin, dapat na rin tayong makinig sa kaniya. I mean, may posisyon nga siya pero hindi naman niya 'yon magamit nang tama, " hindi ko mapigilan ang sarili ko na maglabas muli ng saloobin dahil isa talagang malaking tinik sa lalamunan ang Chief Editor namin. " Napakahigpit pa niya sa oras, pero kapag siya ang na-late, bawal tayong magsalita? "

" Oh, hanggang ngayon mainit pa rin ang ulo mo, Zenaida? " tanong ni Ruiz na kababalik lang sa mesa namin. Akay-akay niya si Jana na mukhang tinamaan na ng alcohol ang utak.

" Paanong hindi iinit ang ulo ko? Kapag naririnig ko nga lang iyong pangalan ni Chief, kumukulo na 'yong dugo ko. " Napabuga ako sa hagin, " Alam niyo, dapat pala noon pa man ay gumawa tayo ng sistema sa opisina na kung saan, mayroon tayong kalayaan na sabihin ang mga hinanaing natin. Isusulat natin 'yon sa isang papel at ilalagay kung para kanino 'yon. Tiyak,  maraming matatanggap na letter si Chief kapag nangyari 'yon. "

" At malamang lahat 'yon ay galing sa'yo. " Natatawang saad ni Jana na nakahilata na sa sopa. Nakapikit na ang mga mata pero nagagawa pang magsalita at tumawa. 

" Aba, malamang. Kulang ang isang papel saakin para isulat ang lahat ng hinanaing ko sa kaniya. Baka nga ipa-billboard ko pa para mabasa ng lahat kung gaano ka-toxic ang boss natin. "

" Bakit hindi mo gawin? "

" Talagang gagawin ko siya. Ipakakalat ko 'yon sa buong mundo nang malaman ng lahat kung gaano kahangin ang utak ng isang Joaquin Delgado..." Napahinto ako sa pagsasalita nang ma-realized ko na ang nagsalita ay nasa kabilang mesa sa likuran ko. Base sa reaksyon ng mga kasama ko, tila ba alam ko na ang sunod na mangyayari dito. 

" Bakit huminto ka? Ituloy mo. Gusto kong marinig, " saad nito kaya agad akong lumingon sa mesa sa likuran namin at doon, nakita ko si Sir Joaquin. 

" Wow, nandito rin kayo? What a coincidence. " Napailing ako at sa kabila ng hilong nararamdaman ko, tumayo ako para harapin siya. " Talagang hanggang dito, makikita ko ang pagmumukhang 'yan? "

" Zenaida, " rinig kong tawag saakin ni Ruiz at Terrence pero hindi ko sila nilingon. Siguro nga, tinamaan na ng alak ang sistema ko dahil parang lalong lumakas ang loob ko makipagsagutan ngayon.

" Kaunting-kaunti na lang ay iisipin kong destiny 'to. " Sarkastiko akong natawa saka ipinag-krus ang braso ko. " Bakit kung kailan gusto ko ng katahimikan, nakikita ko ang pagmumukha niyo? Kagabi, nandoon kayo sa restaurant at sinira niyo ang gabi ko. Ngayon, pati ba naman dito, Chief? Wow."

" Iniisip mo bang sinusundan kita? " Nakangising tanong nito saka ibinaba sa mesa ang basong hawak niya na may lamang alak. " Para sa kaalaman mo, ang resto bar kung nasaan ka ngayon ay pagmamay-ari ng kaibigan ko. Siya ang pinunta ko rito, hindi ikaw. "

" May kaibigan ka pala? " Napairap ako. " Aminin mo na lang na stalker ka. "

" Anong pakialam ko sa'yo, Miss Zenaida? May mapapala ba ako kapag sinundan kita? " tanong niya saka tumayo dahilan para magkapantay ang tingin naming dalawa. " Tsaka baka nakakalimutan mo, may atraso ka pa saakin. Sa tingin mo ba palalampasin ko na lang ang pambabastos na ginawa mo saakin kagabi? "

" Deserve mo 'yon. Actually, kulang pa nga 'yon, eh. " Tumalikod ako at kinuha ang natitirang bote ng alak sa mesa namin. Sinubukan akong pigilan ng mga kasama ko pero iwinasiwas ko ang mga kamay ko sa kanila para lumayo saakin at pagewang-gewang na lumipat sa kabilang mesa para malapitan si Sir Joaquin. Taas-noo ko siyang hinarap, kahit nahihilo ay pilit akong tumayo nang tuwid. " Alam kong insecure kayo saakin kaya palagi niyo akong pinag-iinitan sa office. Pero ang hindi ko maintindihan, bakit kailangan niyo pang gumawa ng paraan para mawalan ako ng trabaho? Sobrang...laki ba talaga ng galit niyo saakin? "

" Unang-una sa lahat, hindi ako insecure sa'yo, Miss Zenaida. Anong dapat kong kainggitan sa'yo? "

" Aba malay ko sainyo, Chief! Ano nga ba ang dahilan at bakit palaging mainit ang ulo niyo saakin? " Tinapik-tapik ko ang balikat niya pero sinagi niya ang kamay ko na para bang isa ako alikabok. Natawa na lang ako nang bahagya saka inangat ang bote ng alak sa harap niya. " Kung ano man ang ikinagagalit niyo, sabihin niyo saakin ngayon nang diretso. Hindi ako mag so-sorry sa ginawa ko sainyo kagabi dahil deserved niyo naman kasi talaga 'yon, pero para maging patas, ibuhos niyo rin saakin itong alak para naman gumaan kahit papano ang pakiramdam niyo. "

Kita ko ang gulat sa mukha niya at sa totoo lang, ganoon rin ako. Hindi ko inaasahan ang lumabas sa bibig ko pero puñeta, mahal ko talaga ang trabaho ko at ayokong tanggalin ako nang ganoon-ganoon na lang, kaya bahala na si Lord. 

" Anong pinagsasasabi mo, Miss Zenaida? Hindi ako baliw kagaya mo para gawin ang ginawa mo saakin kagabi, " aniya, " at kung iniisip mo na ito ang paraan para patawarin kita sa ginawa mo saakin, nagkakamali ka. "

" Hindi ko hinihiling na patawarin niyo ako. Ang point ko rito ay gusto kong maging patas tayo. Baka kasi sobra kong nasaktan ang ego niyo kagabi kaya naman bibigyan ko kayo ng chance na gantihan ako. Sige na, huwag na kayong mahiya. Kung gusto niyo, pati 'yang alak na nasa mesa niyo ay ibuhos niyo na rin saakin. "

" Sorry to disappoint you, pero hindi ako kagaya mo—" Mabilis kong kinuha ang kamay ni Sir Joaquin para ipahawak ang bote ng alak sa kaniya. Agad ko itong itinuwad sa ibabaw ng ulo ko dahilan para matapon saakin ang natitirang laman. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status