Share

CHAPTER 02

" Anyare? Nag bardagulan na naman kayo ni Chief? " tanong ni Miss Lizzie— ang aming Senior Editor na kabaliktaran ng aming Chief Editor. Kung gaano kasungit 'yong isa, ganoon naman ka-approachable si Miss Lizzie. 

" Miss Lizzie, 'di ba po napa-check ko naman sainyo 'yong article ko na may title na 'Babae Ako, Hindi Babae Lang '? Bigla kasing naging Wingdings 'yong font na sa pagkakaalam ko po, Times New Roman ang naka-apply doon, " saad ko saka kinuha ang cellphone ko upang pumunta sa email para tignan 'yong files na na-send ko kay Miss Lizzie. Pagka-open ko, agad kong ipinakita sa kaniya 'yong files na mas malinis pa sa budhi ng Chief Editor namin. " Tignan niyo, okay naman 'yong font. "

" Alam mo sa totoo lang, hindi ko rin alam ang sagot d'yan, Miss Zenaida. Nabasa ko nang buo 'yong files na na-submit mo saakin pero 'yong article na na-published mo kagabi, Wingdings talaga ang naka-apply. Kaninang madaling araw ko lang nakita. " Nakangiting saad nito na alam kong paraan para pagaanin ang loob ko. 

" Ganoon po ba? " Napakamot ako sa ulo at binalik sa bulsa 'yong cellphone ko. Lalo akong na-stress dahil confident talaga ako na malinis ang article bago ko siya na-published kagabi sa website.

" Anong oras ka na nga pala umuwi kagabi? " tanong ni Miss Lizzie saka sumimsim sa tasa na may lamang mainit na tsaa. " Alas-nuebe ako nag out kagabi, nandito ka pa sa office noon 'di ba? "

" Mga alas-diyes na po akong nag out kagabi dahil tinapos ko nga po 'yong sinusulat ko para ma-publish ko na kaagad..." Natigilan ako sa pagsasalita nang maalala kung gaano ako kaantok kagabi sa harap ng computer ko. Halos nakatatlong kape din ako para magising ang diwa ko habang paulit-ulit na binabasa 'yong mga isinulat ko.

" Na-double check mo naman siguro siya bago ka nag decide na i-publish 'yong article? " Tumango ako sa tanong ni Miss Lizzie. " Na-check mo rin ba siya after mo ma-published sa website natin? "

Doon ako hind nakakibo. Bumagsak na lang ang balikat ko at napakamot sa batok. Basta ko na lang pinatay 'yong computer after ko siyang i-published sa kagustuhang makauwi dahil gusto ko ng makapagpahinga at mahiga na sa kama.

Buong maghapon akong naapektuhan sa article na hindi ko na alam kung sino ang dapat na sisishin dahil sa totoo lang noong una, si Sir Joaquin ang taong nasa isip ko na may gawa nito pero habang nahihimasmasan ako, doon ako napatanong sa sarili ko na baka nga ako ang may kasalanan.

" Huwag mo na masyadong isipin 'yon, Zenaida. Nabura naman na 'yong unang article 'di ba? Na-published mo na 'yong original na gawa mo kaya wala ka ng dapat ipag-alala, " pagpapagaan sa loob ko ni Terrence habang nakapila kami sa cafeteria para mag lunch.

" Nas-stress lang kasi ako dahil alam ko sa sarili ko na tama 'yong na-post ko kagabi sa website. Nag overtime pa 'ko para matapos na lahat ng 'yon, tapos malalaman kong alien language pala 'yong naka-apply na font doon? " Padabog akong kumuha ng food tray saka muling hinarap si Terrence. " Parang nawala rin 'yong sense ng pagod at stress ko kagabi dahil sa nangyari, 'di ba? "

" Huwag mong sabihin na walang sense 'yong pag o-overtime mo kagabi nang dahil lang sa maliit na pagkakamali, " saad ni Terrence saka ako pinatalikod at hinawakan ang aking balikat upang marahang itulak dahil ako na pala ang sunod na lalagyan ng kanin sa food tray ko. " Na-take down na 'yong article at na-publshed mo na 'yong original. Kung sino man 'yong mga taong nakabasa noong artcle kagabi, malamang na iisipin nila na system error lang 'yon. "

" Paanong iisipin kung ang saakin lang naman 'yong may problema? "

" Pero naayos naman na 'yong problema kaya bakit iniisip mo pa? "

Napangiwi na lang ako bago kuhanin pabalik 'yong food tray ko na may kanin at dalawang klaseng putahe. Hindi na ako nag abalang kumuha ng soup na nasa maliit na mangkok dahil nasasayang lang. Hindi naman ako mahilig sa sabaw na mas maalat pa sa ugali ni Sir Joaquin. 

Pumwesto kami ni Terrene sa isang table kasama ang ilan sa mga katrabaho namin. Isang team na rin kami dahil bukod sa madalas kaming magkakasama sa mga malalaking project, magkakasundo rin kami sa lahat ng bagay lalo na kapag ang topic ay ang boss namin. 

" Sa totoo lang' sa'yo lang naman ganiyan si Chief. Saamin okay naman siya. Oo, may pagka-suplado pero hindi naman umaabot sa punto na kasusuklaman namin siya. Sa'yo lang talaga, Zenaida, " saad ni Jana—isa sa social media manager ng Updated. " Baka naman noong past life niyo ay magkaaway talaga kayo. I mean, pareho kayong mainit ang dugo sa isa't isa, 'di ba? Baka may away kayo noon na hindi naresolba, then continuation na lang ngayon. "

" Galing, Jana. Puwede ka na maging writer sa pinagsasasabi mo. Hindi ba puwedeng type lang ni Chief si Zenaida? Ganoon 'yon, 'di ba? The more you hate, the more you love, " komento naman ni Ruiz—isa sa news editor namin na brusko pero may pusong babae. 

" Walang kuwentang paniniwala 'yan. Kung type niya ako, sabihin niya, hindi 'yong idadaan niya sa ka-toxic-an, " saad ko habang nilalagay sa kanin 'yong sarsa ng menudo.

" Bakit? Kung sakali nga bang may gusto sa'yo si Chief, makikipag-date ka sa kaniya? " tanong ni Terrence na nagpabungisngis sa dalawang kasama namin sa mesa. 

" Hindi pa ako nasisiraan ng bait para makipag-date sa mayabang na 'yon. Aba, mas gugustuhin ko pang makipag-date sa babae kaysa sa isang tulad niyang arogante. Baka nga mas may utak pa ang ulo niya sa ibaba kaysa sa ulo niya sa itaas  na puro hangin lang ang laman, " inis na saad ko na dahilan ng hagikhikan ni Jana at Ruiz, habang si Terrence naman ay napailing na lang at ipinagpatuloy ang pagkain niya.

" Huy, Moira, magsalita ka naman diyan. Huwag kang tumawa mag-isa, " saad ni Jana kay Moira na nasa kabilang dulo ng mesa. " Baka akalain ng iba ay binu-bully ka namin. Lumapit ka kaya dito, ano? "

" Hindi, okay lang ako dito. Malamig kasi hangin sa gawi na'to, " ani Moira sabay turo sa air-conditioner na nasa itaas niya. Bahagya akong natawa dahil minsan napaka-weird ni Moira kapag magkakasama kami. Para siyang may sariling mundo na hindi namin puwedeng pasukin.

" Anyway, remind ko lang kayo about sa dinner natin bukas, ha? Huwag kayong drawing. Nagpa-reserve na ako sa resto-bar na napili niyo last week, " paalala ni Jana na ipinagpasalamat ko dahil nawala na 'yon sa isip ko. 

" Oo nga pala, 'no? Buti pinaalala mo. " Nilabas ko ang cellphone ko para mag-message sa taong dapat kikitain ko bukas. " May naka-schedule akong blind date bukas, pero huwag kayong mag-alala, move ko na lang siya ng Sunday. Wala naman tayong pasok noon. "

" Sira, bakit sa restday pa? Bakit hindi na lang mamaya pagka-out mo? Wala naman tayong masyadong ginagawa ngayon kaya siguradong maaga tayong makakapag-out, " saad ni Ruiz na agad ko namang sinang-ayunan at binago ang tina-type kong message bago ko pinadala sa phone number no'ng ka-meet up ko.

" Sure ka bang mapagkakatiwalaan 'yong taong kikitain mo? " usisa ni Terrence. 

" Oo, mabait 'yon! Nakita't nakilala ko na nga 'yon sa kasal ng pinsan ko, " ani Ruiz saka ako hinarap. " Feeling ko magkakasundo kayo kaagad dahil approachable siya at pareho kayo ng energy. Basta kapag may nakita kang chinito na matangkad, mestizo na may dimples sa magkabilang pisngi, siya na 'yon! "

" Parang ang perfect naman ng description mo sa taong 'yon—parang wala namang nag e-exist na ganoon! " komento ni Jana saka humarap saakin. " Kung ako sa'yo, huwag ka na lang mag expect para hindi ka ma-dissapoint. OA sa description 'tong si Ruiz. "

" Ang sabihin mo, nai-inggit ka lang dahil may boyfriend ka na, " tila pang-aasar ni Ruiz dahilan para magkaroon ng debate sa mesa namin at habang pinanonood ko ang dalawa magtalo sa harap ko, nakatanggap ako ng reply sa ka-blind date ko na pumayag namang makipagkita mamayang gabi.

" Gusto mong samahan kita? " Napatingin ako kay Terrence sa alok niya. " Baka kasi  mamaya maulit na naman 'yong nangyari sa'yo noon. "

Umiling ako. " Huwag kang mag-alala, dumating na 'yong order ko na lipstick. "

Agad nagsalubong ang kilay ni Terrence. " Ano namang magagawa ng lipstick kung sakaling may gawin siyang hindi maganda sa'yo? "

Nilabas ko ang aking wallet saka kinuha ang lipstick na tinutukoy ko. Iniharap ko ito mismo kay Terrence saka ko inalis ang takip bago ko pindutin ang pulang button na lumikha ng kuryente sa loob ng tube. 

***

Alas-siyete ng gabi ako nakapag-out sa office at alas-siyete y medya na ako nakarating sa isang kilalang restaurant kung saan kami magkikita ng lalaking ka-blind date ko ngayon. Wala akong kahit na anong ideya sa kung anong klaseng tao siya maliban na lang sa mga description ni Ruiz na hindi ko alam kung dapat kong paniwalaan. Ang tanging hawak ko lang ay ang pangalan niya na Brett na kagaya ng sabi ni Ruiz, matangkad na mestizo, chinito na mayroong dimples sa magkabilang pisngi.

" Hello, Madame, ready na po kayong mag-order? " Napatingin ako sa isang waitress na lumapit sa mesa kung nasaan ako. 

 

Tumingin ako ng oras sa cellphone ko, doon ko lang na-realized na twenty minutes na pala akong nakatunganga lang sa mesa. Nakakahiya, baka isipin nila na tumatambay lang ako dito.

" Ah, sandali lang. " Kinuha ko sa ibabaw ng mesa 'yong menu at nag order ng strawberry delight mocktail na baka i-display ko lang sa mesa kapag dinala na saakin. Ayokong um-order nang hindi pa dumadating si Brett kahit kumakalam na ang sikmura ko. Nakakahiyang maabutan niya ako na nagsisimula ng kumain.

Alas-otso ang napagdesisyunan naming oras na magkikita kami pero, mag a-alas nuebe na ng gabi, ni anino no'ng taong kikitain ko ay wala akong nakita. Ilang beses akong nag text sa kaniya kung tutuloy pa ba siya at sinubukan ko rin siyang tawagan pero hindi naman ako sinasagot. Umiinit na ang puwet ko sa silyang kinaupan ko at napapansin ko rin ang mga staff na ilang beses na tumitingin saakin. Mukhang nagtuturuan kung sino ang magpapaalis saakin. 

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga bago ko ilabas ang wallet ko at kumuha ng pera para bayaran ang bill ko. Patayo na sana ako nang may naupo sa silyang nasa harap ko.

" Chief? " Gulat ang gumuhit sa mukha ko nang makita ang Executive Editor. " A-anong ginagawa niyo rito? "

" Ano ba ang ginagawa ng tao sa restaurant? Nag-g-gym? " pamimilosopo nito saka sumandal sa silya at ipinag-krus ang braso niya. " Huwag ka ng umasang darating 'yong taong kikitain mo ngayon. "

Tumaas ang kilay ko. " Paano niyo naman nalaman ang bagay na 'yan? "

" Hindi ka ba aware na malakas ang boses niyo kanina sa cafeteria? Kulang na lang ay i-broadcast niyo sa buong mundo kung gaano katangkad at ka-mestizo 'yong lalakeng ka-blind date mo ngayon, Miss Zenaida, " bigla akong nakaramdam ng hiya dahil sa sinabi ni Sir Joaquin. Narinig niya mga 'yon?!

" Ano naman ngayon, Sir? Pati ba naman personal na buhay ko,  pakikialaman ninyo? " Pagtataas ng kilay kong tanong sa kaniya. " Tsaka bakit ba kayo nandito? Imposibleng nagkataon lang 'to lalo na't alam niyo na may ka-blind date ako ngayon? "

" Anong pakialam ko sa'yo? Anong pakialam ko sa ka-blind date mo? " aniya saka itinaas ang kamay dahilan upang lumapit ang isang waitress saamin sabay abot ng bill kay Sir Joaquin. 

Kunot-noo kong inilibot ang tingin sa loob ng restaurant. Ibig sabihin ba kanina pa siya nandito? Bakit naman hindi ko 'yon napansin?

" Kanina pa umalis 'yong mestizo na matangkad na chinito na may dalawang dimples sa magkabilang pisngi, " tila nanunuyang saad ni Chief habang inilalagay ang sukli sa wallet niya." Nag back out yata nag makita ka. " 

" Hindi kailangan na mag-imbento ng kuwento dahil hindi naman ako maniniwala sa sinasabi niyo. " Nilabas ko ang cellphone ko para tawagan muli ang numero ni Brett ngunit laking gulat ko nang hindi ko na siya ma-contact. Puñeta, 'wag mong sabihing  naka-blocked ako?!

" Napaka-unprofessional, " rinig kong saad ng lalaki sa harap ko habang may matalim na tingin saaakin. " Wala akong pakialam sa mga lakad mo Miss Zenaida, pero sana sa susunod, siguraduhin mong hindi mo suot ang company ID sa labas na wala naman kinalaman sa trabaho mo. "

Napayuko ako, doon ko lang nakita na nakasuot pa pala sa leeg ko 'yong company ID. Agad ko itong hinubad at humingi ng tawad kay Sir Joaquin. Wala kami sa loob ng company, pero dahil boss ko pa rin ang taong nasa harap ko, sige, gagalang pa rin ako, maliban na lang kung maubos ang pasensya ko lalo na't iniwan ako sa ere ng ka-blind date ko. Isang oras akong naghintay sa wala. Mahirap bang mag message saakin na hindi na siya tutuloy?

" Sobra ka bang atat magkaroon ng boyfriend para makipag blind date buwan-buwan? " Nagpantig ang tainga ko sa narinig ko. " I mean, wala naman akong pakialam sa buhay mo pero mukhang nawawala ka sa focus dahil sa pakikipag-date mo kung kani-kanino. "

Sinalubong ko ang tingin niya. " Wala pala kayong pakialam, bakit dada pa rin kayo nang dada diyan? "

" Galit ka ba? " Natatawag tanong niya.  " Sinasabi ko 'to sa'yo dahil concern ako sa takbo ng company. Katulad na lang ng nangyari sa article na ginawa mo. Sa tingin mo, sino ang pagtatawanan ng mga tao kung sakaling kumalat 'yong article na 'yon? Hindi lang ikaw, kung hindi pati na rin ang buong empleyado ng Updated ay damay sa ginawa mo. "

" Bakit ba ako ang sinisisi ninyo? Hindi ba puwedeng aksidente lang ang nangyari? "

" Huwag mo akong gamitan ng salitang aksidente, Miss Zenaida. Aminin mo na lang na ikaw ang may kasalanan. Masyado kang naging pabaya sa trabaho mo dahil puro pakikipag-date ang nasa isip mo. "

" Edi sorry. Sige na, ako na ang may kasalanan! " Tumayo na ako sa kinauupan ko at kinuha ang strawberry delight mocktail na hindi man lang nabawasan. Tinanggal ko ang straw saka ko itinapon sa ulo ni Sir Joaquin na kita ang gulat sa ginawa ko. " Hindi na kayo mahihirapan humanap ng paraan para sesantihin ako sa trabaho. You can fire me now. "

Taas-noo akong umalis sa mesa at naglakad palabas ng restaurant. Hindi ko pinansin ang tingin ng mga tao dahil nag-iinit ang buong katawan ko sa galit. Bukas na bukas, mukhang kailangan ko ng simulan maghanap ng bagong trabaho.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status