Share

Maid Ako Ng Amo Ko
Maid Ako Ng Amo Ko
Author: Author Bhelle

Chapter 1

NAKASILIP ako sa maliit na siwang ng aking pintuan. Naririnig ko ang pagtatalo ng aking mga magulang.

"Hon, huwag mong pilitin ang anak mo kung ayaw pa niya. Hindi pa siya handa para sa pag-aasawa. Maawa ka naman sa anak mo!" nakikiusap na sabi ni mommy kay dad.

Ngunit mukhang hindi madadala si dad sa pakiusap sapagkat matigas ang paninindigan nitong ipakasal ako sa lalaking hindi ko pa nakikita.

"Hindi maaari Rosa, dahil tumatanda na ako. Kailangan nang mag-asawa ng anak natin upang magkaroon na tayo ng apo na siyang magmamana ng lahat ng pinaghirapan ko. Hindi ko naman puwedeng ipagkatiwala kung kanino lang ang malaking business natin. Saka hindi na bata si Fara, she is 21 years old. Hindi pa ba sapat iyong idad niya para makapag-asawa na siya?" 

"Hon, hindi naman natin puwedeng ipilit ang gusto natin. May karapatan pa rin siyang piliin ang gusto niyang makasama habang buhay. Huwag mo naman siyang ipitin sa taong hindi niya gusto," ani mommy na patuloy pa rin na kinukuha ang loob ni dad.

"Rosa, hindi naman kung sino lang ang lalaking pakakasalan niya. Professional business man ang napili kong lalaki para sa kanya. Sigurado akong hindi mapapabayaan ang business natin kapag siya ang napangasawa ni Fara. Common Rosa, hindi ito para sa sarili ko, kun'di para rin sa anak mo. Ayoko namang pumili siya ng kung sino-sino lang na lalaki. Baka mamaya niyan e nakawan pa tayo. Gusto ko lang pangalagaan ang lahat ng mayroon tayo." 

Bago pa ako mawalan ng ulirat ay isinara ko na ang pinto at nagtatakbo ako papunta sa kama ko. Doon ako umiyak nang umiyak. 

"Ano bang problema kung ako ang pipili ng mapapangasawa ko? Business? Puro business na lang palagi! Wala na ba akong karapatang magdesisyon para sa sarili ko?" inis na binato ko ang unan at nalaglag iyon sa sahig na marmol. "Hindi ako magpapakasal sa lalaking iyon!" galit na galit na sabi ko. Nagpasya na akong tumayo at kinuha ko ang bag ko sa cabinet.

Inilagay ko sa maliit na bag ko ang kaunting damit at mahalagang gamit na puwede kong dalhin. Hindi ako makakapayag na mangyari ang nais ng aking ama. Hindi ako magpapakasal sa kung sino lang!

Pagsapit ng dilim ay saka ko ginawa ang plano kong pagtakas. Dala ang maliit kong bag at kaunting pera ay nilisan ko ang aming bahay.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan ako pupunta. Isa lang ang alam ko, iyon ay ang makatakas sa aming bahay na maghahatid sa akin sa impyernong buhay. Naniniwala ako na kapag nagpakasal ako sa lalaking hindi ko gusto ay mitya na iyon nang paghihirap ko. Sapagkat hindi ko maaatim na makisiping sa hindi ko gustong lalaki.

Sumakay ako ng taxi pero hindi ko alam kung saan ba ako magpapahatid. Basta ang sabi ko lang ay deretso lang at huwag nang magtanong nang dereksyon. Makaraan ang kalahating oras na paikot-ikot ang sinasakyan ko'y saka ko lang naisipang bumaba. Ngunit hindi ko namalayan na malaki na pala ang babayaran ko sa driver kaya't nabawasan ang dala kong pera. 

Ganoon pa man, nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Hindi ko alintana ang parating na bagyo. Sapagkat ang utak ko'y lutang at wala sa wisyo. Naglakad ako ng naglakad hanggang sa makarating ako sa isang subdivision. Natutulog ang guwardya roon kaya't hindi niya namalayan ang pagdaan ko. Nararamdaman ko na malakas ang simoy nang hangin na humahampas sa aking manipis na balat. Tumatayo ang mga balahibilo ko sa ginaw pero nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad. 

"Kung totoong mahal ako ng magulang ko, hindi nila hahayaan na ipahamak ako. Pero hindi e, dahil sa pera umiikot ang buhay nila at natatakot silang maubos ang pera nila. Hindi pa ba sapat na kayamanan ang halaga ko? Hindi pa ba sapat na masaya kaming pamilya? Ano bang kulang at magagawa nilang ipakasal ako sa kung sino na lang?" Tumutulo na ang luha ko, habang naglalakad ay nararamdaman ko na rin ang ambon na tila ba nagbabadyang bumagsak anumang anong oras. 

Pero hindi pa rin ako nagpatinag, bagkus nag-upo pa ako sa gatter. Doon ko ibinuhos lahat ng luha ko. Umiyak ako nang umiyak na animo'y batang nawawala. Hanggang sa maramdaman ko na ang malakas na patak ng ulan. Hindi ako umalis sa puwesto ko, itinapat ko pa ang mukha ko sa langit at sinasalubong ko ang malakas na patak ng ulan.

"Diyos ko! Ganoon ba ako kasama? Tila hindi mo naririnig ang iyak ng aking damdamin? Para bang natutulog ka ngayon at hindi mo magawang ako'y pakinggan. Ano bang nagawa ko? Bakit mo ako pinarurusahan?" 

Sigaw ko sa kalangitan ngunit wala naman akong narinig na tugon. Para akong nababaliw na isiping sasagutin ako ng kalangitan. Kaya tumayo na ako upang umalis na sa lugar na iyon. 

Basang-basa ang damit ko, maging ang dala kong bag ay nabasa na rin ng ulan. Tumakbo ako upang sa ganoon ay makarating ako sa may pandong na lugar ngunit tila parang pinagkaitan ako ng langit. Walang puno sa lugar at puro malalaking gate ang natatanaw ko. Hanggang sa makarating ako sa isang bahay na nakaawang ang maliit na pinto. Kaya naman dali-dali akong pumasok doon at naghanap ng mapagkukublian.

Pagpasok ko sa loob ay wala akong makitang tao. Buhay ang ilaw sa loob ngunit madilim sa labas. Nakita ko ang malaking garahe at sa gilid ay doon ako naupo at sumiksik. Napakalamig ng paligid, dumagdag pa ang basang damit ko na mas lalong nagpahirap sa akin. Naupo ako sa sulok at doon para akong pulubing sumiksik sa gilid ng dingding.

"Siguro hinahanap na ako ni mommy. Sorry mom, kailangan kong gawin ito para sa sarili ko. Hindi ko magagawa ang gusto ni dad kaya sana mapatawad mo ako sa naging desisyon ko. Hindi na muna ako babalik. Tatakasan ko muna ang problemang hinaharap ko.

Makalipas ng ilang oras nakatulog ako habang nakasubsob ang mukha ko sa tuhod. Sa buong buhay ko ngayon lang ako nakaranas nang ganito. Nilalamig na ako at parang lalagnatin pa ako. Hanggang sa may marinig ako na may parating na sasakyan. Bigla akong naalarma, ngunit huli na ang lahat. Nasa loob na ang sasakyan at gumagarahe na ito. Ano mang oras ay bababa na ang nakasakay roon kaya't mas lalo pa akong sumiksik sa gilid upang hindi niya ako makita. Ngunit sa pagkilos ko'y may nasagi akong balde, kaya't nakagawa ako ng ingay. Nagulat ako at maging ang driver ng sasakyan ay parang nakakutob din na may tao sa garahe. Kaya't muli itong pumasok sa loob ng sasakyan at laking gulat ko nang lumabas itong may hawak nang isang 45 caliber na baril. Nanlalaki ang mata ko habang balot na balot ng kaba ang dibdib ko. Lalo na at palapit na ito sa puwesto ko. Hindi ako makahinga at mas lalong-lalo na, parang huminto ang mundo ko sapagkat nakatutok ang baril sa may puwesto ko. Bago pa makalapit ang lalaking may hawak ng baril ay tumayo na ako at sumigaw.

"Parang awa mo na! Huwag mo akong patayin! Pakiusap, wala po kong intensyong masama." Pagmamakaawa ko sa lalaking may hawak ng baril. 

Natigilan naman ang lalaki at parang naistatwa itong tumingin sa akin. Ilang segundo itong nakatitig bago nagpasyang tanungin ako. "Sino ka? Anong ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok sa bahay ko?!" sunod-sunod na tanong nito sa akin.

"Huwag mong itutok sa akin 'yang baril mo! Hindi po ako masamang tao. Pakiusap ibaba mo po iyan!" saad ko sa lalaking may hawak ng baril.

Ibinaba naman niya iyon at nagsimulang umarko ang kilay at pinagmasdan ang kabuoan ko.

"Anong ginagawa mo rito?" isang baritong tinig ang lumabas sa manipis at mapulang labi nito.

"Pa-pasensya na po! Wala po kasi akong masilungan. Masyadong malakas ang buhos ng ulan kaya't nang makita kong bukas ang gate ay nagpasok na ako. Wala naman po sa itsura ko ang pagiging magnanakaw hindi ba?" aniya na nagawa ko pa talagang ipagmalaki ang itsura ko.

Ngunit tila hindi naman naging dahilan iyon para makampante ang kalooban ng kaharap ko. Lumapit ito sa akin at hinawakan ang dala kong bag.

"Patingin ng bag mo!" anito sabay hatak nang bag ko.

"Te-teka lang! Bakit papakialaman mo ang bag ko?!" Kinuha kong muli ang bag ko at tumaas na rin ang boses ko.

"Sigurado akong may ninakaw ka! Patingin ng bag mo!" anito sabay lapit sa akin at pilit na kinukuha ang bag ko. 

Hindi ko naman iyon ibinigay bagkus itinago ko pa ito sa likuran ko. Pero mukhang hindi papayag ang kaharap ko na hindi ko maipakita ang laman ng bag ko kaya't nilapitan niya ako at pilit na inaagaw sa akin ang bag ko. Lalo akong napasandal sa dingding at ang maskuladong katawan nito ay dumikit sa akin. 

"Ah! Ano ba! Wala akong ginagawang masama!" singhal ko sa kanya. Pero hinawakan nito ang kamay ko. Pakiramdam ko nakaramdam ako nang kuryente sa init ng palad niya. 

At parang nanghihina ako nang hatakin niya ang kamay ko patungo sa loob ng bahay. 

"Te-teka! Saan mo ako dadalhin?!" takot na takot na tanong ko. 

"Tatawag ako ng pulis! At hindi ko hahayaan na makatakas ka!" anito na lalong nagpakaba sa dibdib ko. 

"Ha? Huwag! Wala nga akong ginagawang masama e! Bakit ba ayaw mong maniwala?" singhal ko sa kanya. Ngunit huli na ang lahat dahil para akong lantang gulay na hinigit niya papasok ng bahay at isinara ang pinto upang hindi ako makatakas. 

"Akala mo yata madadaan mo ako sa mga pagpapaawa mo! Ganyan na ba talaga kayo? Wala kayong sinasanto? Puwes sa kulungan ka magpaliwanag." Kinuha niya ang cellphone n'ya upang tumawag ng pulis. 

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Spotted Awtr
i bet etong boss nya and ung arranged marriage nya ay isang tao lang...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status