Share

Dangerous Temptation
Dangerous Temptation
Author: snowqueencel

Simula

Kylie

Kasalukuyan akong nakatambay at nagbabasa sa hardin namin kasama ang matalik kong kaibigan na si Adrian. Aalis na kasi siya mamaya patungong ibang bansa para magbakasyon kaya naisipan niyang tumambay muna rito sa ’min. Susunduin na lang daw siya ng papa niya na si Tito Sebastian kapag paalis na sila.

Ilang linggo na rin ang nakalilipas magmula ng magtapos kami ng senior high school. Kaya naman ay gusto raw muna niyang magliwaliw bago kami tumuntong ng kolehiyo sa susunod na pasukan.

Ngunit nagambala ang tahimik kong pagbabasa nang bigla na lang niya akong kiniliti. Magkatabi lang kasi kami habang nakaupo sa damuhan. Dahil dito ay biglang naging alerto ang mga nagkalat naming tauhan sa paligid. Kaya naman ay mabilis ko silang sinenyasan na ayos lang ako.

“Ibang klase talaga kapag anak ka ng isang mafia boss. To the rescue agad ang mga men in black!” bulong ni Adrian bago ngumisi.

Mahina ko namang binunggo ang balikat ko sa kanya. “Sira! Wala kasi si Papa ngayon. Kaya siyempre ay bantay sarado talaga ako kahit dito mismo sa loob ng bahay namin.”

Natawa naman siya bago inilibot ang tingin sa paligid. “Mansyon kamo. Sa sobrang lawak nitong lugar n’yo ay hindi na ako magtataka kung bibihira lang kayo magkita ni Tito Kairo.”

Napailing na lang ako sa kanya at nagpatuloy na sa pagbabasa.

Nagkakilala kami ni Adrian noong orientation day para sa mga high school freshman dahil magkatabi kami sa upuan. Nang magsimula naman ang pasukan ay nagulat pa kami pareho dahil nasa iisang seksyon lang pala kami. Kaya magmula noon ay naging mas malapit na kami sa isa’t isa hanggang sa naging matalik na magkaibigan kaming dalawa.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay natuklasan niya ang lihim ng pamilya ko. Ang katotohanan na parte kami ng underground society at isa si Papa sa tinitingala na mafia boss sa mundong ginagalawan namin.

Ang buong akala ko noon ay matatakot siya sa ’kin at lalayuan na ako. Pero kabaliktaran ang nangyari. Magmula kasi nang malaman niya na anak ako ng isang mafia boss ay mas lalo pa siyang naging protective sa ’kin.

“Pero ito seryosong tanong. Siyempre kapag nagretiro na ang papa mo ay ikaw na ang papalit sa puwesto niya. After all, you’re his only child. Tatanggapin mo ba ang posisyon na iaatang sa ’yo kapag nagkataon?”

Natigilan ako at marahas na napalingon sa kanya. Sa pagkakataong ito ay seryoso na ang kanyang mukha.

Malalim akong napabuntonghininga at tuluyang ibinaba ang hawak na libro. “Sa totoo lang ay hindi ko alam. Ayos lang sa ’kin na saluhin ang responsibilidad sa pagpapatakbo ng negosyo. Pero ibang usapan na kasi ang pagiging isang mafia boss. Ni minsan ay hindi ako nagkaroon ng interes tungkol sa bagay na ’yon.”

Napatango naman siya. “May ilang taon ka pa naman para pag-isipang mabuti ang tungkol sa bagay na ’yan. Pero kapag nagkataon ay kunin mo akong bodyguard mo, hah.” Itinaas baba pa niya ang kanyang kilay.

Mahina ko siyang hinampas sa braso ng librong hawak ko. “Loko-loko! Hindi ka papasa na maging bodyguard ko. Sa payat mong ’yan,” pang-aasar ko pa sa kanya.

Nalukot naman ang kanyang mukha bago itinaas ang kanyang kanang braso at tinapik-tapik ito.

“Mukha lang akong payat sa paningin mo. Pero ang totoo niyan ay may mga nakatago akong bakal sa katawan ko,” pagyayabang pa niya.

Napairap na lang ako sa kanya. “Oo na!”

Akmang magsasalita pa siya nang biglang tumunog ang notification tone ng kanyang cellphone. Kunot noong kinuha niya ito mula sa bulsa at binasa ang dumating na mensahe.

“Nandiyan na raw si Papa sa labas.” Tumayo na siya bago inilahad ang kanang palad niya sa ’kin para alalayan ako.

“Ihahatid na kita sa gate. I-chat mo ako kapag nakarating ka na roon, hah,” paalala ko sa kanya nang magsimula na kaming maglakad.

“Okay. Anong gusto mong pasalubong?” Masuyo niya akong inakbayan.

Napanguso ako. “Hindi ka pa nga nakakaalis ay pasalubong agad ang tinatanong mo.”

Malakas naman siyang natawa. “Siyempre. Para mahanap ko agad pagkarating ko sa States.”

Napaisip naman ako. Sa totoo lang ay wala naman akong ibang mahihiling sa kanya sa ngayon.

“Basta umuwi ka lang dito ng ligtas ay ayos na sa ’kin,” wala sa loob kong tugon.

Marahan niyang pinisil ang balikat ko. “That’s for sure.”

Hindi na ako umimik pa hanggang sa makarating kami sa gate na awtomatikong bumukas. Agad ko namang nakita ang nakahintong kotse ni Tito Seb sa tapat habang nag-aabang siya sa labas ng sasakyan.

“Baka parating na rin po si Papa. Hindi n’yo na po ba siya mahihintay?” tanong ko nang makalapit. Kahit papaano kasi ay naging malapit din ang mga ama namin ni Adrian nang dahil sa negosyo.

Bumaba ang tingin niya sa suot na relo bago muling nag-angat ng tingin sa ’kin.

“Hindi na, hija. Baka mahuli pa kami sa flight namin. Pakikumusta na lang ako sa kanya.” Malawak siyang napangiti.

Pareho kami ni Adrian na wala ng ina. Bata pa lang daw si Adrian nang mamatay ang mama niya nang dahil sa isang aksidente habang si Mama naman ay sa isang insidente na may kinalaman sa gulo ng underground society. Marahil ay dala rin ng halos pagkakapareho ng sitwasyon namin sa buhay kaya kami nagkasundo agad na dalawa.

“Sige po. Mag-iingat po kayo.” Nilingon ko si Adrian na tila biglang nawalan ng imik sa tabi ko at nagbago ang ekspresyon ng mukha. “See you soon,” nakangiti kong sambit sa kanya.

“We’ll go ahead now,” paaalam niya bago tuluyang tumalikod sa ’kin.

Hindi ko alam kung bakit pero bigla akong nakaramdam ng kaba. Para bang may nag-uudyok sa ’kin na pigilan ko siyang umalis.

Pasakay na sila sa loob ng kotse nang biglang mapuno ng malakas na tunog ng alarma ang buong lugar. Agad na naalerto ang lahat ng tauhan namin sa paligid at mabilis na lumapit sa ’kin.

“What’s happening?” natataranta kong tanong sa kanila. Maging sina Adrian at Tito Seb ay natigilan at nagpalinga-linga sa paligid.

“An intruder has entered the area, Young Miss. We need to secure your safety,” imporma ng isa sa mga tauhan namin.

Akmang hahawakan nila ako sa braso pero mabilis akong lumabas at lumapit kina Adrian.

“How about them?” naniniguro kong tanong sa mga tauhan namin habang nakaturo sa mag-ama.

“Ang ilan po sa mga kasamahan na namin ang bahala sa kanila. Sa ngayon ay kailangan po namin masiguro ang kaligtasan n’yo.”

“But—”

Tila biglang bumagal ang mga kaganapan sa paligid nang makarinig ako ng sunod-sunod na putok ng baril. Sa isang iglap ay duguan na bumagsak sa lupa ang katawan ng ilan sa mga tauhan namin.

“Shit! Kylie! Let’s go!”

Wala na akong nagawa nang bigla akong hinila nina Adrian at Tito Seb sa magkabila kong braso patungo sa nakabukas nilang sasakyan.

Everything happened so fast. Mula sa kung saan ay may isang lalaking nakasuot ng maskara ang bigla na lang humila sa ’kin pabalik.

Nahigit ko ang hininga kasabay ng panlalaki ng mga mata ko. Mayroon siyang hawak na baril at halos kumawala ang puso ko mula sa kinalalagyan nito nang itutok niya ang bagay na ’yon sa kaibigan ko.

“No!”

Itinaas naman ng mag-ama ang kanilang magkabilang kamay. Pero mababakas pa rin ang magkahalong takot at galit sa mga mata ni Adrian habang pinaglilipat-lipat niya ang tingin sa ’kin at sa lalaking nakasuot ng maskara.

“Please, don’t! Alam kong ako ang kailangan n’yo! Kaya pakawalan n’yo na sila!” pagmamakaawa ko pa. Namalayan ko na lang na basa na pala ng luha ang aking pisngi.

Ganito rin ba ang sinapit ni Mama noon habang pilit na pinoprotektahan niya ako sa mga umatake rin sa ’min dati?

Ngunit tila hindi niya narinig ang pakiusap ko.

Pakiramdam ko ay bigla akong nabingi nang kalabitin niya ang gatilyo ng hawak na baril ng dalawang beses. Tulalang napatitig na lang ako sa bumagsak na katawan nina Adrian at Tito Seb.

“You’re the daughter of a mafia boss. With that fact alone, you should be aware that anyone who becomes close to you will eventually die.”

Tanging ang mamula-mula niyang mga mata lang ang nakikita ko. Ngunit sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan ay tila ba pamilyar ito maging ang kanyang malamig na boses.

Bago pa ako makaimik ay naramdaman kong may tumama na kung ano sa batok ko dahilan para unti-unti akong makaramdam ng hilo at bumagsak sa lupa. Narinig ko pa ang magkakasunod na putok ng mga baril sa paligid at ang boses ni Papa na tumatawag sa pangalan ko bago ako tuluyang nawalan ng malay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status