Share

Kabanata 1

Kylie

Natigilan ako sa paglilinis ng hawak kong baril nang marinig ko ang biglang paghinto ng makina ng isang sasakyan. Mula sa pagkakaharap ko sa salamin ay tinungo ko ang bintana at bahagyang hinawi ang puting kurtina upang sumilip sa labas.

Mariin kong ipinagdikit ang mga labi nang makita si Papa na bumaba mula sa isang kulay itim na Rolls-Royce. Ngayon lang siya nakauwi magmula nang umalis siya kagabi. Kahit hindi siya magsalita ay paniguradong may kinalaman na naman ang pinuntahan niya sa underground society.

Napailing ako at muling isinara ang puting kurtina bago bumalik sa harap ng tukador. Itinago ko ang hawak na baril sa pinakaibabang drawer bago nagsimulang magbihis. Nang matapos ay namili naman ako ng susuotin kong relo. Napangiti ako nang makita ang paborito kong kulay itim na smartwatch. Mayroon itong built-in GPS tracker, camera at microphone. Agad ko itong sinuot bago ko kinuha ang backpack sa ibabaw ng kama at lumabas na ng kuwarto.

Sa pagbaba ko ng hagdan ay agad akong dumiretso sa hapag kainan. Doon ay naabutan ko si Papa na kasalukuyang kumakain ng almusal.

“Papasok na po ako,” paalam ko sa kanya.

Uminom muna siya sa tasa na naglalaman ng kape bago nagsalita.

“You take care. Call me if something happens,” he casually said without even looking at me.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa strap ng dala kong backpack. Sa isang iglap ay para bang may nagising na damdamin ang mga salita niyang ’yon sa kaloob-looban ko.

“Hindi pa po ata nangyari na nasa tabi ko kayo sa tuwing may nangyayaring masama sa ’kin,” hindi ko napigilang akusa sa kanya.

Natigilan naman siya bago nag-angat ng tingin sa ’kin. Pinigilan ko ang pagbangon ng konsensyang naramdaman nang makita ang tila pagod na niyang mukha.

“You don’t use that kind of tone to me, young lady,” he said in a menacing tone.

Napaiwas na lang ako ng tingin habang pinananatiling walang emosyon ang aking mukha.

“I’ll go ahead,” I repeated. All I want right now is for this little conversation to come to an end.

Hindi ko na siya hinintay na umimik pa at dali-dali na akong tumalikod para umalis. Walang ibang ingay na maririnig sa paligid kung hindi ang tunog lamang na nagmumula sa suot kong boots nang dahil sa bigat ng bawat paghakbang ko. Pero hindi ito kasing bigat ng nararamdaman ko ngayon.

Sa paglabas ko ng mansyon ay agad akong sinalubong ng dalawa kong personal na bodyguard.

“Good morning, Young Miss,” nakayuko at magalang na bati nina Vien at Arc. Matanda lamang sila ng tatlong taon sa ’kin.

Hindi ako umimik. Tinanguan ko lang sila bago ako diretsong pumasok sa loob ng nakabukas ng sasakyan. Agad na isinandal ko naman ang ulo sa headrest. Papasok pa lang ako pero ang pagod na nararamdaman ko ay pauwi na.

“Didiretso na po ba tayo sa university?” tanong ni Vien na siyang magmamaneho.

Naiiling na tumingin ako sa labas. “Wag muna.”

“Masusunod po.”

Ilang sandali pa ay pinasibad na niya paalis ang kotse. Alam naman niya kung saang lugar ko muna gustong pumunta.

“Ayan na ba ang ipinabili ko?” tanong ko kay Arc nang mapansin ang bungkos ng kulay pulang rosas na hawak niya.

“Opo, Young Miss.”

Malalim akong napabuntonghininga. “Okay.”

Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa Paradise Memorial Park. Dumiretso kami sa pinakadulo nito bago tuluyang huminto.

Sa pagbaba ko ng kotse ay agad na inabot sa ’kin ni Arc ang hawak na bulaklak.

Pinaglipat ko naman ang tingin sa kanilang dalawa. “Dito lang kayo,” mariin kong bilin.

Napatungo naman sila. “Masusunod po.”

Naglakad na ako palayo sa kanila bago tumigil sa harap ng magkatabing lapida kung saan ay nakaukit ang pangalan ng matalik kong kaibigan at kanyang ama.

Dahan-dahan akong lumuhod at ibinaba ang bungkos ng bulaklak sa pagitan ng dalawang lapida. Mas lalong bumigat ang kalooban ko nang muli kong maalala ang isang mapait na pangyayari mahigit tatlong taon na ang nakararaan.

Nang araw rin na ’yon ay nagkaroon din ako ng malay. Ngunit ang bumungad sa ’king paningin ay ang pamilyar na kulay puting kuwarto ng hospital. Kahit alam kong imposible ay umasa pa rin ako noon na kahit papaano ay nagawang makaligtas ng mag-ama sa trahedyang kinasadlakan nila nang dahil sa ’kin.

But they are declared dead on arrival, according to what Papa has told me.

Ikinuyom ko ang kamao. Sakto lang daw ang naging dating ni Papa noon kasama ang iba pa sa mga tauhan namin kaya kahit papaano ay nailigtas pa ako.

Pero ng tanungin ko siya tungkol sa lalaking nakamaskara na bumaril sa mag-ama ay wala naman daw silang naabutan na nakasuot ng maskara sa mga kalaban na lubos kong ipinagtaka. Nasisiguro ko na hindi naman niya aalisin ’yon para protektahan ang pagkakakilanlan niya.

Ngunit paano niya nagawang makaalis nang ganoon kabilis?

Pakiramdam ko ay mas lalong nanakit ang ulo ko nang muli ko na namang maisip ang tungkol sa kriminal na ’yon. Ilang taon na ang nakalilipas pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nabibigyan ng hustisya ang nangyari kina Adrian at Tito Seb. Lingid sa kaalaman ni Papa ay gumagawa ako ng sarili kong imbestigasyon tungkol sa nangyari.

Sa pagkakaalam ko ay nabuwag na ni Papa ang grupo na umatake sa mansyon noon at nagawa na nilang patayin ang namumuno rito. Pero dahil wala akong kahit na anong impormasyon tungkol sa lalaking bumaril kina Adrian at Tito Seb ay hindi ako puwedeng makampante na kasama siya sa mga naidispatsa na ng mga tauhan namin. Dahil baka mamaya ay pakalat-kalat pa rin siya sa paligid at naghahanap lang ng tiyempo upang muling umatake.

Alam kong mistula akong bulag na kumakapa sa dilim. Pero balang araw ay malalaman ko rin ang pagkakakilanlan ng lalaking ’yon. Sa ngayon ang mga bagay na alam ko lang tungkol sa kanya ay ang kanyang kulay tsokolate na mga mata na bigla na lamang namula at pamilyar na tinig. Tila sirang plaka na paulit-ulit ko itong naririnig maging sa panaginip ko nitong mga nakalipas na taon.

Sa totoo lang ay hindi kasama sa pangarap ko na pamunuan ang Aragon Mafia. Pero kung ito lang ang tanging paraan para maipaghiganti ko ang nangyari kina Adrian ay gagawin ko. Hindi ako sumailalim sa masusing pagsasanay ng ilang taon para lang sa wala. Ang mahinhin na ako ay tuluyan ng naglaho magmula noong araw na ’yon.

Napayakap ako sa sarili ko nang biglang lumakas ang ihip ng hangin. Hanggang sa natigilan ako at marahas na nagpalinga-linga sa paligid. Pakiramdam ko kasi ay mayroong nagmamasid sa ’kin.

Ngunit tanging sina Vien at Arc lang ang nakita ko na pawang alertong nakabantay. May iilan pa kaming mga tauhan na alam kong nakasunod sa ’min ayon na rin sa utos ni Papa. Pero mayroon silang sapat na distansya dahil mas lalo lang akong nakakaramdam ng iritasyon sa dami ng nakabuntot sa ’kin.

Magmula pa naman noon ay hindi ko na talaga gusto ang magkaroon ng bodyguard. Mas lalo naman ngayon na kaya ko ng protektahan ang sarili ko.

Pero hindi naman nakikinig sa ’kin si Papa. Kaya sa bandang huli ay ako na lang ang sumuko. Nakakapagod kasi ang makipagtalo sa kanya.

Muling bumaba ang tingin ko sa dalawang lapida sa harapan ko. Masuyo kong hinaplos ang mga letra na nakaukit doon kasabay ng pagpatak ng luha sa ’king mga mata na kanina ko pa pilit na pinipigilan.

“It may take a little longer, but I swear that justice will be served for what happened to both of you. I promise.”

***

Mabilis akong umibis ng sasakyan pagkagarahe nito ni Vien sa parking lot ng university. Wala naman akong pakielam sa kung ano ang sasabihin ng iba. Pero hangga’t maaari ay ayokong nakakakuha ng atensyon.

“Dito lang kayo o kaya naman ay pumunta muna kayo sa kung saan n’yo man gusto. Basta wag n’yo lang akong susundan,” paalala ko sa kanila nang may pagbabantang tingin.

Hindi naman na kasi ako elementary o high school student pa para bantayan nila ang bawat kilos ko. I’m a graduating college student, for mafia’s sake!

Bakas ang pag-aalinlangan sa kanilang mga mukha pero napatango rin sila.

“Good.”

Iniwan ko na sila at nagsimula na akong maglakad patungo sa Business Administration building. Ramdam ko na napapatingin ang bawat taong nadaraanan ko sa ’kin pero wala akong pinag-ukulan ng atensyon ni isa sa kanila. Kapag ganitong nasa labas ako ay hindi ako tumitingin sa kahit na sino.

Magmula ng mangyari ang malagim na insidenteng ’yon ay hindi na ako nagtangka na makipagkaibigan o makipaglapit pa sa kung sino. Ayokong may iba na namang madamay nang dahil sa gulo ng mundong ginagalawan ko.

Malayo pa lang ako sa classroom namin ay rinig ko na ang malakas at nagkakatuwaang boses ng mga kaklase ko. Ngunit sa pagpasok ko ng pinto nito ay bigla silang nanahimik nang mapalingon sa direksyon ko na para bang may anghel na dumating.

Too bad; I’m far from being an angel.

Taas noong naglakad ako papasok at dumiretso sa dulo. Pagkaupo ay agad na isinalampak ko ang earphones sa magkabila kong tainga at pumikit.

Wala naman talaga akong pinapakinggan na musika. Sadyang ayoko lang na istorbohin nila ako.

Ilang minuto pa ang lumipas ay dumating na ang unang professor namin para sa araw na ’to. Pero dumaan lang ang naging klase namin na halos makatulog ako. Wala pa naman kasing masyadong pinag-usapan at ginawa dahil unang araw pa lang naman ng klase.

Ngunit magmula ng mangyari ang insidenteng ’yon ay aminado akong nawalan na ako ng gana mag-aral. Napalitan ng baril ang dati ay hawak kong mga libro. Nababad ang oras ko sa pag-eensayo na rati kong inilalaan para sa pagre-review.

Kaya hindi ko alam kung paanong nagagawa ko pa ring manguna sa klase sa kabila ng lahat ng ’yon. O baka naman sadyang may kakayahan lang ako na maintindihan agad ang mga salita na naririnig ko kahit hindi ko ito gaanong binibigyan ng atensyon hanggang sa tumambay na ito sa utak ko.

“Narinig mo ba ang tungkol sa nangyaring insidente sa bayan kagabi? Balita ko ay may nakita raw na bangkay ng isang babae na para bang inatake ng isang mabangis na hayop.”

Napakunot noo ako nang marinig ang pinag-uusapan ng mga kaklase ko na katapat ko lang. Break time namin ngayon kaya balik sa pagkukuwentuhan ang mga kaklase ko. Dalawa lang ang subject namin ngayong araw at mamaya pa naman ang isa.

Hindi ko alam kung bakit pero nakuha ng pinag-uusapan nila ngayon ang interes ko.

“Oo nga! Ang nakakaloka pa roon ay marami raw itong sugat at may kagat pa sa leeg. Halos maubusan nga raw ng dugo, eh,” sagot ng isa pa.

Napaayos ako ng upo. Sa totoo lang ay aware naman ako sa tila sunod-sunod na insidente ng mga kababaihan na bigla na lang nawawala at natatagpuan na lang na patay. Pero ngayon ko lang narinig ang buong detalye tungkol dito.

“Nakakatakot na talaga ang panahon ngayon! Nang dahil tuloy sa mga nangyayari ay paniguradong maghihigpit lalo sa ’kin sila mama. Mahihirapan na naman akong magpaalam para gumala nito.” Napalabi pa ang babaeng mismong katapat ko.

“Kaya nga, eh.”

Tinaasan ko sila ng kilay. Akala ko pa naman ay natatakot sila dahil mismo sa nangyayari. Mas takot pala sila na hindi mapayagang lumabas.

What a brat!

“Pero ang sabi ng matatanda ay baka aswang daw ang may gawa no’n,” dagdag ng isa pa.

Nagsalubong ang kilay ng kausap niya. Hindi kasi ako masyadong pamilyar sa pangalan ng mga kaklase ko.

“Seryoso ba?”

Napapikit ako at nagkunwaring hindi nakikinig sa anumang pinag-uusapn nila. Hindi ako naniniwala sa mga aswang o ano pa man. Pero hindi ko rin maiwasan ang mapaisip.

Kailan pa nagkaroon ng mabangis na hayop sa lugar namin?

Kung totoo man ’yon ay wala akong panahon para sa bagay na ’yon ngayon. May isang tao akong kailangan hanapin. Saka ko na lang iisipin ang tungkol sa nangyayari nitong mga nakaraang araw.

Sa totoo lang ay tinanong ko rin si Papa tungkol sa bagay na ’yon para makasiguro. Pero wala raw siyang alam sa insidenteng sunod-sunod na nagaganap sa lugar namin.

Sabagay, bilib na ako kung may kakayahan din silang paamuhin at gawing tauhan ang isang mabangis na hayop.

Abala ako sa pag-iisip ng kung anu-ano nang matigil sila sa pag-uusap at biglang magtilian. Agad na iminulat ko ang mga mata para alamin ang nangyayari.

Napansin kong nakasilip silang lahat sa pinto at bintana. Hindi ko naman ugaling makiusyoso. Ngunit dala ng kuryosidad ay napatayo ako para makitingin na rin. Napairap na lang ako nang makita ang dalawang kaklase naming lalaki na nagsusuntukan sa labas. Away bata lang pala.

Wala sana akong balak na mangielam. Pero rinding-rindi na ako sa tilian ng mga kaklase kong babae na pinipilit ang mga kalalakihan na pigilan ang dalawa. Ngunit tila wala naman silang naririnig at nag-e-enjoy pa silang panoorin na mag-away ang dalawa kong kaklase.

Kaya naman ay walang pagdadalawang isip na pumasok ako sa eksena. Akmang susuntukin na naman nila ang bawat isa nang sabay kong sanggain ang magkabila nilang kamao.

Biglang tumahimik ang paligid. Maging sila ay gulat na napatitig sa ’kin.

Nang makabawi sa pagkakabigla ay akmang iaamba pa ng isa ang kabila niyang kamao. Pero mabilis na sinipa ko ang tuhod niya dahilan para mapaluhod siya. Bumakas naman ang takot sa mukha ng kalaban niya at bigla itong napaatras.

Tapos ang problema.

Natigilan lang ako nang marinig ang isang tila dumadagundong na boses.

“Anong nangyayari rito?” tanong ng sa tingin ko ay professor din dito sa university habang inaayos ang suot niyang salamin pagkalapit sa ’min.

Pagkakita niya sa ’ming tatlo ay biglang naningkit ang kanyang mga mata.

“To the discipline office, now!”

Tila naluging sumunod naman ang dalawang lalaki na nag-aaway kanina at nagbalikan na sa kanya-kanyang classroom ang iba pa. Pabalik na rin sana ako nang bigla niya akong tawagin.

“You, young lady, you need to go as well!”

Hindi makapaniwalang napalingon ako sa kanya.

What the fuck?

Akmang aangal pa ako nang may kung anong bigla na lang na bumundol sa likod ko. Kung tutuusin ay simpleng pagkakabunggo lang ’yon pero halos mawalan ako ng balanse nang dahil sa lakas ng puwersa na nakapaloob doon.

Napasinghap ako at marahas na nilingon ang may gawa no’n. Pero tila naumid ang dila ko nang bumungad sa ’king paningin ang isang matangkad na lalaki. Hindi ko gaanong makita ang kanyang mukha dahil bukod sa nakatungo siya ay nakasuot pa siya ng sombrero.

“Sorry,” he said in a low, deep voice that made me shiver, then walked past me.

Before I could even utter a word, he was no longer around. Just who the hell is that guy?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status