Share

Kabanata I: The Hairpin

Demi's Point of View

"Mama, ayaw ko pa pong malayo sa inyo lalong-lalo na sa mga kapatid ko."

"Hindi maaari ang gusto mo anak, gusto mo bang ipahamak ang angkan natin?"

"Ayaw po, natatakot lang po ako baka hindi na ako makabalik."

"Hindi 'yan mangyayari basta't magpakatatag ka, mahal na mahal ka ni nanay."

Nakatingin ako ngayon sa mag-inang nag-uusap, isa rin ata ang anak niya sa hindi mapalad na kabilang sa mga mahihirap na walang maipagtutubos sa mga anak nilang susuong sa panganib para mapatunayan na may karapatan itong mapabilang sa aming lahi.

"Oh, bakit tulala ka riyan?"

"P-po?" Napakurap-kurap naman ako at hinarap ang napakandang babae na nasa tabi ko na ngayon.

"Magiging maayos din ang lahat at kakayanin mo ang lahat ng pagsubok na kakaharapin mo sa loob ng akademya kaya huwag kang masyadong mag-alala," pagpapalakas ng loob ng babae na hinaplos pa ang pisngi ko at tumingin sa mag-ina na tinitingnan ko kanina.

"Pero ina, may dapat akong ipag-alala... Hindi pa ako nakakapagpalit ng anyo ko bilang lobo, ang normal na werewolves ay labing-tatlong taong gulang pa lang ay nakakapagbagong anyo na ngunit ako... hindi pa rin," nag-alalang sagot ko at bumuntong hininga pa at saka kinuha ang mga tuyong damit na nakasampay sa labas ng aming bahay. Ito ang lubos kinakatakutan ko ang umabot ang taon na labing walong taon na ako, ang taon ng paghuhukom sa akin bilang werewolf.

"You are just a late bloomer, huwag kang mag-alala hindi tatagal ay makakapag-bagong anyo ka na rin kagaya ng ibang werewolves," mahinahon at malambing na usal ni ina na alam kong pinapalakas lang ang loob ko.

"Sana nga po ina ay makapagbagong anyo ako bago ang ika-apat na taon ko sa Krisi," malungkot kong usal na kinayakap naman sa akin ni ina na hinaplos-haplos pa ang ulo ko.

"Magtiwala ka lang anak sa iyong kakayahan," aniya at hinalikan ang noo ko.

Napakaganda niya na kabaliktaran naman sa akin na anak niya, kadalasan ay hindi kami pinaniniwalaan na mag-ina dahil magkaibang-magkaiba kami ni ina. Simula sa pananamit, dahil mahilig si ina sa puting bistida na bagay na bagay sa kanya dahil sa kanyang napakagandang katawan, may mahabang kulay itim na kulot na buhok, may kulay kayumangging balat at napakagandang mga mata na napakaamo at kahit parang mayumi siyang tingnan na babae ay malakas siya, parang dyosa si ina habang ako naman ay isang hindi kapansin-pansin at mahinang werewolf, mas gusto kong nakasuot ng mga malalaking damit at jogging pants o pantalon, hindi kulay itim ang kulay ng buhok ko kundi kulay tsokolate na tuwid pa na hindi lagpas balikat ang haba, sabi ni ina ay namana ko raw iyon sa tatay ko na hindi ko pa nakita o nakilala ni minsan.

Kakaiba rin ang kulay ng kutis ko dahil maputi ako at ang mga mata ko ay parang walang kabuhay-kabuhay kung makatingin, ayaw ko rin ng masyadong maliwanag, mas gusto kong mapag-isa at higit sa lahat mahina ako, ibang-iba ako kay ina kaya hindi agad sila naniniwala na anak ako niya, minsan ko rin namang tinanong si ina kung ampon ba ako ngunit tinawanan niya lamang ako, medyo magkamukha naman kami ni ina sadyang ang mga walang kabuhay-buhay na mata, kulay ng kutis at kulay ng buhok ang pinagkaiba namin.

"Demi?"

"Po?"

"Mag-ayos ka na ng gamit mo para bukas," bilin niya.

"Okay po," sabi ko at naglakad na papasok sa bahay namin at dumiretso sa maliit na kwarto ko at kinuha ang isang libro na may mga blangkong pahina.

Kabilang ako sa lahi ng mga werewolves, para lang naman kaming mga normal na tao dahil sa pisikal na anyo namin ngunit ang pinagkaiba lang naman ay nag-iibang anyo kami at may taglay kaming pambihirang lakas kahit nasa human form kami. Tulad ng tao ay may sarili kaming paniniwala, tradisyon at kalakaran na aming sinusunod dahil sa oras na ito ay suwayin at labagin namin ay may karampat na parusa kaming matatanggap na minsan ay humahantong sa kamatayan. Medyo sibilisado na rin kami at hindi na tulad ng dati na watak-watak dahil sa bawat packs, maaari kaming bumukod ng bahay sa mga magulang o angkan naming ngunit ang bubukuran namin ay dapat ay nasa loob pa rin ng Elefteros borderline.

May tatlong borderlines ang lahi namin, una ay ang Elefteros borderline kung saan malaya kaming maglibot-libot at magtayo ng mga tirahan, pangalawa naman ay ang Kinyege borderline na kadalasan ay mga Gama ang naroroon para magbantay at ang iba naman ay para magtrabaho at ito rin ang borderline na nagsisilbing kulungan ng mga nakagawa ng paglabag sa batas namin, bawal roon ang mga labing-pitong taong gulang pababa. Ang panghuli ay ang Epikindinos borderline, ang borderline na kinakatakutan ng lahat, marami kasing mga ibang nilalang na ang nandoon at tanging may mga matataas na ranggo at malalakas na werewolves ang nakapupunta roon at kapag nakatawid ka na raw sa Epikindinos ay makikita mo na ang totoong paraiso at kalayaan. Iyon ang kwento sa akin ng kaibigan ko na minsan na ring nakaabot roon.

"Demi!" Gulat naman akong napatingin sa babaeng bigla na lamang lumitaw sa harapan ko. Tumingin naman ako sa bintana ko na nakabukas, sigurado akong doon siya dumaan.

"Sulpot ka lang nang sulpot," usal ko at binaba ang libro na sinusulatan ko.

"Nagsusulat ka naman ba?" tanong niya na hindi pinansin ang sinabi ko at lumapit sa lamesa ko sa kwarto at kinuha ang mansanas roon at kinagatan iyon.

"Iyon ang hilig ko, Alyosha," sabi ko at lumapit sa nakabukas na bintana at sinarado ito saka ibinalik ang nakahawing kurtina dahilan para matakpan ang sinag ng araw na sumisinag sa bintana ng kwarto ko.

"Yosh nga diba?" Sinamaan niya pa ako ng tingin.

"Okay," sabi ko at bumalik sa pagkakaupo sa kama ko.

"Excited ka na ba para bukas?" tanong niya na parang kumikinang pa ang mga mata dahil sa pagkasabik para sa mangyayari bukas na kabaliktaran naman sa nararamdaman ko.

Siya si Alyosha, ang kaibigan ko. Magkasalungat kami ng ugali ngunit nagkakasundo naman kami, siya ang nagkukuwento sa akin ng paraiso sa labas ng Epikindinos borderline, gusto niya makapunta roon dahil nandoon daw ang mga magulang niya ngunit ang totoo ay matagal ng patay ang mga magulang niya sa Epikindinos nang tangkain ng pamilya nilang ilayo si Yosh nang sampung taong gulang pa lang ito dahil sa hindi na nila nagugustuhan ang pamamalakad ng Great Alpha at Luna sa aming lahi na nasasakupan nila.

"Paano naman ako masasabik kung alam ko naman na walang kasiguraduhan kung makikita ko pa ulit ang aking ina," malungkot kong sabi.

"Huwag kang mag-alala andito ako, tutulungan naman kita," pagpapalakas niya sa loob ko na hinawakan pa ang magkabilang balikat ko. "Papalitan natin ang mga nasa Palati, lalong-lalo na ang Great Alpha," mapait niyang usal na may bahid ng pagkamuhi.

"Yosh, huwag mo nang tangkain na paghigantian sila, hindi ka pa nakakalapit ay patay ka na agad," nag-aalalang usal ko.

"Hindi natin alam, malay mo isang araw kakalat ang balita na nawalan na ng ulo ang Great Alpha," nanggigigil na usal niya.

"At mamatay ka."

"At least napatay ko siya. Maghintay lang siya!"

**

"Pssst!"

Naalimpungatan naman ako sa narinig kong sitsit, imimulat ko na ang mga mata ko at umupo sa gilid ng kama sabay kusot sa mga mata ko at humikab.

"Demi!" mahinanag tawag ng pamilyar na boses.

Tumayo na ako at naglakad papunta sa bintana habang kinukusot pa rin ang mga mata ko, binuksan ko ito at bumungad sa aking paningin ang babaeng nakasuot ng jacket na tila may pupuntahan.

"Ang aga pa Yosh..." puna ko at humikab ulit.

"Alam ko pero sumama ka sa akin," aya niya at pumasok na sa kwarto ko at naghalungkat ng mga gamit ko na nilagay niya sa maliit na bag.

"Saan tayo pupunta?" tanong ko na nagsusuot na ngayon ng jacket at sapatos. Hindi niya ako sinagot bagkus ay hinila na ako palabas ng kwarto, dumaan kami sa bintana ng kwarto ko.

Madilim pa nang naglakad kami palayo sa bahay ko dahil na rin sa madaling araw pa lamang.

"Saan ba kasi tayo pupunta?" tanong ko nang hindi na ako makatiis dahil sa ang layo na ng nilakad namin. "Huwag mong sabihin na tatakas tayo?" nag-papanic na tanong ko.

"Hindi, just trust me. You will like it," aniya at ngumiti pa.

Lakad lang kami nang lakad hanggang sa tumigil kami sa isang ilog na may napakalinaw na tubig, nagrerepleksyon dito ang sobra sa kalahating buwan na nasa kalangitan.

"A-ang ganda..." naibulalas ko na lamang dahil sa pagkamangha at lumapit pa sa gilid ng ilog at pinagmasdan ang nagrereplekang sobrang kalahating buwan na kumikinang-kinang sa repleksyon sa tubig.

"Maligayang kaarawan, Demi!" Tumingin naman ako sa likuran ko.

Nakatayo roon si Yosh habang nakangiti at may hawak ng kulay lilang bulaklak na kilalang-kilala ko, it's Lisianthus flower at napaka-rare ng bulaklak na ito kaya nagulat at nasiyahan ako nang masilayan ito.

"Saan mo ito nakuha? Ang ganda!" sabi ko na ngayon ay hawak-hawak na ang bulaklak.

"Sa tabi-tabi lang." Kumibit-balikat pa siya.

"Sa tabi-tabi lang? Sa pagkakaalam ko ay sa Kinyege borderline lang makakatagpo ng ganitong bulaklak kaya paano ka nakakuha nito? Pumunta ka ba sa borderline na 'yon?!" nagtataka at gulat na tanong ko.

"Sige, kukuha muna ako ng kahoy na mapagsisilaban natin ng apoy," paalam niya at hindi na nag-atubiling naglakad paalis. Hindi niya sinagot ang tanong ko kaya sigurado akong galing siya roon at doon siya namitas nito.

Napanguso na lang ako na sinusunod ng tingin ang likuran niyang naglalakad palayo at saka tumingin sa bulaklak na hawak ko at saka sa ilog at buwan. Ang ganda niyo!

Matagal akong nakatulala sa repleksyon ko sa tubig bago ko maisipan na lumangoy. Itinabi ko naman ang bulaklak sa bag na dala ni Yosh at tumingin-tingin sa paligid. Walang ibang nandito kung hindi ako lamang kaya hindi na ako nag-aksaya ng oras at hinubad na ang jacket, t-shirt at pajama na suot ko, tanging panloob na damit na lang ang suot ko at saka wala namang ibang nakakakita sa akin kaya okay lang.

Lumusong ako sa ilog at masayang lumangoy hanggang sa may biglang kumaluskos sa paligid kaya agad akong napatingin sa pinanggalingan ng kaluskos.

"Yosh?" tawag ko pero wala namang sumagot hanggang sa mapatingin ako sa isang direksyon; isang lobo na tumatakbo papalayo. Nakita niya ako.

Agad akong umahon sa ilog at kinuha ang tuwalya na dala ni Yosh at pinulupot sa katawan ko at saka pinuntahan ang direksyon na pinanggalingan ng lobo kanina, wala na akong ibang nakita roon kundi isang hairpin na kulay lila. Napahinga na lang ako ng malalim.

Mabuti na lang babae ang nakakita sa akin... Sana nga babaeng-lobo...

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status