Share

Rewriting Letters for Crisanto
Rewriting Letters for Crisanto
Author: Zirens

Prologue

*Bang!*

"Mauna ka na, susunod ako sa iyo. Bilisan mo ang iyong takbo!"

Hingal na hingal na bulyaw sa akin ni Crisanto sa aking likuran. Ang kapaguran ay nananalaytay na sa aming katawan ngunit hindi kami maaaring tumigil.

Ang putik na nilikha nang walang tigil na ulan ay nagmamantsa na sa aking puting saya. Lalong nagiging mahirap ang aming pagtakas sa dulas ng lupa. Nais ko na lamang sanang tumigil at sumuko ngunit alam kong sa huli ay papatayin rin nila ang aking minamahal. Si Crisanto.

Tanging pagtakbo ng matulin lang ang kaya namaing gawin upang makaligtas sa mga manunugis.

Dalawang gwardiya sibil ang humahabol sa amin. Sa kanilang mga kamay ay ang mahabang baril na kanina pa nilang ipinapaputok sa kalangitan upang tumigil kami.

"Detener!" sigaw ng isang guardia. Pinatitigil kami.

Patuloy kaming tumakbo sa kahabaan ng napasok naming masukal na kagubatan. Hinila ko pa pataas ang aking saya kahit sumusugat ang mga tinik ng halaman at mga maliliit na sangang nalaglag sa lupa.

Isang putok muli ang umalingawngaw sa buong kagubatan. Maging ang mga ibon ay nagsiliparan.

"Bilisan mo, binibini! Maabutan na nila tayo."

Hinigitan ko ang tulin ng aking pagtakbo ngunit sadyang pagod na ang aking mga binti. Naiwala ko kanina ang isang kapares ng aking sapin sa paa habang tumatakas kaya't inabot ko ang natitirang isa at itinapon upang makatakbo ng mas mabilis.

Tumutusok sa aking talampakan ang mga maliliit at matulis na bato, tinik, putik at kung ano ano pa ngunit hindi ko na inisip pa. Sigurado akong may mga pagala-gala pang ahas sa lugar na ito.

Ngunit hindi ako natakot doon. Mas ikinatatakot ko ang mahuli kami.

Pagkatapos ng ilan pang minutong pagtakbo ay tuluyan nang bumigay ang aking mga binti. Alam kong matitipalok na ako!

"Hindi-"

Nang biglang maramdaman ko nalang ang paa ko sa hangin at ang mga malalakas na braso ni Crisanto sa aking baywang. Binuhat niya ako at nagpatuloy sa pagtakbo. Tumingin ako sa aming likuran at nakitang tinututukan na kami ng isang guardia civil.

"Crisanto! Babarilin tayo!"

Kumalat ang mas matinding takot sa aking katawan. Para akong kinuryente sa kaisipang si Crisanto ang unang matatamaan dahil siya ang tinututukan. Isa pa ay bumagal kami dahil buhat niya ako.

"Ibaba mo na ako. Tayo'y bumabagal lamang!" nanginginig at naiiyak kong sambit.

"Sugat sugat na ang iyong binti, binibini. At marahil ang iyong talampakan rin. Hindi ko iyon mahahayaan."

Sumakit ang aking puso. Handa siya sa kahit anong kahihinatnan ng pag-iibigang ito. Isinuko niya ang lahat alang-alang sa akin.

At gayon din ako, itataya ko ang lahat maging malaya lang kaming dalawa.

Narating namin ang matarik na parte ng gubat. Pababa na kami, papunta sa ilog ng San Isidro. Ang malamyos na agos ng tubig ay kitang-kita ko na kahit malayo-layo pa kami doon.

Ang mahabang ilog ay konektado sa ibang bayan. Isa ito sa lugasan ng mga mangangalakal ng mga kalapit bayan upang makipag-barter dito.

Nakikita ko na din sa isa sulok ang inihandang bangka ni Crisanto at ng kanyang pinsan na si Sanding.

Ngunit bago kami makarating doon ay kailangan naming lagpasan ang matarik na parte na ito. Salu-salungat rin ang mga puno sa habang pababa.

"Kailangan mo na akong ibaba, Crisanto. Maaari lamang tayong mahulog dito kung hindi." bulong ko ngunit hindi sinasadyang humigpit ang aking kapit sa kanyang batok.

Mariin niya akong tinignan at tumingin sa likod. Mabilis niya akong ibinaba at mahigpit na hinawakan ang kamay.

"Hawakan mo lang ako, madulas ang lupa. Baka gumulong ka pababa."

Maingat kaming bumaba, ngunit sa aming pangalawang hakbang ay muling umingay ang paligid sa isang putok.

"Ah!" sigaw ko dahil tila napakalapit ng putok.

Nagpatuloy na lamang ako sa maingat ngunit mabilis na pagbaba. Hawak ko pa ang kamay ni Crisanto kaya't alam kong kaya naming makatakas.

"Malapit na tayo!"

Nilingon ko si Crisanto at nakitang namumutla ang kanyang labi. Napatigil ako.

"Crisanto?"

"Huwag kang tumigil, binibini. Takbo!"

"Bakit ka-"

Umugong ang dalawang putok. Nawalan kami ng balanse at nagpagulong-gulong na pababa. Naaninagan ko pa ang malapit nang mga guardia civil, muli nila kaming pinaputukan.

Hindi ko na mahagilap si Crisanto! Ang bugbog sa aking katawan ay sadyang nakakapanghina.

"Ah!" sigaw ko nang bumundol sa isang bato.

Pinigilan nito ang aking pag-gulong paibaba. Hindi ko magawang magpasalamat dahil napakasakit ng aking tagiliran. Alam kong may tama rin sa aking ulo.

Halos hindi ko maigalaw ang aking mga kamay at paa. Tila paralisado ang utak ko dahil pinanunuod ko lang na lumapit sa akin ang isang guardia civil.

Dinampot ako nito sa kabila nang malala kong tinamo sa pagbagsak. Napangiwi na lang ako sa walang magpagsidlang kirot na dulot non.

"Dònde està la indio!" bulyaw nito sa akin.

Umiling-iling ako dahil hindi ko rin alam kung nasaan si Crisanto. Pero nananalangin akong buhay siya. Sugatan marahil, ngunit buhay!

"Busca al hombre!"

("Hanapin mo ang lalaki!")

Dinig kong kumilos ang isa nitong kasamahan. Sinunod ang utos nitong hanapin si Crisanto.

"Hermina!"

Dinig sa malayo ang sigaw ng aking ina. Pikit ang isa kong mata, tanaw kong paparating sila ng aking ama sa amin. Pilit kong iniaangat ang kamay upang makahingi ng tulong.

"¡Lo que le hiciste a mi hija?!" galit na turan ng aking ama sa sundalo.

("Anong ginawa mo sa aking anak?!")

"Lo siento Don Claveria, se caen mientras huyen." nakayukong saad nito.

("Pasensya na kayo Don Claveria, nahulog sila habang tumatakas.")

Lumapit sa akin ang aking ama at nanginginig nitong hinawakan ang aking mukha.

"Hija, anak."

"I-Iligtas mo si C-crisanto, papa!" nanghihina kong pakiusap.

Isang malakas na sampal ang naramdaman ko sa aking namamanhid na pisngi. Umugong ang matinis na tunog sa aking tainga pagkatapos non. Ang pinaghalo-halong sakit ng katawan, sugat sa ulo at durog na puso ay nagpamanhid na sa akin. Ngunit ang sampal na iyon ay tila kalembang ng dambana sa aking mukha.

"Tontà! Ano't sa kabila ng iyong kalagayan ay ang hampaslupang lalaki na iyon pa rin ang iyong bukang-bibig!" gigil na usal ng aking ina pagkatapos akong sampalin.

"Tama na! Hindi dapat ang anak natin ang sinasaktan mo! Hindi ka na naawa."

Tanging tahimik na pagtangis ang aking naisagot. Si mama ang higit na tutol sa aming pag iibigan ni Crisanto.

"Bakit hindi sasaktan. Isang lapastangan iyang anak mo! Biruiin mong ipagpalit lahat ng hirap na ating ginawa para sa kanya para lamang sa isang indio!"

Sinubukan kong abutin ang kanyang kamay, nanghihina. "Tama na, mama."

Tinabig niya ang kamay ko at dinurk ako. "Isa kang maduming babae! Ipinahiya mo kami ng iyong ama sa kura ng simbahan ng San Isidro! Nakakasuklam ang iyong ginawa, Hermina!"

"Tama na!" awa.

"Suwail kang bata ka. Ginawa namin lahat para maipasok ka sa simbahan, tapos ganito ang gagawin mo! Sa tingin mo ba'y tatanggapin pa ang iyong kaluluwa sa langit?!"

"Señor!" tawag ng guardia civil. "Él está aquí!"

("Señor! Andito siya!")

Nagkatinginan ang aking ama at ina saka ako saglit na tinignan ng aking ama. Sabay silang umalis, titignan ang tinuturo ng guardia civil.

Ang tila naghihingalo kong puso ay pumintig ng matulin kasabay ng pagdaloy ng kuryente sa aking nanghihinang katawan. Pilit kong itinayo ang sarili at pinalis ang luhang tuloy-tuloy nang bumabagsak. Buong pwersa kong pinilit ang mga kamay na itayo ang aking katawan.

Dinig ko ang kanilang mga boses ngunit wala akong maintindihan. Hinang-hina ako nang makaupo. Nilingon ko ang gawi nila. Nakita kong nakapulumpon sila sa isang lugar.

"¿Está muerto?" ika ng aking ina na tuluyang nagpamulagat sa akin.

("Patay na ba?")

Ubos ang lakas ay tumayo ako at paika-ikang takbo ang ginawa upang makarating sa kanila. Sa ibaba ng matarik ng lupang iyon, malapit na sa ilog, ay ang nakahandusay na katawan ni Crisanto.

"Ahh!" sigaw ko nang makitang halos maging kulay pula ang kanyang puting kamiseta dahil sa dugo.

Nilingon ako ng mga taong nakapalibot sa kanya. Gusto pa sana akong pigilan ng aking ina ngunit walang makakapigil sa aking lumapit sa kanyang katawan.

Hindi maaari! Hindi siya patay!

Niyakap ko ang kanyang katawan. Agad akong nabalot ng kanyang dugo. "Crisanto! Hindi maaari. Gumising ka, Crisanto!"

"Tumigil ka, Hermina! Huwag mo nang dagdagan pa ang ating kahihiyan!"

Tumingin ako sa kanya ng matalim. "Mga mamamatay tao kayo!"

Lumaki ang kanyang mata at napatingin sa mga guardia civil.

"Eres irrespetuosa!"

("Bastos ka!")

Humagulgol ako. Napakaraming dugo! Halos mawalan ako ng malay sa lahat ng nangyari. Hindi ko alam paanong yakap ang gagawin ko.

Bawat patak ng luha ay pagguho sa kaibuturan ng buong pagkatao ko. Parang unti-unti akong namamatay sa sakit. Halos wala na akong mailabas na boses. Para akong lumulubog sa kawalan. Hindi ko na maramdaman ang aking pisikal na katawan.

Hinawakan ko ang kanyang pisngi. Pikit na pikit ang kanyang mga mata.

Kinagat ko ang labi. Panibagong malulusog na luha ang umagos. "Mahal ko.."

Dumagundong ang langit. Bumuhos pa ang ulan. Kitang-kita ko kung paanong sumama sa agos ng tubig ulan ang dugong nanggagaling sa kanya. Pumikit ako at muling sumigaw.

Napakasakit. Walang pagsidlan. Walang salitang namumutawi sa aking labi. Parang hindi ko na din kaya.

"Halika na, anak. Umalis na tayo dito." hila sa akin ni papa.

"Hindi ako sasama sa inyo! Patayin ninyo nalang rin ako!"

Isang malutong na sampal muli sa aking ina. "Huwag mo akong subukan, Hermina! Halina!"

Nagmatigas ako at hindi nagpahila sa kanila. Mas lalo kong hinigpitan ang yakap kay Crisanto. Ang aking tangis ang siyang naglilikha ng ingay sa masukal na kagubatan at sa mas lalong lumalalim na gabi.

"Hermina!" maawtoridad na singhal ng papa. "Sostenla"

Agad kumilos ang dalawang guardia civil upang pulutin ako. Kahit anong palag ay wala akong nagawa. Pilit nila akong pinapasunod sa mga magulang kong nauuna nang umalis.

"¡Liberame! Eres un asesino!" patali kong bulyaw.

("Pakawalan niyo ako! Mga mamamatay tao kayo!")

Pilit akong kumakawala. Masakit na masakit na ang aking katawan sa lahat ng pagpupumiglas.

"Papa! Papa! Maawa ka na. Hayaan niyo na ako. Patayin niyo nalang din ako!"

Nilingon ako ng aking ama. Bumalik siya sa akin. Durog na durog ang puso ko habang tinitignan siyang lumalambot sa akin.

"Papa, parang awa mo na. Hayaan mo muna akong magluksa sa tabi niya. Papa!"

Tumigas ang kanyang panga at kumikinang ang kanyang mata. Hinawakan niya ang aking mukha.

"Hermina.." pumait ang kanyang boses. "Huwag mo na kaming suwayin. Umuwi na tayo."

"Papa. Maawa ka. Isa lang. Magpapaalam lang ako. Mahabag ka, papa. Isa lang." hagulgol ko.

Huminga siya ng malalim at tinignan ang dalawang guardia civil.

"Liberarla." bigo nitong sabi

("Pakawalan niyo")

Agad akong tumakbo pabalik kay Crisanto. Talagang wala na siya. Handusay pa rin at duguan. Tinakpan ko ang bibig, halos mabuwal sa kinatatayuan.

Malamyos kong hinaplos ang kanyang mukha. Nakakunot ang kanyang noon, tila hirap na hirap. Kitang-kita ang paghihirap na kanyang dinanas. Lalo akong tumangis. Para akong tinatakasan ng bait.

"Mahal ko, Crisanto."

Tumingala ako at sumigaw ng buong puso ngunit kulang pa rin. Kada segundo ay tila may dumadagan sa aking dibdib.

Muli ko siyang tinitigan. Ang balisong na ibinigay niya sa akin kanina bago kaming tumakas ay kinuha ko sa loob ng aking saya.

Bumulong ako sa kanyang tainga.

"Sa ika-isangdaan at dalawampu't walong taon na pagtatakip ng mundo sa araw at buwan ay muling magpapakita ang ating nakaraan at magsisimulang muli ang panibagong yugto ng ating pagmamahalan. Nawa'y dumating ka, Crisanto. Pangako, aking mahal. Hihintayin kita kung saan tayo nagsimula."

Sinugatan ko ang aking palad gamit ang patalim. Dinaupang-palad ko ang aming mga kamay, tanda ng aking pangako.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status