Share

CHAPTER 4: Dinner Date

MOLLY'S POV

"...if that's all, you may go now."

Napatingin ako sa suot kong wristwatch at nanlumo nang makitang 7 pm na pero narito pa rin ako at kasama ang lalaking ito, si Linus. Ang plano ko lang naman ngayon ay mag-apply ng trabaho pero ngayon ay may trabaho na ako at napakabigat pa na trabaho 'to.

"Kanina ko pa napapansing panay ang pagtingin mo sa oras," usal ni Linus habang naglalakad kami sa mahabang hallway. Sobrang tahimik na ng paligid at mukhang wala na ni isang empleyado, pero nakabukas naman ang mga ilaw.

"May naghihintay sa akin sa bahay. Isa pa ay masyado itong biglaan, Sir," sagot ko na punong-puno ng pag-aala at napatingin muli sa wristwatch ko. Kumusta na kaya si Seaweed? Kaunti lang ang inilabas kong pagkain niya, paniguradong gutom na siya.

"Sino?"

Natigil ako sa paglalakad at napatingin kay Linus na ikinataas naman ng kilay nito. "Sir, bakit mo naman kailangang tanungin kung sino iyon? Labas ka na sa personal kong buhay." Agaran akong natigil sa pagsasalita nang tumunog ang cellphone ko. Inilabas ko ito at nakitang tumatawag si Alf kaya naman agaran ko itong sinagot.

"Hoy, babae! Nasaan ka na? Nangangamote na ako rito sa parking lot," bungad nito sa kabilang linya kaya naman napasinghap ako.

"Nasa loob pa ako." Sinuklay ko paitaas ang aking buhok at tinignan si Linus. Binigyan ko ito ng nagmamakaawang tingin.

"May dinner date pa akong dadaluhan," sabat ni Linus na ikinangiwi ko. Bumagsak na lamang ang aking balikat at bumuntong-hininga.

"Mauna ka nang umuwi, pakialagaan ng mabuti si Seaweed," turan ko kay Alf sa mahinang boses. Narinig ko naman ang paghinga nito ng malalim mula sa kabilang linya.

"Sige. Tawagan mo'ko kapag may ginawang kalokohan 'yang mokong na 'yan. Pasalamat talaga siya at kailangan ko pang umuwi para magluto dahil uuwi si Alyse. Mag-ingat ka sa kaniya ha?" habilin nito na ikinatango ko.

"Oo na. Ikaw din, mag-ingat ka, tatanga-tanga ka pa naman," huli kong tugon at pinatayan na ito ng tawag. Ibinalik ko na sa pagkakatago sa dala kong bag ang ang cellphone ko at hinarap na si Linus.

"Sino iyon?"

"Ano namang pakialam mo? Bakit kailangan mong itanong lahat ng nakapaligid sa akin?" panunumbat ko sa iritableng boses na hindi niya na inimikan.

Nagsimula na siyang maglakad at pansin kong sinadya niyang lakihan ang kaniyang mga hakbang para mapag-iwanan ako, pero dali-dali ko naman itong sinundan. He's such a childish President. Pagkarating sa parking lot ay agaran kaming pumasok sa kotse niya na may nakaabang na driver.

"Sa malapit na restaurant," anas ni Linus sa driver na tinanguan naman nito at pinaandar na ang kotse. Isang utos niya lang ay sinunod na siya agad, iba talaga kapag mayaman.

Tahimik lang kaming tatlo habang nasa loob ng kotse. Masyado na akong nag-aalala kay Seaweed kaya naman hindi na ako makapag-isip ng matino. Pakiramdam ko ay ilang segundo lang ang itinagal ng biyahe at nakarating na kami sa isang restaurant kaya naman agad akong bumaba, pero napansin kong hindi pa rin bumababa si Linus. Napa-irap ako sa hangin at pinagbuksan siya ng pinto, doon lang siya bumaba. Nakakagigil ang lalaking 'to. Pati ba naman ang pagbukas ng pinto ay trabaho ko? Kapag hindi ako nakapagpigil ay baka masapak ko na ang mukha niya dito mismo sa kinatatayuan namin, psh.

Inayos nito ang suot niyang suit at tie bago naglakad papasok, mukhang may pinaghahandaan talaga siya at kailangan niya pang gawin ang bagay na iyon. Sumabay na lang ako sa paglalakad niya hanggang sa makaupo siya sa isang silya. Tumayo naman ako sa tabi nito at muling napatingin sa aking wristwatch.

"Bakit ka nakatayo?"

Napatingin ako kay Linus at sunod naman sa bakanteng silya na nasa harapan niya.

"Seat," ma-awtoridad nitong sambit sabay inilahad ang upuan. Kung makapag-utos siya ay para bang isa lang akong aso. Hindi na ako umimik at nagtungo roon sabay naupo. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid at itinutok ang atensyon sa kaniya.

"Paano naman 'yung date mo? 'Wag mo sabihing siya ang patatayuin mo," mahina kong sambit. Umiling lang si Linus at saktong dumating ang waiter. Inabutan niya kami ng menu na tinanggap naman ng loko sabay kalmado iyong binuksan. Wala ba siyang balak na sagutin ang tanong ko?

"Umorder ka," utos ulit nito sa akin na halos ikasalubong na ng kilay ko. "Ikaw ang kadinner date ko ngayon kaya umorder ka."

"Ako?" puno ng pagtataka kong tanong. Teka, ako daw? Tumingin ito sa akin at mabagal na tumango. "Mas matutuwa pa ako kung pinauwi mo na lang ako."

"Kanina ka pa atat na atat umuwi. Kumain ka muna at pagkatapos ay iuuwi na kita. Pangako."

"Pero, Sir—"

"Bigyan mo na lang kami ng steak at wine." Agad na tumango ang waiter at kinuha ang menu bago naglakad paalis.

Nakakabwisit na talaga!

"So, tell me about yourself." Hindi ako umimik. Mas magandang manahimik ako para mas makontrol ko ang pagkainis ko. Punong-puno na talaga ako sa lalaking 'to. "Have you ever kissed someone?"

Suminghap ako at ipinatong ang aking siko sa ibabaw ng mesa sabay inilapit ang aking mukha sa pwesto niya. "No, but I've messed with a lot of people before that I almost got into jail," tugon ko sa mahinang boses na ikinatigil nito. Mula sa mga mata nito ay pansin kong binabasa niya ang mga mata ko upang alamin kung nagsasabi ako ng totoo.

"Really?" inosente niyang sambit.

"Yeah, and now I'm thinking if I'll kill you or kick your ass."

Tahimik lang itong nakatingin sa akin kaya sinalubong ko ang mga tinging iyon. Ilang saglit lang ay dumating na ang order namin at natawa naman siya.

"Such an interesting personality," bulalas niya. Hindi na ako umimik dahil baka hindi na lang suntok ang magawa ko. Baka mapatay ko na siya. Binilisan ko ang pag-ubos ng pagkain ko pero mukhang nambubwisit pa siya lalo dahil binagalan niya pa ang paghihiwa ng steak lalo na ang pagnguya. Inaabot siya ng isang minuto sa isang maliit na bahaging nahihiwa niya kahit na malambot naman ito.

Humalukipkip ako habang ipinapadyak ang aking paa sa sahig. Naiirita ako dahil nakatitig siya sa akin habang ngumunguya, na sinasabayan niya pa ng pagngisi. Mukhang nag-eenjoy siya sa pang-aasar sa akin. Sinalinan ko ng wine ang wineglass ko at siniguradong punong-puno iyon upang maubos na at matapos na ang kalokohang ito.

"Teka lang—"

Iniangat ko iyon at agad na tinungga. Pansin ko ang mga matang nakatingin sa akin habang dire-diretso ko iyong nilulunok. Sino ba naman ang hindi maweweirduhan kung may nakita kang babae sa loob ng mamahaling restaurant na umiinom ng punong wine ang wineglass niya, hindi marunong ng etiquette. Pero mahalaga pa ba 'yun e uwing-uwi na ako.

Napapikit ako at nilunok ang huling laman na wine sa bunganga ko. Inilapag ko ang wineglass ko sa ibabaw ng mesa at pinunasan ang gilid ng aking labi.

"Ano? Pwede na ba tayong umuwi?" diretsahan kong tanong kay Linus.

Nakatingin lang ito sa akin na bahagyang nakabukas ang kaniyang bibig, mukhang hindi siya makapaniwala sa ginawa ko, hanggang sa dahan-dahan itong tumango. Nagbayad muna siya ng bill at pagkatapos ay lumabas na kami. Bumalik na kami sa kotse niya at sumakay na roon. Nagsimula namang magmaneho ang driver habang ako naman ang nagtuturo ng daan. Ilang saglit pa ay natanaw ko na ang bahay namin kaya naman ipinahinto ko na ang kotse sa tapat ng isang bahay na 'di kalayuan sa amin.

"Una na ako," walang-buhay kong pamamaalam at lumabas na ng kotse. Napahikab ako dulot ng pagod, antok, pagkabagot, kulang sa tulog, at lasing. Tinalikuran ko na ang kotse pero sakto namang natanaw ko si Alf.

"Molly?" usal nito at dali-daling naglakad palapit sa akin. Sinulyapan nito ang kotse na nasa tabi ko pero bumalik din agad sa akin ang atensyon niya.

"Alf, pasanin mo ulit ako," hayag ko. Agad naman siyang tumango bilang pagpayag at tumalikod sa akin kaya naman agad akong sumakay sa likuran niya at mahigpit na kumapit sa kaniyang katawan.

"Amoy wine ka. Nilasing ka ba niya?" tanong nito habang naglalakad nang pasan-pasan ako.

"Parang ganu'n na nga," tugon ko at isinuksok ang aking mukha sa leeg niya. "Mapapatay ko ang lalaking 'yan. Pinapakulo niya ang dugo ko."

Tumawa lang si Alf. Naramdaman ko pa ang paghinto nito sa paglalakad. Nagmulat ang aking mata at nakita ang malabong pares ng sapatos sa harapan, pero hindi ko alam kung kanino iyon. Rinig ko rin ang usapan nila pero humihina na iyon. Unti-unti nang nandilim ang aking paningin. Pagkatapos ng tagpong iyon ay wala na akong naaalalang kahit na anong nangyari sa gabing iyon, pero paniguradong makakauwi naman ako ng ligtas at buo.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status