Share

Chapter 6: Drive Me Nuts

“Sir?” Parang alam ko na ang ibig sabihin nito, pero ayaw kong maniwala. Hindi pwede!

“May bago nang nagmamay-ari sa XYZ Foods, in-absorb nila lahat ng dating empleyado...” Bumuntong hininga si Boss tapos ay tumingin sa labas ng bintana. “Maliban sa `yo.”

“Ano?!” buong diin na anas ko. “Unfair! Bakit ako lang? Ako lang talaga?”

“I’m sorry. Separation pay mo `yan. Sorry talaga.”

“Pero, sir, wait lang—”

“Kung kailangan mo ng COE, alam mo na kung saan ka pupunta.”

Ang pangit n'yo ka-bonding!

Mangiyak-ngiyak ako sa sobrang galit at panghihinayang habang palabas ng factory dala ang box na kinalalagyan ng mga gamit ko. Nang hindi ko na nakayanan ay umupo ako sa ilalim ng isang puno malapit sa factory namin at doon tuluyan nang umiyak sa harap ng picture ni Park Seo Hyun.

“Matteo Do!” atungal ko na panay ang agos ng luha sa mga mata. “Wala na `kong trabaho...”

Ten thousand din ang perang nakalagay sa cheke dagdag pa ang walong libong sahod ko para sa kinsenas na iyon. Sa mahal ng bilihin ngayon pati na ang renta sa bahay, kulang na kulang iyon. Napatingin ako sa malaking gusali sa likod ko. Nagsisimula nang kumapal ang usok na nagmumula sa mga chimney, hudyat na nagsisimula na ang trabaho at aktibidad sa loob. Sinuwerte lang akong makuhang sekretarya sa factory na ito dahil kung hindi college graduate ay college level ang kinukuha ng mga kumpanya. Nag-computer secretarial lang ako kaya wala akong ibang alam na trabaho kundi iyon. Hindi naman ako pwedeng mag-sales lady dahil five feet lang ang height ko, dalawang pulgada na mas mababa sa minimum requirement ng mga sales lady at service crew. Mas matangkad pa nga sa akin ang mga high school student sa lugar namin.

Six months bago ko nakuha ang trabaho kong iyon, ilang failed attempts at interviews ang pinagdaanan ko sa iba’t ibang kumpanya... Kaya nakakaasar talaga dahil natanggal ako sa trabaho nang ganu’n ganu’n na lang! Sumusobra na talaga ang Ien na `yun! Alam kong siya lang ang may kakayahang gumawa nito. Napaka-unfair na ginagamit niya ang kayamanan niya sa maling paraan. Alam kong siya ang may kagagawan ng lahat ng kamalasan ko sa loob lang ng tatlong araw. H’wag lang talaga siya magpapakita sa akin ngayon at baka...

“Miss Charity de la Vega?” sabi ng boses sa harap ko.

Dahan-dahan akong tumingin sa lalaking nasa harap ko. Nakasuot siya ng white polo barong, black slack pants at black leather shoes. Kumunot ang noo ko dahil parang pamilyar ang lalaking ito sa akin.

“Ma’am, natatandaan n’yo po ba ako?” Ngumiti siya sa akin, in fairness, ang gwapo. “Ako po `yung driver ni sir—”

“Ikaw `yung driver ni Ien!” Nanlalaki ang mga matang bulalas ko nang maalala kung sino siya. Lalo siyang napangiti saka tumango. “Anong ginagawa mo dito? Kikidnapin n’yo na naman ako ng boss mong unggoy?”

“Naku, hindi po, ma’am. Ako na po ang humihingi ng pasensya sa ginawa namin noong nakaraan.” Mukhang sincere naman ang driver na ngayong tinititigan ko ng mabuti ay kamukha pala ni Matteo Do. Pero syempre mas gwapo pa rin si Matteo baby. “Ang totoo po ay iniimbitahan kayo ni Sir Ien sa lunch ngayon.”

“Ang kapal niya! Nasaan siya nang masungalngal ko ang mukha niya.”

“Nasa trabaho pa po siya pero pinasusundo po niya kayo sa akin.”

“Good. Dahil nangangati na ang kamao ko na dumapo sa mukha niya.” Tumayo na ako tapos ay pinagpagan ang nadumihan ng lupa na palda ko. Medyo nagulat ako nang abutan ako ng driver ng puting panyo.

“Ako na po ang magdadala ng gamit mo, ma’am,” presinta niya sabay kuha sa box ko. “Gusto n’yo po bang gumamit muna ng banyo, ma’am? Kumalat na po kasi `yung...”

Pagkabanggit pa lang niya sa kumalat ay naalarmang ipinunas ko na agad ang panyo sa ilalim ng mga mata ko. Pipitsugin lang kasi ang mascara ko, hindi pa waterproof kaya malamang na mukha na akong panda bear o racoon.

“Ay, ma’am hindi po d’yan,” sabi na naman ng driver na ibinaba ang box ko sa lupa tapos ay kinuha ang panyo mula sa akin. Hinawakan niya ako sa may panga tapos ay pinunasan ang makeup ko. Nakaramdam ako ng kakaiba habang nasa ganoong posisyon kami. Ang weird lang. Absorbed na absorbed pa siya sa ginagawa, seryoso ang anyo. Kapag ganito kalapit pala sobrang gwapo din niya kahit hindi nakangiti. Hihihi! Ay, ang lande.

Ang bango pa niya.

Mayamaya ay naramdaman ko na sa may pisngi na niya ako pinupunasan, at dahil nakatitig ako sa kanya, nagulat ako nang bigla siyang tumingin sa mga mata ko.

“Okay na po, ma’am.” Hayun na naman `yung disarming smile niya! Binitiwan na niya ako tapos ay kinuha na ulit ang box ko. “Pwede kayong magmakeup sa kotse, ma’am. Babagalan ko na lang ang pagpapatakbo ko.”

“O-okay,” sabi kong medyo nagpa-palpitate pa rin dahil sa ginawa niya.

Sinundan ko siya hanggang sa nakarating kami sa pinagparadahan ng itim na kotse... Iyon din `yung kotse na nakita ko kaninang umaga!

“Uhm, ano...” sabi ko na hindi malaman kung ano ang itatawag sa driver ni Ien. Nakangiti namang lumingon siya kaya hindi na ako nagkaroon ng awkward moment.

“Matthew po, ma’am.”

Oh, wow. Kamukha na, kapangalan pa.

Natigilan ako nang huminto siya at expectant na tumingin sa akin. Ngayon ako nakaramdam ng awkwardness. Ano nga ulit `yung itatanong ko?

“Ahm...” nahihiyang sabi ko. “N-nakalimutan ko `yung sasabihin ko, eh. Hehe.”

“Okay lang po, ma’am.” Ni hindi man lang siya nagpakita ng pagkaasar sa inasal ko.

Binuksan na niya ang pinto ng passenger’s seat para sa akin tapos ay siya na rin ang nagsara para sa akin nang nakapasok na ako. Napansin kong nakataas ang fiberglass na harang sa pagitan ng passenger’s at frontseat. Mayamaya lang ay naramdaman ko na pumasok na si Matthew sa kotse at pinaandar na niya iyon.

Mabilis kong sinipat ang makeup ko at nakita kong wala nang natira sa mascara at eyeliner na nilagay ko kanina sa mga mata ko. Buti na lang, true to his words, medyo mabagal ang patakbo ni Matthew sa sasakyan kaya nakapag-apply ako ng fresh makeup nang walang kahirap-hirap. Nang okay na ang itsura ko, kinatok ko ang harang sa pagitan namin. Hindi naman nagtagal ay bumaba iyon.

“Ma’am?” tanong ni Matthew na saglit na saglit lang akong nilingon. Dapat lang naman dahil baka mabangga kami.

“Ehm, s-salamat pala sa pagsalba sa akin sa kahihiyan,” awkward at nahihiyang sabi ko.

“Wala po `yun, ma’am.” Kahit nakatalikod ay rinig na rinig ko ang sincere na ngiti ni Matthew sa tinig niya.

“H-hindi naman ako ang boss mo kaya h’wag mo na akong tawaging ‘ma’am’, Charity na lang.”

“Mapapangasawa n’yo po si Sir Ien, ma’am, kaya tama lang na tawagin ko kayong ganu’n.”

“Hindi ako magpapakasal sa kanya, `noh.” Parang bigla na lang ay gusto kong linawin sa kanya na wala akong balak pakasalan ang boss niya. Agad naman akong natingnan ni Matthew mula sa rearview mirror, hindi na siya nakangiti. “Buti sana kung kasing gentleman mo siya. Baka kung ano pang pananakit ang gawin sa akin nu’n `pag nagkataon.”

“Mabait naman po si sir, Ma’am Charity. Nagkataon lang na nu’ng araw na `yun talagang masama lang ang mood niya,” sa kasamaang palad ay pagtatanggol ni Matthew kay Ien. Kung sabagay, boss niya `yun, natural lang na ipagtanggol niya dahil baka masisante siya `pag hindi.

“Porke’t masama ang mood, ganu’n na?” Bigla tuloy umasim ang mood ko, humalukipkip ako tapos ay tumingin sa labas ng bintana. Buti na lang at hindi na nagsalita si Matthew.

“Ma’am, nandito na po tayo.”

Gulat na napaayos ako ng upo ng narinig ko ang boses ni Matthew. Noong una ay hindi ko pa maalala kung nasaan ako pero nu’ng nakita ko siya ay tuluyan na akong nagising. Nakatulog ako dahil sa pagkabagot sa biyahe, hindi na kasi ako tinangkang kausapin ni Matthew pagkatapos ng huling pinag-usapan namin.

Bumaba sa kotse si Matthew tapos ay ipinagbukas ako ng pinto. Nakapark ang kotse sa harap ng isang five-star hotel pero hindi ito `yung hotel na pinagdalahan nila sa akin noon. Nagstretch ako para mawala ang antok ko tapos ay pumasok na kami sa front door ng hotel. Sinamahan ako ni Matthew dahil siya ang nakakaalam ng lugar kung saan kami magkikita ng Ien na `yun. Dumiretso kami sa restaurant ng hotel tapos ay kinausap niya ang reservation officer sa may pinto. Hindi ko narinig ang pinag-usapan nila pero ilang segundo lang ay inihatid na ako ni Matthew sa isang table na pangdalawahan na medyo malayo sa iba pang mesa. At dahil perfect gentleman siya, ipinaghila ako ng upuan ni Matthew. Ini-expect ko na uupo rin siya pero nagpaalam na siya sa akin pagkatapos. Padating na daw si Ien, sabi niya kaya du’n na lang niya kami hihintayin sa kotse. Grr... So ako pa pala ang maghihintay sa Ien na ‘yun.

Pagkaalis ni Matthew ay binigyan ako ng menu, grabe ang mahal ng mga pagkain.

“Gawa ba sa ginto ang mga pagkain dito?” naiinis na namang bulong ko, paano’y ang pinakamura nilang pagkain ay nagkakahalaga ng eight hundred pesos, lumpiang shanghai lang iyon. “Pang apat araw na namin `to, ah. Grabe naman sila magpresyo. Bente tatlo lang `to kila Aling Maring.”

Ibinaba ko na lang ang menu sa mesa dahil nangingilabot na ako sa mahal ng mga pagkain doon. Maagap naman na lumapit sa akin ang isang waiter at tinanong kung may gusto na raw ba akong order-in pero sinabi kong hinihintay ko pa ang kasama ko na speaking of which ay hindi pa rin dumarating. Napaka-ungentleman talaga!

Paglipas ng ilang minuto ay nakaramdam na ako ng gutom dahil naaamoy ko na ang pagkain ng ibang guests. Naghintay pa rin ako pero sa isip ko ay mga fifty times ko nang napapatay si Ien sa iba’t ibang paraan. Mayamaya ay naapektuhan na ako ng lamig ng restaurant. Nagpunta ako ng banyo at nagtake ako ng time na gawin ang business ko doon dahil sobrang ganda, sobrang peaceful at sobrang tahimik ng restroom, walang ibang tao. I took my own sweet time washing my hands and mouth after. Nag-retouch din ako ng make up ko, buti na lang nadala ko ‘yung shoulder bag ko kanina. Nang wala na akong maisip gawin sa loob ng banyo ay lumabas na ako at bumalik sa table namin ni Ien. At speaking of Ien, dumating na yata siya dahil may lalaki nang nakaupo sa may table na iyon.

Ngayon lang `tong unggoy na `to.

____________

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status