Share

Million Dollar Marriage Contract
Million Dollar Marriage Contract
Author: Salvia Avery

Chapter 1: The Kidnapping

"Aray!"

Magkahalong galit at takot ang namayani sa sistema ko habang nagpupumiglas sa hawak ng lalaking kanina ay kausap ko lang. Halos kaladkarin niya ako habang pababa sa emergency stairs ng mall. Hawak niya sa iisang kamay ang dalawang pulsuhan ko kaya hindi ako makawala, patuloy akong nagsisigaw, nagbabaka-sakali na may dumadaan doon o may makarinig.

"Nasasaktan ako, ano ba? Bitiwan mo nga ako! Saan mo ba ako dadalhin? Hindi ako mayaman, okay? Wala kayong mapipiga sa akin o sa pamilya ko!"

"Eh `di katawan mo na lang ang ibayad mo," nakangising sabi ng lalaki na hindi ako nilingon, patuloy lang ang paghakbang niya na para bang napakagaan ko at hindi man lang nahihirapan sa pagpupumiglas ko. "Siguradong maraming matatandang lalaki ang kukuha sa 'yo."

Lalo akong natakot sa sinabi niya. `Di yata't totoong kidnapper ang lalaki? At dahil wala akong pambayad sa ransom, ibebenta na lang ako sa sex den?!

"Drugs will make you compliant. You won’t know what you're doing with them nor what they're doing to you,” patuloy na pananakot ang kidnapper ko. “Malas mo lang `pag napunta ka sa sadista."

Kinilabutan talaga ako sa sinabi niya, na-imagine ko pa ang mga iyon. Ang bata ko pa, kaka-twent two ko pa lang nu'ng nakaraang linggo. Marami pa akong gustong maabot sa buhay, marami akong pangarap, ni hindi ko pa mga nakikita ang lalaking pinapangarap ko at higit sa lahat... virgin pa ako!

"Please." Mangiyak-ngiyak ako sa pagmamakaawa. "Please, maawa ka. Matanda na ang tatay ko at may sakit pa. Please ako na lang ang inaasahan niya, pakawalan mo na 'ko. Promise, hindi ako magsusumbong."

"Kung totoo `yang sinasabi mo, hindi ka dapat nagpupunta sa walang kwentang lugar na `to at gumagastos sa basurang gaya niyang suot mo." Seryosong seryoso ang mukha ng kidnapper na biglang huminto at tumingin sa akin, maaaring mali ako ngunit tila ba pinapagalitan pa ako, wala na rin ang mala-demonyong ngiti sa mukha niya.

“Pero hindi naman—” Bago pa matapos ang sasabihin ko ay hinila na akong muli ng lalaki pababa.

Nang maabot na namin ang huling baitang ng hagdanan, ilang hakbang lang ay naabot na namin ang isang kulay asul na pinto na may puting sign sa itaas: “basement.” Binuksan ng lalaki ang pinto at hinila na naman ako, wala pa ring tao sa malawak na espasyo na maaaring kong hingan ng tulong, puro kotse lang, dilim at katahimikan. Dapat mayroong sekyu sa paligid pero wala, baka nagra-rounds o natutulog.

Kinaladkad akong muli ng kidnapper sa gitna ng basement parking, ume-echo ang mga hakbang namin sa sementadong sahig. Naging alerto ang mga mata ko, naghanap ng kahit na sinong pwedeng tumulong—kahit na sino!

"Tulungan mo 'ko!" sigaw ko nang may namataan akong lalaking naka-polo barong, tipong driver, sa tapat ng isang itim na kotse sa hindi kalayuan, tila may hinihintay. Pero imbis na tulungan ako ay mabilis pumasok ng kotse ang lalaki at binuhay ang makina ng sasakyan.

Ang natitira kong pag-asa ay naglaho nang bigla. Napakaduwag! Pero hindi na dapat ako magtaka, wala nang pakialam ang mga tao sa isa’t isa ngayon. Bihira na lang ang tumutulong, minsan ay for clout pa!

Wala na akong magagawa kung `di ang lumaban! Nagwala ako ng husto, pinagsisipa ko ang lalaking may hawak sa akin at nabitiwan niya ako nang nasapul ko ang gulugod niya.

"Bitch!" nasaktang sabi ng kidnapper, hawak ang nasaktang gulugod. Tinangka niyang hablutin akong muli ngunit mabilis na akong nakatakbo.

Hindi ako `papahuli nang buhay!

"Charity! Get back here!" narinig kong sigaw ng kidnapper ko. Hindi ko alam kung paano nalaman ng demonyong `yon ang pangalan ko, pero wala akong panahon para magtaka at magtanong. Saka na lang siguro kapag nahuli na siya ng mga pulis.

Napalingon ako sa likod—isang malaking pagkakamali—nag-panic ako nang makita kong hinahabol na ako ng kidnapper.

God! Please help me!

Lalo kong binilisan ang takbo. Kaunti na lang, malapit na `ko sa pinto na nilabasan namin kanina, ila-lock ko na lang iyon once na makapasok na ako.

Naknampusa—

Nararamdaman ko na lang ang malamig na sahig sa mukha ko, ang malas ko dahil nagawa akong mapatid ng sarili kong paa! Akala ko sa mga pelikula lang nangyayari ang ganito. Sa totoong buhay din pala!

Bago pa ako makabangon at makatakbo ulit bigla na lang may dumaklot sa batok ko at marahas akong itinayo saka iniharap na parang kuting. Tiim ang mga bagang ng kidnapper at nanlilisik ang mga mata sa sobrang galit. Umangat ang mga kamay ko pasapak sa lalaki pero nahawakan na naman niya ako sa mga pulsuhan, naiwasan din ang mga sipa ko.

"H'wag mong piliting saktan kita," nanggigigil na sabi niya. Kinaladkad akong muli, hindi na niluluwangan ang hawak kahit nasasaktan na ako talaga. Nagulat ako nang huminto kami sa tapat ng kotse na itim na sinakyan niyong duwag na driver.

"Of course," dismayadong nausal ko. "Get-away vehicle."

Napakasosyal naman ng kidnapper ko na ito, pa-english-english na, de-kotseng magara pa.

Isinalya ako ng lalaki sa back seat saka padabog na isinara ang pinto. Bago pa ako makabangon sa kinasasadlakan ko ay naka-upo na sa gilid ng driver ang lalaki at automatic na nagllock ang mga pinto. Sinubukan ko pa rin kahit alam kong locked na, ayaw bumukas, maski ang mga bintana.

"Behave," sabi ng kidnapper habang nagkakabit ng seatbelt.

"Mga walang hiya kayo! Pakawalan n'yo 'ko!" Sumasakit ang mga tuhod ko sa pagkakadapa at pagkakasalya sa akin kanina kaya hindi ako gaanong makapagwala, dinaan ko na lang sa sigaw ang lahat, pero hindi na ako pinansin ng demonyo kong kidnapper. Nagulat na lang ako nang biglang may lumitaw na tinted na salamin sa pagitan namin, mini-limousine yata ang sasakyan. Kinalampag ko ang salamin, naghanap ng pwedeng makabasag doon o sa bintana para makatakas ako, pero wala.

"Hoy, ano ba?! Pakawalan n'yo 'ko sabi eh! Promise hindi ako magsusumbong sa pulis! Magkano ba ang kailangan n'yo? Magta-trabaho ako nang mabuti, babayaran ko ka—ay!"

Nasalya akong muli paupo sa malambot na back seat nang biglang umandar ang kotse.

"Bastos!" sigaw ko, kung anu-ano pang mura ang lumabas sa bibig ko, kinalampag ang tinted na salamin pero hindi na talaga ako pinansin ng kidnapper maski ng driver.

Bago makaalis sa basement ang kotse ay dumaan kami sa isang check point kaya naman nabuhayan ako ng loob, lalong nagwala.

"Sir..." bati ng security guard sa kidnapper nang ibaba ng get-away driver ang bintana sa tapat nito, pabirong sumaludo pa. Hindi pinansin ng kidnapper ang sekyu, nakatingin lang siya sa harap at inip na pinapasadahan ng hinlalaki ang ibabang labi.

"Kuya!" sigaw ko sa mamang sekyu na nagpahinto sa sasakyan, kinalampag ko rin ang salamin ng bintana sa gilid ko. Tinted lahat ng salamin sa kotse pero sana marinig niya ang lagabog at sigaw ko. "Kuya, tulungan mo 'ko! Kuya!"

Para akong nabunutan ng tinik nang maagaw ko ang pansin ng isa sa tatlong sekyu na nag-aabang sa may gate. Lumapit ito sa sasakyan, nakahawak sa baril nitong nakasukbit sa baywang. Lalo kong kinalabog ang bintana. Bumilis ang kilos ng sekyu, sininagan ng flashlight ang bintana sa tabi ko.

“Kuya!” sigaw ko sa abot ng makakaya ko. “Kuya, tulungan mo `ko! Kidnapper sila!”

Kinatok ng sekyu ang bintana sa tapat ng kidnapper, ibinaba naman niya iyon na straight pa rin ang tingin.

“Okay lang po ba ang lahat, sir?” tanong ng sekyu.

Imbis na sumagot ay may pinindot ang kidnapper sa kung saan at bumaba nang bahagya ang salaming bintana sa tapat ko. Inilabas ko ang kamay ko sa puwang at nagsisisigaw. Ilang segundo lang ay umangat muli ang salamin at hindi na naman ako kita.

Natigilan ako nang mag-abot ng isang bundle ng pera ang get-away driver at agad iyon tinanggap ng mga sekyu.

"Kayo nang bahala sa CCTV," paalala ng driver saka itinaas na ang salaming bintana.

"Sige, sir. Ingat po kayo," sabi ng sekyu na sumaludo ulit pati na ang isa pang sekyu na nagmamando sa gate ng basement.

Naluha ako sa kawalan ng pag-asa, mukhang organized crime ang dumukot sa akin, kasabwat pa ang mga sekyu ng mall. Tumahimik na lang ako. Kailangan kong maging matalino at mag-ipon ng lakas para maisahan ko sila. Kailangan.

____________

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Stallia Iris
Kaloka bakit kilala ka ng kidnapper mo girl?
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status