Share

Chapter 3: Surprise

Now

Kung alam ko lang na kidnapper ang lalaking iyon, hindi ko na sana kinausap!

Tumingin ako sa labas ng bintana ng kotse at saka tinandaan ang bawat lugar na tinatahak namin... Pero dahil mahina ako sa direksyon, balewala iyon.

Nang huminto na sa wakas ang kotse sa basement parking ng isang five-star hotel inihanda ko na ang sarili ko para makatakas, kaya nang buksan ng kidnapper ang pinto sa gilid ko ay tinadyakan ko siya. Pero handa rin pala ang lalaki dahil nasalo niya ang binti ko at hinila iyon kaya napahiga ako sa passenger's seat. Mabilis kong hinila pababa ang palda at petticoat ko dahil nalilis iyon pataas nang hilahin niya ako—wala akong shorts!

"Wala ka talagang modo—!" magkahalong pagkapahiya at galit na sigaw ko sa lalaki.

"Nauubusan na ako ng pasensya sa 'yo!" inis na inis na sabi ng lalaki, hinila lalo ang binti ko hanggang sa lumabas ng kotse ang kalahati ng katawan ko tapos ay hinablot niya ang isang braso ko para makatayo na ako, kung tumangkad pa ako ng isang inch, malamang nauntog na ako sa bubong ng kotse. Nagwala ako ulit sa pagkakahawak niya.

"Ma'am, h'wag na po kayong magpumiglas, hindi naman po namin kayo sasaktan," nag-aalalang sabi ng get-away driver na nasa labas na rin ng kotse.

"Shut the hell up," angil ng kidnapper ko sa driver niya. Namula naman ang huli dahil sa pagkapahiya. "Get the elevator!"

Mabilis na kumilos ang driver, tinakbo nito ang elevator na hindi kalayuan sa pinagparadahan ng kotse nila. Saktong pababa pala iyon at nagluwa ng mga foreigners na nagtaka at napamaang na lang nang nakita akong kinakaladkad ng kidnapper ko.

"Help me!" sigaw ko sa mga ito pero agad silang nilapitan ng driver at kinausap.

Nang nasa loob na kami ng elevator ay naglabas ng susi ang lalaki tapos ay isinuksok iyon sa keyhole sa pinakataas ng mga buton pader. Sumarado ang bakal na pinto ng elevator tapos ay umandar na ang sasakyan.

Kahit nasasaktan at nagrereklamo na ako sa higpit ng hawak ng lalaki sa braso ko ay hindi pa rin niya ako pinapakawalan. Ni hindi niya niluluwangan ang pagkakahawak. Para namang may mapupuntahan ako o matatakbuhan sa apat na sulok ng elevator na iyon.

Masyado akong absorbed sa pagpupumiglas kaya nagulat ako nang biglang bumukas ang pinto ng elevator at itinulak niya ako palabas. Natural, sumubsob ako sa sahig na may abuhing alpombra... at ang unggoy na lalaki, hinakbangan lang ako!

"Wala ka talagang modo!" sigaw ko sa kidnapper habang patayo. "Mamatay ka na sana—!"

"Charity, anak?"

Natigilan ako sa tangka kong pagpindot sa buton ng elevator nang marinig ko ang pamilyar na boses ng papa ko. Sinuyod ko ng tingin ang paligid hanggang sa makita ko ang papa ko na nakaupo sa puting couch sa gitna ng magarang silid na iyon. Mangiyak-ngiyak na sinugod ko ang panot at nangangayayat na lalaki at yumakap dito.

"Papa!" Sumubsob ako sa butuhan nitong dibdib at doon tuluyang umiyak. Pati ang papa ko ay dinamay nila. Sino ba talaga ang mga taong ito?

"Napaka-ingay naman ng babaeng iyan. Halatang walang pinag-aralan," sabi ng pambabaeng boses malapit sa amin. “Hindi mo tinuturuan ng tama ang anak mo.”

"P-pasensya ka na, Estrelita, hindi naman sinasadya ng anak ko iyon—" hinging paumanhin ng papa ko sa nagsalita.

"Whatever," sagot ng babae at inis na nilingon ko ito. “And it’s Estrella. No one calls me Estrelita anymore, Karl.”

Nakita ko na isang matandang babae ang nagsalita, mala-Imelda Marcos ang dating at mukhang kasing edad na rin nito ang dating first lady. Naka-spray net din ang kulay auburn na buhok nito, wala ni isang hibla na nakahiwalay sa iba. Walang mababakas na wrinkles sa buong mukha, halatang alaga ito sa botox at mahilig sigurong magpabanat ng mukha—teka, baka iisa lang `yun. Well, whatever, wala akong alam sa ganu'n. Ang alam ko lang isa itong stereotype ng matandang mayaman na galit sa mahihirap. Nakasuot din ang babae ng long-sleeved blouse at katerno na skirt, kulay peach kaya lumutang ang mala-porselanang balat nito. Simpleng pearl necklace lang ang suot na alahas pero sobrang gara na nitong tingnan. Nakaupo ang babae sa katapat namin na couch at umiinom ng kung ano sa isang maliit na tasa, nakita ko—o mas tamang sabihin na gusto nitong makita ko—ang malaking diyamanteng singsing nito sa kamay. Nang ibaba nito ang tasa ay nakita ko ang pekeng ngiti na nakapagkit sa mapulang labi ng matanda, iyong ngiti na nakikita lang sa mga kontrabidang donya sa pelikula at telebisyon.

"Don't you know it's impolite to stare?" taas-kilay na sabi ng matandang babae na kung tama ang pagkakatanda ko ay tinawag ni papa ng Estrelita. Pinanlakihan pa ako nito ng mata.

'Tsura nito. Sinimangutan ko nga.

“Pa, sino ba sila?” bulong ko sa papa ko.

“Si Estrella, ka-batch ko siya noong college,” pakilala ni papa sa matandang babae. “Matalik kong kaibigan ang asawa niya. Ito naman si Ien, anak nila. Hindi mo na siya natatandaan kasi baby ka pa noong huli kayong magkita.”

Nakasimangot na pinasadahan kong muli ng tingin ang dalawang estranghero. Nope. Hindi ko talaga sila kilala.

"Sana ay hindi ka naman pinahirapan ng anak ko, Ien," apologetic na naman na sabi ni papa sa kidnapper na umupo sa tabi ng matapobreng matanda, may hawak na siyang maliit na baso na may lamang bilog na yelo at clear na likido.

"Ah, hindi naman po, papa," sabi niya na sumimsim sa inumin. Sa buong pagkagulat ko, ang mala-demonyong lalaki, na Ien pala ang pangalan, ay biglang naging anghel sa harap ng papa ko. Ngumiti pa siya kaya lumitaw ang pantay-pantay—maliban sa pangil—at mapuputing ngipin niya. Para na naman akong kiniliti na hindi ko maunawaan. Ang simpatiko kasi ng ngiti niya!

Oh em, hindi dapat ganito ang iniisip ko! Dapat mag-focus ako sa nangyayari ngayon, hindi sa kalandian ko!

"Ah, hindi ba masyado pang maaga para sa..." awkward ang tawa ng tatay ko, napakamot pa sa batok, tanda na nahihiya ito.

Bakit nahihiya si papa? Nawawala na `ko sa usapan nila.

"Hindi po," sagot naman ni Ien na ipinatong ang baso sa coffee table. "Doon din naman po tayo papunta, papa."

"Ah, oo nga..." Tumawa ulit ang tatay ko alanganin.

Saka lang nag-sink in sa utak ko, hindi makapaniwala ang expression na napatingin ako sa tatay ko...

Bakit niya tinatawag na ‘papa’ ang tatay ko???

Magkapatid ba kami? May anak sa labas si papa? Stepmother ko ba ang babaeng ito? Ano bang nangyayari?

"Pa?" Kung ano-ano nang espikulasyon ang naiisip ko. Nang tumingin ako sa kanya ay nawala ang tawa niya at hindi na makatingin sa akin. "Ano bang ibig sabihin nito?"

"A-ang totoo kasi niyan, Charity..." Hinintay ko ang paliwanag ng papa ko pero hanggang doon na lang ang kaya nitong sabihin. Lalong nag-iwas ng tingin.

"Ano ba 'yun, papa?"

"Kung ayaw mong sabihin, ako na lang ang magsasabi," sabi na naman ni Estrella kaya seryoso ang mukha na tumingin ako rito.

“Ma…” sabi ni Ien na parang sinasabi sa ina na `wag na itong makialam.

“No, I’ll tell her.” Tumitig muna ang matandang babae sa akin bago taas pa rin ang kilay na nagpatuloy. "You and Ien are going to get married."

_______

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status