Share

Chapter 2: The Kidnapper

Thirty minutes ago...

Bago pa ako nakidnap, nasa isang convention ako na ginanap sa pinakamalaking shopping mall sa bansa, kasama ko ang kaibigan ko na si Mai. Inupahan niya ako at mga kaibigan niya na sila Chuck at Maggie para maging model nila sa convention na iyon. Isasali nila ako sa competition bilang si Ruby ng Mobile Legends. Pumayag ako since day off ko naman at raket din iyon.

Sobrang dami ng tao at nagkalat ang mga cosplayers na naghihintay ng pagsisimula ng programa. May mga booths din kung saan pwede kang bumili ng iba’t ibang merch ng mga anime at comics na dinudumog ng mga fans.

“Ruby, pwede pa-picture?” sabi ng isang lalaki at pinagbigyan ko naman. Marami pang tulad nito ang lumapit sa akin. Tuwang tuwa naman sila Mai dahil positibo ang lahat ng feedback ng mga tao sa costume na ginawa nila.

“Ang daming magaganda,” sabi ni Maggie habang pino-polish ang scythe na prop ko. Halatang kinakabahan ito dahil kanina pa nito iyon ginagawa at sa tingin ko ay wala nang ikikintab pa ang pulang karit. “Sana makapasok tayo kahit sa third place lang.”

Hindi ko maiwasan ang makaramdam ng kaunting kaba at pagkaawa. Ilang buwan nilang pinagpaguran at pinagpuyatan ang costume at props ko. Gumastos sila ng malaki. Nakakapanghinayang kung hindi kami mananalo sa contest.

“Pwedeng parinig ulit ng catchphrase ni Ruby?” sabi ko kay Maggie. Manalo-matalo ay babayaran nila ako sa raket ko na ito, kaya nararapat lang siguro na gawin ko rin ang best ko.

Ipinahiram sa akin ni Chuck ang cellphone nito para makita ko ang mga galaw at mapakinggan ang catch phrase ni Ruby.

"Ang tagal naman magstart,” sabi ni Mai mayamaya. “Magpupunta lang ako sa CR. Ikaw, mars?”

Sumama ako sa kanya dahil naiihi na rin ako. Ang lamig kasi at panay ang inom ko ng tubig kanina. Mayroong banyo na inilaan para sa mga cosplayer, pero pagdating namin doon ay puno ng tao ang banyo, ang haba pa ng pila kaya napilitan kaming magpunta sa ibang restroom ng mall na medyo malayo sa convention. Medyo awkward lang dahil pinagtitinginan ako ng mga tao na hindi nakakakilala sa ML hero. May pila pa rin ang restroom na napuntahan namin, pero at least hindi gaanong mahaba. Dalawang minuto lang ay nakapasok na kami sa banyo.

“Kailangan mo ng tulong, mars?” tanong ni Mai habang nasa magkabilang cubicle na kami.

“Nope,” sagot kong nilalagyan ng tissue paper ang U-bend. Pagkatapos niyon ay tinanggal ko ang kulay pulang riding hood at isinabit iyon sa hook na nasa pintuan ng cubicle.

Habang ginagawa ko ang business ko ay narinig kong lumabas na si Mai sa cubicle at naghugas ng kamay. Ilang segundo ang lumipas at nakarinig naman ako ng ringtone.

"Mars?" tawag ni Mai sa akin. "Sagutin ko lang 'tong tawag ha? Labas lang ako."

"Okay," sagot ko habang pinupunasan ng maraming tissue paper ang sarili saka pinindot ang flush ng inidoro. Pagkalabas ko sa cubicle ay wala na si Mai sa restroom. Naghuhugas ako ng kamay nang mapansin na hindi pantay ang eyeliner ko kaya nagretouch na rin ako ng makeup. Hindi n’yo naitatanong eh isa akong self-taught muk-ap artist. Mayroon akong youtube channel na nagtuturo kung paano magmakeup. Nagbibigay din ako ng mga tips kung paano alagaan ang balat sa murang paraan. Sadly, kaunti pa lang ang followers ko kaya hindi pa ako kumikita.

Pagkalabas ko ng restroom nagmadali na ako sa paglalakad pabalik dahil nagtext si Chuck, hinahanap kami ni Mai. Sobrang daming tao kaya nagpasya akong mag-elevetor na lang, iyong hindi gaanong nagagamit dahil nakatago at katabi ng emergency stairs. Nakita ko iyon kanina habang papunta sa CR. Lakad-takbo ako papunta sa elevator, ilang hakbang na lang ay napahinto ako nang may nakita akong itim na bagay sa sahig malapit sa pintuan ng emergency stairs... isang pitaka!

Lumapit ako at pinulot iyon; gawa sa leather ang billfold, makapal iyon at may kabigatan. Tumingin muna ako sa paligid saka binuklat iyon. Napanganga ako sa dami ng pera sa loob, kalahating inch ang kapal ng lilibuhin at limang daang perang papel. Ako ang namamahala sa sweldo ng mga kasamahan ko sa trabaho kaya sanay na akong makakita ng maraming pera, lalo na iyong mga malulutong na galing sa bangko na naka-bundle pa. Sa tantya ko ay nasa fifty thousand ang pera, ang nagpakapal lang doon ay ang mga limang daan.

Kung sino man ang may-ari ng pitaka na iyon, siguradong mayaman, patunay ang ilan pang credit cards at ATM cards mula sa iba't ibang bangko. Naakit akong ibulsa na lang ang pitaka, malaking tulong iyon sa aming mag-ama pero nang mahagip ng paningin ko ang CCTV camera na nakatutok sa kinaroroonan ko, napilitan akong tiningnan ang mga ID sa loob na iba't iba rin: may SSS, voter's, Driver's License, TIN ID, Red Cross card at kung ano-ano pa. Kinuha ko ang National ID at tiningnan ang mukha sa card. In fairness, parang ang gwapo ng lalaki sa picture. Singkit ito at mukhang matangos ang mahabang ilong. Manipis ang mapupulang labi. Seryoso ang mukha ng lalaki, matalim ang tingin ng mga mata, pero hindi pangit tingnan. In fairness ulit, ang ayos ng itsura ng ID picture, compare sa ID picture ko. Mukha akong unggoy na puyat sa lahat ng ID ko. Bago ko pa mabasa ang pangalan sa ID ay may kamay nang kumuha niyon sa akin. Pati ang pitaka ay nahablot din.

"Hoy!" Nabiglang sabi ko at muntik akong napatulala nang nakita ang may-ari ng kamay. Isang maputing lalaki ang nakatayo sa harap ko. Matangkad siya, kailangan ko pang tumingala para lang makita ang mukha niya; malapad ang mga balikat at ayus na ayos ang buhok. Ayus na ayos din ang hindi kakapalan na kilay (parang pina-parlor pero hindi naman mukhang pangbabae ang pagkakaayos); ang mga matang singkit ay kulay dark brown, monolid. Ang ilong na mahaba at matangos ay tinernuhan pa ng prominenteng cheekbones, ang mga ito ang nagbibigay sa kanya ng snobby na anyo. Ang mga labi niyang maninipis ay mapula at parang ang sarap halikan o kagatin. Meron din itong cute na maliit na cleft chin, napakakinis din ng mukha niya, nahiya bigla ang mukha kong puno ng maliliit na blemishes at imperfections.

Ito na yata ang pinakagwapong lalaki na nakita ko sa tanang buhay ko. Sa sobrang gwapo parang hindi na totoo!

Teka, medyo pamilyar ang mukha nu'ng lalaki, parang nakita ko na siya...

Siya `yung lalaki sa ID nu'ng pitaka!

"I believe this is mine," sabi ng lalaki sa mababang boses, ipinakita sa akin ang ID picture. Siya nga.

Napasimangot ako nang kaunti dahil nagkaroon ng kakaibang reaksyon ang katawan ko nang narinig ko ang boses niya. Para akong kiniliti. Grabe, ang gwapo na ang baba pa ng boses! Sobrang type! Mukha pa siyang mayaman dahil naka-suit and tie.

"Na--napulot ko 'yan," sabi ko na parang tanga, hindi makapagsalita ng maayos, naramdaman ko rin na nag-init ang mukha ko.

"Great. What do you want, a medal?" Nang-uuyam na tanong ng lalaki habang isinusuksok ang ID sa pitaka.

Agad nagsalubong ang mga kilay ko.

"Aba naman," sabi ko. "Baka gusto mo magpasalamat?"

"Why would I do that?" Nang-iinsulto pa rin ang tono ng lalaki. Gwapo sana pero napaka-antipatiko pala. "Alam naman nating pareho na gusto mo `tong ibulsa."

Lalo akong namula kaya napangisi ang lalaki. Ibinulsa na niya ang pitaka.

"Ano, tama ako `no?"

"Ewan ko sa 'yo." Inirapan ko ang lalaki, dapat pala nanguha na ako ng isa o dalawang libo doon, mukhang hindi naman niya iyong mapapansin kung sakali. Humakbang na ako palapit sana sa elevator, babalik na lang ako sa convention, pero hinablot ng lalaki ang isang braso ko kaya gulat na napatingin ako sa kanya.

"Where do you think you're going?" angil ng lalaki.

"Anong—" Kinabahan ako sa ginawa niya pero pinatapang ko ang sarili ko. "Bitiwan mo nga ako, mister, bago pa kita masapak."

Nang lumipat ang dalawang segundo ay hindi pa rin niya ako binibitiwan, umigkas ang kamay ko pasuntok sa lalaki pero nagawa niyang pigilan ang kamao ko. Walang wala ang mga kamay ko kung ikukumpara sa lalaki kaya naman nagawa rin niyang hawakan ako sa dalawang pulsuhan nang ganu'n-ganu'n na lang.

Binalot ng takot ang puso ko, agad na nanghina. Ewan ko ba kung bakit ako ganito, imbes na lumaban para akong lobong mabilis na umiimpis. Nagsimulang humakbang ang lalaki at pilit kong binigatan ang sarili ko pero parang `sing gaan lang ako ng papel na napasunod niya.

"Sa--saan mo `ko dadalhin? Sisigaw ako, ipapapulis kita!" Kulang sa conviction ang boses ko kaya naman napangisi ang lalaki.

"Ako ang muntik mong pagnakawan, `di ba? Ikaw dapat ang ipapulis. Pero dahil mabait ako, hindi na. Ako na lang ang bahala sa 'yo." Pagkasabi niyon, nakakaloko ang ngiti na hinila ako ng lalaki papunta sa emergency stairs.

_________

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Stallia Iris
ganda ng ni cosplay mo sis pero antipatiko si guy... kata-cute baka iuwi ka na nya dahil sa ganda mo char!
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status