Share

Chapter 5: Fire

“Talaga, mars? Grabe naman `yun!” nanlalaki ang mga mata sa gulat na sabi ni Mai. Tuluyan na niyang nakalimutan ang kinakain niyang pancake dahil absorbed na absorbed siya sa kinukwento ko. Palipat-lipat ang tingin niya sa akin at sa cellphone. Sinearch niya kanina ang lalaking kidnapper ko, at kahit ‘Ien’ lang ang alam ko sa pangalan nito ay lumabas ang mukha ng demonyo. Paano kasi ay bukod sa unique ang pangalan nito, isa pala ito sa most searched sa Pilipinas dahil sa angking kagwapuhan at kayamanan. “Juan Ireneo Carreon… this Ien kidnapped you?”

Kasalukuyan kaming nasa sa isang fastfood restaurant, masyado pang maaga para pumasok kami sa kanya-kanya naming trabaho kaya matapos ang katakut-takot na paghingi ng tawad ay ikinuwento ko na sa kanya ang nangyari sa akin noong araw ng convention, tatlong araw na ang nakalilipas.

Tatlong araw…

Tatlong araw akong hindi kinausap ni Mai dahil sa h*******k na lalaki na iyon. Kung hindi ako nito kinidnap, eh `di sana hindi nagtampo sa akin si Mai. Eh `di sana hindi nagalit sa akin sila Chuck at Maggie. Sobrang nasayang ang lahat ng pinaghirapan nila dahil sa akin. Dahil kay Ien. Buset.

Lahat ng detalye ay binanggit ko para hindi isipin ng kaibigan ko na nagsisinungaling ako, na gumagawa lang ako ng kwento. Pero kung hindi lang nangyari sa akin ang lahat nang iyon ay hindi rin ako maniniwala kung sasabihin mo sa akin na kinidnap ka ng isang gwapo at successful na bilyonaryo. I mean, sino ba? Sa mga pocket books lang nangyayari iyon.

At tinotoo nga ni Ien ang banta nito sa akin, sa katunayan pagkauwi namin ni papa nang araw na iyon sinugod kami ng landlady namin at sinisingil na ang isang buwan naming delay na bayad. Hindi naman iyon ganu’n dati, bata pa ako ay doon na kami nakatira, hindi lang first time ito na na-delay kami sa pagbabayad, pero ang sungit ni Manang Rose nu’ng araw na iyon. After two days, sinabi ng landlady na umalis na raw kami dahil may bumili na ng bahay at lupa nila. Classic. Nakakatuwa, `di ba? Ang sarap i-massacre ng Ien na `yun!

“Murder lang, mars,” sabi ni Mai.

“Ha?”

“Murder lang dapat kung si Ien lang. Massacre kapag tatlo o higit pa.”

Nabo-voice out ko pala ang mga iniisip ko.

“Yup,” sabi na naman ni Mai.

“Arrrgh.”

At talagang pinagkaabalahan pa nitong bilihin ang lupa ng landlady namin, eh sa pagkakaalam ko hindi naman iyon ibinibenta. Nakakapagtaka pa dahil bigla yatang nawalan ng konsyensya si Manang dahil pinaalis na niya kami agad-agad. Buti na lang napakiusapan ko kaya may isang buwan pa kami para humanap ng malilipatan. Buti na lang may trabaho ako at kaunting naipon. One of these days maghahanap na ako ng room for rent na malapit sa pinapasukan ko.

“Sigurado ka ba na si Mr. Cute `yung bumili sa lupa ni Manang Rose?” tanong ni Mai. Pinakatitigan niya ang picture ni Ien na kuha sa isang event. Napakagwapo nito roon dahil nakangiti, napakatikas din, bagay na bagay ang suot na gray business suit.

“Eh sino namang walang puso ang gagawa ng ganu’n sa amin kung `di siya lang?” asar na balik-tanong ko, in-imagine ko si Ien sa kinakain kong longganisa at tinusok-tusok iyon. “Gusto talaga niyang sirain ang buhay ko! Sinabi niya rin kaya siya talaga `yun, walang duda!”

“Eh bakit naman kasi ayaw mo pa siyang pakasalan?” Uminom siya ng kape tapos ay pasimple na tumingin sa akin. “Kung ako ikaw, papakasal na ako agad-agad.”

Kulang na lang ay sabunutan ko siya sa sobrang inis. “Mars, sinabi ko na, `di ba? Sinaktan nga ako ng ungas na `yun. Kinaladkad ako, kinidnap, itinulak! Nakikita mo ba `tong mga pasa ko, tsaka mga gasgas? Siya ang may kagagawan niyan. Sobrang ungentleman niya. Kung ano-ano pang insulto ang pinagsasasabi. Parehong pareho sila ng nanay niyang matapobre. Hmph! Baka mamaya kapag nagpakasal ako du’n hindi lang `yun ang abutin ko. Baka mamatay pa ako.”

“May kapatid ba si Ien?” Interisadong tanong ni Mai, mukhang hindi siya nakikinig sa mga sinasabi ko.

“Hay naku, mars...” Napatingin ako sa labas ng fastfood chain at napansin ko ang isang itim na kotse na heavily tinted ang mga salamin, naka-park iyon sa kabila ng kalsada. Kumunot ang noo ko habang iniisip kung saan ko nakita ang sasakyang iyon kasi medyo pamilyar pero bago ko pa matitigang mabuti ay bigla na lang umandar ng mabilis ang kotse paalis.

“Hoy, mars.” Tinapik ni Mai ang braso ko kaya napatingin ako sa kanya. “Anong tinitingnan mo?”

“Ah, wala. May nakita kasi akong kotse sa labas parang pamilyar,” pabale-walang sagot ko sabay tingin sa cellphone kong 5G. As in Limang Goma, get it? Nasira na kasi ang casing ng munti kong mobile device, at iyong limang goma na lang na iyon ang pumipigil para magkahiwa-hiwalay ang mga parts ng Sony Ericson ko. Si Ien din ang may kagagawan ng pagkasira nu’n. Singilin ko kaya `yun ng damage to property para mapalitan na ang gamit ko.

“Aw, sad wala siyang kapatid.” Nakatingin si Mai sa cellphone niya, ipinakita sa akin ang isang mikipedia page. Naikot ko ang mga mata ko, give up na `ko sa kanya. “Oh gosh, look, nasa Corbes List siya. Top six richest man in the Philippines. Grabe, three billion dollars ang net worth niya! Kamag-anak niya kaya itong nasa top one? Ireneo Carreon, 16 billion dollars… oh! Lolo niya pala! Sana all may bilyonaryong manliligaw.”

“Hindi ba nakakapagtaka `yun na gusto niya akong pakasalan? What’s the catch?”

“Pero `di ba sabi ng papa mo, magkakaibigan sila? Malay mo naman totoo.”

“Er… kailangan ko muna alamin ang totoo, mars. Ang hirap kaya makasal, wala pa namang divorce. Magastos din ang magpa-annul.”

“Ikaw ang bahala, mars. Pero alam mo, magdraft ka ng prenuptial agreement, para may security ka.”

“Paano `yun?”

“Kuha ka ng abogado na pwede tumulong sa `yo. Maganda `yun para may fall-back ka kung sakali man na abusive talaga itong Ien, or kapag naisip mo na you want out. I know a lawyer, if you want. Pwede rin sa PAO, I think. I’m not sure.”

“Posible ba talaga na maprotektahan ako ng ganu’n? Malaking tao itong mga `to.”

“Of course!” Sumimsim si Mai sa kape niya sabay tingin sa kulay asul na relo sa bisig. “kung maayos ang pagkaka-draft at sumang-ayon siya sa terms mo, yes, kahit ubusin nila ang pera nila, hindi sila mananalo against it.”

“Sige, pag-iisipan ko `yan. Thanks, mars! Oh, seven forty-five na pala,” sabi ko na napatingin sa sariling relo. “Baka ma-late na tayo.”

Mabilis naming inubos ang mga pagkain namin at binitbit na lang palabas ang mga kape namin.

Naghiwalay lang kami ni Mai nang sumakay na siya ng kotse niya sa may parking lot.

“Hatid na kita?” tanong niya na inilabas ang ulo sa bintana.

“Hindi na, magta-tricycle na lang ako.”

Nagtatrabaho ang kaibigan ko bilang branch manager ng Landbank somewhere in Quezon City. Bigtime. Habang ako, sekretarya ng boss ng XYZ Foods, isang maliit na factory ng canned goods dito sa San Marta.

Napabuntong hininga na lang ako sa sobrang unfair ng buhay. Pinara ko ang parating na tricycle at sumakay na.

Pagpasok ko sa Employee’s entrance ng factory twelve minutes later, nakita kong medyo excited ang mga trabahador sa paligid, gusto ko sana silang tanungin kung bakit pero hindi pa ako nakakapag-time in kaya dumiretso na muna ako sa office ng boss ko para kunin ang DTR ko. Pagtingin ko sa mesa ko ay nagulat ako dahil malinis na iyon—hindi naman sa hindi ko iyon nililinis—malinis in a sense na pati mga gamit ko wala na. Mabilis akong lumapit sa mesa ko, kinakabahan, lalo na nang nakita ko ang isang medium-size na box sa tabi ng pensium five na computer ko dito sa opisina. Nanginginig ang mga kamay na binuklat ko ang mga drawer ko: wala nang laman, wala na ni isang staple wire. Mabilis kong binuksan ang box at nakita ko doon ang mga gamit ko, kumpleto lahat, maski `yung framed picture ni Park Seo Hyun. Hehehe. Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko may nagnakaw o nagtapon ng mga gamit ko.

Napalingon ako nang narinig akong paparating at saktong pumasok ang boss kong mataba at napapanot—bakit kapag nagdi-describe ng tao, `yung mga masasama ang unang nababanggit? Anyway...

“Nand’yan ka na pala, Charity,” sabi ng lalaki na parang nagulat nang makita ako.

“Opo, sir,” magalang na sagot ko habang pinapanood ko itong maglakad papunta sa sariling mesa pagkatapos ay nagsulat ng kung ano sa isang bundle ng papel, ni hindi man lang tumingin sa akin. Iniwan ko ang mesa ko at lumapit sa kanya. “Sir...?”

“I’m sorry, Charity,” sabi ng boss ko na inabot sa akin ang kapirasong papel na sinulatan niya. Kinuha ko iyon at napagtanto ko na tseke pala iyon. Maang na napatingin ako sa lalaki.

___________

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status