Share

Kabanata 1

"ANNA MARIE, tanghali na!"

Tilaok ng mga manok, huni ng mga ibon, at malimit boses ni Mama ang araw-araw na gumigising sa akin. Tila nga iyon na ang nagsisilbing alarm clock naming magkakapatid dahil sa lakas niyon. Nakasanayan na rin naman namin iyon.

"Gising na po ako, 'Ma," balik kong sigaw, saka humikab kasabay ng pag-inat. Napakamot pa ako sa ulo ko habang nakasimangot dahil gusto pang ipikit ng mga mata ko.

Kahit namumungay pa ang mga mata ko, napilitan na akong lumabas ng kwarto bago pa si Mama ang pumunta roon para pilitin akong ibangon.

"Ate, para kang mangkukulam," salubong sa akin ng kapatid kong si Melanie na natatawa sa hitsura ko. Hindi pa kasi ako nanunuklay at nangamot pa ako sa magulo kong buhok.

Nginusuan ko lang siya at nilampasan. Wala kasi ako sa mood makipagsagutan sa kaniya. Isa pa 'di pa ako nagsisipilyo, eh.

Naghahanda na si Mama ng simpleng almusal ng matapos akong maghilamos at mag-toothbrush. Nanuklay na rin ako para hindi ako magmukhang mangkukulam sa harap nila. Umupo na ako sa hapag at nagsimula na kaming kumain.

Lahat sa lugar namin simple. Simpleng tirahan, simpleng pagkain at simpleng pamumuhay. Masaya na kami na kumakain ng tatlong beses sa isang araw. Iilan lang ang mayaman sa lugar namin at isa na roon ang mga Bautista na pinagsisilbihan ng pamilya namin. Nagta-trabaho si Papa bilang trabahador sa kanila, habang si Mama naman ay naglalabada sa mga ito. 

Madilim pa lang ay umaalis na si Papa sa bahay para magtungo sa farm ng mga Bautista. Isa kasi siya sa pinagkakatiwalaan doon kaya malimit na gumising kaming magkakapatid na wala na si Papa.

Dahil sa malayo ang kolehiyo sa lugar namin, hindi na ako tumuntong pa sa kolehiyo. Bukod kasi sa hindi namin kaya ang tuition, malayo pa ang unibersidad. Kaya ayon, high school lang ang natapos ko. Maswerte na nga para sa mga taga-rito ang makatungtong ng kolehiyo.

"Anak, aalis na ako ikaw na bahala sa mga kapatid mo, huh?" bilin ni Mama habang inaayos ang bag na dadalhin niya.

"Sasama ako 'Ma, malalaki na sila Jastro bakit kailangan ko pa silang bantayan?" reklamo ko. Gusto kong sumama para kahit na paano matulungan ko si Mama sa paglalaba. "Sige na, 'Ma," pamimilit ko pa sa nagmamakaawang tono.

"Ewan sa 'yo, Anna Marie, bantayan mo na lang ang mga kapatid mo." 

Bakit ba Anna Marie ang tawag sa akin ni Mama? Nakakarindi pakinggan.

"Ma, 'wag naman Anna Marie, ang bantot, eh," wika ko at sumimangot.

"Ewan sa 'yo Anna Marie. Maigi nga't hindi KringKring ang pinangalan namin ng Papa mo sa 'yo." 

Sa dami kasi ng pangalan Anna Marie pa ang napili ni Mama. Pero tama naman si Mama na maigi na ang pangalan ko ngayon kaysa sa KringKring na nirekomenda ng mga lolo ko.

"Mara na lang kasi, 'Ma!"

Palayaw ko ang Mara at kilala ako sa tawag na iyon. Ito lang namang si Mama ang tumatawag sa buo kong pangalan na noon pa man ay hindi ko na gusto dahil pangsinaunang panahon ang tunog niyon sa akin.

"Mara! Mara, ka diyan mas mabantot pakinggan." 

"Ganda kaya ng pangalang Mara, parang tunog ng pangalan ng asawa ni Dingdong Dantes. Sino nga 'yon? Ay oo si Maralyn. 'Di ba magkatunog. Mara-lyn." Pumikit-pikit pa ako at nagpa-cute sa harap ni Mama.

"Ate, hindi Maralyn ang pangalan ng asawa ni Dingdong Dantes, Marian Rivera 'yon." Napatingin kami ni Mama sa nagsalita at nakita ko si Jastro na umiiling-iling.

Si Jastro ang nag-iisang lalaki sa pamilya. Sumunod siya sa akin habang si Melanie ay sumunod naman sa kaniya.

"Hindi ba Maralyn iyon?" alangan akong ngumiti kay Jastro. "Sabi ko nga hindi Maralyn," pagsuko ko sa huli.

"Ang layo naman kasi ng Mara sa Marian, Ate," aniya at umupo sa sofa na gawa sa kahoy.

"At least may M.A.R.A sa pangalan ni Marian," giit ko. In-spell ko pa talaga ang 'Mara' sa kanila.

"Tumigil na nga kayong dalawa. Aalis na ako Mara, bahala ka na sa mga kapatid mo." 

Napasimangot ako dahil sa huli hindi pa rin niya ako pinayagang sumama sa kaniya sa mansyon.

Bumaling si Mama kay Jastro. "Ikaw dito ka lang sa bahay at tulungan mo ang ate mo, hindi 'yong gala ka nang gala."Inayos ni mama ang dalang bag, "Oh, siya aalis na ako," dagdag pa niya.

"Sige po, 'Ma, ingat po kayo!" paalam ko.

Nang makaalis na si Mama, binalingan ko si Jastro habang suot ang matalim na ngiti para sa kaniya. Iniwan ko siya roon para maglinis ng buong bahay.

Hindi pa ganoong sibilisado ang probinsya ng Quezon. Halos lahat ng nakatira dito, pagsasaka ang ikinabubuhay at ang iba pa nga ay napipilitang makipagsapalaran sa Maynila, dahil iniisip nila na doon maraming opurtunidad na naghihintay sa kanila. Pero sa kabila niyon, makikita ang pagtutulungan at pagpupursige ng bawat tao rito.

"MARA, wala ka ba talagang balak magtrabaho sa Maynila?" tanong ni aling Martha sa akin nang makasalubong ko siya. Kilala siyang recruiter ng mga mangangatulong dito sa amin. Marami na siyang nahatak sa magagandang sinasabi niya.

Ngumiti ako sa kaniya. "Wala po, okay na po ako dito sa probinsya," pakli ko.

Halos lahat ng kadalagahan dito sa amin ay nagta-trabaho sa Maynila. Marami raw kasing trabaho roon at sigurado silang malaki ang sahod, umaasang aasenso sila sa Maynila. May ilang kahit pa paano'y gumaan ang buhay at may ilan namang umuuwing lobo ang tiyan na tila ba nagpabumba sa vulcanizing doon.

Ngumiti ako kay aling Martha at naglakad na palayo sa kaniya dahil kahit ano'ng sabihin niya sa akin hindi naman ako sasama sa kaniya. Ni hindi sumagi sa isip ko na pumuntang Maynila.

Nagliwanag agad ang mukha ko nang marating ko ang lugar kung saan napapanatag ang loob ko at nakakadama ako ng katahimikan. Kung saan nagiging lugar ko sa tuwing may mabigat sa damdamin ko.

Tinungo ko ang lilim ng malaking puno ng Acacia sa malawak na bukid. Umupo ako sa malaking ugat niyon. Pumikit ako nang umihip ang malakas na hangin. Ang sarap sa pakiramdam habang dumadampi iyon sa balat ko.

Simula pa noon, itong lugar na ito na ang naging takbuhan ko sa ilang mga sitwasyon. Marami nang nasaksihan ang bukid na ito sa buhay ko. Minsan ko na ring kinausap ang puno ng Acacia na kahit hindi sumasagot, nagpapagaan pa rin sa damdamin ko. Pinangalanan ko na nga rin ito na Happy Tree dahil kahit pa paano'y napapasaya ako ng lugar na ito at ang punong ito ang nagbibigay ng lilim sa akin.

"May problema ka ba, Mara?"

Mabilis akong lumingon sa nagsalita at tumambad sa akin ang kababata kong si Oscar na katulad ko'y naging lugar na rin ang kinaroroonan namin. Umupo siya sa tabi ko sa malaking ugat.

Umiling ako sa kaniya at bumaling sa malawak na bukid na pinaliligiran ng malawak na bukirin na pagmamay-ari ng kilalang pamilya roon, ang mga Bautista.

"Wala naman, na-miss ko lang 'tong lugar at 'yong sariwang hangin," sagot ko. Medyo matagal na kasi simula no'ng huling punta ko rito.

Tumango-tango si Oscar. "Nasanay ako na sa tuwing nandito ka may iniinda kang bigat ng loob," natatawa niyang sabi.

"Hindi ko naman gustong puro na lang masasamang alaala ang mabuo ko sa lugar na 'to, 'di ba? Ayaw kong sa tuwing pupunta ako rito, puro na lang masasamang alaala ang maiisip ko," seryoso kong sabi at pinagdikit ang mga labi.

"Kung sa bagay, tama ka naman, Mara at kung iyon ang gusto mo sasamahan kita sa pagbuo ng mga masasayang alaala sa lugar na ito," presinta niya.

"Lagi mo naman akong sinasamahan, eh. Simula pa noon, palagi ka ng nasa tabi ko at kasama sa bawat pagsubok at saya sa buhay ko."

"At gusto ko pang magpatuloy, Mara. Gusto ko pang sumama sa buhay mo. Gusto kong masaksihan ang bawat ngiti sa mga labi mo," seryoso niyang sabi.

Napaarko ang kilay ko. "Masyado kang seryoso, Oscar," nagtataka kong sabi sa kaniya.

"Seryoso ka rin kaya," balik niya.

Lumabi ako. Oo nga, seryoso nga naman pala ako kaya malamang na magseseryoso rin siya. Hindi ako dapat mag-isip ng kakaiba dahil lang doon.

"Siyanga pala, Oscar kumusta si Tito Mar? Ayos na ba siya?" pagbabago ko sa usapan. No'ng nakaraang linggo kasi ay naospital ang tatay niya dahil sa atake sa puso.

Ngumiti si Oscar kahit pakiramdam ko hindi iyon totoo. "Ayon, sa awa ng Diyos okay naman na si Tatay," aniya na kahit ano'ng pilit niya ay may lungkot pa rin na lumitaw.

"Mabuti naman kung ganoon. Hindi magtatagal at tuluyan ding gagaling si Tito Mar," ani ko.

Sa kabila ng nangyari sa tatay ni Oscar, hindi ko man lang siya nakitaan ng labis na lungkot. Hindi rin siya lumuha o nagpakita man lang ng kahinaan. Kaya nga labis kong hinahangaan si Oscar pagdating sa pag-handle niya sa sitwasyon at sa sarili niya. Napakalakas niya na parang lahat kaya niya pero alam kong sa loob niya'y nabibigatan na siya ayaw niya lang iyong ipakita sa iba.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status