Share

Chapter 2: LEAP OF HOPE

Hindi siya makapaniwalang magagawa ito ni Tristan sa kaniya. Sa loob ng mahigit isang taon na kasama niya ito, wala itong ibang pinakita sa kaniya kundi ang mahal siya. Ilang beses siyang napahamak at niligtas rin siya nito. Noong kaarawan rin niya, sinorpresa pa siya nito ng romantikong handaan at nandoon si Ruby, tuwang-tuwa pa ito sa nakamit niya sa lovelife niya. 

Ang lahat ng iyon nakikita niyang totoo. Nararamdaman niyang totoo. Tinuring niyang si Tristan ang lalaking para sa kaniya. Humantong na sila sa usapang kasal. Nag-propose pa ito sa kaniya at pumayag naman siya. Ngunit noong gabing nag-propose ito, dinukot rin silang pareho kaya nasa ganito siyang sitwasyon ngayon. 

Samu't saring emotion ang kumakastigo sa sistema niya. Durog ang puso niya ngunit umaapoy rin ito sa galit. Lumapit pa talaga si Ruby sa kaniya, at pwersahang kinuha ang singsing sa daliri niya. Pwede niyang ikuyom iyon para hindi nito makuha pero hindi na niya ginawa, para saan pa ba?

"This is mine." Sinuot ito ng babae at ngumiti pang nagpapainggit sa kaniya. "Ako ang papakasalan ni Tristan, hindi ikaw." 

Humagulhol lang siya ng iyak. "Isusumpa kita, Tristan! Ang galing mong manloko, hayóp ka! Nagtiwala ako sa'yo, minahal kita, pero bakit mo ginawa ito?! Ano ba ang kasalanan ko sa'yo?! Ha?!" sumbat niya. 

Nagpatunog ito ng leeg, hinimas-himas pa ang baba at lumapit sa kanya. Tumayo ito sa harapan niyang naka-cross ang mga braso. Kitang-kita pa niya ang maga nito sa mukha, shempre sa harapan niya sinaktan ito. Ang hindi lang niya maintindihan, ay kung bakit tiniis nitong mabugbog para lang magpanggap. 

"Kung hindi ka lang siguro naging madamot, baka hindi mo ako nakilala. Kaso madamot ka eh," rason pa nito tila baliwala lang ang pasa sa mukha. Alam niya sa ibang parte ng katawa nito may pasa rin. Sinamaan niya ito ng tingin upang iwaglit sa kaniyang isipan ang nararamdamang pag-alala sa mga pasa nito. Bakit ba siya mag-aalala? Eh, traidor nga ang lalaking ito. 

"Wala akong pinagdamot!" singhal niya rito. "Akin naman talaga lahat ng pag-aari ng daddy ko dahil sino ba sila?" nanggigigil niyang katwiran. "Hindi sila anak ng tatay ko, hindi ko sila kadugo—"

"Eh ano ngayon kung hindi mo kami kadugo?!" bara ni Ruby sa kaniya, lumakas pa ang boses, halos sagad sa lalamunan. "Nasaan ang yaman mo ngayon kasi ikaw ang kadugo? Ha? Wala na, di ba? Gagapang ka simula ngayon, Clary! At papanoorin kita habang gumagapang!" 

Hindi siya sumagot, pinili na lang niyang umiwas ng tingin baka ano pa ang masabi niya at mabihag siya ulit. "Si Tristan, never kang minahal niyan. Malamang akin lang siya! Kung alam mo lang kung paano siya nagreklamo sa akin araw-araw sa tuwing hinahalikan mo siya! Nandidiri siya sa'yo, Clary! Tiniis lang niya, para dito, worth it naman, di ba?" 

Mas masakit pa iyon pakinggan. Minahal niya ang lalaki pero pinandidirihan lang siya. "Wag mo na ngang ipapa-alala, nasusuka ako," ani pa ng huwad niyang kasintahan.

"Tama na iyan," sabat naman ni Jasper. "Nagsasayang lang kayo ng laway diyan. Kahit anong insulto niyo, walang-wala na iyan sa paghihirap na dinanas niya ngayon. Nasa atin na ang lahat, hindi na iyan importante." 

Yumuko na lang siya at umiyak. "So ano na ang gawin niyo dito?" tanong ni Tristan.

"Itapon iyan sa dagat maghihirap lang iyan kung buhay," ani ni Ruby. Napaangat siya ng mukha at napatingin rito. Biglang binalot ng takot ang buo niyang sistema. 

"Akala ko ba papanoorin mo iyang gumagapang?" tanong pa ni Tristan. 

"Kung hahayaan nating mabuhay iyan, baka makagawa pa iyan ng paraan para balikan tayo," paliwanag naman ni Jasper. 

_

Katulad ng hinala niya kanina, nasa barko nga sila. Nakagapos pa rin ang kaniyang kamay at mga paa. Pinasan pa siya ng isang lalaki, dahilan para kumirot ang mga bugbog sa katawan niya. 

Una kasing ginawa ng mga ito ay sinaktan siya para pumirma, ngunit nagmatigas siya, dahil kahit patayin man siya ng mga ito, hindi siya pipirma. Kaya umabot sa punto na ginawang pa-in ng mga ito si Tristan, doon siya napapayag sa inakala niyang may totoong pagmamahal sa pagitan nila. 

Totoo nga ang kasabihan, na pagmamahal talaga ang sisira sa iyo. Kaya lang naman pinahalagahan niya ang pagmamahal dahil naniniwala siyang deserve niya iyon, pero parang pinahamak pa siya. Totoo ba talagang may truelove? Kasi lahat ng minahal niya kung hindi napapahamak, niloloko siya.

Ang ama niya, mahal siya mula pagkabata ngunit anong nangyari? Nawala ito sa kaniya dahil sa aksidente. Sumabog ang eroplanong sinakyan nito, from Philippines to China. Hanggang ngayon hindi pa nakikita ang katawan nito. 

Ngayon, ang kuya Jasper niya. Sa loob ng dalawang taon na nangungulila siya sa ama, ito ang nagsilbing kuya niya, nagpakita rin ito ng pagmamahal, ngunit niloko lang siya bandang huli. Pangatlong minahal niya ay si Ruby, tinuring niya hindi lang matalik na kaibigan kundi kapatid rin. Hindi niya akalaing ganito ang isusukli ng babaeng iyon sa kaniya. 

Pang-apat, higit na minahal niya si Tristan. Muntik na niyang ibigay rito lahat pati sarili niya. Mabuti na lang natuklasan niya ang baho nito bago niya isuko ang bandera. Ito na lang talaga ang natira sa kaniya. Dahil iniingatan niya ito higit pa sa yaman na meron siya. Nais niyang ibigay lamang iyon sa mapapangasawa niya, ngunit mangyayari pa ba iyon? Pinagkakaitan siyang makamit ang salitang tunay na pagmamahal, ngunit sa lahat ng pagmamahal na maari niyang nakakamit ang peke pa talaga ang nasalo niya. 

Sobrang saklap. 

Nakaramdam siya ng uhaw, sa kabila ng lamig na nararamdaman niya dulot nang malakas na hangin na nagmumula sa dagat. Madilim ang paligid. Salamat na lang talaga sa buwan dahil kahit paano may nakikita siya. May mga sugat siya sa mukha, at nasasaktan siya sa tuwing hinahampas ito ng mahabang buhok niya. 

Pumunta ang lalaki sa hulihan na bahagi ng barko. Barko na pag-aari lang din niya. Binaba siya nito at napadàìng na lang siya sa pananakit ng buong katawan niya. Tumingin siya sa lalaki. Lumunok sandali, sinikap na maging malakas upang makausap ito nang mas maayos. "Kapag kinalagan mo ako, bago itapon sa dagat. Babalikan kita at babayaran nang mas malaki."  

"Nasa laot tayo, alam mo ba iyon?" pagsasarkastiko nito pero may halong mahinahon na tono. "Paano mo nasisiguro na mabubuhay ka at mababalikan mo ako?" tanong nito.

Ngumiti siya nang mapait. Tumulo ang mga luha niya. Hindi siya sumagot dahil sa totoo lang, hindi niya rin alam kung makaka-survive siya. "Ginagawa ko ito kasi kailangan ng heart-transplant ng anak ko. Kailangan ko ng malaking pera. Kaya mangako ka, kapag kinalagan kita, please tumalon ka. Dahil once makita ka pa nila dito, hindi lang ikaw ang pâtây kundi pati ako. Paano ang anak ko?" 

Mababaw lang talaga ang mindset nito pero naintindihan niya dahil isa itong ama. Kahit naging makasarili ang asta nito, sapat na sa kaniya na tinrato siya nitong nagpapakita ng awa sa kaniya kahit papaano. Tumango siya,  huminga naman ito nang malalim at pasimpleng pinutol ang tali sa kamay at paa niya. Pagkatapos, tinutukan siya ng kutsilyo. 

"Ngayon, talon," utos nito. "Huwag ka nang lumaban sa akin dahil baka mapatay lang kita. Talon." Kabado ito habang pinagbabantaan siya. Tinitigan lang niya ito. May kinuha pa ito sa bulsa ng jacket at iyon ay isang supot ng tinapay. "Oh, kunin mo ito." Dinikit nito iyon sa palad niya. "Please tumalon ka na. Nagmamakaawa ako sa'yo." 

Tinanggap niya iyon na hindi na nagsasalita. Sapat na ang bigyan niya ito nang pasalamat na tingin. Lumunok lang siya. Natatakot kasi siya sa maaring kahihinatnan niya sa ilalim ng dagat. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kaniya roon, maliban sa idea na mapapagod lang siya sa kakalangoy at malulunod, o baka maraming pating roon at kainin siya ng buhay. 

Tinititigan niya ang reflection ng buwan sa dagat. Madilim ang kinaroroonan nila, at siguradong walang may makakakita sa lalaki na ito na tinutulungan siya. Willing rin siyang magbigay ng proteksyon rito. 

"Talon na, ano ba? Nangako ka, sabi mo tatalon ka. Mas maigi na iyan kaysa sa tinapon kitang nakagapos," apura pa nito sa kaniya. Tumalikod na lang siya, nakakuyom ang kamao niyang nakatingin sa ibaba. Tatalon na sana siya pero bigla siya nitong tinulak. Bumulusok ang katawan niya papunta sa kailaliman ng tubig. Binalot ng kama ang puso niya. Nanikip ang dibdib niya lalo na't nakaramdam ng hapdi ang buong katawan niya dahil sa mga sugat. Sinikap niyang Lumangoy paitaas, at maramdaman niyang may bumagsak na bagay rin sa tubig. 

Nang makaahon ang mukha niya, nakalayo na ang barko pero dahil sa liwanag ng buwan nakita niya ang nakalutang na salbabida. Humagulhol siyang lumangoy patungo roon. Umiiyak na lubos na nagpapasalamat dahil binigyan siya nito ng isang bagay na makakapitan. Ang salbabidang iyon ang natitira niyang pag-asa para maka-survive at ang tinapay na binigay nito kahit bumulusok siya pailalim ng tubig sinigurado niyang hindi niya ito mabitawan. Pantustos niya iyon sa gutom kahit panandalian lang.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Robelyn Senador
nanaig pa rin ang mabuting puso...hayst...nkakaiyak ka clary....
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status