Share

4. Hidden Treasure

TRIDAS POV

Isang linggo na ang nakalipas simula noong dumating si Kierzyuwi Yanzon sa aming dormitoryo. Bagong lipat siya at sa eskwelahan din namin siya nag-aaral. Base sa narinig ko, kaklase siya ni Haze at Kayden dahil Business Administration ddin ang kurso niya. Nakikita ko na rin siyang kasa-kasama nila Haze kapag kumakain sila sa kusina. Medyo tahimik ito pero mukhang kasundo naman niya ‘yong apat na kolokoy. Sila Haze, Kayden, Matthew at Zee.

“Trida, samahan mo nga ako sa cr, naiihi na ‘ko.” Napukaw ang atensyon ko nang tawagin ako ni Ivy. “Halika na, dali!”

“Apurado ka naman! Taeng-tae ka ba?!”

“Hindi. Ihing-ihi na ‘ko!” Tumayo ako sa upuan ko at sabay kaming lumabas sa classroom. Pumunta kami sa restroom na nasa floor lang din namin. Pagpasok ni Ivy sa cubicle, pumasok na rin ako sa kabila. Iihi ako kahit hindi ako naiihi. Wala lang, trip ko lang. Saktong pag-upo ko, may narinig akong pumasok sa loob ng cr at kasabay no’n ang pagsara ng pintuan. Hindi pintuan ng cubicle, kun’di pinto mismo ng restroom.

"Sa tingin mo ba totoo ‘yong usap-usapan na may ginto sa dorm na ‘yon?" halos pabulong na sabi ng isang babae na hindi ko kilala ang boses.

"Hindi ko rin alam. Pero sa tingin ko totoo,” sagot naman ng kasama niya. Ginto?

"Lipat kaya tayo ro’n tapos hanapin natin?" Alam kong nasa loob pa rin ng cubicle si Ivy dahil hindi ko pa naririnig ang pagbukas ng pintuan niya pati ang pag-flush.

"Ano ka ba naman? Hindi naman ako gano’n kaatat yumanan, ‘no! Tara na nga umuwi na tayo. Makapag empake na!" Bahagya pa silang nagtawanan bago lumabas sa restroom. Nang maramdaman kong nakalabas na sila nang tuluyan, binuksan ko na ang pintuan ng cubicle at halos magkasabay lang kami ni Ivy na lumabas. Nag-unahan kami sa pintuan para tingnan kung sino ‘yong dalawang estudyante na narinig naming nag-uusap. Hindi pa sila masyadong nakakalayo kaya nakilala ko sila. Third year sila, tourism din at ka building lang namin.

Nagkatinginan agad kami ni Ivy pero hindi kami nagsasalita. Naghawak kami ng kamay at tahimik na bumalik sa classroom. Ramdam ko ‘yong pamamawis ng kamay namin pareho at panlalamig, pero wala isa man sa amin ang nagbubukas ng usapan tungkol sa narinig namin.

Habang tahimik na nagtuturo si ma'am sa harapan, naramdaman ko ang pag-vibrate ng cell phone sa bulsa ng palda ko. Kinuha ko ‘yon at nakita kong may text sa akin si Ivy kaya palihim kong binasa. “Narinig mo rin ba yong narinig ko kanina?”

“Oo, narinig ko. Ano’ng akala mo sa ‘kin, walang tainga?” reply ko sa kaniya.

“Sa tingin mo saang dorm ‘yong tinutukoy nilang may ginto?”

“Hindi ko alam.”

“Hindi kaya sa dorm natin?”

“Mukha bang may ginto sa dorm natin? Agiw marami.” Bakit kaya gusto niyang alamin? May balak ba siyang nakawin ‘yon kung sakali ngang mayro’n?

“Dapat pala lumabas tayo kanina habang nag-uusap sila para natanong natin kung saang dorm yong sinasabi nila.”

“No thanks, Ivy! I'm not interested. At saka hindi natin alam kung totoo ‘yon o hindi. Baka mamaya tsismis lang ‘yong nasagap nila.”

“What if totoo?”

“Kung totoo ‘yon, edi mag-drop out na tayo tapos mag-aral tayo ng taekwondo, karate, wrestling, judo, ju jutsu, boksing, muay thai, hapkido, arnis, sumo, shaolin kung fu at krav maga.”

“Para saan?”

“Para patumbahin lahat ng magtatangkana unahan tayo sa ginto. HAHAHA!”

“Gagi!” Pinigilan ko ang pagtawa para hindi ako mahalata ni ma'am. Hindi na rin ako nagtype ng reply sa kanya.

Pag-uwi namin sa dorm ni Ivy, nadaanan namin sa sala ‘yong iba naming dormmates na naglalaro ng mafia game. Mukhang nagkakatuwaan sila.

"Ano’ng ng nilalaro nila?" tanong ni Ivy sa ‘kin habang paakyat na kami sa hagdan.

"Mafia game."

"Pa’no ‘yon?" she asked curiously habang sinasaksak niya ‘yong susi sa doorknob ng room namin. Pagpasok namin sa loob, humiga agad ako sa bed ko at inexplain sa kanya ‘yong laro.

"May mafia sa game na ‘yon, target niyang patayin ‘yong mga ordinary citizen para manalo siya. Tapos may isang pulis at isang doctor, and the rest ay ordinary citizen. Kung ano ang ma-assign sayo na roles dapat walang makaalam no’n. ‘Yong mga ordinary citizen naman dapat mahulaan nila kung sino ang mafia. Pero mahirap laruin ‘yon, kasi ‘yong mafia na pumapatay magpapanggap siyang citizen para itago ang identity niya. During nighttime, matutulog ‘yong buong grupo, then gigisingin ng moderator o ng host ang mafia para ituro ang gusto niyang patayin. Tapos papatulugin ulit ng host ‘yong mafia at gigisingin naman niya ang doctor para tanungin kung sino ang gusto niyang iligtas na sa tingin niya ay napiling patayin ng mafia. Kapag pinatulog na ulit ng host ang doctor, next niyang gigisingin ang pulis. Tatanungin ng host ‘yong pulis kung kaninong pagkatao ang gusto niyang malaman, kapag may tinuro na ‘yong pulis, yes or no lang ang isasagot ng host. Yes, kung mafia ‘yong tinuro n’ya at no naman naman kung hindi. Then, during daytime, gigising na ulit silang lahat, magbobotohan sila kung sino sa tingin nila ang mafia. Once na manominate ka at pagdudahan na ikaw ang mafia, dapat dipensahan mo ang sarili mo at dapat mapaniwala mo sila na citizen ka lang para hindi ka mamatay or ma-out sa game. Pero kapag walang naniwala sa’yo at hindi ka nailigtas ng doctor during nighttime, out ka na sa game,” mahabang litanya ko.

Napangiti naman agad siya at mukhang na excite. "Tara laro tayo!"

"Hindi p’wedeng tayo lang dalawa, minimum no’n 7 persons or 9."

"Ayain natin sila Matthew,” suhestyon niya, kaso wala akong gana.

"Next time na lang. Kailangan pa natin mag-grocery mamaya.” Sumimangot naman siya. "Pahinga lang tayo nang kaunti tapos alis na tayo para di tayo gabihin," I added ‘tsaka na ako pumikit para umidlip. Hindi ko na siya narinig na kumibo kaya hinayaan ko na lang. Pero ilang minuto pa lang akong nakapikit nang bigla akong may maalala. Shutangina, ‘yong kilay niya! Dumilat ako at tiningnan siya agad. "Ivy, ‘wag ka muna maghihilamos, ah.”

“Bakit?” inosente niyang tanong.

“Galing tayo sa init, mapapasma ‘yang mukha mo. At saka pupunta pa tayo sa supermarket mamaya. Para naman masulit ang make-up mo,” pagdadahilan ko. Pero ang totoo, ayoko lang makita niya ‘yong nangyari sa kilay niya.

"Sige,” sagot naman niya habang hawak ang kaniyang cell phone.

Makalipas ang ilang oras ng pamamahinga, bumaba kami ni Ivy sa kusina para i-check ang mga stocks kong natira. Pero palapit pa lang kami, rinig ko na ang pagtatalo-talo noong lima kung sino ang mag-grocery sa kanila.

"Ikaw na lang Matthew. Isama mo ulit si Zee,” sabi ni Kayden. Nakapaikot sila sa mesa at mukhang katatapos lang magmeryenda dahil may dalawang kahon ng pizza sa gitna nila. Napansin ko namang tahimik lang si Kierzyuwi at busy sa screen ng cell phone niya. Pero halatang aware rin siya sa kaguluhan no’ng apat. Bigla naman siyang nag-angat ng tingin sa ‘min ni Ivy at nahuli niya akong nakatitig sa kaniya kaya nag-iwas ako tingin.

"Bakit kami na naman? Kami na nga last week!" apila ni Matthew habang hawak ang baso na may coke.

"Expert naman kayo d’yan, e! Sige na!” Si Haze naman ang nangulit sa kanila.

Naririndi ako sa ingay nila kaya dumiretso ako sa ref at binuksan ko ‘yon para tingnan kung mayroon pa ba akong stocks tulad ng karne, frozen goods at gulay. Wala na. Sunod ko rin tiningnan ang hanging cabinet na pinagtatabihan ko ng mga instant noodles, de lata, 3in1 coffee at kung anu-ano pa. Paubos na rin.

"Ilista mo lahat ng kailangan natin para wala tayong makalimutan,” baling ko kay Ivy na nakatayo sa tabi ko. Sumunod naman siya agad at nagsimula na sa paglilista sa cell phone niya.

"Mamimili rin ba kayo?" tanong ni Haze. Bumaling ako sa kanila at lahat sila nakatingin na sa amin. At sa tingin pa lang nila na ‘yon, alam ko na ang ibig nilang sabihin.

"Hell no!" Inunahan ko na sila dahil alam kong magpapasabay na naman sila sa ‘kin ng grocery nila. Ilang beses na ‘yon nangyari dati at lagi akong nahihirapan sa pagbitbit dahil sa mga pabili nilang sandamakmak.

"Sinasaktan mo ‘yong damdamin ko, Trida. Bakit ka gan’yan?" pabirong sabi ni Kayden habang nakahawak sa tapat ng puso niya. “Dati-rati naman lagi mo kaming isinasabay kapag mamimili ka.”

“Nagbago ka na. Hindi mo na kami mahal!” dagdag pa ni Matthew.

“Dati ‘yon! Iba ang dati sa ngayon!” Inirapan ko sila. “Dati kasi kahit papaano nahihiya pa kayo sa ‘kin kaya kaunti lang kayo magpabili. Ngayong walang hiya na kayo! Kaya nahihirapan ako!”

Natawa nang bahagya si Zee dahil sa sinabi ko. “Bakit kinakawawa n’yo ‘yong best friend ko? Kaya pala hindi lumalaki!” pang-aasar niya sa ‘kin. Magsasalita pa sana ulit ako nang biglang sumigaw si Ivy.

"AH! MAFIA GAME!" Lahat kami napalingon sa kaniya. "Laro tayo ng mafia game. Kung sino ang mananalo, siya ‘yong magde-decide kung sino ang pupunta sa supermarket para mamili. ‘Yong mapipili niya na pumunta, ‘yon din ang magbabayad ng grocery, both groups!" Mukha siyang nae-excite. Malaki ang ngiti niya sa mukha pero hindi ako sang-ayon don.

"Hoy, Ivy"

"DEAL!" pinutol agad ako nang limang kolokoy, including Kierzyuwi. Bigla naman akong kinabahan. Why do I have this feeling? I'm nervous.

“Ayoko! Laro ng mga sinungaling ‘yang mafia game! Tuturuan n’yo pa akong magsinungaling! Hindi naman ako katulad ni Haze, sobrang expert!” apila ko sa kanila.

“When did I lie to you, baby? Wala yata akong maalala,” baling sa sa ‘kin ni Haze habang nakangisi.

“Oh, see? Wala raw maalala? Kasinungalingan na naman!” Inirapan ko siya habang natatawa ‘yong tatlo, maliban kay Yuwi.

“Let’s go! Let’s go!” aya ni Zee sabay tayo sa upuan niya.

“Madaya kayo! Porque alam n’yong matatalo ‘ko dahil hindi ako magaling magsinungaling!” pagmamaktol ko. Pero isa-isa na silang nagtayuan after ni Zee at nag-aya sa lobby para simulan ang laro. At ang magaling na Ivy, nakangiting sumunod sa lima na para bang ‘yon ang tropa niya at hindi ako. “Hoy, Ivy! Buwisit ka talaga!”

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
kailangang subaybayan ko para maliwanagan ang kwento nila
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
hmm,tlagang nakkalito...
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status