Share

Prologue

            ALAS tres na ng madaling araw nang marating ko ang Sorsogon. Tahimik pa ang buong paligid. Marahil ay mahimbing pang natutulog ang mga tao. Tanging mga kuliglig at tilaok ng mga manok lamang ang bumabasag sa katahimikan ng buong paligid.

Hindi muna ako dumiretso sa bahay namin. Sa halip ay tinungo ko ang dalampasigan.

Ang sapatos ko na three inches ang takong ay napagpasyahan ko na ring hubarin.Naglakad ako ng nakatapak sa dalampasigan habang ninanamnam ang sariwang hangin na nagmumula sa malawak na karagatan.

Pansamantala akong tumigil sa isang puno ng niyog na malapit sa dalampasigan. Inilapag ko doon ang aking maleta at pagkatapos ay ibinato ko sa malayo ang kapares ng sapatos na aking suot. Kapagkuwa'y patakbo kong tinungo ang binagsakan nito.

Para akong baliw na tumatakbong mag-isa habang malakas na tumatawa. Pakiramdam ko kasi ay naibsan ang lahat ng mabigat na nararamdaman ko nang mga sandaling 'yon.

Nang marating ko ang binagsakan ng sapatos ay humahangos akong umupo. Inilubog ko ang aking mga paa sa kulay pink na buhangin at malaya kong tinanaw ang malawak at medyo maalon na karagatan.

Doon ay muli kong sinariwa ang mapait na love story ko na naganap sa Maynila. Love story na kung saan ay ako lang ang nakakaalam ng totoong kuwento.

Bigla na naman tumulo ang aking traydor na mga luha. Pinilit kong punasan ito ng aking kamay subalit tila wala itong balak na humupa. Sa halip ay tuluyan pa nga akong napahagulhol.

Ang aking paningin ay tuluyan ng naging malabo na kahit ang pares ng sapatos sa aking harapan ay hindi ko na magawang aninagin pa.

Pilit kong sinipat at inalala kung sino ang nag mamay-ari ng sapatos na iyon subalit hindi ko matandaan kung saan at kailan ko huling nakita.

Unti-unti akong nag-angat ng tingin. Paulit-ulit kong pinunasan ang aking mga luha. Ngunit nanatiling malabo pa rin ang aking paningin.

Mas lalo pa itong lumabo nang bigla akong alalayan sa pagtayo ng estrangherong lalaki. Pakiwari ko'y nasunog ang aking buong kalamnan dahil sa kakaibang init na kanyang hatid nang tuluyang magdaop ang aming mga palad.

Nang makatayo na ako ay kaagad niyang hinapit ang aking baywang at mahigpit akong niyakap.

Doon ko lang napagtantong ang estrangherong naririto pala ngayon sa aking harapan ay ang lalaking bida sa istorya ng aking buhay pag-ibig. Siya rin ang lalaking bahagi ng aking prologo na matagal na panahon kong inasam na maging parte rin ng aking epilogo.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status