Share

Chapter Four

Nagtataka man si Tristan sa naging pagkikita nila ni Geneva dahil hindi naman ito humiling ng kahit ano ay inihatid niya ito sa bahay gaya ng hiling nito. 

Ayon sa babae ay gusto niya lang may makasama dahil nalulungkot siya at mag-isa na siya sa buhay. 

"Dito na lang," saad ni Geneva nang nasa tapat na sila ng kalye kung saan siya nakatira. 

"Salamat sa free ride, sa uulitin ha?" marahang saad ng babae. 

Pinagkunutan lang siya ng noo ng lalaki saka sinara ang bintana at umalis na. 

Habang nasa byahe ay tahimik na nag-iisip si Tristan sa kung anong pakulo ng babaeng 'yon. Aaminin niyang nagandahan siya rito at ang iniisip niya ay tahasan itong magpapakita ng interes sa kaniya o kaya naman ay mamemera, katulad ng karamihan sa mga mahihirap. Pero hindi gano'n, gusto lang daw nito ng makakasama dahil nalulungkot siya. 

"Weird." saad nito sa sarili at saka bahagyang napangiti. 

"Aba at mukhang nakasilo ka na naman ng mayaman ah! Ang ganda ng sports car na naghatid sa'yo!" anang tsismosang kapitbahay niya na si Aling Martha. 

"Sabi ko naman sa'yo Aling Martha mag-aasawa ako ng mayaman. Kaya palagi mo akong pauutangin dahil kapag yumaman ako, unang-una ka sa aambunan ko ng biyaya." paismid niyang sagot saka nilayasan ang kapitbahay.

Pagdating sa bahay ay tuwang-tuwa siyang naupo sa kama.

Ang plano niya ay magpa-hard to get dahil halata naman na sanay na ang lalaki sa mga babaeng easy to get at mukhang pera.

Naabala ang kaniyang pag-iisip ng marahang katok sa kaniyang pinto.

"Oh? Anong ginagawa mo rito?" Takang tanong niya kay Jason na bihis na bihis at may dala pang bulaklak.

"Aakyat ng ligaw," sagot nito saka ngumiti ng matamis.

"Naku Jason! Tigilan mo nga ako sa mga kalokohan mo! Iba na lang okay? Huwag na ako. Hindi kita type!" tahasang sagot ni Geneva saka sinara ang pinto, walang pakialam kung makakasakit ng damdamin.

Kung hindi lang sana ipinanganak na mahirap si Jayson ay baka sakaling bigyan niya pa ito ng pagkakataon. Aaminin niya na kahit konti ay may pagtingin naman siya sa binata. Hindi naman siya manhid at 'sing tigas ng bato para hindi tablan o kiligin man lang sa ginagawang panliligaw nito sa kaniya. Sadyang mas nananaig lang ang kagustuhan niya na makaalis sa kahirapan at alam niyang hindi si Jayson ang ticket niya sa pagyaman. 

Aware rin siya na madami siyang haters sa lugar nila dahil sa ginagawa niyang pambabasted sa binata. Sa dami ba naman ng may gusto rito eh malamang abot hanggang langit ang inggit ng mga iyon sa kaniya. 

Wala naman siyang pakialam sa sasabihin ng mga ito, kung gusto nila eh kanila na si Jayson at i*****k nila sa ngala-ngala nila.

Basta siya ay magpo-focus lang sa kung paano siya mapapansin ni Tristan De Fuego. 

Isang linggo ang lumipas at hindi muna nagparamdam si Geneva kay Tristan, gusto niyang subukang magpa-miss.

Nakatanggap siya ng isang mensahe galing kay Tamarra kaya naman natuwa siya dahil tunay na kaibigan na ang turing nito sa kaniya.

Niyayaya siya ni Tamarra sa bahay ng mga ito dahil may mga ibibigay raw sa kaniya.

Sobra siyang na-excite dahil alam niyang puro mamahalin at original ang mga gamit ng babae.

"Iyong asawa kaya niya ibibigay niya rin sa akin?" natatawang tanong niya habang nakatingin sa mensahe nito.

Pagka-out niya sa trabaho ay pinasundo siya ni Tamarra kay Mang Kaloy na siyang personal driver nito.

Labis siyang namangha nang pumasok ang sasakyan sa isang sikat na subdisbisyon, matapos kumanan ay may isang malaking arko na nakalagay ang salitang De Fuego at gate na binabantayan ng mga guwardiya.

Pagkakita sa sasakyan ay otomatikong nagbukas ang gate at tumambad sa paningin niya ang napakagandang tanawin. Para kang nasa japan na napapalibutan ng cherry blossoms at halos dalawang kilometro pa ang tinahak nila bago nakarating sa mismong entrada ng Mansyon.

"Hi Geneva! Welcome to our humble home!" Bati sa kaniya ni Tamarra na napakaganda sa suot nitong simpleng bestida.

"Thank you for inviting me!" masayang sagot niya at saka b****o dito.

Halos malaglag ang panga niya sa sobrang ganda at gara ng mansion na nasa harapan, naging mas grabe ang pagnanais niya na mabingwit ang mayaman na si Tristan para mapalitan niya si Tamara at siya na ang maging reyna ng kaharian na ito. 

"Do you want to eat dinner first? Nagpaluto ako, kumain tayo"

Inakay siya nito papunta sa dining at doon ay pinagsilbihan sila ng mga maids nito. Para siyang nasa pelikula at feel na feel niya ang pagiging mayaman.

Matapos kumain ay niyaya siya ni Tamarra sa walk-in closet nito dahil nandoon na lahat ng mga gamit na gusto niya ibigay kay Geneva.

Gusto niyang magtatalon sa tuwa nang makita kung gaano karami ang mga iyon pero pinigilan niya ang sarili.

Busog na busog ang mata niya sa sobrang dami ng mga signature shoes, bags, clothes na naroon. Tinatak niya sa sarili na magkakaroon din siya ng ganoon. 

"Ang dami naman ma'am nakakahiya, Baka po magalit ang asawa niyo at isipin na inuuto ko kayo." Kunwari ay sabi niya.

"Ano ka ba, pasasalamat ko lang 'yan sa iyo dahil nag-iisa ka lang na kaibigan ko. Hindi naman kasi ako nakakalabas, ikaw lang ang nagtyaga na kausapin ako. Bago ang lahat ng iyan, pinili ko talaga para sayo."

"Naku salamat talaga!"

"If you don't mind ma'am puwede ko po bang masilip ang kwarto niyo? Gusto ko lang makita kung saan natutulog ang isang Tamarra De Fuego," kimi niyang saad.

"Oo naman, let's go!" niyaya siya nito matapos ibilin sa isang katulong na ibaba lahat ng mga paper bags na bigay nito sa kaniya.

Mula na namang nalaglag ang kaniyang panga sa disenyo ng kwarto na nasa harapan niya.

The room screams wealth and power alam mong milyon-milyon ang nagastos. Parang kwarto ng hari at reyna.

Na-iimagine na niya ang sarili niya at si Tristan na magkaulayaw sa napakalaki at nakapakalambot na kamang nasa kaniyang harapan.

Matapos magkuwentuhan sandali ay nagpaalam na rin siyang uuwi dahil may pasok pa siya kinabukasan.

Taas noo siyang bumaba sa sasakyan habang dala-dala ang lahat ng mga paper bags na binigay sa kaniya ni Tamarra. Hinatid pa siya ni Mang Kaloy hanggang sa pintuan ng apartment niya dahil sa sobrang dami ng dala niya.

Lahat ng mga nadaanan niyang kapitbahay ay napatingin sa kaniya at walang pagdadalawang-isip niya namang inismiran at nilampasan ang mga ito.

"Mamatay kayong lahat sa inggit!" aniya sa sarili. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status