Share

Chapter Two

Nakatingin si Geneva sa tatlong libong inabot ng kaniyang boss na si Sonya-tip daw umano ito ni Tamara.

Sobra-sobra ang inggit na nararamdaman niya sa customer at talagang hindi siya mapakali.

"Lord, bakit parang ang unfair? Maganda rin naman ako ah! Bakit si Ma'am Tamarra maganda na mayaman pa? Hindi puwedeng maganda lang ako! Dapat mayaman din po!" naiinis na ani niya. 

Lumipas ang araw na iyon na nawala siya sa mood dahil sa sobrang stressed niya at dahil sa inggit na nararamdaman.

"Oh matamlay ka yata?" bati sa kaniya ni Jason nang sunduin siya nito pagka-out niya sa trabaho. Kinuha niyang service ito dahil ayaw niya makipagsiksikan sa mga jeep sa araw-araw. 

"Pagod lang," wala sa mood na sagot niya.

Agad namang nakaramdam ng awa ang lalaki na totoong may gusto sa kaniya.

"Sige, tara na at para makapahinga ka na agad," ani nito saka inumpisahan magmaneho.

Pagdating sa lugar nila ay ayaw na sana siyang pagbayarin ng binata ngunit nagpumilit siya. Ayaw niyang magkaroon ng utang na loob dito. Bukod do'n ay mahirap din ang buhay ng pamilya nito kaya alam niyang kailangan din nito ang pera.

Kung tutuusin ay guwapo si Jason. Crush ng bayan nga ito sa lugar nila at maraming babaeng nagkakagusto rito, sama mo na rin pati mga bakla at matrona. Masipag ito, magalang at mabait. Sabi ng mga matatandang marites nilang kapitbahay ay swerte raw ang taong mamahalin nito ngunit hindi siya iyon. Dahil tulad ng lagi niyang sinasabi rito ay hindi siya papatol sa kapwa niya isang kahig isang tuka. Mataas ang pangarap niya sa buhay at aabutin niya 'yon whatever it takes! 

"Aling Martha, heto ang bayad ko. Saksak mo sa baga mo! Keep the change!" Sabay hagis nito ng isang libo sa matandang tindera para bayaran ang utang niyang nagkakahalagang walong daan.

"Ay salamat sa Panginoon at naisipang magbayad ng prinsesa na walang pera!" Pasaring naman ng matanda na hindi rin papatalo. 

"For your information, ngayon lang ako walang pera no? Pero malapit na akong mag-asawa! Mayaman ang mapapang-asawa ko at aalis ako sa mabahong lugar na ito," pikon na saad niya.

"Mangarap ka lang Geneva! Iyan lang naman ang libre sa panahon ngayon!" mapang-asar na sagot ng matanda saka binuntutan ng nakakalokong tawa kaya naman asar na asar na umalis si Geneva at dumiretso na sa apartment niyang tinutuluyan.

Pagpasok sa bahay ay agad niyang pinagbabato ang lahat ng mahawakan niya. 

"Ahhh!" Gigil na sigaw niya. 

Hindi niya malaman kung bakit labis-labis ang galit niya na talaga namang gusto niyang magwala. 

Para siyang hihimatayin dahil naninikip ang dibdib niya. 

Pabagsak siyang nahiga sa makipot at maliit niyang kama matapos magbihis saka kinuha ang kaniyang cellphone.

"Ano nga uling pangalan niya? Tamarra De Fuego," aniya habang tumitipa sa kaniya mga social media accounts.

Sinusubukan niyang hanapin ito sa mga social media para ma-stalk niya ngunit sa kasamaang palad ay bigo siya. 

Sinubukan niyang I-type ang pangalan nito sa isang site at napakaraming articles na lumabas. 

Doon ay nakita niya at nabasa kung gaano kayaman ang napang-asawa ng kaniyang customer at kung gaano ito katuso sa pagnenegosyo. Dahil dito ay lalo siyang humanga sa lalaki at nainggit sa asawa nito.

"Tristan Miguel De Fuego, iyan pala ang tunay na pangalan mo." aniya sa larawan nito na ginawa niyang wallpaper. 

"Hindi kayo bagay ni Tamarra, mas bagay tayo dahil ang bagay sa mga katulad mo ay ang mga babaeng katulad ko." saad pa nito saka hinalikan ang telepono. 

Nahiga siya at nakatulugan na lang ang pag-iisip ng plano kung paanong ang pipitsuging katulad niya ay makakapasok sa mundo ng mga ito. 

Mabilis na lumipas ang dalawang Linggo at ito na ang pinakahihintay niyang araw. Darating muli ngayon si Tamarra sa salon para sa regular na pagpapalinis ng kuko. 

Bukod sa tip na makukuha niya ay excited siya dahil pagkakataon na niya para usisain ito tungkol sa buhay niya. Bonus pa na kung sunduin muli ito ng asawa ay masilayan niya ito ulit! 

Pagsapit ng hapon ay dumating na nga ang babae at katulad noong una ay bumati ito sa kanila. 

Nang mag umpisa sila ay agad niya itong kinumusta dahil halata ang pagkawala sa mood nito. Hindi ito masyadong tumatawa at nagkukuwento. 

"Hindi pwede 'to! Kailangan may makuha akong impormasyon," aniya sa sarili. 

"Okay ka lang ba ma'am?" kunwari ay nag-aalalang tanong niya pero hindi ito kumibo. 

"Kung may problema ka, you can tell me ma'am. I promise, hindi kita huhusgahan. I can be your friend," aniya at doon niya nakuha ang atensyon ng babae. 

"Talaga?" 

"Oo naman ma'am! Gusto mo kunin mo pa ang number ko para kahit hindi ka magpunta dito sa salon makakapag-usap tayo. Textmate ba? Kaso asa pa ako. Ang mayaman na tulad mo makikipag kaibigan sa tiga kudkod ng kuko na tulad ko?" 

"Huwag mong maliitin ang trabaho mo, marangal 'yan. Saka ano naman kung mayaman ako, hindi ako namimili ng kaibigan."

Nagliwanag ang mukha nito at kaagad nilabas ang cellphone upang kunin ang number niya.

Lalong nadagdagan na naman ang inggit niya nang makita na ang pinaka-latest model ang gamit nito. 

"Bago yata ang cellphone niyo ma'am ah!" puna niya. 

"Ah yes! Binili ni Tristan, nag-away kasi kami noong isang araw. This is his peace offering. Ganyan naman siya lagi sa tuwing may hindi kami pinagkakasunduan, bigay ng bigay ng kung anu-ano pakiramdam ko tuloy binibili niya ako."

"Ayaw mo pa no'n ma'am? Kung ako 'yon baka araw-araw akong galit!" sagot niya na nakapagpatawa sa babae. 

"Ayan tumawa ka rin, hindi bagay sa'yo ang nakasimangot ma'am papangit ka n' yan. If you don't mind me asking ma'am ano naman po ang pinag-awayan niyo or madalas niyong pag-awayan?" 

"Well, matatawa ka sa pinag-awayan namin," pabitin na saad nito. 

"Bakit ano po ba 'yon?" 

"Itong kulay ng nail polish ko. Tristan is quite obsessed sa kulay pula that is why ito ang gusto niyang palagi kong nail polish. He really finds it attractive at talagang nate-turn on daw siya. I just said that I want to try a new color," kuwento nito na pumukaw sa interest niya. 

"That's weird! But red is my favorite color too, " sabi ni Geneva. 

"Yeah, I know right! Pati mga nighties or jammies ko it was all red, different variations of red. He also like my hair blonde kaya laging ganito ang kulay ng buhok ko." 

Bago pa siya makasagot ay muling tumunog ang chime at kapwa sila napalingon. 

Bumilis ang tibok ng puso niya nang magtama ang paningin nila ng lalaki. Hindi siya nagpatumpik-tumpik pa at walang kiyemeng binigyan ito nang mapang-akit niyang ngiti na hindi naman pinansin nito. Walang emosyon itong naglakad papunta sa gawi ng asawa niya. 

"Tsss. Suplado!" aniya sa sarili. 

Sakto namang patapos na sila kaya katulad ng dati ay umalis na muli ang mga ito at this time ay limang libo ang iniwang tip sa kaniya. 

Tuwang-tuwa siya dahil sa perang natanggap at higit lalo dahil kahit papaano ay may nalaman siya tungkol sa lalaki. 

Thank you for today and see you again after two weeks. 

-Tammy

Halos mapatili siya nang makatanggap ng mensahe galing kay Tammara. 

"I'm one step closer to being rich!" aniya sa sarili at saka masayang nagpatuloy sa trabaho. 

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status