Share

Sassy Gay
Sassy Gay
Author: Sugarmaui

1

Naputol ang aking masayang panaginip dahil sa walang humpay na tunog ng alarm clock. Paulit-ulit, napakasakit sa ulo.

Napaungol ako at tinakpan ang aking tainga gamit ang kumot na nakapatong sa aking katawan. Kakauwi ko lang kahapon at halos wala pa yata sa limang oras ang tinulog ko. Nakakabwisit! Para saan pa ang weekends kung hindi rin naman pala ako makakapagpahinga? Jusmiyo! Sabado ngayon! Hindi ba pwede hayaan muna n'ya akong makatulog ng maayos?

Nakahinga ako ng maluwag nang tumigil sa pagtunog ang nakakairitang alarm. Ngunit ilang sandali lang ay nakarinig naman ako ng sigaw mula sa pinto.

"Marko Jose Peralta!"

Napatiimbagang ako. Nagtungo ako sa pintuan habang kinukusot ko ang aking mga mata. Nang makarating ako sa pinto ay agad ko itong binuksan. Agad na tumambad sa aking harapan ang taong may lakas ng loob na bumulabog ng aking umaga.

Kagaya ng dati ay nakasalamin pa rin ito. Nakasuot ito ng dark denim jeans na ipinares n'ya sa kanyang white button-down shirt. Napakabaduy.

Hindi ko napigilan ang pag-ikot ng aking mata. "Tigil tigilan mo ang pagtawag sa buong pangalan ko, Cyril Lucio Peralta. Baka hindi kita matansya," sabi ko ngunit nilagpasan lamang n'ya ako.

Tuluyan s'yang nakapasok sa unit ko. Muli akong napairap at pumunta sa kwarto. Kinuha ko ang aking tuwalya at nagtungo sa banyo. Napahikab pa ako bago hubarin ang aking mga damit. Nang tuluyan kong buksan ang shower ay tuluyan akong napapikit. Hinayaan kong dumausdos pababa ang tubig sa aking katawan. Matapos nang mabilisang pagligo ay agad akong nagbihis.

Sinuot ko ang kulay asul kong blazer.

"Bitch! Hindi pa nag-iinit ang pwet ko sa sofa mo! Baka gusto mo munang magpahinga?" singhal nito nang makalabas ako ng kwarto.

Muli na naman akong napairap. Wala talagang galang 'tong baklang 'to.

Napakunot ako ng noo. Ang aga-aga naman yata n'ya kung humarap sa kan'yang laptop. Hindi nakakapagtaka kung bakit napakakapal ng kanyang salamin sa mata.

Pinagkrus ko ang aking kamay. Tinaasan ko ito ng kilay. "Lalabas ka o babasagin ko 'yang laptop mo?" Napailing ito.

Natawa ito nang tuluyan kong buksan ang pinto. Inirapan pa ako nito bago lagpasan. Isinara ko ang pinto at pinaalalahanan ang sarili na magtimpi. Baka kasi makalimutan ko na kapatid ko itong kasama ko at tuluyan ko s'yang masapak.

Sabay naming tinahak ang kulay abong pasilyo. Naglakad kami papuntang dulo kung nasaan ang elevator. Nakasunod ito sa akin habang may kausap sa kanyang cellphone. Nakapasok na kami sa loob. At sa pagsara nito ay kita ng dalawa kong mata ang pagkunot ng kanyang noo.

"Problema mo?" tanong ko sa kan'ya.

Napabuntong hininga ito. "Paano ba naman! 'Yang kapatid mong si Nicko! Mukhang papalpak na naman," naiiritang sagot nito.

Pinitik ko ang kanyang noo. "Baka nakakalimot ka? Kapatid mo rin 'yon."

Hindi ko maiwasang mapailing. Kung sino pa itong bunso ay s'ya pa itong walang modo. Kung nabubuhay pa siguro si Mama ay baka nasungalngal na s'ya.

"Matatapos na ba si Nicko?" muli kong tanong habang nakatingin pa rin sa harapan at hinihintay na bumukas ang elevator. Nasa 19th floor kasi ang unit ko kaya med'yo matagal pa bago makababa.

"Malapit na sana, kaso mukhang mabubuking pa s'ya," naiiling na sagot nito.

Tahimik naming narating ang groundfloor. Mula kasi sa 15th floor hanggang sa 19th floor ay puro unit na ng mga nagtatrabaho rito. Yung iba kasi sa kanila ay tinatamad umuwi.

Nandito sa groundfloor ang tinuturing naming cafeteria at headquarters. Pagpasok mo kasi ng building na ito ay sasalubong sa'yo ang mga lamesa at upuan at napakapanget na disenyo. Para kasi itong bar pero kapag naglakad ka pa ng kaunti ay sasalubong na sa iyo ang headquarters.

Bawat tao na madadaanan namin ay yumuyuko. Bumabati ang mga ito ngunit si Cyril lang ang sumasagot. Nakakatamad kasing magsalita. Masasayang lang ang laway ko sa kanila.

Umupo kami sa mataas na upuan. Nasa harapan na namin ngayon ang estante na mayroong iba't ibang uri ng alak.

"Welcome back, Agent Marky!" masiglang bati ni Jerome. Isa sa mga tauhan ni Cyril.

Inilapag nito sa aming harapan ang pagkain na sineserve tuwing umaga. "Himala at nandito ka sa floor na ito," natatawang dagdag nito.

Tuwing matatapos kasi ang mission ko ay sa unit lang ako naglalagi. Natutulog lang ako at kumakain.

"May order pa ba kayo?" dagdag nito.

"Wala na, umalis ka na at baka matapon ko sa mukha mo ang milkshake na nasa harapan ko," sagot ko.

"Bwisit ka! Tubuan sana ng tigyawat yang mukha mo!" tumawa pa ito bago tuluyang umalis.

Muli akong napairap. Bumalik sa kanyang cellphone si Cyril. Ako naman ay nagsimula nang kumain. Tuwing nandito ako sa building na ito ay halos masanay ako sa hotsilog na almusal. Buti na lang at binibilang ng ilang buwan bago ako makauwi. Mga isa o dalawang araw naman ako magstay bago muling sumabak sa misyon.

Susubo na sana ako nang magsalita si Cyril.

"Pinapatawag ka ni Panot sa office n'ya," sabi nito nang hindi manlang inaalis ang tingin sa cellphone. Wala talagang galang.

Tumango na lang ako at muling kumain. Sigurado naman ako na may ibibigay na naman yung misyon. Huling misyon ko na ito sa taong ito. Bilang anak ng Peralta ay kailangan naming sumabak sa misyon bago tuluyang ipamana sa amin ang lahat. Pansamantala kasing si Panot ang humahawak sa lahat. Mula sa mga malalaki hanggang sa maliliit na kompanya na bumubuo ng corporation. Mahigit apat na taon na kasing nawawala si Papa kaya siya muna ang humahawak.

Napailing ang katabi ko. "Tuluyang lumagapak sa lupa ang nangungunang kompanya sa ikapitong rehiyon," sabi ni Cyril na nagpangisi sa akin. "Mukhang nanguna na naman ang alagad ni Panot." tukoy nito sa hawak na kompanya ni Tito.

Tinatanggap ko ang mga misyon kapag alam kong masamang tao ang namamahala. Takot na takot kasi si Panot na baka matalo ang maliliit na kompanya na kabilang sa amin.

Pinapabagsak n'ya ang mga ito sa pamamagitan ng mga panganay at pangalawang anak ng mga nasasakupan nito.

Iyon ang isa sa mga kundisyon bago mo maipasok ang kompanya mo sa korporasyon. Kailangan mo rin kasing ipasok ang panganay at ang pangalawa mong anak.

Nanlaki ang mata nito habang nakatingin pa rin sa kanyang cellphone. "Bumagsak na nga tapos pinatay mo pa! Grabe ka! Hindi ka man lang naawa!" dagdag nito.

Hindi dapat kaawaan ang kompanyang nagbebenta ng mga kabataan. Akala ko nga rin nung una na isang simpleng kompanya lang iyon. Pero sa likod ng magandang pangalan nito ay may nakakubling masangsang na amoy.

Nang matapos sa pagkain ay nagtungo kami sa office ni Panot. Nasa pinakaitaas ito ng building na ito. 20th floor. Buong floor na iyon ay sa kanya. May sarili ring elevator si Panot. Mula nang mawala si Papa ay bihira na ito bumaba. Lagi itong busy. Mukhang hindi talaga siya susuko hanggat hindi nakikita si Papa.

"May balita ka na tungkol sa kanya?" tanong ni Cyril matapos naming makapasok ng elevator. Bahagya akong nagulat sa tanong n'yang iyon. Hindi ko inaasahan. Masyado n'ya akong binibigla.

Hindi ako umimik. Tumahimik na rin ito hanggang sa makarating kami sa huling palapag.

Kulay puting ilaw ang sumalubong sa amin. May chandelier na nakasabit sa gitna ng pasilyo na patungo sa office ni Panot. Hindi katulad sa baba na normal na ilaw lang.

Hindi ko maiwasang mapailing. Ganoon pa rin ang kulay ng palapag na ito. Walang nagbago, kulay abo pa rin ang mga tiles. Ang dingding naman ay kulay itim. Nakakatakot. Pero mas nakakatakot si Panot.

May mga larawan kaming nadadaanan. Larawan iyon ng mga Peralta na sumakabilang buhay na. Nakalagay sa ilalim ng mga painting na 'yon ang kanilang mga pangalan.

Napako ako sa aking kinakatayuan nang makita ko ang huling larawan. Ang mahaba nitong itim na buhok. At ang nakakabighani nitong kulay asul na mga mata. Napakaganda.

Narinig ko ang pagtawa ni Cyril. Huminto ito at tinapik ang aking balikat. Tumingin din ito sa larawan. "Kamukhang kamukha mo talaga si Mama," sabi nito at muling naglakad habang natatawa.

Napailing na lamang ako.

Sumunod ako sa kanya hanggang sa marating namin ang dulo. Binuksan nito ang pinto at bumungad sa amin ang opisina ni Panot. Ewan ko ba, nahahawa na ako kay Cyril.

Katulad sa pasilyo ay halos kulay itim at abo rin ang makikita mong kulay. Nagtataasang mga cabinet. Mga estante na puro libro. At mga baril na nakasabit sa dingding.

"Magandang umaga tito," bati ni Cyril bago yumuko.

Hindi ko maiwasang matawa sa aking isipan. Napakabait naman pala ng kapatid ko kapag kaharap si Panot.

Bahagya rin akong yumuko. "Magandang umaga po tito."

Nginitian kami nito. "Magandang umaga rin sa inyong dalawa," iminuwestra nito ang upuan na nasa kanyang harapan. "Umupo kayo."

Nagtungo kami sa kulay itim na upuan. Tanaw mula rito ang mga buildings. Napatingin ako sa pahabang bagay na nakapatong sa ibabaw ng kanyang lamesa.

ATTY. ROGELIO T. PERALTA

Ewan ko ba kay Cyril. Kung bakit kasi Panot ang tawag niya sa tito namin. Napatingin ako sa tito ko nang tumikhim ito. Doon ko nakita ang sagot sa tanong ko. Unti-unti na kasing nalalagas ang buhok ni tito sa tuktok. May mga puting buhok na rin ito. Pero hindi maalis non ang awtoridad sa kanyang tindig. Ramdam mo ang napakalakas na aura.

May kinuha ito sa kanyang drawer at maya maya pa ay may iniabot siya sa akin na isang kulay abo na folder.

Napatingin ako sa kapatid ko na nakatingin din sa folder na hawak hawak ko. Kita ko sa kanyang mata ang kuryosidad.

Mukhang isang misyon na naman ang gagawin ko. Nakakapagtaka naman yata at napakabilis .

Tinanggap ko ito ng walang pag-aalinlangan. Ito na kasi ang huli kong misyon sa taon na ito.

Kita sa folder na iyon ang kulay ginto na bilog na mayroong espada at libro sa gitna. Simbolo ng mga Peralta.

Sa oras na buksan ko ang folder ay tinatanggap ko na ang misyon. Pwede naman akong tumanggi at magpahinga muna ngunit may nag-uudyok sa akin na buksan ito.

Hindi mawala ang ngisi sa aking labi nang makita ko ang impormasyon na nasa unang pahina. Mas lalo akong nakaramdam ng excitement nang makita ko ang larawan ng isang lalaki.

"Ang huli mong misyon ay ang pabagsakin ang nangungunang kompanya sa NCR," sabi ni tito na katulad ko ay hindi rin maalis ang ngisi.

Nagkatinginan kami ng kapatid ko. Napangisi kaming pareho at halos gusto ko nang simulan agad ang misyon. Nakakapanabik. Hindi na ako makapaghintay.

"Pabagsakin mo ang mga PEREZ," muling saad ni Tito.

"Pabagsakin mo ang mga taong pumatay sa Mama at sa kapatid mo."

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Aysha
Is it available in English
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status