Share

Her Secret Dark Life
Her Secret Dark Life
Author: MDD

Chapter 1

Mariing pinikit ni Tasha ang mga mata niya. Pinilit niya ang sariling huwag ipakita sa ina ang mukha niya. Naririnig niya lang naman ang sigaw ng Mommy niya sa loob at kaaway nito ang ama niya at pinag-aawayan na naman ang tungkol sa babae nito, ang pagiging babaero nito na lagi nilang problema dalawa. Ang lalo pang kinagagalit niya sa sarili ay alam niya ang lahat, alam niya kung sino ang babae ng ama niya pero araw-araw ay nagpapanggap siya at ngumingiti sa taong 'to na parang hindi niya alam. Nanginginig ang labi at pinunasan niya ang sariling luha. Sinandal niya ang likod at tumingala habang pinipigilan ang sarili na lumuha.

"Bigyan mo naman ng kahihiyan ang anak mo, Alfonso. Si Tasha, a-anong sasabihin niya sa’yo kapag nalaman niya 'to? Hindi ka pa rin marunong makuntento? Kahit utang na loob Alfonso ang tanda na natin. Bakit hanggang ngayon siya pa rin?" sabi na garalgal na ang boses ng Mommy niya.

Malamang ay may nakapagsabi na naman sa nanay niya.

"Baba-e ang anak mo tapos ganito ang ginagawa mo?-"

"Una sa lahat Sandra, hindi ako ang nagdala sa sarili ko sa pamamahay na 'to. Simula una alam mong wala akong gusto sayo. Alam na alam mo ang lahat ng 'to. Alam mong ayaw ko sa’yo pero pinilit mong sirain ang buhay ko. Dahil ano? Mayaman ka? Kaya mong makuha ang lahat ng gusto mo? Samantala ako ano? Sunod-sunuran lang sa’yo at sa lahat ng gusto ng pamilya mo? Tandaan mong sinira mo ang buhay ko. Hanggang ngayon bang matanda na ako hindi mo man lang ako pagbibigyan na sumaya? Huh!" sigaw ni Alfonso na puno ng hinagpis.

Then isang ingay ang nagpaigting sa kanya. Dali-daling pumasok si Tasha dahil sa kaba na nararamdaman.

"Mom," tawag niya sa ina. Kaagad na yumakap siya sa inang humahagulhol habang ang mga mata ay nakatingin sa vase na nabasag, at nakakalat sa sahig.

Hindi niya maiwasang mapaluha ng dumako ang mga mata niya sa amang nakatingin sa kanila. Pinatitigan niya ang ama at wala siyang kahit na anong emosyong nakikita sa mukha nito. Hanggang sa nagbaba ito ng tingin at ang hindi niya inaasahan ay tumalikod ito at lumabas ng bahay. Kagat ang sariling labi ay sinusundan niya ng tingin ang ama hanggang sa makalayo na nga ito.

Dahan-dahan naman niyang hinahaplos ang ulo at pinapatahan ang mommy niyang yakap niya. Pati sarili ay pinapakalma niya rin.

"It’s okay, Mommy. Tahan na, kakausapin po natin siya mamaya,” pag-aalo ni ya sa ina.

Pagkatapos ay maingat na inalalayan niya itong umupo sa sofa. Wala pa ring tigil ang pag-iyak nito kahit anong gawin niya. Kaya hinayaan niyang humiga ito at umunan siya sa hita nito habang patuloy ang pag-iyak nito.

"Nay, palinis po ako. Thank you." Ngumiti sa kanya si Nanay Belen, ang kasama nila sa bahay. “Ingat po kayo baka po masugat kayo,” paalala niya lalo na at nabasag na vase ang pinupulot nito.

"Okay lang," ani nito. Ininguso nito ang nanay niyang umiiyak parin na parang sinesenyas niya sa kanya na asikasuhin niya na lang ang Mommy niya.

Tumango naman si Tasha at ngumiti. Nanlabo ang mga mata naman ng Mommy niya dahil sa walang tigil na pagluha.

“Mommy,” mahinhin niyang tawag.

Gusto niyang sabihin sa nanay niya na tama na. Hindi niya maunawaan kung bakit pa nasa relasyon ang dalawa kung hindi na naman sila masaya. Hindi niya maunawaan ang lahat. Pero hindi siya papayag na manatili pa sa ganito ang bagay-bagay. Kailangan niyang malaman ang totoong kwento at bakit umabot sa ganito ang lahat. Gusto niya na rin matigil ang lahat ng nananakit sa nanay niya dahil simula bata siya at hanggang ngayon ay wala pa rin pinagbago ang lahat.

Maya-maya ay nakatulog ang nanay niya pagkatapos nitong umiyak ng umiyak. Naghihintay lang din siya na magising ito bago ito kausapin at tanungin. Hindi niya na kayang manahimik na lang.

Hanggang sa anong oras na ay hindi pa rin umuuwi ang Daddy niya. Iniisip niya na baka kasama nito ang kapatid ng nanay niya. Si Tita Lorena, sino pa nga ba? Simula bata siya ay ito lang ang naririnig niya. Ang babae ng ama niya ay ang mismong kapatid ng nanay niya. At alam niya ang lahat ng 'to, hindi niya lang alam kung paano niya sasabihin sa ina na may alam siya sa nangyayari. Ang hirap paniwalaan, paano nangyari? Magkapatid silang dalawa, paano nagawang traydorin ni tita Lorena ang Mommy niya.

Maraming katanungan sa isip niya ang gusto na ng sagot kaya naman ay kailangan na niya malaman ang lahat sa Mommy niya.

"Mommy,” tawag niya. Nang magising ay kaagad niya itong inalalayang umupo. Namamaga ang mga mata nito, kaya hindi makatingin sa kanya ang Mommy niya. Alam niya rin kasi na nahihiya ito.

"Mom, it’s okay." At kaagad niyang hinawakan ang kamay nito.

Ang makita ang ina niya sa ganitong sitwasyon ay nagpapahirap din sa kanya. Napangiti siya nang mag-angat ito ng tingin sa kanya. Kahit ang mga mata nito ay nagsisimula na naman mamasa.

"I’m sorry sa nangyari kanina at naabutan mo pa. ‘Wag kang mag-alala, mag-uusap kami ng Daddy mo at maayos namin 'to."

Then inilibot nito ang paningin sa kabahayan para hanapin ang ama niya. “Umalis po siya," ani niya.

Mukhang hindi nito napansin ang pag-alis ng Daddy niya.

Malungkot na ngumiti ang Mommy niya at nagbaba ng tingin. "Uuwi rin siya, ‘wag kang mag-alala. H-hindi ako iiwan ng Daddy mo. Hindi niya gagawin sa’kin 'yon,” mariin na sambit at pumikit ang Mommy niya. Nagsimula na naman itong umiyak.

Hindi naman alam ni Tasha kung anong pwedeng sabihin niya sa ina para tumahan na ito.

"Aakyat lang ako sa taas, tatawagan ko rin ang Daddy mo para umuwi na," ani nito. Kahit hirap na hirap ito sa pagtayo, pinilit nito ang sarili na tumayo para lang itago sa mukha nito ang hirap niya.

"Mommy, narinig ko po ang lahat-lahat kanina," ani niya at pinilit ang sariling huwag mapaluha.

Napatigil naman ito sa paglalakad at kaagad na bumalik sa kinaupuan kanina.

"Mommy, hindi naman po sa nanghihimasok ako sa problema niyo ni Daddy pero simula pa dati ito lang ang pinag-aawayan niyo. Umuuwi akong nag-aaway kayo at sinisigaw mong kasama na naman nito ang babae niya." Malungkot siyang napangiti at pinatitigan ito. “Nakakalungkot lang dahil simula sa nagkaisip ako unti-unti kong nalaman kung sino ang babae. Mommy, si tita Lorena, ang kapatid mo."

Habang binabanggit ang pangalan ng tita niya ay parang sinasaktan ang Mommy niya.

"At alam mo 'to, Mommy, ang akala ko dati wala kayong alam, kaya natatakot akong sabihin sa inyo pero ayon sa narinig ko kanina kilala niyo pala ang babae ni Daddy. Ang hindi ko lang maintindihan, alam mong kapag wala si Daddy dito ay si tita Lorena ang kasama niya. Alam mo pero pinili mong saktan ang sarili mo at ang gusto mo pa rin ay umuwi siya dito."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status