Share

HER MISTAKE: THAT ONE NIGHT SHE CAN'T REMEMBER
HER MISTAKE: THAT ONE NIGHT SHE CAN'T REMEMBER
Author: Haneibuns

CHAPTER 1

Malamig at kumportable. Iyon ang nararamdaman ni Hexy habang nakapikit. Abala ang kaniyang malambot na bibig habang unti-unting nagmumulat ng kaniyang mga mata. Naglalakbay ang kaniyang kanang kamay sa katawan ng kaniyang kaharap. Nagtaka siya bakit alam niya ang kaniyang ginagawa. 

Umalingawngaw sa loob ng kuwarto ang malakas na tili ni Hexy saka napaatras at umupo sa kama matapos mapagtantong nakikipaghalikan siya.

Nanlaki ang kaniyang mga mata at napatakip sa kaniyang bibig habang nakatingin sa lalake. Ang lalake naman ay unti-unting nagmulat ng mata matapos humiwalay si Hexy sa halikan nila at bigla na lamang itong tumili na siyang ikinagulat niya.

Napatingin si Hexy sa kaniyang sarili at nakitang ang pang-itaas lamang na damit ang wala sa kaniya at nakasuot pa rin siya ng bra.

"S-Sino ka?" Tanong niya sa lalake saka hinatak ang kumot at ipinantakip sa kaniyang hinaharap.

Hindi agad nakasagot ang lalake at nakatingin lamang ito sa kaniya na parang hindi pa gising ang diwa.

Nakita ni Hexy na napadila ito sa kaniyang labi.

Isang malakas na sampal ang agad na dumapo sa kaliwang pisngi ng lalake na naging dahilan upang manlaki ang kaniyang mga mata at napahawak sa kaniyang pisngi.

"Manyak!" Sigaw ni Hexy at nagmadaling bumaba sa kama saka pinulot ang itim niyang crop top sa sahig.

"What the hell! I'm not a pervert! Can you please—"

Napatili ulit si Hexy nang tumayo rin ang lalake at nakita niya ang topless nitong katawan.

Nagmadaling mag-ayos ng sarili si Hexy at kinuha ang kaniyang bag sa side table.

Lumapit sa kaniya ang lalake ngunit nagmadali siyang tumalikod at agad-agad na lumabas sa kuwartong iyon.

Pumasok si Hexy sa elevator at doon niya pinilit na kumalma.

Napahawak siya sa kaniyang ulo at inayos ang kaniyang buhok. Napad*ing siya nang mahawakan niya ang kaniyang kanang pisngi. Tiningnan niya ang kaniyang sarili sa salamin sa loob ng elevator at nakitang namumula ang kaniyang pisngi.

"Hexy, ano'ng ginawa mo kagabi?" Tanong niya sa sarili at sumandal sa elevator. Napakagat siya sa kaniyang labi habang pilit na inaalala ang mga nangyari kagabi. Matapos nilang mag-inumang magbabarkada sa bar ay wala na siyang maalala kung paano siya nakarating sa kuwartong iyon.

"Nasaan ba ako?" Mahinang sambit niya nang makalabas siya sa elevator.

"Nasa hotel ba ako?" 

Nanginginig pa rin ang kaniyang mga paa habang naglalakad sa kahabaan ng hallway. Napakunot siya ng noo nang ma-realize niya kung nasaan siya.

"T-Teka, dito kami pumasok nina Vanessa kagabi," kunot-noong sabi niya at nagmadaling lumabas sa building.

Nang makalabas siya ay pinagmasdan niya ang ilang palapag na building.

"The Royale's Building," basa niya sa nakasulat sa harap.

"Dito kami pumasok kagabi, pero sa second floor lang ang bar. Paano ako nakarating sa ibang floor—"

Napatigil siya nang tumunog ang kaniyang cellphone.

Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang tumatawag ang kanilang Dining Supervisor. Nagmadali siyang umalis doon nang makitang alas otso na ng umaga at late na siya ng isang oras sa trabaho.

Nakakunot ang noo ni Hexy habang kinukuha ang mga gamit niya sa locker. Naka-ilang beses na siyang bumuntong-hininga at pilit na inaalala ang mga nangyari, pati na ang nangyari bago siya pumasok sa trabaho.

"First time na ma-late ka sa trabaho kanina," sambit ni Maverick sa kaniyang malalim na boses. Tumabi ito kay Hexy habang kinukuha ang kaniyang sariling gamit.

Napakagat naman si Hexy sa loob ng kaniyang bibig.

‘Sana ikaw na lang 'yong kahalikan ko kanina.’

"N-Naparami lang ng inom," sagot naman niya. Ayaw niyang ipaalam kay Maverick ang nangyari dahil matagal na niya itong mahal, at alam iyon ng lahat, lalo na ang mga kaibigan nila.

"Pupunta ka na ba ro'n?" Tanong ni Hexy sa kaniya at saka bumaling sa kaniya nang maisara niya ang kaniyang locker.

Sa tuwing natatapos ang kanilang duty ay nagkikita-kita silang magkakaibigan sa isang lumang building na dating maliit na restaurant.

"Oo," walang-ganang sagot nito.

"Puwedeng pasabay? Tinatamad kasi akong—"

Hindi na siya natapos sa pagsasalita nang talikuran na siya ni Maverick. Napalabi naman siya at sinundan ng tingin ang papalayong si Maverick.

"Si Maverick?" Agad niyang tanong kina Shantal nang makarating siya sa harap nila. 

Napakunot-noo naman ang babaeng may mahaba at unat na buhok.

"Hindi ba kami dapat ang magtanong niyan kasi magkatrabaho kayo?" Wika ni Shantal.

Lumabi naman si Hexy at umupo sa bakanteng upuan.

"Ano'ng oras ka nakauwi kagabi? Hindi mo sinasagot ang tawag ko," wika ni Vanessa habang pinupunasan ang eyeglasses niya. Napalunok naman si Hexy at napatingin sa kaniya.

Nang hindi sumagot si Hexy ay tumingin ito sa kaniya at napakunot siya ng noo.

"Ano'ng oras ka umuwi?" Pag-uulit niya.

"H-Hindi ako nakauwi kagabi," mahinang sagot niya. Naramdaman niyang nanuyo ang kaniyang lalamunan dahil sa kaba.

"What do you mean?" Tanong naman ni Shantal sa kaniya, saka inilapit ang mukha niya sa kaniya.

"B-Basta nagising na lang ako sa hindi pamilyar na kuwarto," mahina pa ring sagot niya.

"Ano?!" Sabay na sigaw nina Shantal at Vanessa. Napatingin naman sa kanila sina Aldrin at Rio na kaibigan din nila. 

Napakagat-labi na lang si Hexy at ipinagkikiskis ang kaniyang mga namamasang palad sa ibabaw ng kaniyang mga hita.

"Nakipag-one-night-stand ka?" Tanong ni Shantal sa kaniya.

"H-Hindi ah! Wala namang masakit sa'kin," sagot naman niya saka siya lumabi.

"Ayos ka lang?" Tanong naman ni Vanessa. Lumingon naman siya at tumango.

Lumapit naman sina Aldrin saka umupo sa tabi nila.

"What's happening?" Tanong ni Aldrin. Natahimik naman silang tatlo.

"Sino siya, Hex?" Tanong naman ni Shantal. Doon mas lalong kinabahan si Hexy at napalunok naman siya.

"H-Hindi ko siya kilala—"

"Hex naman," pamumutol sa kaniya ni Vanessa.

"Hindi ko siya kilala, pero 'yong kuwarto niya ay doon din sa building ng bar na pinuntahan natin kagabi," sagot niya. Nanlaki naman ang mga mata nina Vanessa maliban kina Rio na wala pa ring ideya sa mga nangyayari.

"Si Sir Brix?" Halos pasigaw na tanong ni Shantal at mas lalong inilapit pa ang kaniyang mukha.

"E-Ewan ko."

"Hex, si Sir Brix Ivane Royale lamang ang nakatira ro'n," malumanay na sambit ni Vanessa. Bahagyang napaawang naman ang labi ni Hexy.

"Royale? Ibig sabihin, sa kaniya ang buong building?" Gulat na tanong niya.

"Sa pamilya niya," sagot naman ni Rio.

"May nangyari ba sa inyo ng mayamang iyon kagabi?" Tanong ni Aldrin.

"H-Hindi ko siya kilala. Nagising na lang ako kanina na nasa tabi niya. Hindi ko—"

"Kape."

Napatingin naman silang lahat sa nagsalita.

Nakahawak ng isang box si Maverick habang papalapit sa kanila.

Napalunok naman si Hexy at biglang namawis.

Naupo si Maverick sa tabi ni Hexy saka inilapag ang box ng kape. Agad naman silang kumuha, ngunit ang nag-iisang milktea naman ay para kay Hexy.

"Ano'ng pinag-uusapan niyo?" Tanong ni Maverick at hindi man lang tumingin sa kanila, at sa kaniyang kape siya nakatingin.

Bumilis naman ang tibok ng puso ni Hexy nang biglang tumingin sina Shantal sa kaniya.

"Si Hexy—"

"Shantal," pamumutol ni Vanessa sa sasabihin ni Shantal. Pinandilatan naman siya nito. Bahagyang umiling si Vanessa at waring sinasabing huwag sabihin kay Maverick.

Napabuntong-hininga naman si Maverick at parang walang-ganang tumingin kay Shantal.

"Ano'ng nangyari?" Tanong niya, saka lumingon kay Hexy na siyang ikinabigla naman niya.

"Sabihin mo na, Hex. Kaibigan mo pa rin naman si Maverick, even if we all know na love mo siya," sambit ni Shantal. Namula naman si Hexy dahil sa hiya.

Humugot naman siya ng lakas ng loob at napatitig sa milktea sa harap niya dahil kabado siyang tumingin kay Maverick.

"N-Nagising ako kanina sa i-isang hindi pamilyar na kuwarto," mahinang sabi niya. Tumango-tango naman si Maverick matapos uminom ng kape.

"S-Sa tabi ng lalakeng h-hindi ko kilala," halos mamaos na sambit ni Hexy at dahan-dahang tumingin kay Maverick.

Naramdaman niyang nanuyo ang kaniyang lalamunan nang lumingon sa kaniya si Maverick at nakakunot-noo ito.

"Si Sir Brix. Sa bar kasi nila kami nag-inuman kagabi," wika naman ni Aldrin. Hindi naman agad nakapagsalita si Maverick at uminom lamang ito ng kape saka tumango-tango.

"That's nice. Atleast hindi sa kung sinu-sinong lalake ka lang tumabi," komento ni Maverick at naglabas ng isang kahang yosi mula sa kaniyang bulsa.

"Walang n-nangyari sa'min," pagpapaliwanag naman ni Hexy. Tumango lamang si Maverick saka siya tumayo at nagsindi ng yosi.

Nang bahagyang makalayo ito sa kanila ay napabuntong-hininga naman si Hexy saka uminom ng milktea.

"See? Wala naman siyang pakialam," wika ni Rio.

"So, Hex, ano'ng feeling na makatabi sa kama ang nag-iisang Brix Ivane Royale?" Tanong ni Shantal. Bigla namang nabilaukan si Hexy, lalo na nang maalala niyang nakahalikan niya ito.

Natawa naman sila sa reaksyon niya.

"Dalaga ka na, Hex," komento ni Vanessa. Lumabi naman siya.

"Balita ko ay maganda ang katawan niya, nakita mo? Ilan ang abs niya?" Halos pasigaw nang tanong ni Shantal. Umiling-iling naman siya habang umiinom.

"Hindi man lang ba kayo mag-aalala sa'kin dahil nakatabi ko ang isang kilalang tao sa lugar natin? Kasi paano kung balikan niya ako?" Tanong ni Hexy, saka napakagat ulit sa loob ng bibig niya.

"You need to be careful then," wika naman ni Vanessa.

"Baka hindi ka nga niya hanapin pa kasi mayaman 'yon. Marami silang business, and doesn't have time sa mga ganiyang issue," komento naman ni Aldrin. Natahimik naman si Hexy.

"Dali na. Ilan nga ang abs niya? Ang KJ," pag-uulit ni Shantal.

"Mahilig ka talaga sa mga ganiyan," sabi ni Rio. Inismiran lang siya ni Shantal.

"Six," sagot ni Hexy. Napatili naman si Shantal kaya napatakip ng tainga ang mga kasama niya.

Hindi na pinakinggan ni Hexy ang mga sinabi ni Shantal dahil narindi na siya.

Habang inuubos niya ang milktea ay napatingin siya sa gawi ni Maverick. Nakatayo ito sa ilalim ng puno ng niyog sa tabi ng building na tinatambayan nila. Seryosong nakatingin sa kaniyang cellphone habang hawak sa kaliwang kamay ang sigarilyo na malapit nang maubos.

‘Sana ikaw na lang si Sir Brix.’

 

Bahagyang hinilot ni Hexy ang kaniyang mga braso matapos mailagay sa kitchen ang mga gamit na plato at mga baso.

Tumingin siya sa kaniyang wrist watch at nakitang mag-aalas dos na ng tanghali.

"Isang oras na lang," sambit niya sa kaniyang sarili saka ibinaling ang paningin sa dining area. 

Iilang table na lamang ang okupado at may kaniya-kaniyang ginagawa naman ang mga kasama niyang servers.

Ikinalat niya ang paningin at nakita niya si Maverick na katatapos lamang mag-serve at bumalik sa kaniyang puwesto.

Nakatingin lamang si Hexy sa kaniya at nang biglang mapatingin siya sa gawi niya ay ngumiti nang malapad si Hexy. Tumango lamang ito sa kaniya saka ibinalik ang paningin sa mga guests nila.

"Suplado," mahinang wika ni Hexy saka ibinaling din ang paningin sa mga guests nila. Sakto namang nagtaas ng kamay ang isang guest na kaniyang binabantayan kaya nakangiti siyang nagpunta ro'n.

"Yes, Sir?" 

"Pa-refill naman ng water ko," sagot ng lalakeng guest na may edad na. Ngumiti naman si Hexy sa kaniya. Nang saktong kukunin na niya ang pitsel sa lamesa ng guest ay naagaw ng paningin niya ang lalakeng nakatingin sa kaniya sa kabilang table.

"B-Brix," mahinang sambit niya at bigla siyang natulala. Seryoso namang nakatingin sa kaniya ito habang nagsasalita sa harap niya ang kaniyang kasamang lalake na kapareho niyang naka-suit.

"Miss?" 

Nabalik naman siya sa reyalidad nang tawagin siya ng kaniyang guest.

"Y-Yes, Sir," nakangiting baling niya saka kinuha ang pitsel at nagmamadaling umalis doon kahit nanginginig na ang kaniyang mga tuhod.

"S-Si Sir Brix. Ano'ng ginagawa niya rito?" Tanong niya sa kaniyang sarili habang nilalagyan ng tubig ang pitsel.

"Sh*ta. Malamang kakain. Bakit dito pa? Akala ko ba mayaman 'yan at paniguradong may restaurant," nanlulumong sambit niya saka inilagay ang takip sa pitsel.

Huminga siya nang malalim at inayos ang kaniyang postura bago bumalik sa dining area.

"Your water, Sir," wika niya saka inilapag ang pitsel sa table ng guest.

"Thank you, Miss. Bill out na rin," sabi ng lalake.

‘Babalik pa ako rito.’

Nang ma-compute ng cashier ang bill ay agad naman siyang nagbalik doon at ibinigay sa guest.

Agad namang nag-bus-out si Hexy sa table matapos umalis ang guest. Iniwasan niyang tumingin sa katabing table dahil nandoon pa rin si Brix at rinig niya ang pinag-uusapan nila.

Nakahinga siya nang maluwag nang matapos siya sa table na 'yon at bumalik sa kaniyang puwesto.

Sa nalalabing oras ng kaniyang duty ay iniwasan niyang tumingin sa table ni Brix at halos tumakbo siya papunta sa locker nang makita niya sa relo niyang alas tres na.

Nang makuha niya ang mga gamit niya ay nagpunta siya agad sa parking lot upang hintayin si Maverick.

"Mabuti na lang at makakaalis na rin. Pinakamahabang isang oras ng buhay ko," sabi niya habang tinatanggal ang tali ng kaniyang buhok.

Halos mapatalon siya nang biglang may kumalabit sa kaniya, kaya agad siyang napalingon.

"Ano ba—"

Napatigil siya at nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang si Brix ang nasa likod niya at nakasuot na ito ng puting t-shirt.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status