Share

Elijah: The Bastard Billionaire
Elijah: The Bastard Billionaire
Author: BlackPinky

Chapter 1

Elijah Montemayor's P.O.V.

Hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit at lungkot habang nakatingin sa masaya at buong pamilya. Kahit na sabihin na nating mahal na mahal ako ni Mama at siya ang nagpalaki sa akin kahit mag-isa lang siya, hindi ko pa rin maiwasang hanapin ang aking ama. Totoo nga kayang iniwan niya si Mama nang malaman  niyang buntis ito? Totoo nga kayang inabandona niya kami? Kung totoo man, napakasama nanan niya kung ganoon. Bakit niya pa nagawang buntisin si Mama kung ayaw naman niyang magkaroon ng anak?

"Ayos ka lang ba, Elijah?" tanong sa akin ng kaibigan kong si Robert.

Nilingon ko siya sabay ngiti. "Oo naman. Bakit?"

Tinapik niya ako sa balikat. "Alam kong hindi ka okay dahil nakita mo naman ang isang buong pamilya. Nami-miss mo ba ang tatay mo?"

Nagkibit-balikat ako. Nami-miss ko nga ba siya? Pero sa totoo lang, hinahanap ko ang pakiramdam na mayroong isang ama. Siguro masarap sa pakiramdam na may kausap kang isang ama na puwede mong makainuman. Na puwede mong maka-bonding sa iba't ibang bagay. Umabot ako sa edad na thirty years old nang hindi man lang nalalaman kung sino ba ang tunay na ama ko. Sa tuwing tinatanong ko kay Mama kung sino ba talaga ang ama ko ay kaagad siyang nagagalit at iniiba ang usapan. At dahil doon, hindi ko na pinapahaba pa ang usapan namin. Halata naman na ayaw niyang sabihin sa akin ang tungkol sa ama ko. Kaya madalas minabuti ko na lang na manahimik at hindi na magtanong pa para hindi na magalit sa akin si Mama.

"Hindi ko alam eh. Siguro ano mayroong kirot sa puso ko dahil sa wala akong ama na hindi ko man lang siya nakilala. Iyong bang may parang kulang sa akin."

"Hayaan mo na. At least naman 'di ba, mahal na mahal ka ng Mama mo. Kinaya niyang buhayin kang mag-isa kahit na sobrang hirap. Siya ang tumayong ama mo na rin."

Tumango ako. "Kaya nga eh. Tama ka naman doon. Kaya mahal na mahal ko ang Mama ko dahil hindi biro ang magpalaki ng anak ng mag-isa lang."

"Isipin mo na lang na blessed ka pa rin dahil may magulang ka pa rin at iyon ang Mama mo. Iyong iba kasi wala talagang ama at ina. At saka hindi naman lahat ng buong pamilya ay masaya. Katulad na lang namin 'di ba? Palagi na lang nag-aaway si Mama at saka si Papa ko. Si Mama kasi ay napakabungangera at may hindi magandang ugali. Tapos si Papa naman nambababae pa dahil nga sa hindi niya nagugustuhan ang ugali ni Mama. Minsan na pinagdarasal na lang naming magkakapatid na maghiwalay na sila. Para hindi na ganoon kagulo sa bahay. Para hindi na nagsisigawan."

Tinapik ko na lang siya sa balikat at saka tumayo na. Sumakay na ako sa aking sidecar at saka naghahanap na ng makakalakal. Dahil sa sobrang hirap ng buhay, grade two lang ang natapos ko. Oo wala akong pinag-aralan pero kahit na ganoon ay may alam pa rin naman ako. Marunong akong magbasa at magsulat kahit papaano. Nakakaintindi rin ako ng salitang Ingles. Medyo kakaunti nga lang. Kapag kasi may oras ay nag-aaral ako sa bahay. Tinuturuan naman ako ni Mama at kahit na hindi ako nakapag-aral talaga, ayos lang naman sa akin dahil naiintindihan ko naman ang buhay na mayroon kami. Pangangalakal ang bumuhay sa aming dalawa. Nakatira kami dito sa ilalim ng tulay kung saan maraming mga tao ang nandito at mababait naman silang lahat. Ang Mama ko naman ay naglalako ng mga kakanin sa simbahan. Nauubos naman iyon kaya mayroon kaming sapat na halaga para panggastos sa araw-araw.

Nang magtungo ako sa junkshop ay natuwa ako dahil malaki-laki ang perang nakuha ko mula sa kalakal na ibenenta ko. Mabilis akong pumadyak ng aking sidecar patungo sa bilihan ng ulam.

"Anong ulam mo, Mister Pogi?" sabi sa akin ni Aling Linda.

"Mr. Pogi talaga Aling Linda?" Nakangising tanong ko.

Tumawa siya. "Oo naman! Mister Pogi talaga! Ang pogi mo kasi talaga. Sa totoo nga lang, hindi ako makapaniwala na talagang doon ka nakatira sa ilalim ng tulay at nabibilang ka sa mga tao doon. Hindi naman sa mababa ang tingin ko sa inyo, para kasing hindi kabilang ang itsura mo sa kanila."

Kumamot ako ng ulo. "Hindi naman, Aling Linda. Siguro lamang lang ako sa kanila ng ilang paligo."

Tumawa siya. "Naku! Siguro nga! Pero ang masasabi ko lang sa iyo, 'yang itsura mo ay itsura ng mga mayayamang tao. Kaya nga dapat inaalam mo kung sino talaga ang Papa mo. Malay mo kung buhay pa ba siya o baka mamaya nandiyan na lang pala siya sa paligid. Na biglang makakasalubong mo nang hindi mo alam. Bakit pa kasi ayaw sabihin ng mama mo?"

Natahimik ako bigla dahil sinabi na niya. May posibilidad  kaya na mayaman ang Papa ko? Kung ganoon ay dapat malaman ko talaga kung sino siya. Nang sa ganoon ay umahon kami sa hirap.

"Hindi ko po alam eh. Siguro sa susunod ko na lang itatanong ulit sa kaniya."

"Oo itanong mo dahil baka mamaya bilyonaryo pala ang tatay mo eh. Syempre anak ka kaya sigurado akong may mamanahin kang malaking pera sa Papa mo. Tapos makakaalis na kayo diyan sa ilalim ng tulay. Magkakaroon ka ng magandang bahay, masarap na pagkain at mamahaling gamit!"

Tumango na lang ako at ngumiti. Nang maibigay niya sa akin ng ulam ay nagmamadali na akong pumadyak patungo sa bahay itinabi ko sa may gilid ng bahay namin ang sidecar. At pagkatapos ay ikinandado ko ito. Naabutan ko si Mama na naghuhugas ng plato.

"May dala na po akong ulam," wika ko pagkapasok ko sa loob ng simbahan.

"Ang dami naman yata ng putaheng binili mo,  anak."

"Medyo malaki po kasi ang nakuha kong pera mula sa kalakal. At saka madalas na isang  putahe lang kasi ang nabibili natin."

Nginitian niya ako habang isinasalin sa lagayan ang mga ulam. "Ayos lang naman iyon, anak. At isa pa, kailangan din nating magtipid talaga dahil nagbabayad tayo ng kuryente at tubig dito. Ang mahalaga ay nakakakain pa rin tayo sa araw-araw."

Ngumiti na lang ako. Dito kasi sa ilalim ng tulay ay nakikabit kami ng ilaw para naman magkaroon ng liwanag ang bahay namin. Sa tubig naman ay para hindi na rin ako mag-iigib pa. Habang kumakain kami, bigla kong naisip ang sinabi ni Aling Linda kanina. Tumingin sa akin si Mama. Napansin niya yata na malalalim ang iniisip ko.

"Bakit, anak? May problema ba?"

Bumuntong hininga ako bago nagsalita. "Hindi mo po ba talaga sasabihin sa akin kung sino po ang tunay kong ama? Kahit pangalan lang niya po. Kahit iyon lang sana ang malaman ko."

Kumunot ang noo niya. "Bakit ba tanong ka ng tanong tungkol sa tatay mo? Hindi ba sinabi ko na sa iyo na iniwan niya tayo? Inabandonado niya tayo! Bakit gusto mo pang malaman kung sino ba talaga siya? At saka wala naman siyang pakialam sa iyo. Dahil kung mayroon siyang pakialam sa iyo, dapat noon pa lang ay hinahanap ka niya. Dapat noong sanggol ka pa lang ay nagbigay na siya ng sustento sa iyo!  Pero wala! Ako ang bumuhay mag-isa sa iyo, Elijah."

Bakas sa pananalita niya ang matinding galit at hinagpis. "Pasensya na po, Ma. Pero gusto ko lang talagang malaman ang pangalan ng ama ko. Kahit hanggang doon lang. Wala naman akong planong hanapin siya eh. Kumbaga gusto ko lang malaman ang pangalan niya."

Mtalim niya akong tinitigan na para bang galit na galit. "Tumigil ka na Elijah. Ayoko nang magtanong ka pa sa akin tungkol sa ama mo. Hindi ako natutuwa."

Binilisan niya ang pagkain at pagkatapos ay naiwan na akong mag-isa sa mesa. Bumuntong hininga na lang ako at nagpatuloy sa pagkain. Narinig ko ang paglalim ng paghinga niya mula sa likuran ko. 

"Hindi ko sinasabi sa iyo kung sino ang ama mo  at kung ano ang pangalan niya dahil ayokong mapahamak ka. Tandaan mo, Elijah binuhay kita ng mag-isa. Kinaya ko dahil mahal kita kaya kung ako sa iyo, mas maigi pang huwag mo ng kilalanin pa ang ama mo."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status