Share

CHAPTER 4.2

[PSALM's Point of View]

"Jude sige na, oh. Kahit isang gabi lang. Sige na!" pagpupumilit ko kay Jude na akala mo ina-allergy kung makakamot ng batok n'ya.

"Hindi nga p'wede, pare. May nakuha na kaming singer, e. Hindi talaga kita maisisingit sa ngayon. Pero hayaan mo, kapag may bakante tatawagan agad kita."

"Sure ball 'yan, ha? Aasahan kita," paniniguro ko.

"Oo, oo! Sige na, may gagawin pa ako e. Sa susunod na lang!"

Mabilis n'ya akong tinalikuran at muling pumasok sa bar. Kasabay nito ang pagbagsak ng mga balikat ko. Bahagya akong sumilip sa glass door nito at nakitang nagpa-praktis s'ya kasama ang kanyang buong banda. Hindi ko maiwasang isipin na baliktad na talaga ang mundo. Dati sila itong nagmamakaawa na kumanta ako para sa banda nila. Nawala lang ako ng ilang linggo, mukhang nakalimutan na nila ako. Kaya heto ako ngayon, hindi basang-basa sa ulan pero 'yung mata ko malapit ng bumaha.

"Hays Psalm," kagat-labi kong bulong sa sarili. "Ang tanga-tanga mo kasi."

Masyado yata akong naging kampante na hahanap-hanapin nila ako. Nakalimutan ko na sobrang tindi ng kompetisyon sa musika. Kapag hindi ka consistent, ibig sabihin inconsistent ka. Ganun.

Mabibigat ang hakbang ko habang naglalakad kahit wala naman akong pupuntahan. Bitbit ang gitara at isang supot ng monay, nagpakalat-kalat ako sa lansangan habang iniisip kung ano na namang kwento at palusot ang sasabihin ko mamaya kay Papa. O kung paano ako makakatisod ng kakainin namin mamaya.

Napatigil lang ako sa paglalakad nang may gumulong na lata ng gatas sa paanan ko. Wala sa sarili ko itong dinampot at luminga-linga sa paligid para tignan kung saang lupalop na ako dinala ng pudpod kong sapatos.

Nasa sentro na ako ng syudad. Kaliwa't kanan ang mga restaurant at mga shopping mall. Marami ring taong dumadaan. Ilang saglit pa, napangiti ako dahil sa isang ideya.

Nakakita ako ng isang malaking tipak ng kahoy sa isang tabi. Kinuha ko ito at inayos ang pwesto. Inilabas ko ang aking gitara at naupo sa kahoy matapos mailagay ang lata kalahating metro mula sa akin.

Sinimulan kong kalabitin ang mga chords. May ilang napapatingin pero lumalampas din. Unti-unti kong ibinuka ang aking bibig at nagsimulang bumigkas ng mga liriko sa himno ng isang tono.

Nagsimula sa isang babaeng naghulog ng barya sa lata hanggang sa sunod-sunod na tunog ng pagkalansing ng napulot kong lalagyan ang narinig ko. Kinailangan kong pumikit hindi lang para damhin ang kanta kundi para na din itago ang nagtutubig kong mga mata.

Masakit. Sobrang sakit. Tama nga si Mang Gano. Mauuwi at mauuwi ako sa panlilimos at pag-ngawa sa kalye. Napakababa ko. Naaawa ako sa sarili ko.

Hindi ko akalaing dito ako dadalhin ng musikang minamahal ko. Masyado nga talaga akong naging ambisyoso. Masyado nga yata akong umasa sa mga papuring natanggap ko noon. Masyado nga yata akong nagpabilog ng ulo.

Nang makatapos ako ng tatlong magkakasunod na kanta, kinuha ko ang lata at sinilip ang laman. Puro barya pero ayos na din kesa sa wala. Itataktak ko na sana nang may nasilip akong parang papel na kulay blue.

Nanlaki ang mga mata ko at kumabog ang dibdib ko. Dali-dali ko itong kinuha at... laking panghihinayang ko nang makitang isang nakatuping papel lang 'to. Anak lang naman ng tinapa! Ang lakas man-trip ng naglagay nito, ah?

Gigil ko itong ginusumot sa kamay ko at handa ng itapon nang may mapansin akong nakasulat dito. Isa pala itong flyer kung s'an naka-imprint ang;

HIRING SERVICE CREW!!!

Muling um-echo sa tenga ko ang sinabi ni Mang Gano. Trabaho ang kailangan ko at hindi ang pag-kanta. Baka ito na ang sign. Baka ito talaga dapat ang gawin ko.

Muli kong binalingan ang flyer at binasa kung saan ang trabahong 'to. Una kong nakita ang pangalan ng establisyemento at ilang segundo din akong natulala— nakakatawang mayroon itong impact sa akin.

"Dreams Café,"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status