Share

Chapter 5.2

[PEN's Point of View]

Makailang beses akong napakurap. Huli na ng ma-realize ko kung sinong kaharap ko.

"Ah— g-good morning, ma'am?" Kinakabahan kong pagbati. Ngayon ko nakumpirma na mabagal talaga ang proseso ng utak ko dahil inabot ako ng isang minuto bago mag-sink in sa utak ko kung sino s'ya.

Tinignan n'ya ako pabalik na umabot din ng ilang segundo bago s'ya tumawa ng mahina. Bahagyang naningkit ang kanyang mga mata at sumilay ang mapuputi n'yang ngipin. Nakakainggit. Parang hindi n'ya naranasang mabungi dahil perpekto ang kanyang ngiti.

"Ma'am? I'm just an applicant here, silly."

Nabalik ako sa wisyo at naramdaman ang paglaki ng mga mata ko. Tinignan ko ulit s'ya mula ulo hanggang sa takong ng sapatos n'ya. 

S-seryoso? Aplikante s'ya sa lagay n'yang 'yan?

Nakasuot s'ya ng fitted na pink blouse at pencil skirt na hindi man lang umabot sa tuhod n'ya kaya kitang-kita ang makinis at kumikinang sa puti n'yang legs. May hawak din s'yang maliit na hand bag na mukhang mamahalin. Idagdag pa ang maliit na sumbrerong nakapatong sa kanyang ulo na may parang net na nakaharang sa bandang mata n'ya. Mukha s'yang... mukha s'yang donya.

"Bakit?" nagtataka n'yang tanong.

"Ah— eh." Umiling-iling na lang ako bilang sagot. Hindi ko na alam kung ano pang dapat kong sabihin. Isa na namang kahihiyan.

"Applicant ka din?"

Naiilang akong ngumiti at tumango. Ang sassy kasi ng pagsasalita n'ya. Mukha naman s'yang mayaman. Nakaka-curious tuloy kung bakit s'ya maga-apply sa isang maliit na cafe.

"OMG! Hi, I'm Lovely Margarette Ferrell! You can call me Lovely." Halos mapatalon ako sa gulat nang bigla s'yang tumili at kinuha ang kamay ko para makipag-kamay. "Sorry, I thought kasi kanina customer ka lang na napadaan."

'Yung pilit kong ngiti, unti-unting naging ngiwi. Medyo masakit 'yun, ha.

"Anyway, what's your name ba?" tanong n'ya pa.

"Pen,"

"Hello, Pen! I'm looking forward to work with you. Sana we get accepted, no?

"Ah, oo. Sige, bahala ka." Pasimple kong binawi ang kamay ko dahil parang wala s'yang balak bitawan 'yun. Mukhang hindi naman n'ya napansin at luminga-linga na lang sa lugar.

"Ang sabi sa email, 10 magsisimula ang interview. How come na hindi pa din sila open?" tanong n'ya na naman. Hindi ko talaga mapigilang isipin kung kelan ba s'ya mauubusan ng sasabihin.

Hindi na ako sumagot. Anong namang  isasagot ko sa tanong na 'yun? Pareho lang naman kami ng kalagayan dito.

Lumingon-lingon na lang din ako kung saan-saan para kunwari busy ako. Hindi ko din naman trip ang makipag-usap. Lalo na kung ganyan ang itsura. Bukod sa intimidation, nakaka-insecure din kasi. Bakit ba kasi ang ganda n'ya? At bakit ang panget ko? Idagdag pa ang glass wall na parang naging salamin namin. Kitang-kita ang malaking kaibahan naming dalawa mula sa pananamit, sa height at lalong-lalo na sa itsura.

"Dreams Café,"

Sabay kaming napalingon nang may nagsalita sa likuran. Katulad ng kasama ko ay malapad din ang ngiti n'ya. May hawak s'yang maliit na papel na ibinulsa n'ya din agad. 

Pasimple kong tinignan ang kabuuan n'ya katulad ng naunang dumating. Mukha s'yang rockstar dahil sa black shirt at ripped jeans na suot n'ya. Pero napansin ko rin ang suot n'yang rubber shoes na parang pinaglumaan na ng panahon. Kung sa pisikal naman, may pagka-moreno s'ya at stylish ang dating ng kanyang buhok. Malakas din makahatak ng pansin ang kaliwang kilay n'yang tila may pilas. Higit sa lahat, kung matangkad na ang nauna sa kanya, mas malala ang tangkad n'ya. Sa tingin ko ay aabot lang ako sa kanyang bandang dibdib. Kaya heto, nanliliit ako sa kanilang dalawa. 

Humakbang s'ya palapit at tumabi kay Lovely. Tumayo s'ya ng tuwid at huminga ng malalim bago nagsalita.

"Good morning, ma'am! I am Psalm Valesca, nineteen years old, graduated with no honor at Mabato National High School. But don't worry because I can sing and play any musical instrument. And wait, there's more! I can do all-around cleaning like bathroom cleaning, office cleaning, dishwashing cleaning, floor cleaning basta lahat po ng cleaning yakang-yaka ko. Sana po tanggapin n'yo akong manager— este service crew pala."

Buong buhay ko inakala kong ako na ang pinaka-weird na tao sa mundo. Salamat sa lalaking 'to dahil napatunayan kong hindi. Bigla na lang s'yang dumaldal sa harapan ni Lovely na akala mo estudyanteng nagre-recite sa teacher. Kinuha n'ya din ang kamay nito at nakipagkamay.

Kunot-noo akong tinignan ni Lovely at ganun din ako sa kanya. Mukhang ngayon na s'ya naubusan ng sasabihin.

"Ah! Ito po ba 'yung assistant n'yo?" Napasinghap ako nang ituro n'ya ako at sa akin naman nakipagkamay. Mainit ang palad n'ya at may kaunting kagaspangan. Pero ang hindi ko talaga akalain ay tinawag n'ya akong assistant!

"Psalm nga pala," pakilala n'ya sa akin. "Saka pakisara ng bibig mo. Masyadong halata na nasta-startruck ka sa'kin, e."

A-ang kapal n'ya!

Bago pa man ako makapalag, hinila ni Lovely aking kamay kay Psalm.

"She's not my assistant," sagot ni Lovely. "And goodness! Mukha ba talaga akong teacher para tawagin n'yo akong ma'am? I'm just an applicant here, okay? Applicant!"

Pigil-hiningang tinampal ng lalaki ang kanyang noo at tinignan si Lovely from head to toe. Mukhang katulad ko ay napagkamalan din n'yang boss si Lovely sa cafe.

"Anak ng— aplikante ka din?" hindi makapaniwala n'yang tanong. "Aist, sayang 'yung dinakdak ko! Buong gabi ko 'yung minemorize!"

"Duh? Why should we care? Ikaw 'tong bigla-bigla na lang nagsa-salita d'yan, no."

"Ba't kasi ganyan ang suot mo? Balak mo bang mag-apply bilang may-ari?"

"God! ‘Wag mong inaano 'tong suot ko, ha! Ikaw nga, para kang gangster na mangho-holdup d'yan sa kanto."

Nagpalitan sila ng reklamo at pangungutya sa isa't isa. Sa totoo lang, mukha silang mag-jowang nag-aaway. May mga dumadaan pa ngang napapalingon sa ginagawa nila. Meron pang isa na naglabas ng cellphone at sa tingin ko ay kumukuha ng picture o video. Ako na lang ang napayuko at bahagyang tumabi dahil sa kahihiyan.

Isa talaga 'tong malaking kalokohan. Isa na namang pagkakamali, Pen! Dapat talaga nanahimik na lang ako sa bahay.

Ilang minuto na ang lumipas pero hindi pa rin sila tumitigil kaya napagdesisyunan ko ng umalis at umuwi. Bahala na 'yang interview na 'yan. Ayokong madawit sa kahihiyang 'to.

Pasimple akong humakbang paatras para hindi nila mapansin ang pag-alis ko. Nawe-weird-uhan na kasi talaga ako sa kanila. Ang ganda pa naman ng impression ko sa kanila kanina pero sa asta nila ngayon, parang gusto ko na lang bawiin.

Sa pangatlong hakbang ko paatras, may nabangga ako. Matigas pero malabong pader 'to dahil wala akong maalalang may pader sa harap ng cafe. Kunot-noo akong lumingon.

Tama ako na hindi nga 'to pader. Kasi wala namang pader ang humihinga, hindi ba? Kinailangan ko pa tuloy tumingala para tignan kung sino na naman 'to.

Isang pares ng malalamig at blankong mga mata ang sumalubong sa akin. Bahagyang binigyan ng lilim ang kanyang mukha ng brim ng suot n'yang sumbrero. Nakaramdam ako ng lamig at pagtaas ng balahibo dahil sa kanyang titig kaya unti-unti kong ibinaba ang tingin ko sa tungki ng kanyang ilong hanggang sa labi n'yang mahigpit na nakasara. Kumunot ang noo ko nang mapansin kong parang pamilyar s'ya sa paningin ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status