Share

CHAPTER 5

Chapter's Theme:

               “A mere coincidence might be a tricky destiny.”

[PEN's Point of View]

Kanina pa kumakatok sa pinto ko si Faye. Sa ilang minuto n'yang pagkalampag ng pintuan ko, dapat alam na n'yang ayoko s'yang pagbuksan. Hindi naman sa ayaw ko talaga s'yang pagbuksan. Sabihin na lang nating... ayoko lang.

Matapos n'yang sabihing bumaba na lang ako para kumain, tumigil na din s'ya sa pagkalampag ng pintuan ko. Kaya naging tahimik na ulit ang paligid ko. Tahimik at madilim. Tanging ang isang bukas na lampshade sa ibabaw ng drawer chest ang maliwanag. Tumatama ang ilaw nito sa aking mukha dahilan para mas lalo kong makita ang katangahang ginawa ko.

Tulala ako sa sarili kong repleksyon sa salamin habang hawak-hawak ang isang gunting. Nanginig ang mga labi ko kaya agad ko itong kinagat.

"Bakit ko ba naisip na gawin 'to?" tanong ko sa kawalan habang pinagmamasdan ang kamay kong may hawak na gunting na may mga hibla ng buhok. Pero kapansin-pansin ang dami nito na nagkalat sa ibabaw ng drawer chest. Hindi ko maintindihan kung bakit parang sobrang kapal nito gayong kakaunti lang naman ang ginupit ko.

'Yung buhok ko... pinutol ko para magkaroon ng bangs. Para... para may magbago man lang sa akin. Nabasa ko kasi sa isang site na para maibsan ang lungkot mo, kailangan mong sumubok ng mga bagong bagay. Kaya lang... palpak naman pagdating sa akin. Ilang ulit kong sinubukang pantayin 'yung bangs hanggang sa umikli ng umikli ng umikli. Halos isang pulgada na ang agwat nito mula sa kilay ko.

Sinubukan ko itong suklayin pataas, papunta sa gilid, ipuyod kaso wala. Litaw na litaw pa rin. Ang tanga-tanga ko kasi. Isa na namang maling desisyon.

Pinatay ko na lang ang ilaw at sumalampak sa kama saka binuhay ang cellphone ko. Tamad akong nag-scroll sa news feed kong binabaha ng kung ano-anong post na ultimo pagsasalamin sa CR ay ipinapakita nila. Naiisip ko tuloy, mabuti pa sila maraming ganap sa buhay.

Sa ilang minuto kong pagtataas-baba ng daliri ko sa screen, sa isang post lang tuluyang huminto ang mga daliri ko. Tungkol 'yun sa isang cafe na naghahanap ng bagong staff para mag-summer job. Dreams Café?

Hindi ko alam kung bakit pero napansin ko na lang na binabasa ko ang bawat detalye nito. Walang masyadong requirements saka malapit lang 'yung mismong cafe. Tumatanggap sila ng 17 years old pataas kaya applicable ako. Teka— ba't ko naman naisip 'yun?

Naibaba ko ang aking cellphone at napaisip. Summer job. Pwede ko naman sigurong subukan? I mean, mukhang mas maganda 'yung may pagkakaabalahan ako kesa maghapong tumambay dito sa bahay habang pinagagalitan ni mama. Bukod dun, magkakapera pa ako. Tapos magkaka-experience pa ako ng pagtatrabaho.

Tama! Dapat masanay na ako sa pagta-trabaho. Malakas ang pakiramdam ko na wala talaga akong mararating sa buhay. Pero hindi naman ibig sabihin nun wala na akong gagawin. Kung sakali man na wala nga akong marating, at least marunong akong kumayod. Hindi man sila maging proud sa akin, at least mabubuhay ako. 'Di ba?

At saka, baka ito na 'yung ‘bagong bagay’ na kailangan ko sa buhay ko.

Nag-sign up agad ako sa link na nakalagay sa post. Matapos ang pag-fill up ko ng personal information, may mga additional na tanong na medyo weird para sa 'kin. Katulad ng;

‘Describe your self in one word.’

Walang pag-aalinlangan kong itinipa ang salitang 'useless'. 'Yun naman kasi talaga ako.

Pero pinakayumanig sa akin ang huling tanong— ang pinaka-ayaw kong tanong.

‘What is your greatest dream?’

Natulala na lang ako sa cursor na nagb-blink sa screen. Wala akong maisip na ilagay kasi... wala naman akong pangarap.

Pinindot ko na ang submit at hindi na sinagutan ang huling tanong. Ang kaso, lumabas ang sign na required 'yung sagutan.

Napakamot tuloy ako. Mariin akong napapikit ng ilang segundo at bumuntong-hininga. Sa totoo lang, pwede ko namang lagyan 'yun ng kahit na ano. Pero ayoko kasi ng pakiramdam na dinadaya ko ang sarili ko. Gusto kong maging honest sa sarili ko hangga't maaari. Dahil wala namang ibang magiging tapat sakin kundi ako mismo.

Ilang beses akong napakurap, iniisip kung ano ba ang dapat kong ilagay. Sa huli, kagat-labi akong muling nagtipa.

‘Wala akong pangarap. Hindi ako bagay magkar'on ng pangarap.’

Nagising ako dahil sa alarm. Hindi 'yung alarm na orasan kundi 'yung bunganga ni mama. Kesyo natapos n'ya na daw lahat ng gawaing-bahay pero nakahilata pa din ako.

Pinilit ko na lang na 'wag pansinin ang maagang sermon n'ya. Kinuha ko ang cellphone ko at nag-scroll kahit hindi ko naman binabasa ang mga post. Naging habit ko na lang din ang ganito tuwing umaga.

Natigil lang ako nang nag-battery low na ang cellphone ko. Icha-charge ko na sana nang mapansin ko ang isang notification. Email galing sa Dreams Café. Muntik ko pang hindi maalala kung saan ko nabasa ang tungkol sa cafe na 'yun. Mabuti na lang dahil sumagi sa katiting kong utak ang ginawa kong pag-sign up kagabi.

Dreams Café

Good day, Pen!

We received your application for being a staff of Dreams Café. We would like to see you tomorrow morning, around 10, for an interview. We're expecting for your presence.

Interview? Agad-agad?

Napatingin ako sa clock display ng cellphone ko. Sapat nang dahilan na makitang pasado alas-nuebe na ng umaga para magising ang kaluluwa ko at magkumahog para maligo.

Ang weird lang sa pakiramdam na parang may dumaloy sa aking kuryente dahilan para bumilis ang galaw ko. Kailangan ko palang i-sorpresa para mabuhayan ako, e.

Matapos kong makaligo at makapagbihis, dire-diretso akong bumaba habang sinusuklay ang buhok ko. Bahagya pa akong napatigil nang makaramdam ng tila bitin sa pagsusuklay ko.

"Saan ka na naman—"

"May interview po ako ngayon para sa isang summer job," sagot ko agad kay mama bago n'ya pa man ako paulanan ng kung ano-anong tanong at sermon. Halos tumakbo ako palabas ng bahay hindi lang para matakasan si mama kundi para na din habulin ang naka-schedule na interview. 9:40 na kasi.

Swerte namang nakasakay agad ako ng tricycle paglabas ko. Dalawang sakay din ang aking ginawa bago mapuntahan ang address ng cafe. Sandali pa akong tumayo sa harap nito dahil sa pagkamangha.

Bago sa paningin ko ang lugar dahil hindi naman ako masyadong lumalabas. Pero agad nitong nakuha ang atensyon ko. Talagang mapapatitig ka at babasahin bawat letra ng pangalang nakasulat sa sign board. Dreams Café.

Hindi naman ganun kalaki 'yung cafe pero meron itong dalawang palapag at may katabing grocery store. Una kong naisip na para itong malaking aquarium dahil glass wall ang ibabang palapag at maaaninag na ang nasa loob. May sapat itong pavement at may mga hanging plants. Malawak din ang parking area kung saan may isang pink na kotseng nakaparada. Maganda ang lokasyon nito dahil maraming building at offices sa paligid kaya kahit bakasyon ay siguradong mayroon pa ding customer.

Pero hindi ko napigilang magtaka nang makitang close pa din ang nakalagay sa may pinto. 10:10 na kasi sa relo ko. Akala ko pa naman late na ako.

"Woh! Finally!"

Napapitlag ako nang may biglang nag-salita sa aking tabi. Lumingon s'ya sa akin at ngumiti ng napakalapad. Mas matangkad s'ya kesa sakin kaya bahagya akong napatingala.

Pakiramdam ko ay biglang sumigaw ng hustisya ang mukha ko nang makita ko ang itsura n'ya. Sa isang madaliang description ng kaharap ko ngayon, isa s'yang magandang nilalang. As in maganda talaga. Mula ulo hanggang sa heels ng sapatos n'ya. Iisipin mong artista ang kaharap ko ngayon dahil sa sobrang ganda. Ilong pa lang ay panalo na. Oo, maganda talaga. Nakakapikon 'yung ganda n'ya. Parang echo tuloy na nagpaulit-ulit sa isip ko ang salitang ganda.

Bakit kasi naging maganda pa s'ya?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status