Share

CHAPTER 2

“Diyos ko, Bryle!” Sobrang kinabahan na si Leia nang makita niyang nanlilisik na naman ang mga mata ng kanyang asawa. Dali-dali na niyang inilabas ang kanyang anak. Nagtatakbo na silang mag-ina.

“Bumalik kayo ritong mga animal kayo! Papatayin ko kayo!” sigaw ni Bryle na humabol sa kanila.

“Takbo, Anak! Bilisan mo!” Itinulak ni Leia si Lacey nang nasa kahoy na gate ng bahay silang mag-ina kaya siya ang nadikmat ng kanyang asawa.

“Bryle! Mahal! Ako ito! Ako ‘to si Leia! Ang asawa mo! Please, huwag mo akong sasaktan!” umiiyak na pakiusap ni Leia sa kanyang asawa. Takot na takot siya. Nanginginig ang buong katawan niya.

“Papatayin ko kayong lahat! Mga salot kayo sa lipunan na mga rebelde kayo!” Sa kasamaang palad ay sinakal pa rin siya ni Bryle.

“Papa? Mama?” umiiyak na tawag sa kanila ng kanilang anak. Ayaw umalis ang bata. Nanonood pa rin sa kanila.

“L-Lacey, uma… umalis ka na! Tumawag ka ng… ng tulong! Bilisan mo!” kahit hirap dahil sakal-sakal siya ng asawa ay pinilit na utos ni Leia sa kanyang anak. Sa kabila ng lahat ay kay Lacey siya nag-aalala.

Masunurin na nagtatakbo na nga ang bata.

“Akala mo makakatakas ka sa akin!” Subalit dahil iba ang tingin ni Brylle sa bata, na isa na itong kalaban sa bakbakan, ay hinabol nito ang anak.

“Brylle, huwag! Anak mo ‘yan!” hintakot na sigaw ni Leia.

Pasalamat niya at nagdatingan na ang mga kapitbahay nila. Matapos ilayo si Lacey ay pinagtulungan nila si Bryle na awatin. Nailigtas ang kanyang anak.

Nanlumong nag-iiyak si Leia. Nahirapan siyang huminga, na para bang may bigat na bagay na dumapo sa kanyang dibdib. Diyos ko, ano ba itong nangyayari sa kanyang mister?

“Pare, huwag!” saglit ay sigaw na naman ng isang kapitbahay nila. Hindi pa pala tapos ang pagwawala ng kanyang asawa.

Nang ibalik ni Leia ang tingin niya sa labas ay parang gusto niyang himatayin sa nakita niyang ginagawa na naman ni Bryle. Ang asawa niya kasi, pinagpapalo ang magarang kotse na nakaparada sa may kalsada gamit ang isang kahoy. Kung wala lang si Lacey na iniisip ni Leia ay mas gusto na lang niya sanang mamatay sa sandaling iyon. Hindi pa man ay alam na niya kasi ang kahahantungan ng pagsira ni Bryle sa kotseng iyon.

“Bryle, huwag!” Tinakbo niya ito at inawat pero nasaktan lamang siya nang itulak siya ng asawa. Kamuntikan pa siya nitong mapalo ng kahoy. Laking pasalamat ni Leia at may naglakas-loob na pumalo sa ulo ni Bryle na dahilan para mawalan na ito ng malay.

Gayunman ay iyak nang iyak niyang niyakap ang asawa nang lapitan niya ito.

"I’m sorry, Misis Rojales, but I think your husband needs to be returned to mental health facility," ang payo ng doktor na sumuri kay Bryle matapos ang nakakatakot nitong pagwawala. Nasa isang pampublikong ospital na sila at tulog si Bryle dahil sa itinurok ditong pampakalma kanina.

"Sige po, Doc, kung iyon ang makakabuti sa kanya," mugto ang mga matang pagsang-ayon ni Leia. Hindi mapuknat ang kanyang mga luha para sa kondisyon ng kanyang asawa. Katulad noong una ay parang sinakluban na naman siya ng langit at lupa. Nanghihina siya at nanginginig. Nababalot ng malalim na pangamba ang kanyang puso.

Heto na ang pinangangambahan niya noong hindi niya napapainom ng gamot ang kanyang asawa. Ang mas malaking problema ang darating. Ngunit ano nga ba ang magagawa niya kung pati ang pangunahing pangangailangan tulad ng bigas ay hindi nila kayang bilhin sa mga nakaraang araw?

"Misis, okay lang po kayo?"

Tumango siya sa doktor sa kabila ng patuloy na pag-agos ng kanyang mga luha. Bigla siyang nakaramdam ng hiya sa kausap kaya pinatatag na niya ang kanyang kalooban. Binuhat niya ang kanyang mga palad at pinunas ang kanyang mga luha bago nagsalita, "Pasensiya na po kayo, Doc, pero opo ayos lang naman po ako. Sobrang nag-aalala lamang po ako para sa asawa ko kaya parang nawawala ako sa sarili ko.”

"It’s okay. I understand your situation. Huwag po kayong mag-aalala at titingnan ko rin ang maitutulong ko sa inyo.”

Nakagat ni Leia ang pang-ibabang labi niya. Kahit hindi kasi siya magtanong ay alam niyang malaking halaga na naman ang kailangan para sa pagpapagamot ng kanyang asawa.

“Babalik na lang po ako mamaya kapag nagising na ang pasyente, Misis.” Isang tapik sa balikat ang ginawa ng doktor bago siya iniwan nito.

Nang mag-isa na lamang siya, doon na tuluyan siyang nanghina. Parang sasabog na ang dibdib niya anumang oras. Gusto na talaga niyang panghinaan ng loob. Parang puputok na pati ang ulo niya sa dami ng problema. Hindi na niya alam kung alin sa mga iyon ang uunahin niyang isipin.

Nanghihina na napasandal siya sa dingding at napahilamos sa kanyang mukha. Ano ba ito? Bakit ganito kahirap ang mga pangyayari sa kanilang buhay? Paano na sila ngayon?

"Leia…" Buti na lang at dumating na si Pressy kasama ang anak niyang si Lacey. Nang itakbo niya kanina roon sa ospital si Bryle ay idinaan niya muna sa bahay nina Pressy ang anak.

Agad siyang yumakap sa bata.

"Mama, kumusta po si Papa?"

"Okay lang siya, Anak. Natutulog si Papa mo sa loob," sagot niya na pinatatag ang sarili. Mas humigpit ang kanyang pagyakap sa kanyang anak. Ngayon pa lang ay mas naaawa na siya kay Lacey. Paano na ang kinabukasan ng kanyang anak?

"Leia, ano bang nangyari kay Bryle?" si Pressy. Nasa mukha nito ang pag-alala. “Bakit na naman siya nagwala ng ganoon?”

Tumayo si Leia. "Hindi kasi nakakainom ng gamot niya, Pressy, kaya sinumpong na naman."

“Alam mo namang ganito ang mangyayari kapag hindi siya nakakainom ng gamot. Bakit mo hinayaan?”

"Alam mo naman na walang-wala kami. Umuutang nga ako sa iyo kanina, hindi ba?”

Hindi na nakaimik si Pressy nang maalala ang sitwasyon ng mag-asawa. Ito man ay parang sinakluban ng langit at lupa sa nalaman. Mas tumindi ang pagkaawa nito sa kaibigan.

Napaiyak na naman si Leia. Niyakap naman siya ni Pressy.

"Mama…" Animo’y nakakaunawa sa sitwasyon na umiyak na rin ng batang si Lacey. Nakiyakap din ito sa paanan ng kanyang mama.

ILANG SANDALI pa’y lakas-loob na pumasok na sina Leia sa silid ng kanyang asawa sa ospital. Wala pa ring malay ang kanyang asawa at ang daming pasa sa mukha.

"Pano na ‘yan? Kailangan niyo ring harapin iyong may-ari ng kotse na pinagbabasag niya kanina," si Pressy.

Mas nalungkot ang mukha ni Leia. "Ang totoo ay hindi ko alam, Pressy.”

Nanlumo ang mukha ni Pressy. Ito ang napabuntong-hininga para sa kaibigan. Kapos na nga sa pera ang mag-asawa’y may ganitong problema pa sila na biglang dumadating. "Huwag kang mag-alala, titingnan ko kung ano’ng maitutulong ko. Kakausapin ko ang may-ari ng kotse. Ako ang magpapaliwanag sa sitwasyon ni Bryle.”

"Salamat, Pressy.”

Magaang hinawakan ni Pressy ang kanyang balikat. “Magpakatatag ka lang, ha? Isipin mo lagi ang ang anak mo.”

Kagat ang pang-ibabang labi na tumango naman siya.

“May awa ang Diyos,” sabi pa ni Pressy.

Ungol ni Bryle ang nagpatigil sa pag-uusap nilang iyon na magkaibigan.

"Papa!" masayang tawag agad ni Lacey sa nagkakamalay nang ama.

Kumurap-kurap si Bryle. At nang makilala sila ay ngumiti ito at hinaplos ang mukha ng anak.

“Tatawagin ko ang doktor,” bulontaryo ni Pressy.

"Papa, kumusta ka? Hindi ka na ba galit?" tanong ni Lacey sa ama.

"Okay lang ako, Anak. Bakit? Ano’ng nangyari?" Nagtaka na si Bryle nang mapagtantong nasa ospital sila.

"Bryle…” Hinawakan ni Leia ang isang kamay ng asawa. At ‘yun na naman, hindi niya ulit naiwasan na hindi mapaiyak.

"Mahal, bakit? Ano’ng nagawa ko na naman?" mahinang tanong ni Bryle sa kanya. Hanggang sa nakita nito ang pasa niya sa leeg gawa nang pagsakal nito sa kanya kanina. “Kagagawan ko ba ‘yan, Mahal? Nasaktan ba kita?”

Dinala ni Leia ang kamay ng asawa sa kanyang pisngi. Mas nag-iiyak pa siya nang madama niya init niyon.

“Dapat pinapatay mo na lang ako, Leia!” Nagalit naman na sa mismong sarili si Bryle. Sobrang napatiim-bagang ito. “Wala akong karapatan na saktan ka!”

Umiling-iling siya. “Hindi, Bryle. Hindi ikaw iyon. Hindi mo ako sinaktan dahil hindi naman ikaw iyon.”

Inagaw ni Bryle ang kamay nito at sinuntok-suntok ang ulo. “T*ng inang ulo ito! T*ng ina! Baliw! Baliw ka!”

“Bryle, huwag please. Huwag mong saktan ang sarili mo. Nakikita ng anak mo, Bryle.” Madaling niyakap ito ni Leia upang payapain.

Nag-iyakan na silang mag-asawa nang gumanti ng yakap sa kanya si Bryle.

“Patawarin mo ako, Leia. Hindi ko gusto na masaktan ka. Alam mo kung gaano kita sobrang kamahal. Higit pa sa buhay ko ang pagmamahal ko sa inyo ni Lacey.”

Kasabay nang pagragasa ng mga luha niya ang sunod-sunod na pagtango niya. “Alam ko, Bryle. Alam ko.”

Mabuti na lamang at napakalma na niya ang asawa nang dumating ang doktor. Saglit na sinuri si Bryle. At sobrang pasalamat ni Leia nang pumayag ang doktor na iuwi na lamang si Bryle kaysa ang ilipat sa isang mental hospital. Binilinan na lamang siya na huwag hahayaang hindi na makainom pa ng gamot si Bryle.

"Bakit hindi mo agad sinabi sa akin na may nararamdaman ka na naman? Sana nagawan ko ng paraan ang pagbili ng gamot mo?" Naalala na niya ngayon, kaya pala minsan ay natutulala si Bryle. Hindi niya noon pinapansin dahil akala niya’y nag-iisip lamang ang kanyang asawa.

Nahihiyang nag-iwas ng tingin si Bryle. "Ang dami na kasi nating problema kaya sabi ko hayaan na ang gamot na iyon. Saka buong akala ko ay maayos na ako, eh."

"Pero tingnan mo ang nangyari. Lalong malala tuloy.”

“Sorry, Leia.”

Napapikit siya sa hindi mailarawang saloobin. ‘Yung luha niya tuloy-tuloy pa rin sa pagtulo. Buti na lang at hindi pa rin umaalis si Pressy. Ito ang tumitingin kay Lacey at paminsan-minsan ay inaalo siya’t kinakausap. Kahit paano ay nakakatulong iyon para patibayin niya ang kalooban niya.

"Sorry. Sorry talaga, Mahal."

Napakagat labi siya. Pagkuwa’y masuyong hinalikan niya sa noo ang kanyang asawa.

"Sorry, talaga. Nakakahiya ako." Napaluha na rin ulit si Bryle.

"Tahan na.” Madaling pinunasan ni Leia ang mga luha ng mister. “Huwag kang mag-alala malalampasin ulit natin ang problemang ito. Gagawa ako ng paraan. Titiyakin natin na hindi na ito mauulit.”

Hindi umimik si Bryle bagkus ay hinila siya nito para mayakap siyang muli.

Sa may dibdib ng kanyang asawa ay isang pasya ang nabuo sa isipan ni Leia. Iyon ay ang hindi na dapat malaman pa ni Bryle ang tungkol sa kotseng pinagbabasag nito upang hindi na naman ma-trigger ang maselang utak nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status