Share

CHAPTER 1

"Sige naman na, Pressy, babayaran din naman kita agad oras na makapasok ulit ang asawa ko sa serbisyo," maluha-luha si Leia na sumamo niya sa kapitbahay nilang sa katagalan ay naging malapit na kaibigan na niya.

"Pero, Leia, hindi mo pa nababayaran ‘yung mga nauna mong inutang. Kung pagbibigyan kita ngayon ay baka kami ng asawa ko ang maghiwalay niyan. Alam mo namang nagagalit na siya sa laki ng utang niyo sa amin."

Nakagat ni Leia ang kanyang pang-ibabang labi na napatungo. Naiintindihan naman niya si Pressy. Mabait naman ito sa kanya. Kapag meron ay lagi niya itong nalalapitan. Ngayon lang na nalaman ng mister nito na malaki na ang pautang nito sa kanila na tinatanggihan siya. Nag-away nga raw ang dalawa at sobrang hiyang-hiya siya.

"Pasensiya ka na talaga, Leia, pero wala talaga akong maibibigay sa ‘yo ngayon dahil asawa ko na ang humahawak ng pera namin simula nalaman niya ang pagpapautang ko sa inyo. Baka raw lalo kayong malubog sa utang at hindi niyo na mabayaran. Sana maintindihan mo ako." Hinawakan siya ni Pressy sa braso. At ramdam na ramdam ni Leia sa hawak nito na gusto siya nitong tulungan ulit, pero dahil sa asawa ay hindi nito magawa.

Madamdamin niyang hinawakan naman ang kamay ng kaibigan at naluluha na nginitian ito. "Oo, Pressy, naiintindihan ko kaya huwag kang mag-alala. Tama naman si Jake, eh. Ang laki na rin kasi ng naitulong mo sa amin ng asawa ko. Dapat nga nahihiya na ako pero nandito pa rin ako sa harapan mo. Pasensya ka na. Kinapalan ko lang talaga ang mukha ko.”

Kitang-kita niya ang pagkaawa sa kanya ni Pressy. At totoong wala siya ni anumang nararamdamang sama ng loob sa kaibigan kahit hindi siya mapagbigyan ngayon. Nalulungkot lang siya dahil lalong hindi na niya alam kung saan ngayon hihingi ng tulong. Kahit kasi susubok ulit siya sa iba na umutang ay mas wala naman siyang aasahan sa iba. Wala naman kasi sa lugar nila ang hindi nakakaalam sa sitwasyon nila ngayon na mag-asawa kaya halos lahat ay iniiwasan na sila. Ni wala na nga yata sa kalugaran nila ang hindi nila nahiraman ng pera o nahingian ng tulong. Siguro ang iba ay nagsasawa na rin na tulungan sila kaya minsan ay sadyang iniiwasan na siya.

Ayaw naman niya ang ganito. Ang ganito na parang kawawa sobra na daig pa niya namamalimos. Pero ano'ng magagawa niya? Kung hindi naman siya gagawa ng paraan, kung hindi naman siya uutang ay mamamatay sila ng pamilya niya na dilat ang mga mata.

"Sige, Pressy, aalis na ako. Pasensya ka na sa abala," malungkot na niyang paalam sa kaibigan.

"Sige pero saglit lang pala, Leia. Hintayin mo ako rito." Iniwan siya saglit ni Pressy sa sala at tumungo sa kusina. Pagbalik nito ay may bitbit na itong plastik.

"Tinapay ‘yan ta’s naglagay na rin ako ng dalawang noodles. Kahit paano ay makakatulong ‘yan kapag wala kang nahiraman na pera sa iba. Pakainin mo agad ang inaanak ko.”

Naluha na talaga siya nang kinuha niya iyon. "Tatanggapin ko ‘to, Pressy, ha? Kahit nahihiya na ako sa ‘yo. Baka kasi wala nga akong mautang na pera ngayon.”

"Oo’t hayaan mo gagawa ako ng paraan para makatulong pa rin sa inyo. Sige na at baka dumating pa ‘yong asawa ko. Makita pa niya ‘yan. Awayin na naman niya ako.”

"Alis na ako. Salamat ulit sa ‘yo, ha? Huwag kang mag-alala at makakabawi rin ako sa lahat ng naitulong niyong mag-asawa sa amin.”

“Magdasal ka lang, Leia. Pagsubok lang ang lahat ng iyan. Malalagpasan niyo ring mag-asawa. May awa ang Diyos.”

Lumuluha na tumango siya rito bago nagmadali na ngang umalis.

Pagkalabas niya sa gate ng bahay nina Pressy ay lalong hindi niya napigilan ang pagragasa ng mga luha niya. Hindi naman siya nakakalimot magdasal sa Diyos, eh. Pero bakit ganito? Bakit ganito pa rin ang sitwasyon nila?

Bumuntong-hininga siya ng ilang beses upang mapayapa ang kanyang sarili. Pinunas ng mga palad niya ang kanyang mga luha at sisinghot-singhot na naglakad na. Kung saan siya dadalhin ng mga paa ay bahala na.

Sumubok nga siya sa ibang mga kakilala nilang mag-asawa pero wala rin daw silang mga pera. Wala na siyang nagawa kundi ang umuwi na lang bitbit ang tanging ibinigay sa kanya ni Pressy sa tinapay at noodles. Nagpapasalamat na rin siya dahil kahit paano ay maipapakain siya sa anak niya at asawa.

"Mama, gutom na po ako," salubong agad sa kanya ng limang taong gulang na anak niyang si Lacey nang makita siya.

"Heto may dala akong tinapay, Anak. Kainin mo na," nangingilid ang luha niyang iniabot sa anak niya ang bitbit.

"Gusto ko sana kanin, Mama, eh," ungot ng bata.

"Hindi pa ako nakakapagluto, eh. Pagtiyagaan mo na lang muna ‘yan, Anak, ha?" alo niya sa bata. Pigil na pigil niya ang kanyang mga luha. Kahit sobrang hirap kasi ng buhay nila ay ayaw niyang ipakita sana sa anak niya.

"Oh, bakit nakasimangot ang anak naming maganda?" boses ni Bryle na nagpalingon sa kanilang mag-ina. Dumating na pala ito galing trabaho, sa pansamantala nitong trabaho na construction worker simula hindi na nakabalik ito sa pagsusundalo.

Maalwan ang buhay nilang mag-asawa noon. Noong hindi pa nawa-war shock ang kanyang asawa. Naiibigay sa kanila ni Bryle ang lahat ng pangangailangan nilang mag-ina. Nakapagpatayo nga sila ng bahay. At sobrang kontento na sana siya. Wala na siyang hinihingi noon sa Diyos kundi ang kaligtasan ni Bryle kapag nasa malayo ito sa kanila at humaharap sa mga rebelde sa bundok.

Nagsimula lamang ang kamalasan nila sa buhay ng dalawang taon na ang nakakalipas ay napauwi si Bryle mula sa huli nitong sabak sa gyera dahil hindi na raw makontrol minsan ang ugali nito. Bigla na lang daw nagwawala at nabaril pa raw nito ang isang mataas na opisyal nila. Mabuti na lamang at hindi napuruhan ni Bryle.

Isa kasi si Bryle sa mga sundalong nabihag ng mga bandido at pinahirapan ng higit sa isang buwan. Tinorture nila si Bryle kasama ang ilang kasamahan nito na parang mga hayop.

Nailigtas man sila ay medyo naapektohan naman ang matinong isipan ni Bryle dahil sa trauma. Ilang buwan din itong nanatili sa medical facilities dahil sa post-traumatic stress disorder (PTSD). At kahit na gumaling ay paminsan-minsan ay sinusumpong pa rin.

Hanggang sa hindi na ito tinawagan para mag-duty. Hula nila ni Bryle ay dahil sa pagkakabaril nito sa opisyal. Mukhang iniipit si Bryle upang hindi na talaga tuluyang makabalik.

Hindi katagalan ay naubos ang ipon nila at doon na nag-umpisa ang paghihirap nila. Pati ang financial assistance na natanggap nila noon ay animo’y naglaho ring parang bula.

"Papa, gusto ko po sanang kumain ng kanin, eh," sumbong agad ng bata sa ama.

"Eh, bakit hindi ka kumain?"

"Hindi pa raw po nakakapagluto si Mama, eh."

Napatingin sa kanya ang asawa. Nagkaintindihan naman sila agad. Tumalikod siya pagkatapos para itago ang pagpatak ng kanyang mga luha.

Yumukod naman si Bryle para magpang-abot sila ng bata saka masuyong hinaplos-haplos ang mahabang buhok ng anak. "Hindi ba sabi ko sa iyo noon na kung ano’ng meron ay dapat makuntento tayo, Anak? Gusto mo ba magalit si Papa Jesus sa iyo kasi ayaw mo ng tinapay na ibinigay niya?"

Naiiyak na umiling ang bata.

"Ayaw mo namang magalit sa iyo si Papa Jesus, ‘di ba?”

“Opo, Papa.” Tumango-tango ang bata at napatingala pa sa langit.

“Kung gano’n ay makuntento ka diyan sa tinapay mo, okay? Buti nga may tinapay ka, eh. Alam mo ba ‘yung ibang bata, wala kaya silang tinapay. Kawawa kaya sila.”

“Talaga po, Papa?”

Si Bryle naman ang tumango-tango. “Oo, kaya sige na kainin mo na ‘yan.”

"Sige po, Papa." Pagkasabi niyon ng bata ay parang sarap-sarap nga nitong pinapak ang tinapay.

"Very good ang anak ko.” Natuwang ginulo-gulo naman ni Bryle ang buhok ng anak.

Sa nakitang iyon na eksena ng mag-ama niya ay hindi na napigilan ni Leia na kumawala ang mas masaganang mga luha niya. Dali-dali siyang nagtungo sa loob ng bahay nila.

Awang-awa siya sa anak niya. Hindi ganito ang gusto niyang buhay para sa anak nila pero ano’ng magagawa niya. Wala siyang natapos dahil maaga silang nag-asawa noon ni Bryle, noong kakatwang kusa niyang inialay ang sarili niya rito.

Under graduate lang siya ng high school. Kahit gusto niyang magtrabaho ngayon ay tiyak na mahihirapan siyang matanggap tulad din noon. Isa pa’y sino ang titingin sa kanyang anak kung magtatrabaho rin siya?

Paglalabada. Minsan ay iyon lang ang nagagawa niya para tulungan ang napakaliit na kinikita ng kanyang asawa sa construction.

Hindi rin naman niya masisisi o mako-question si Bryle dahil kita naman niya ang pagsusumikap nito. Mas hindi rin naman nito gusto na matanggal sa pagsusundalo. At saka nakikita naman niya na lahat ng trabaho ay pinapasok ni Bryle. Sadyang maliliit nga lang ang kinikita na nito ngayon kumpara noong sundalo pa ito. Kung hindi pagpapadyak ay pagkokonstraksyon lamang kasi ang napapasok na nitong trabaho. Puro mga sideline lang dahil nga sa kanyang kondisyon at record.

“Mahal?” Nilapitan siya ng asawa at hinalikan sa pisngi. "Huwag kang mag-alala dahil bukas na raw ‘yong sahod namin," tapos ay panunuyo nito sa kanya. Niyakap siya nito sa likod at pati leeg niya’y hinalikan nito.

"Eh, anong kakainin natin mamayang gabi? Wala akong nautang kanina. Ibinigay lang ni Pressy iyong tinapay tapos itong noodles."

Kumawala ng yakap sa kanya si Bryle at kinapa ang bulsa ng kupasing pantalon nito. May inilabas itong limang barya na puros tag-sampung piso. “Oh, bumili ka na lang ng bigas kahit kalahati muna.”

"Akala ko pamasahe lang ang pera mo kanina na pumasok?" Kinuha niya iyon. Nahulog pa ‘yong isang sampung piso pero pinulot agad ni Bryle.

"Nagpamiryenda kasi si Boss kanina. Eh, ako ang inutasang bumili. Hindi ko na ibinili iyong akin dahil hindi naman ako gutom kanina.”

Naantig muli ang puso ni Leia. Alam naman niya kasi na nagsisinungaling lang ang kanyang asawa. Alam niyang kahit ngayon ay nagugutom na ito tulad niya. Alam niyang tinitiis lamang din nito dahil wala naman silang magagawa.

Hindi sana siya iiyak ulit pero hindi ulit niya napigilan. Diyos ko, hanggang kailan kaya ang paghihirap nilang ito?

Niyakap naman siya ng asawa at hinagud-hagod sa likod. "Huwag ka nang umiyak. Hayaan mo't makakaraos din tayo."

"Sana nga, Bryle. Sana nga,” aniya sa gitna ng pag-iyak.

Magkaganunman, kahit ganito na ang buhay nilang mag-asawa ay wala siyang pinagsisisihan na si Bryle ang pinili at pinakasalan niya. Kahit ganito na sobrang hirap na ng buhay nila ay mahal na mahal pa rin niya ito.

"Aaaahhh!" nang bigla-bigla ay d***g ni Bryle.

“Bryle, bakit?” Nahintakutan kumalas ni Leia ng yakap sa asawa.

Imbes na sumagot ay napasabunot sa ulo si Bryle. “Sh*t!”

"Bryle, Diyos ko, huwag naman ngayon.” Nahintakutan na si Leia. Kinutuban na kasi siya na sinusumpong na naman ang asawa sa trauma nito. Naalala niya na ilang araw na pala itong hindi nakakainom ng gamot.

"Papa?" Iyak na rin ng anak nilang napapasok sa bahay nila nang marinig ang mga d***g ng ama.

“Lacey, huwag kang lumapit sa papa mo!” Hinaklit ni Leia ang anak, kinarga, at inilayo kay Bryle. Kapag ganoon na sinusumpong si Bryle ay napakapanganib nito. Hindi sila nakikilala. Lahat ng tao ay parang nagiging kalaban nito sa giyera.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status