Share

You, Ever Since.
You, Ever Since.
Author: Cipher

Prologue

Mahigpit kong niyakap ang taong naging kakampi ko simula nang magkaisip ako. Hindi matigil-tigil ang pag-agos ng aking luha dahilan para mas higpitan pa nito ang pagkakayakap sa akin.

"Palagi kitang bibisitahin," pang-aalo nito sa akin.

"Pangako?" Hindi ko na ata mabilang kung ilang beses ko itong pinaulit-ulit mangako na palagi akong bibisitahin. Hindi ko alam kung paano na ako ngayon dito sa bahay-ampunan na wala ito. Simula magkaisip ako, kami na ang palaging magkasama at magkakampi sa lahat ng bagay. Wala kaming sikreto sa isa't-isa. Alam namin kung ano ang pangarap ng bawat isa hanggang sa magbinata at dalaga kami kung saan naging iisa nalang ang pangarap naming dalawa. Iyon ay ang maikasal sa isa't-isa at sabay na aabutin ang mga pangarap sa buhay.

Naramdaman kong tumango ito. "Pangako," sagot nito. "Maghahanap agad ako ng trabaho at magsisikap para makapag-ipon ako," dagdag nito. Mas matanda ito ng dalawang taon sa akin kaya mauuna itong lalabas ng bahay-ampunan dahil 18 years old na ito.

"Paano kung may magustuhan kang iba?" mangiyak-iyak ko pa ring tanong. Naramdaman ko itong tumawa at marahan akong tinulak upang tignan ako sa mata.

Hindi ko na ata mabilang kung ilang beses ko na itong tinanong sa kanya. Kahit na nangako itong mag-iipon upang pakasalan at bumuo ng pamilya paglabas ko, hindi ko pa rin maiwasang mag-isip na baka makahanap ito ng mas maganda at mas mamahalin.

Kahit na payat ito, hindi maipagkakailang gwapo ito lalo pa at matangkad. Hindi ko na ata mabilang kung ilang beses akong nakipag-away sa ibang kasama naming babae sa bahay-ampunan dahil harap-harapang nilalandi ito sa aking harapan.

"Hinding-hindi ako magkakagusto sa iba, Cattaleya," seryosong sabi nito. "Papakasalan kita paglabas mo kaya magsisikap ako para makahanap agad ng trabaho at makapag-ipon. Mahaba na ang 2 years para sa akin," dagdag pa nito. "Sa iyo nga ako dapat mabahala," pahabol nito na nakapag-paikot ng mata ko. May pagkaseloso din kase ito at may isa siyang pinagseselosan na kasama namin dito sa bahay-ampunan.

"Hindi ko gusto si Lance, Caleb at alam niya ito," sabi ko dito.

"Caleb, punta ka na daw sa office ni Ma'am De Paz," tawag sa kanya ni Gelo na isa sa mga kasama namin sa bahay-ampunan, bago pa ito makasagot sa sinabi ko.

Niyakap ako nito sa huling pagkakataon bago tumalikod at magpunta sa opisina ng direktor ng bahay-ampunan. Bago kase lumabas ay kailangan muna nitong pumirma ng mga papeles.

Wala akong nagawa kundi umiyak nang tahimik at ihatid nalang siya ng tingin ko.

Lumingon at kumaway ito sa amin bago ito lumiko sa pasilyo.

Mahigit isang buwan na akong naghihintay na bisitahin ako nito pero hindi man lang ito bumisita. Malapit na akong mawalan ng pag-asa na baka nagbago na ang isip nito at hindi na papanindigan ang pangako naming dalawa sa isa't-isa nang bigla itong bumisita.

"Nangako ka! Nangako kang bibisitahin ako palagi pero bakit ngayon ka lang!?" umiiyak at galit kong tanong. Agad naman akong niyakap nito at inalo.

"Ssshhhh...Sorry, ang dami kong inayos," malambing na sambit nito. Marahan niya akong hinaplos-haplos sa likod hanggang sa kumalma ako.

"Bakit ngayon ka lang, Caleb?" nagtatampong tanong ko. "Araw-araw akong naghihintay pero ngayon ka lang nakabisita."

"Sorry," paumanhin naman nito at hinawakan ang kamay ko.

Magkaharap na kami ngayon na nakaupo. Medyo kumalma na ako.

"Naghanap muna kase ako ng trabaho at matutuluyan," paliwanag nito. "Nakahanap ako ng stay-in na trabaho sa construction at ngayon lang ako nagkapera para pamasahe ko papunta dito. Sa Bulacan pa kase iyon, Cattaleya."

Napatitig ako dito at ngayon ko lang napansin na umitim at pumayat pa lalo ito. Kahit na nakangiti ito ngayon sa harap ko ay hindi ko maiwasang maiyak at maawa para dito.

"B-bakit?" tanong nito at tumayo at ilipat ang upuan sa tabi ko.

"Kumakain ka ba ng tama?" tanong ko dito.

"Siyempre naman!" tumawa ito pero nag-iwas ng tingin. "Ikaw, inaalagaan mo ba ang sarili mo dito?" balik na tanong nito. Tumango ako. "Umiinom ka ba ng maraming tubig?" tanong nito at napatingin sa labi ko habang nakakunot-noo. Alam ko kung bakit niya ito natanong. Medyo dry kase ang mga labi ko at mejo nagbabalat dahil siguro medyo dehydrated ako. Hindi kase ako palainom ng tubig at ito lagi ang nagpupumilit saken na uminom ng at least 7 baso ng tubig.

"Medyo," sagot ko at ako naman ang umiwas ng tingin.

"Cattaleya, hindi mo sinusunod ang bilin ko," galit nitong sabi.

"Oo na, iinom na akong madalas," nakangiti nang sagot ko. Alam ko sa sarili ko na hindi pa din ito nakakalimot sa pangako nito sa akin base sa akto nito. Ito pa din ang dating Caleb na istrikto.

Isang taon ang nakalipas at nasa apat na beses lang ito nakabalik ulit sa pagbisita sa akin sa bahay-ampunan. Naiintindihan ko naman ito dahil alam ko sa sarili kong hindi madali ang buhay nito sa labas. Wala itong pamilyang sasandalan sa labas kaya naiintindihan ko kung gaano na lamang itong nagsusumikap upang magpursigi at matupad ang pinangako nito sa akin.

Ang huling bisita nito ay noong ika-17 taong gulang ko. May regalo itong kwintas na may infinity symbol na pendant. Halos pagalitan ko ito dahil gumastos pa imbes na idagdag nalang ito sa ipon nito pero nangatuwiran ito na ito daw kase ang unang beses akong reregaluhan at hindi naman daw purong ginto kaya hindi naman daw sobrang kamahalan para dito.

"Cattaleya, pinapatawag ka ni Ma'am De Paz sa opisina niya," tawag ni Ma'am Aila bago pa man ako makalabas ng classroom.

Sa bahay-ampunan ay may anim na classroom kung saan pinapag-aral kami. Sa umaga ay para sa mga batang pang-elementarya at sa hapon ay para sa mga high school na kagaya ko. Ito ang isa sa ipinagpapasalamat ko sa bahay-ampunan. Hindi kami pinagkaitan ng edukasyon kaya kahit na wala mang magkagustong umampon sa amin bago kami magwastong-gulang, aalis kaming nakatapos naman ng sekondarya. Sa ngayon ay nase senior high na ako.

"Sige po," mejo nagtataka man ay hindi na ako nagtanong sa teacher ko kung bakit.

Pagdating ko sa opisina ay kumatok muna ako bago pumasok. Napatigil ako nang makita ko ang dalawang may katandaan ng mag-asawang sina Ginang at Ginoong Rillera. Nasa 5 beses ko na din silang nakakausap at masasabi kong mababait ito. Alam kong nagpupunta sila sa bahay-ampunan dahil balak nilang mag-ampon.

"Upo ka hija," turo ni Ma'am De Paz sa isang upuan at agad naman akong sumunod. Hindi ko maipaliwanag kung bakit biglang bumilis ang tibok ng puso ko. May konting ideya ako kung bakit ako pinatawag pero hindi ko gustong mag-assume dahil sa edad kong 17, walang magkakainteres saken para ampunin.

"Hija, ikaw ang gusto nina Mr. and Mrs. Rillera na i-adopt," sabi nito. Hindi ko alam kung paano magrereact dahil simula noong mag 15th birhtday ako, ginive-up ko na ang pangarap kong may magkagusto sa akin para ampunin.

"Totoo, hija," masayang sabi ni Ginang Rillera nang napansing hindi ako makapaniwala. Nakangiti naman si Ginoong Rillera.

"Bakit ho?" di pa din makapaniwalang tanong ko.

"You resemble our late daughter hija and I cannot choose any other aside from you," paliwanag ni Ginang Rillera.

Pinangarap ko ito. Pero paano na si Caleb? May pangako kami sa isa't-isa.

"I know that this is quite shocking to you, hija, but this is really real. I hope you'll choose the right thing," umpisa ni Ma'am De Paz nang makitang mejo napapaisip ako. Bago kase ma-adopt, kailangan ng consent ng adoptee kapag nasa 10 years old pataas ang edad nito.

Nalilito ako ngayon kung anong pipiliin ko- ang tuparin ang pangako namin ni Caleb sa isa't-isa o ang kasiguraduhang magandang buhay kapag pumayag ako sa adoption.

Sa isang iglap, bigla akong hindi naging sigurado sa amin ni Caleb. Bata pa kami at marami pang mangyayari. Kung papalagpasin ko tong oportunidad na ito at piliin ang pangako namin sa isa't-isa, paano kung hindi pala ito matupad? Paano kung biglang may magbago sa plano namin dahil kung tutuusin ay mga bata pa lamang kami?

"I know you're a bit confused, but we promise you that we will help you achieve all your dreams Cattaleya," pangungumbinsi ni Ginoong Rillera.

Pikit-mata ay tumango ako. "Opo, pumapayag po ako," mahinang sabi ko.

Sana lang ay maintindihan ako ni Caleb.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status