Share

Ikatlong Kabanata

Napakalakas ng lagabog na nilikha ng bumagsak na repair tools. Ikinagulantang ito ng nasa pitong tao na nasa loob ng auto repair shop and carwash na iyon sa kanto ng E. Revertes Avenue.

Si Janus Buergo ang may gawa niyon, ang may-ari ng hindi pa kilalang business establishment sa siyudad ng Manila.

Sinadya niyang ibagsak ang mabigat na bakal na pinaglalagyan ng mga tools na ginagamit niya sa pagrerepair ng mga sirang sasakyan sa kanyang autoshop. Hindi niya kasi nagustuhan ang mga naririnig niya sa isang customer.

Sinisigaw sigawan nito ang kanyang tauhan sa isang bagay na imposible namang madaliin lalo pa nga at may mga nauna ng mga customer.

Napangisi siya nang makita ang mayabang na customer na nakatuwad sa basang sahig habang nakataklob ang dalawang kamay nito sa ulo. Marahil ay dahil iyon sa sobrang takot sa pag-aakalang may kung anong sumabog malapit sa kinatatayuan nito.

Napangiti ng nakakaloko si Janus ngunit ikinubli niya ito upang hindi makatawag ng pansin.

“Duwag ka rin naman pala, kanina ang yabang-yabang mo!”, sa isip isip na lang ni Janus.

Ang tinutukoy niya ay ang matapobreng customer na dinuro-duro at pinagsisigawan pa si Lito Abrera, ang pinaka bata niyang tauhan na naatasan sa carwash. Minamadali ito ng customer gayong meron nang nauna sa pila.

Sa pagkataranta ng kaawa-awang binatilyo ay hindi sinasadyang natalsikan at nabasa ng tubig galing sa hose na hawak nito ang nasabing costumer.

Kaya naman nanggalaiti ito na panay ang pagmumura kay Lito at nakita pa nga niya na dinuduro duro ito habang hiyang-hiya naman sa pagkakayuko ang kanyang tauhan.

May ilang naroon na nagtangkang awatin ang nasabing customer ngunit tila ba ay wala itong planong magpapigil na mukha pa ngang gustong manakit.

Sa uri ng negosyong pinasok ni Janus ay hindi na lang din makailang ulit na siyang nakasaksi ng ganito.

Minsan pa nga ay siya mismo ang hinaharap ng mga galit na kustomer na sa hindi niya maintindihang dahilan ay kung bakit silang mga mekaniko ang parang sinisisi ng mga kustomer kapag nasisiraan ng sasakyan.

Aba ay kung puwede lang naman ding tapusin ang pag-aayos ng isang sasakyan sa loob ng isang oras, aba ay bakit naman nila papatagalin pa samantalang gusto nilang kumita ng mas mabilis!

Ang mga tao nga namang walang mapagdiskitahan ng stress ay kung kani-kanino na lang bumabaling at naghahanap ng ikagugulo ng mundo.

Napabuntung-hininga muna si Janus bago nagsalita ng malumanay. Bilang kustomer ay kailangan pa rin niyang pakisamahan ang taong mayabang upang hindi na lalong lumala ang sitwasyon.

“Lito, sige na! Ako na ang bahala rito. Ako na ang makikipag-usap sa kanya. Asikasuhin mo na lang ang ibang kustomer.” aniya sa nakatulalang tauhan.

Tumalima naman agad ang binatilyo at dagling kumuha ng gamit para sa paglilinis ng sasakyan.

Maliit pa lang kasi ang shop at hindi pa kayang mag-install ng automatic carwash.

Mano-mano pa lang ang labanan dito.

“S**t! Nadumihan ang polo shirt ko!”

Dinig ni Janus ang iritableng pagrereklamo ng kustomer.

“Excuse lang, Pare! I’m Janus Buergo. Ako nga pala ang may-ari ng shop na ito. I am really sorry for the inconveniences. Gusto niyo bang sumama sa akin sa opisina ko to settle things out?”

“Hmmp!”

Nakabusangol pa rin ang pagmumukha ng may katandaan nang mama ngunit sigurado si Janus na kasalukuyan na itong naninimbang sa dapat na gawin.

Judging the book by its cover, well, halata niyang nangangailangan ito.

Janus has that ability na bihirang magkamali sa pagkilatis ng pagkatao ng kaharap niya. Iminuwestra niya ang kanyang mga kamay upang ituro ang daan papunta sa kanyang opisina

Nakasimangot na naglakad ang nasabing customer sa direksyong tinuro niya.

Bahagya niya itong pinauuna sa paglalakad habang sinusuri ito ng palihim.

Ang suot nitong white polo shirt ay pinarisan ng slim tapered jeans at white sneakers galing sa isang mumurahing brand. May suot itong pekeng Rolex at cuban chain necklace.

Base sa sasakyang dala nito na isang lumang 2012 Honda CRV ay malinaw na hindi galing sa may kayang pamilya ang mayabang na lalaking kustomer.

Sa asta ng paglalakad nito at pag singhot singhot ay masasabi niyang madaling tapusin ang problema.

The man is full of ego at iyon ang pinakamadaling ma-satisfy na kustomer para kay Janus.

Ipinagbukas niya ng pinto ang customer papasok ng kanyang opisina. Nagpalinga-linga muna ang lalaki. Kita ni Janus ang pagkamangha nito.

Sa kanyang maliit pero modern style office ay maliwanag, mabango, at halatang mamahalin ang mga muwebles. Kabaligtaran ito ng mainit at magulong shop sa labas.

Diretsong umupo sa kanyang leather swivel chair si Janus. Sanay na siya sa nagiging reaksyon ng kanyang mga kustomer na nabibigyan ng privilege na makatapak sa loob ng airconditioned office niya.

Ang opisinang ito ay sinadya niyang pagtuunan ng pansin at paglagakan ng malaking porsyento ng kanyang kinikita sa shop.

Mahalaga kasi para sa kanya na maramdaman ng mga customer na sila ay espesyal. Dito sa loob madalas nakakapag pahinahon ang mga naiinip at magagalitin na parokyano tulad ngayon.

“Upo ka muna, pare. Nagpakuha na ako ng maiinom na malamig na softdrinks.”

Biglang bumukas ang glass door ng opisina at pumasok duon si Lilibeth, ang cashier ng shop. Sa kaliwang kamay nito ay nakapanimbang ang isang tray na naglalaman ng malamig na softdrinks at basong may yelo.

Dating waitress ang dalaga sa isang fastfood chain kung kaya madali lang para rito ang pagse-serve ng refreshments.

Inilapag nito ang tray sa ibabaw ng mesa at maingat na inilapag ang isang baso at softdrinks sa harap ng customer.

Napangiti si Janus sa nakikitang ‘satisfied look’ ng customer. Mukhang nakalimutan na agad nito ang inis kanina.

“Thank you Lilibeth!”

“No problem, sir!”, aniya ng palangiting dalaga, at saka bumaling sa lalaking kanina ay naghuhurumentado sa labas ng opisina. “May iba pa po ba kayong kailangan?”, may paggalang na tanong nito sa customer.

“Ha?! Ah-eh, wala-wala na. Salamat, Miss!”

“Wala pong anuman!”

Mabilis nang umalis si Lilibeth at bumalik sa kanyang puwesto sa harap ng cash register.

Maingay ang ginawang paglagok ng kustomer sa inumin.

“Natuyuan siguro ng laway kakasigaw kanina!”, bulong ni Janus sa sarili.

Hinintay niyang makahinga muna ng maluwag ang kanyang kaharap bago siya nagsalita sa mahinahon at puno ng pagpapakumbaba niyang tono ng boses. (Isa itong abilidad na natural na sa kanya-kaplastikan!)

“Pasensiya ka na ulit sa nangyari kanina, pri. Bago lang ang tauhan kong iyon at napakabata pa kaya kulang pa sa focus at mabilis mataranta.”

“Bakit ka naman kumukuha ng ganoong tao. Nakakaistorbo na ay wala pang alam. Sesantehin mo na kaagad.”

Mayabang na sabi ng kausap. Napakuyom ng kamao niya si Janus, ngunit tulad ng nakagawian na ay nagpakahinahon pa rin siya. Dinaan niya sa pagtawa ang inis na nararamdaman sa kaharap.

“Hay kung pwede nga lang. Kaso ay naaawa naman ako sa magulang. Alam mo bang baldado na ang ama ng bata at ang labanderang nanay ay sakitin kaya ayan, self-supporting ang bata habang pinagsasabay ang pagaaral at pagta-trabaho dito. Masipag naman siya kahit ganyan. Siguro ay papraktisin ko na lang ng mabuti para hindi na maulit ang nangyari kanina.”

“Aba, pare! Payo ko lang ha, huwag kang masyadong maawain at baka ka abusuhin. Ganyan ang mga tao ngayon. Hindi na mapapagkatiwalaan. May pwesto ako ng apparel sa Baclaran. Ilang beses na akong nagpapalit ng tindera dahil kung hindi tanga sa pagsusukli ay may pagkatamad naman. At saka yang mga ganyan, may pasanin sa buhay, naku, yan ang ayaw na ayaw ko. Hindi pa natatapos ang buwan ay gusto na mag advance ng sahod dahil sa kung anu-anong personal na problema.”

Mabilis at walang prenong pagsasalita ng kausap. Tila ba ay pinangangaralan pa si Janus sa pagpapatakbo niya ng sariling negosyo.

Kumunot na ang noo ng binata na hindi naman napansin ng iiling-iling pang kustomer. Patuloy ito sa walang kapararakang pagrereklamo sa mga tauhan nito.

“Alam mo ba, may naging tindera ako na ganyan din, nagaaral daw kuno kaya nakiusap na mag sideline sa pagtitindera. Palaging late sa pagpasok sa tindahan. Pagkatapos lang makuha ang ikalawang buwang sweldo ay bigla na lang hindi na pumasok. Ni walang paalam na nilayasan ako. Iyon pala ay lumipat ng ibang puwesto. Walang utang na loob!”

Mataman lang na nakikinig si Janus. Hinyaan niyang magtatatalak ang taong napakataas ng tingin sa sarili. Sa isip niya ay napagtanto niyang tama lang na iwanan ito ng mga tauhan. Sa ipinapakita kasi nitong ugali ay pihadong mas malala pa ang dinaranas ng mga empleyado nito kesa sa inirereklamo ng matandang negosyante kuno na masamang ugali ng mga empleyado.

Si Janus Buergo, dalawamput-apat na taong gulang, binata, at nakapagtapos ng BS in Mechanical Engineering sa Mapua University in Manila dahil sa sariling pagsusumikap ay may malambot na puso sa mga working students.

Alam niya ang hirap ng pagsabayin sabayin ang pagaaral, pagta-trabaho, at pati na rin ang pagaalaga sa sakiting ama. Dating OFW ang kanyang daddy sa Saudi Arabia. Malaki ang kinikita nito noon sa abroad bilang mechanical engineer din kaya noon ay maayos ang pamumuhay nila ng kanyang mommy.

Senior high school siya ng maagang maulila sa ina at nasa third year na ng kurso sa kolehiyo ng umuwing maysakit sa baga ang daddy niya. Gamit ang naipong pera at severance pay mula sa dalawang dekadang pagtatrabaho nito abroad ay nakapagpundar sila ng apartment building sa Manila.

Mabilis ang naging paglala ng kundisyon ng kanyang ama dahil na rin sa polusyon sa siyudad kaya maaga rin itong namatay at naiwan siyang nag-iisa.

Dahil sa panghihinayang sa pagaaral ay ipinagpatuloy niya ito. Wala pa siyang alam noon kung paano patakbuhin ang naiwang paupahan ng ama kung kaya naman ay kinukulang pa ang buwanang upa na nakukuha niya mula rito para sa lahat ng gastusin.

Nag-sideline siya sa isang sikat at matatag nang auto-repair shop habang nagaaral. Bukod sa salengkuwang na eskedyul at mababang sweldo ay nahirapan siyang noong makisabay sa mga activities at projects lalo na at hindi rin basta basta ng gastos sa mga ito.

He graduated at the age of twenty-two, sa awa ng Diyos at pagtatyaga na rin. He tried to stay sa dating kompanyang pinagta-trabahuan but just a year later, naisipan niyang magtayo na lamang ng sariling shop.

Ibinenta niya ang dati nilang bahay sa Mandaluyong ganun din ang kalahati ng property niya para sa puhunan. Now, he has five apartment units left. Isa roon ang inookupa niya. Ang harapang bahagi ay pinagtayuan niya ng business na autoshop.

Mayroon siyang tatlong repairmen, dalawa sa mga ito ay dati niyang kaklase sa highschool. Ang nag-iisang babae ay isang cashier at isang carwash boy. Pare-parehong working student ang mga ito maliban kay Renier Galvez na tumatayong second hand man niya sa shop. Kasalukuyan nga ay wala pa ang dalawang repairmen niya kaya kulang sila sa tao.

Iyon kasi ang naging panuntunan niya sa pag-hire ng empleyado, dapat student na willing pagsabayin ang pagta-trabaho sa pagaaral. Ayaw niyang maranasan ng iba ang hirap na dinanas niya sa paghahanap ng trabaho noon dahil sa hindi siya graduate at wala pang work experience.

Pinakiusapan niya lang noon ang professor niya na irekomenda siya sa dating pinagta trabahuan. Nakatulong ng malaki sa kanya ang pagta trabaho roon at nagkaroon pa ng matalik na kaibigan.

Subalit dahil sa ambisyon niyang magtayo ng sariling shop ay nagkalamat ang relasyon niya sa dating boss at pinatalsik pa sa trabaho pati ang kaibigan niyang ngayon ay head ng security sa isang exclusive subdivision sa Makati.

Napatigil sa pagbabalik tanaw sa nakaraan si Janus ng biglang tumayo ang kausap.

“O, edi papaano? Babalikan ko na lang sa linggo ng hapon ang kotse ko. Aasahan kong tapos na at maayos ang pagkakagawa ha!”

“Oo naman, pare, akong bahala! Huwag kang mag-alala at ako mismo ang titingin sa iyong sasakyan.”

Tumayo na rin si Janus at nakipagkamay sa kausap. Natapos ng maayos ang kanilang paguusap at mahinahon na ng lumabas at umalis si Mr. Ronquillo, ang kanina ay galit na kustomer ng shop.

Biglang tumunog ang cellphone niya. Dinukot niya ito mula sa bulsa ng suot niyang Baldwin Men working pants.

“Daan ka dito, tol sa baraks! Tagay tayo. Day-off ko naman bukas. Nagluto si misis ng adobong pato kanina at ipinadala rito. Alam kong paborito mo ito kaya naalala kita. Ikaw na bahala sa iinumin at dala ka na rin ng yelo.”

Iyon ang nakasulat sa text message na ipinadala ni Francis Selverio, ang bestfriend niya for almost four years. Napangiti naman si Janus.

Mula ng magkaroon siya ng sariling business ay naging busy na ang schedule niya. Tulog lang ang pahinga niya at hindi lumalayo mula sa shop.

Ang miminsang pagkakataon na nakakapag-unwind siya ay kapag niyayaya siya ng kaibigan na uminom. Bibihira kasi mangyari iyon dahil stay-in ito sa Sta. Monica Subdivision bilang head of security.

Nag mental note si Janus na dadaan sa Puregold para bumili ng brand ng beer in can na paborito nilang magkaibigan pagkasara ng shop mamayang alas-siyete ng gabi.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Gemma Gapul
Dagdagan mo pa.Update lang ng update,okay!
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status