Share

KABANATA 5: PIKON

Sabado ngayon. Wala kaming pasok kaya maghapon ang trabaho ko rito sa mansyon. Tulad ng laging ginagawa, nagwalis ako sa labas at loob ng mansyon. Iyon lang ang trabaho ko dahil ayaw nila akong paghawakin ng mga mamahalin at antigong gamit ng pamilyang Monteverde. Baka raw kasi masira o mabasag ko lang iyon.

Sinunod ko ang paglilinis ng swimming pool. Taga-alis lang ako ng mga napupunta roong dahon gamit ang mahabang net. Nasa dulo ako ng pool, pinipilit na abutin ang dahong nasa pinakagitna nang biglang may magsalita sa likuran ko.

"You're cleaning here instead of my room?"

Dahil sa gulat ay napatalon ako sa swimming pool at nabitawan ang mabigat na net.

"Senyorito?!" gulat na tawag ko sa kanya nang makaahon at mailuwa ang tubig na nainom. "Bakit ka nanggugulat?! Badtrip ka naman!" reklamo ko rito dahil una sa lahat, siya ang mga kasalanan kung bakit kay aga-aga ay naligo na ako agad. Pangalawa, may dalaw ako ngayon at paniguradong basa na ang suot kong napkin. At pangatlo, 'di ko alam na tototohanin niya ang sinabi kagabi para linisin ko ang kwarto niya.

Pinalandas ko ang kamay sa mukha para alisin ang tubig roon. Mas lalong nagsalubong ang kilay ko at napanguso nang lumuhod siya sa gilid ng swimming pool at naglahad ng kamay sa akin. "Hali ka na. 'Di ko alam na magugulatin ka pala."

Napangiwi ako. "'Wag na! Kaya ko namang umakyat ulit, senyorito," nagtatampong sagot ko at lumangoy hanggang makarating sa dulo kung saan may hagdanan at hawakan. Kinuha ko ang laylayan ng damit at piniga iyon para alisin ang tubig. Habang ginagawa iyon, napatingin pa ako kay senyorito nang makita siyang lumapit sa akin mula sa peripheral vision ko.

"Stay here, I'll get you a towel," aniya pero nang makita si papa na dumaan ay siya ang tinawag nito at inutusan. Umiling ako at niyakap ang sarili nang umihip ang hangin. Ang sipag talaga ng senyorito!

Napatuwid ako ng tayo nang muli siyang tumingin sa akin. "Linisan mo ang kwarto ko, lalangoy lang ako," utos nito sa akin.

Maya-maya ay lumabas si Gemma at lumapit kay senyorito. Nakatayo lang ako roon habang nag-uusap sila. Mukhang inutusan siya ni senyorito dahil itinuro niya ang net na kanina lang ay hawak ko.

"Saglit lang po ito, Sir Brandon!" nakangiting sabi ni Gemma. Umupo naman si senyorito at nagsuot ng itim na salamin para proteksyon siya patirik nang araw.

Lumapit ako sa kanya nang pumalit si Gemma sa pwesto ko para linisin ang swimming pool. Tumikhim ako at muling niyakap ang sarili. Baka sakaling ibigay niya muna sa akin ang jacket niya. Hoodie kasi ang suot niya ngayon. Tingin ko may suot pa siya sa loob no'n.

"Ano namang kailangan mo?" masungit na tanong niya habang nakatingin kay Gemma.

"Nilalamig ako, senyorito!" sagot ko habang nakanguso. "Baka gusto mong ibigay sa akin 'yang jacket mo."

Napangisi naman ito at nagpigil ng tawa. Nagsalubong ang kilay ko at padabog na naglakad palayo dahil sa inis.

Kumalma ka, Rika! Epekto lang 'to ng regla! Baka makagawa ka ng mali at pagsisihan mo bukas o sa makalawa!

Paalis na ako nang makasalubong si paoa na may dalang puting tuwalya. Natigil ito nang makita ako. "Sir, ito na ho 'yong—oh, anak! Nako, bakit naman basang-basa ka! Hindi ba't may dalaw ka pa ngayon?" tanong niya sa akin at kaagad na ginulo ang pagkakatupi ng bagong tuwalya para ipalibot sa akin. Sapat na iyon para mabawasan ang lamig na nararamdaman ko.

"Dalaw? You mean menstruation?"

Inakbayan ako ni papa bago hinarap si Senyorito Brandon na siyang natanong. Uminit tuloy ang pisngi ko. Ang wirdong tinatanong niya iyon!

"Oo, sir. Pasensya na. Nakakakahiyang sinabi ko iyon sa harapan ninyo."

"Kaya niya bang magtrabaho ngayon, Canor?" tanong niya muli kay papa.

Kinagat ko ang sariling ngipin dahil hindi makapaniwalang tinanong niya pa 'yon gayong nakita naman na niya ako kanina na nagta-trabaho.

Tumango naman at ngumiti ang tatay ko. "Oo naman, sir! 'Di iyon magiging hadlang para gampanan niya ang trabaho rito sa mansyon."

"I see, but, it's okay if she will rest even just for today," paliwanag nito at bumaling sa akin. "Magpahinga ka na muna, Rika. Bu—"

"Hindi na, senyorito!" Humalakhak ako at umiling. Tingin ba niya mahina ako? Nako, nagkakamali ka, senyorito! "Hindi naman po ako maselan. Magpapahinga na lang ako kapag sumakit 'yong puson ko!"

"Okay," tipid na sagot niya, tumalikod at bumalik sa upuan. May isang salita naman pala ang senyorito!

"Halika ka na, 'nak! Magpalit ka na ro'n. Baka magkasakit ka pa," anyaya sa akin ni papa para bumalik sa loob ng mansyon.

Naligo na ako at nagpalit ng damit at napkin. Pinakiramdaman ko ang sarili habang sinusuklay ang basang buhok. Hindi naman na masakit ang puson ko. Kaninang umaga lang. Effective pa rin talaga ang hot compress ni mama.

Isinuot ko ang uniporme naming mga kasambahay at dumiretso sa kwarto ni senyorito habang dala ang mga gamit sa paglilinis.

Hindi naman gano'n kagulo ang mga gamit ni senyorito. Masinop pala siya sa mga gamit at organisado. Kaya naman pag-vaccum, mop ng sahig, at pagpupunas lang ang ginawa ko. "For finishing touch!" sambit ko sa kawalan at umikot para spray-an ang mga sulok na matatapos. Sunod ay pumasok ako sa tulugan niya.

Parang kasama ko si senyorito dahil kaamoy niya ang bawat sulok ng silid. Lalakeng-lalake ang amoy, hindi matapang at nakakaantok pa. Isa-isa kong nilagyan ko ng spray ang tulugan niya para maalis ang mga germs na naroon bago iyon inayos tulad ng dati. Wala pang isang linggo kaya 'di pa papalitan pero kahit na gano'n, dapat malinis pa rin.

"Nakakapagod!" bulalas ko at napapikit nang humikab. Nakabukas ng malawak ang bibig ko nang biglang bumukas ang pinto. Nanlaki ang mga mata ko nang makita si senyorito at mabilis na isinarado ang bibig.

"You seems tired," komento niya at pumasok tsaka inilibot ang paningin sa kwarto. "This will do. You can take a break now."

"Hindi pa, senyori—" Muli akong humikab at napatakip ng bibig.

Nanliit naman ang mga mata niya. "See?" masungit na aniya dahilan para mapanguso ako. "Magpahinga ka na," mas marahang sambit niya.

Okay. Mabait siya ngayon kasi may dahilan ako. "Sige, sabi mo, e. Salamat, senyorito!" Nang masabi iyon ay mabilis na akong tumakbo palabas ng kwarto niya.

"Rika!" tawag nito sa akin. Napatigil ako at dahan-dahan siyang nilingon. Nakasunod pala siya sa akin. "Ano 'yon?" tanong ko.

Tumikhim siya bago sumagot. Kumunot naman ang noo ko dahil na-intriga sa sasabihin niya. "May pupuntahan tayo bukas."

Bukas? Linggo bukas at magsisimba kami ng mga magulang ko sa umaga. Sa hapon naman, gagala ako kung saan. Day off kasi naming mga kasambahay tuwing Linggo kaya malaya kong magagawa ang gusto ko. Pero ano itong sinasabi ni senyorito? Bad trip talaga kahit kailan!

"Saan naman?" kuryosong tanong ko sa kanya.

"Basta!" maikling tugon niya dahilan para mapanguso ako. Ang arte, ayaw pa sabihin!

"Saan kasi! Isa, senyorito!" pambabanta ko nang umiling lang siya. "Okay! 'Di ako sasama!" pagtapos ko ng usapan at tumalikod. Wala naman talaga akong balak sumama. Dahil nasa kontrata na day off namin tuwing Linggo. Sadyang kuryoso lang ako.

"Sabi mo aalagaan mo 'ko?" may bahid ng pagtatampong aniya.

Kumunot ang noo ko sa tanong niya at umiling. "Binabawi ko na! Kay Gemma na lang magpaalaga," sagot ko at naglakad na palayo.

"Pero ikaw 'yong gusto ko!" dagdag niya dahilan para mapahinto ako. Parang nabasa ko na iyon bilang cringy post sa F*. "Pero sige, bahala ka! Mag-impake ka na. Wala ka nang trabah—"

At nam-blackmail pa talaga siya?! Grabe! Mukhang alam na ni senyorito kung ano ang kahinaan ko. Ayaw kong mapaalis dito!

Mabilis ko siyang hinarap at umiling. "Hindi! Joke lang, senyorito! Bukas, ipapakita ko sa 'yo kung gaano ako kagaling mag-alaga!" mayabang na sagot ko kahit gustong-gusto ko siyang suntukin sa inis.

"Okay," maikling sagot niya.

"Sige!" Tumango-tango ako at hinintay kung may sasabihin pa siya dahil nakatingin pa rin siya sa akin pero lumipas na ang isang minuto ay 'di pa siya nagsalita.

"Akala ko naman may sasabihin ka pa!" reklamo ko at kumaway na sa kanya. "Bye na, senyorito!"

"Bye."

Humalakhak ako dahil nagpaalam din siya. Mukhang nahiya pa siya dahil nakita ko kung paano siya nag-iwas ng tingin at medyo napanguso pa.

"Ang pabebe mo, senyorito!" natatawang biro ko.

Mabilis naman siyang napatingin sa akin. "What?!" 'di makapaniwalang tanong niya at mabilis na tunakbo para sundan ako. Napatili ako ako at binilisan ang takbo hanggang sa makalabas ng kwarto niya.

Naabutan ko naman si Gemma sa tapat ng kwarto ni senyorito kaya 'di ako natuloy sa pagtakbo. "Nasa loob siya," sabi ko at saktong bumukas ang pinto, inuluwa no'n ang mukhang pikon na si Senyorito Brandon.

"Senyorito, hinahanap ka ni Gemma," paliwanag ko at inilabas ang dila para mas asarin siya nang makapunta ako sa likod ni Gemma para hindi niya makita. Bumalik ang malawak na ngiti ko nang makita kung paano magsalubong ang kilay niya.

Ang cute palang maasar ni senyorito!

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Nan
Maganda Ang kwentong ito nakakaaliw!
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status