Share

Chapter 5

Zanella’s Point of view

“Lola…” halos mamaos na ako dahil sa labis na pag-iyak, habang nakaluhod sa harap ng puntod nang aking lola. Nang mamatay siya kahapon ay kaagad namin itong inilibing sa likod ng bahay. Wala namang ibang pamilya si Lola maliban sa akin, at malaki ang pasasalamat ko sa matandang si Don dahil tinulungan niya akong mailibing ng maayos ang aking abuela. Kung ako lang mag-isa, marahil ay hindi ko kakayanin, O baka, mas gugustuhin ko pang sumama na lang din sa libingan nito.

Ano pa ba ang gagawin ko sa buhay? Ang mamuhay na mag-isa sa bundok at hintayin kung kailan ako mamamatay? Mula sa himpapawid ay naririnig ko ang malakas na huni ni Sky, batid ko na maging siya ay nagluluksa rin na tulad ko. “Lola, ang daya mo naman, alam mo naman na ikaw lang ang pamilya namin ni Sky. Pero bakit mo kami iniwan?” Humihikbi kong sabi habang inaayos ang lupa sa ibabaw ng kanyang puntod. Patuloy lang ako sa pagtatanim ng mga rosas habang kinakausap ko ang aking abuela. Gusto ko na maganda ang kanyang libingan at sa pagsapit ng tagsibol ay siguradong mapupuno ng mga pulang rosas ang buong puntod ng aking abuela.

“Iha, masakit na sa balat ang sikat ng araw, maari nating ipagpatuloy ‘yan mamayang hapon.” Narinig kong sabi ni tandang Don, malungkot na umiling ako sa kanya habang patuloy naman sa pagpatak ang aking mga luha. Sinipat ko ang sinag ng araw bago tumingin sa aking anino.

“Mag-a-alas-onse pa lang, maaari na kayong maunang umuwi at susunod na lang ako.” Ani ko sa matamlay na tinig, nakita ko ang labis na pagkamangha sa mukha ni Tandang Don ngunit hindi ko na siya pinansin pa at ipinagpatuloy ko na lang ang pagtatanim sa mga halamang rosas.

“Iha, paano mo nalaman ang oras gayung wala ka namang relo?” Nagtataka niyang tanong sa akin, kaya saglit na nilingon ko s’ya at kita ko na nakatingin siya sa suot nitong relo.

“Bumabase lang ako sa sikat ng araw at sa direksyon ng aking anino.” Matamlay kong sagot dahil wala akong ganang makipag-usap ngayon.

“Ah, ganun pala ‘yun, matalino kang bata. By the way, ngayong patay na ang lola mo, Zanell, kailangan mong sumama sa akin dahil hindi ligtas para sayo ang mapag-isa dito sa gitna ng kagubatan. Ako na ang bago mong pamilya, Iha, at huwag kang mag-alala dahil ituturing kita ng higit pa sa isang anak.” Nang marinig ko ito ay biglang natigil ang mga kamay ko sa paghuhukay ng lupa. Nagsimula na namang lumabo ang aking mga mata kaya ng lumingon ako sa matandang Don ay halos hindi ko na siya maaninag.

“T-Talaga?” Naninigurado kong tanong sa garalgal na tinig. Nakita ko ang katapatan mula sa mga ngiti nito at nang ibuka niya ang kanyang mga braso sa ere ay tumayo ako at lumapit dito. Umiiyak na yumakap ako sa kanya. “Oo, naman, anak.” Malambing niyang sagot.

“S-Salamat, sa totoo lang ay hindi ko na alam kung paano na kami ni Sky. Napakabait ni Bathala dahil kahit wala na ang lola ko ay nagpadala siya ng tulong sa katauhan mo. Salamat, tandang Don.” Ani ko sa pagitan ng aking pag-iyak. Natigil ako ng bigla siyang tumawa.

“Ano ba talaga ang itatawag mo sa akin, Iha?” Nakangiti niyang tanong na mukhang nagigiliw sa akin. Nahihiya na napahawak ako sa aking ulo dahil maging ako ay naguguluhan din. Paano nga ba napunta sa tandang Don ang tawag ko sa kanya? “Pasensya na, Lolo na lang siguro.” sagot ko sabay ngiti.

“Oh, hala sige Lolo, bilisan na natin at kailangan na nating umalis ng maaga para hindi tayo abutan ng dilim sa daan.” Nababahala niyang wika. Kahit papaano ay gumaan ang aking pakiramdam, dahil hindi pa rin ako nag-iisa, sapagkat may bago na akong pamilya. Nalulungkot man ako sa pagpanaw ng aking abuela ay masaya na rin ako para sa kanya dahil batid ko na hindi na siya nagdurusa sa kanyang sakit. Marahil ay masaya na ito sa piling ni Bathala.

Mabilis kong tinapos ang pagtatanim sa puntod ni Lola, nang matapos ay inaya ko na si Lolo na umuwi na sa bahay upang maayos ko na ang mga dadalhin naming gamit.

“Iha, huwag mo ng dalhin ang mga damit na ‘yan dahil maraming damit sa bahay, at maaari din tayong bumili ng mga kakailanganin mo.” Narinig kong bilin ni Lolo kaya pinili ko na lang ang dalawang pares ng damit at inilagay ito sa loob ng isang bag na yari sa dahon ng bulǐ. Napansin ko na natigilan si Lolo at lumapit siya sa higaan ng aking Lola. Inangat ni Lolo ang higaan at mula sa ilalim nito ay nakita ko na kinuha niya ang isang kahon na nilala pa ni lola gamit ang dahon ng niyog.

“Huh? Ano ‘yan?” Nagtataka kong tanong bago lumapit kay Lolo at nakiusyuso na rin. Mula sa maliit na kahon ay inilabas niya ang isang kumikinang na gintong kwintas na may nakasabit na singsing. Biglang nagliwanag ang mukha ko ng maalala ko, na ito ‘yung nawawala kong kwintas. Halos araw-araw akong pinapagalitan ni Lola dahil madalas kong maiwala ang kwintas na ito. Patunay ang sinulid na nagdurugtong sa kwintas upang muli itong mabuo. Hindi ko alam na itinago pala ito ni lola.

Kinuha ko ang kwintas sa kamay ni Lolo at isinuot ito sa aking leeg.

“”S-Sa iyo ba ang kwintas na ‘yan? Zanella?” Hindi makapaniwala na tanong ni lolo, ang mukha niya ay parang akala mo ay nakakita ng multo.

“Hm, sa akin ito, ang sabi ni lola ay suot ko na raw ang kwintas na ito bago pa ako ibinigay sa kanya ng isang babaeng hindi niya nakikilala. Hindi ko na kasi matandaan ang lahat dahil masyado pa akong bata nun.” Nakangiti kong sagot habang pinagmamasdan ang singsing. Nakakatuwa kasi, dati-rati ay hindi ito kasya sa kamay ko pero ngayon ay sakto na s’ya kaya pwede ko na itong suotin.

“Tingnan mo nga naman ang tadhana, hindi ko inaasahan na ang batang ito ay nasa harapan ko na mismo. Mas lalo kitang dapat na ingatan at masigurado ang iyong kaligtasan.” Makahulugan niyang sabi na hindi ko naman naunawaan.

Nang masiguro na maayos na ang lahat ay nagsimula na kaming maglakbay pababa ng bundok. Medyo nahihirapan pa si Lolo dahil sa paika-ika niyang lakad. Dala na rin ng katandaan ay mabilis na itong mapagod at halos hingal kabayo na rin ito. Habang si Sky ay nanatiling naka-hapon sa aking balikat.

Pinaghalong saya at lungkot ang aking nararamdaman ng mga oras na ito, masaya ako dahil ito ang unang pagkakataon na makakarating ako sa lungsod. Malungkot, dahil iiwanan ko na ang lugar na naging bahagi ng buhay ko.

Hindi ko alam kung anong buhay ang haharapin ko pagdating sa lungsod. Pero hindi naman ako natatakot dahil batid ko na hindi ako pababayaan ni Lolo. Isa pa, kasama ko naman si Sky at alam ko na kailanman ay hindi ako nito iiwan.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status