Share

Chapter 4- Yes finally!

“Bakit mo naman tinanggihan si Ate Danica, Ate?” hindi makapaniwalang tanong ni Cherry sa nakatatandang kapatid.

“Okay naman na. Maghahanap na lang daw silang mag-asawa ng ibang surrogate,” tugon ni Cleo.

“Hindi naman sa pinipilit kita, Ate, pero sayang din naman iyong perang ibabayad sa iyo ni Ate Danica. Naaawa na kasi ako sa iyo. Halos makuba ka na sa pagtatrabaho para maigapang ang pag-aaral ko. Nandiyan na ang oportunidad, kusa nang lumalapit sa iyo, oh!”

“Hindi naman ako nagrereklamo, eh,” tugon ni Cleo. “Masaya ako sa ginagawa ko para sa iyo. Kaunting panahon na lang naman. Kaunting sakripisyo na lang. Huwag mo akong kaawaan. Dapat gawin mo akong inspirasyon para matapos ka nang hindi ka magaya sa akin. Para din naman sa iyo ang pagsusumikap ko.”

“Alam ko,” mahinahong wika ni Cherry. “Ginagawa ko rin naman ang part ko. Ayaw kong ma-disappoint ka sa akin. Magtatapos ako at tutuparin ko ang pangarap mo para sa akin. Ang sa akin lang, paano ka, Ate?”

Bumuntong-hininga si Cleo. “Okay lang ako,” maikli niyang tugon.

“Sinasabi mong okay ka, pero iba ang nakikita ko. Malungkot ka. Ayaw kong nakikita kang ganiyan, Ate. At sigurado akong hindi gusto ni Keith na makita kang ganiyan kung nabuhay lang siya.” Keith ang pangalan ng yumaong anak ni Cleo. “Kaya kung ako sa iyo, Ate, tanggapin mo na lang ang alok ni Ate Danica. Tapos kunin mo iyong pera. Pagkatapos, ipatayo mo iyong business na gusto mo. Sarili mo naman ang pagtuonan mo ng pansin. Hindi mo na ako kailangang alalahanin kapag nakatapos ako, Ate…”

Buong maghapong tumakbo sa isipan ni Cleo ang mga sinabing iyon ng kapatid. Nang araw na iyon ay nagpasiya siyang dalawin ang puntod ng anak na isang beses niya lamang dinalaw mula nang mawala ito.

“KUMUSTA, Keith, anak ko?” nangingilid ang mga luhang wika niya habang hinahaplos ang nakatitik na letra ng pangalan ng kaniyang anak sa lapida nito. “Pasensya ka na at ngayon lang ulit dumalaw ang nanay. Miss na miss na kita.” Doon na tuluyang umagos ang nga luha niya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi na nasundan pa noon ang pagdalaw niya sa anak. Iniwasan niyang muling manariwa ang sakit ng pagkawala nito.

Sinubukan niyang magpatuloy sa buhay para kay Cherry. Ginawa niyang abala ang sarili sa paghahanapbuhay upang hindi na masyadong isipin si Keith. Ngunit ang pagbabalik ni Danica sa buhay niya ay parang asin na ibinuhos sa sugat niyang hindi pa naghihilom.

Hindi pa siya handang magkaanak noon, pero dahil bunga iyon ng pagmamahalan nila ng kaniyang kasintahan ay malugod niyang tinanggap ang buhay na unti-unting nabuo sa kaniyang sinapupunan. Akala niya ay nagsisimula na siya ng pinakamasayang kabanata ng kaniyang buhay, bagkus simula pala ng pinakamadilim na kabanata na hiniling niyang sana’y isang bangungot lamang. Bigla na lamang siyang iniwan ng kasintahan na hindi man lang nito nalalaman na siya ay nagdadalang-tao. Halos gumuho man ang kaniyang mundo sa pag-iwan sa kaniya ng una at tanging lalaking kaniyang minahal ay pinilit niyang magpakatatag para sa magiging anak niya.

Isinilang niya si Keith. Muli siyang umasa sa isang magandang kabanata ng buhay, ngunit padilim lang nang padilim ang bawat pahina ng kaniyang buhay. Nagkasakit si Keith ng pulmonya at dahil sa hirap ng buhay nila noon ay hindi niya ito kaagad naipagamot. Pumanaw ang bata at naiwan siyang durog na durog.

Habang patuloy ang pagbuhos ng kaniyang luha ay napansin ni Cleo ang isang puting paru-paro na dumapo sa puntod ni Keith. Napaawang ang kaniyang mga labi nang lumipad ito patungo sa kaniya at dumapo sa kaniyang balikat. Hindi niya maintindihan ngunit pakiramdam niya ay biglang gumaan ang kaniyang pakiramdam. Bigla niyang naalala ang sinabi sa kaniya ni Cherry na hindi gusto ni Keith na makita siyang malungkot.

Inilapit niya ang kaniyang hintuturo sa paru-paro at dumapo ito roon. Napangiti siya. Pinahid niya ang kaniyang mga luha.

“Tatlong taon…” usal niya. Muli siyang tumingin sa lapida ng anak. “Sapat na siguro ang tatlong taon para sa pagluluksa ko.” Muli siyang ngumiti. “Nagpapasalamat ako sa Diyos na ipinahiram ka niya sa akin kahit saglit lang. Walang makapapantay sa kaligayahan na naramdaman ko noong unang beses kitang nasilayan at nahawakan, anak. Hanggang ngayon, ikaw pa rin ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko sa kabila ng lahat ng sakit na pinagdaanan ko. Handa akong pagdaanan ulit ang mga iyon kung may pagkakataon lang na makita at mahagkan kita ulit.”

Muling bumagsak ang kaniyang mga luha. “Mahal na mahal kita, Keith, anak. Nandito ka palagi sa puso ng nanay. Salamat. Salamat…” Pagkawika ay lumipad ang paru-paro at naglaho na ito sa hangin. Ngumiti siya at napagtantong bigay iyong senyales ng kaniyang anak upang tuluyan na siyang umusad mula sa pagkawala nito.

Kinuha niya ang kaniyang cellphone upang tawagan si Danica. “Payag na ako,” wika niya habang nakangiti.

Nanlaki ang mga mata ni Danica sa narinig. Naramdaman na niya ang ibig sabihin no’n, ngunit gusto niyang makasiguro. “Payag ka nang ano?” aniya.

“Payag na akong dalhin ang magiging anak mo,” tugon ni Cleo.

Sa sobrang tuwa ay hindi kaagad nakapagsalita si Danica. Pakiramdam niya ay mauubusan siya ng hangin. “What made you change your mind?” tanong niya.

“Hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga, handa na akong ibigay sa best friend ko ang pinakamagandang regalo na pwede kong maibigay sa kaniya. At iyon ay ang anak na inaasam niya.” Bumagsak ang mga luha ni Cleo. Ngayon pa lang ay masayang-masaya na siya para sa kaibigan.

“Oh my God, Cleo! Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya. Baka kapag tumalon ako, lumampas ako ng langit.” She giggled. “I’ll call my husband. Sigurado akong kapag nalaman niyang pumayag ka na, kaagad siyang magbo-book ng flight papunta rito. Excited na rin akong makilala mo ang asawa ko. Sigurado akong magugustuhan mo siya.”

“Oo naman. Nakikita ko naman kung gaano ka kasaya. Ibig sabihin no’n, matinong lalaki ang nakatuluyan mo. Kaya sigurado akong magugustuhan ko siya. Excited na rin akong makilala siya,” tugon ni Cleo.

“Give me a moment,” ani Danica. “I can’t contain my happiness. I’ll call you back, okay? Thank you so much, Cleo! What would I do without you?”

“That’s what friends are for, ‘di ba?” nakangiting tugon ni Cleo.

Doon na muna natapos ang kanilang pag-uusap. Humugot ng hangin sa kaniyang baga si Cleo at ibinuga iyon habang nakapikit. Mas lalong gumaan ang pakiramdam niya. That only means that she is doing the right thing. Tutuparin niya ang pangarap ng matalik niyang kaibigan…

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status