Share

THE WILDEST DECEPTION
THE WILDEST DECEPTION
Penulis: Samantha Emanuelle

Chapter 1- Reunited

Ilang minuto na ang lumilipas at hindi pa dumarating ang hinihintay ni Cleo sa coffee shop kung saan nila napagkasunduang magkita. She feels anxious. And at the same time, excited. Sampung taon niya ring hindi nakita ang kaniyang kababata at best friend na si Danica. Sabay silang nakapagtapos ng highschool noon. Hindi na siya nakapagkolehiyo, samantalang si Danica ay sa ibang bansa nagtapos ng pag-aaral. Ang mga magulang ni Danica ang nagpaaral sa kaniya mula elementarya hanggang matapos siya sa high school, ngunit dahil sa ginawa ng kaniyang ama ay nadamay siya at nawalan ng scholarship sa kolehiyo.

Labindalawang taon nang nagtatrabaho bilang family driver ng mga Lim ang kaniyang ama. Nagnakaw ito ng malaking halaga mula sa mga magulang ni Danica at tumakas ito. Hindi siya makapaniwalang ipinagpalit ng kaniyang ama ang dangal nito sa salapi. Nadungisan ng kasalanan nito pati ang kaniyang pagkatao. Dahil sa ginawa nito, nasira ang kaniyang kinabukasan.

Balita niya ay isa nang successful fashion designer si Danica habang siya ay isang hamak na waitress lamang sa isang resto bar. Hindi niya nga alam kung paano haharapin si Danica. Pero alam niya namang hindi nito mamaliitin ang trabaho niya, at lalong lalo nang hindi siya nito huhusgahan.

Tumayo siya at humarap sa salamin na nakadikit sa dingding ng coffee shop. Tiningnan niya ang sarili. Suot niya pa ang uniporme niya bilang waitress. Huminga siya nang malalim at nginitian ang sariling repleksiyon.

Nagpasya siyang lumabas upang tumingin-tingin at baka nasa labas na ang kaniyang hinihintay nang hindi sinasadyang mabangga niya ang isang babaeng matangkad, maputi, balingkinitan ang katawan, at nakasuot pa ng shades.

"Aray! Bulag ka ba?" naiiritang wika ng babae.

"Sorry ho! Sorry ho, Ma'am!" ani Cleo. "Hindi ko ho sinasadya. Pasensiya na po." Makailang beses siyang yumuko.

Inalis ng babae ang shades nito. "Next time, huwag kang tatanga-tanga. Dapat in-anticipate mo na na may makakasalubong ka dahil for God's sake, this is the entrance! Hindi ka rito dapat dumaan kundi sa exit. Goodness gracious!"

Saka lamang napagtanto ni Cleo na lumabas nga siya sa entrance. Nakamot niya ang batok. Nagsalubong ang mga kilay niya nang matitigan ang babaeng nakabanggaan. Sampung taon na ang lumipas ngunit hindi niya maaaring makalimutan ang mukha ng matalik niyang kaibigan. "Danica?!" bulalas niya. Ang babae naman ang nagsalubong ang mga kilay.

"Do I know you?" mataray na usisa nito sa kaniya.

"Danica, ako ito, si Cleo!" tugon niya.

"Cleo as in Cleopatra De Jesus?" kunot ang noong anang babae na parang hindi makapaniwala.

"Ako nga! Pero hinaan mo naman ang boses mo. Alam mo namang ayaw kong naririnig na binibigkas nang buo ang pangalan ko," natatawang pabulong na wika ni Cleo sabay linga sa paligid.

Nalaglag ang panga ni Danica. Natakpan niya ang bibig at napatili siya. "Cleopatra! Ikaw nga! Nakakainis ka naman! Ba't hindi mo naman sinabi kaagad? Kung anu-ano na tuloy ang nasabi ko sa iyo," nahihiyang wika niya.

"Eh, paano ako makakapagsabi? Parang armalite iyang bibig mo."

Tinitigan nila ang isa't isa at sabay silang napatili. Kasunod niyon ay isang napakahigpit na yakap.

"Oh my God, Cleo! I missed you so much!" naluluhang wika ni Danica.

"Na-miss din kita," tugon ni Cleo.

Ngumiti si Danica. Pinagmasdan niya nang maigi si Cleo. "Pero ano ang nangyari sa'yo? You look..." Hindi niya mabigkas ang nais sabihin.

"Manang? Losyang?" nangingiting wika ni Cleo.

Nagkibit-balikat si Danica. "Hindi ganiyang itsura ang in-expect ko. Cleo, you used to be pretty like me!" aniya.

Natawa si Cleo dahil mukhang alalang-alala si Danica sa kaniya dahil sa itsura niya. "Hindi na mahalaga sa akin ang itsura ko. Ang mahalaga, humihinga ako at nakaka-survive araw-araw," tugon niya. Kinuha niya ang kamay ni Danica. "Sa loob na tayo magkumustahan," aniya.

"Oh, kumusta ka na nga ba?" tanong ni Danica nang makaupo na sila.

"Heto, gano'n pa rin. Kung ano ako noong umalis ka, gano'n pa rin ako ngayon. Walang progress," matamlay na tugon ni Cleo.

Nalungkot si Danica para sa kaibigan. "Nanghihinayang ako sa iyo, Cleo. Sa ating dalawa, ikaw iyong matalino. Hindi ko matanggap na ganito ang nangyari sa iyo." Nailing siya. "Minsan tuloy, hindi ko maiwasang isipin na may kasalanan din ako kung bakit nagkaganiyan ang buhay mo. Dapat mas ipinaglaban pa kita noon kayna Mommy at Daddy. Hindi mo naman kasalanan ang kasalanan ng tatay mo. Hindi ka dapat nadamay."

"Nangyari na ang nangyari. Siguro ito lang talaga ang kapalaran ko." Bumagsak ang mga balikat ni Cleo.

Napabuntong-hininga si Danica. "Ang tatay mo, nasaan siya?" usisa niya.

"Hindi ko na siya nakita simula no'ng araw na nawala siya. At sa totoo lang, wala na akong pakialam sa kaniya. Ayaw ko nang bumalik pa siya sa buhay namin ni Cherry." Si Cherry ang nag-iisa at nakababata niyang kapatid.

Napabuntong-hininga si Danica. "Naiintindihan kita. Maski naman ako, galit din sa tatay mo sa ginawa niya. Hindi dahil sa nagnakaw siya sa Mommy at Daddy, kundi dahil sa epekto ng ginawa niya sa inyong magkapatid. Paano niya kayo natiis nang ganito knowing na siya na lang ang magulang ninyo?" Muli siyang nagbuntong-hininga. "By the way, kumusta na si Cherry?"

"Ayon, pinapaaral ko. Siya ang pinaglalanan ko sa lahat ng pagod at pagsasakripisyo ko. Kahit siya man lang, may marating sa buhay. Hindi ko hahayaang magaya siya sa akin," tugon ni Cleo.

"Hindi pa naman huli ang lahat, Cleo. Bata ka pa. Pwede ka pa rin namang mag-aral."

"Wala na iyon sa isip ko. Si Cherry na lang talaga ang mahalaga sa akin." Kinuha ni Danica ang kamay niya.

"Papag-aralin kita," ani Danica.

Ngumiti si Cleo at napabuntong-hininga. "Ano ka ba? Huwag na," aniya. "Hindi na nga ako interesado. Mas gusto ko pang magkaroon ng sariling business. Mas praktikal iyon sa panahon ngayon kaysa gumugol ng ilang taon sa college."

"Mas maganda pa rin kung may matapos ka."

"Huwag na. Nakakahiya na nga sa iyo, mas lalo pa sa mga magulang mo. Sigurado akong hindi matutuwa ang mga iyon kapag nalaman nila iyang plano mo."

"Hindi naman nila kailangang malaman."

"Maglilihim ka sa kanila, gano'n?" Umiling si Cleo.

"Kung ayaw mo lang naman sabihin ko sa kanila."

"Huwag na. Sapat na ang ginawa ng tatay ko noon."

"Naka-move on na kami, Cleo. I'm sure, napatawad na nina Mommy at Daddy ang tatay mo. At sigurado rin ako na kapag sinabi kong nagkita tayong dalawa, gugustuhin din nilang makita ka."

Ngumiti si Cleo. Siya naman ang kumuha sa kamay ng kaibigan. "Hindi na, Danica," aniya. "Mag-focus na lang ako kay Cherry. Second year college na rin siya. Hindi na rin magtatagal, ga-graduate na rin ako sa pagpapaaral sa kaniya. Pagkatapos no'n, dalawa na kaming magtutulungan sa buhay. Makakahinga na rin ako."

Napabuntong hininga si Danica. "Ikaw ang bahala. Pero kung sakaling magbago ang isip mo, sabihan mo lang ako. Okay?"

"Hindi na magbabago ang isip ko," mabilis na tugon ni Cleo. "Danica, huwag ka sanang mao-offend pero sanay na akong tumayo sa sarili kong mga paa. Ayaw kong umaasa sa ibang tao. Ayaw ko nang magkaroon ng utang na loob lalo na sa iyo at sa mga magulang mo," aniya.

Tumango si Danica. "Naiintindihan kita," aniya. Nginitian niya ang kaibigan. "But just in case magbago ang isip mo, please know that my offer stands."

Tumango si Cleo. "Salamat," aniya.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status