Share

Kabanata 2

( Zelena's POV )

"Ze ano ba! Bumangon ka na riyan! Bawal ang tamad sa pamamahay ko!"

Umagang-umaga ay ganito lagi ang bungad sa akin ni Tiya Lucita sa tuwing umuuwi ako rito sa bahay niya kapag walang pasok. Nag-iisang kapatid siya ng namayapa kong ina kaya kahit bungangera ay kailangan ko pa rin siyang pakisamahan ng maayos.

Alas singko pa lang ng umaga. At kahit pa man antok na antok ay bumangon nalang din ako para makatulong sa gawaing bahay.

Agad akong nagligpit ng hinigaan ko. Kakatapos ko pa lang nang muling marinig na naman ang sigaw ni Tiya.

"Zelenaaa ano ba!" Naiirita na ang boses nito. Talaga gusto nito ay ura- urada.

"Papunta na ho tiya." Magalang na sagot ko at nagmamadaling lumabas ng kwarto.

Nang makalabas ako ay dumiritso agad ako sa kusina kung saan siya naroroon.

"Ikaw na muna ang magluto ng ulam at mamamalengke ako. Pakainin mo nalang ang mga pinsan mo pagkagising nila." Mariing bilin niya at marahan lang akong tumango bilang sagot.

Nakapagsaing na si tiya kaya naisipan kong magluto na lang ng pritong itlog para sa uulamin. Kumuha na rin ako ng panakot na sibuyas at bawang.

"Siyangapala, kailangang hatian mo ako kapag natanggap mo na ang allowance ng scholarship mo. Hindi naman pwedeng hindi ka mag-ambag dito sa bahay. Alam mo namang napakarami kong gastusin." Muling salaysay ni tiya at tanging tango lang ang naging sagot ko.

Ang allowance na iyon at ang mga sideline ko ang siyang ipinantustos ko sa pag- aaral ng kolehiyo. Pero kapag malakihang gastos na ay si tiya na ang sumasagot. Pero syempre pagtatrabahuhan ko iyon sa pagtulong sa kanya kapag walang pasok.

At nangangako akong magbabayad sa kanya pagdating ng araw, kapag tapos na 'ko sa pag-aaral at nakahanap na ng permanenteng trabaho na.

Third year college na ako sa kursong Hotel and Restaurant Management. Pangarap kong makapagbarko balang araw at makapaglibot sa buong mundo. Wala namang imposibleng mangarap kaya nagpoporsige ako.

Nang pumanaw ang nanay ko dahil sa sakit labing apat na taon pa lamang ako ay si Tiya Lucita na ang kumupkop sa 'kin. Ang ama ko naman ay sanggol pa lang ako ng namatay rin dahil sa sakit.

Yun nga lang kayod kalabaw din ako dahil minsan hikahos din si Tiyang. May dalawa itong mga anak na pinapaaral ng highschool dahil hiwalay ito sa asawang lasinggero.

Maaga akong namulat sa kahirapan ng buhay kaya halos ata lahat ng sideline ay napasok ko na. Labandera, kargadora, tindera at kung anu ano pa basta marangal lang. Bawal ang papetiks petiks sa isang kagaya kong lumaki sa dukhang pamilya.

"Ayusin mo yang pag-aaral mo Zelena at nang makagraduate ka't mabayaran mo na ako. Napakalaki na ng loan ko dahil diyan sa pag-aaral mo. Huwag kang gumaya sa anak ni Lina. Kung kailan gagraduate na sana saka naman lumandi! Ayon nabuntis." Nakalabing pahayag ni tiya na ang tinutukoy ay ang anak na kapitbahay. Bukod sa bungangera ay talagang chismosa din itong si tiya.

Napailing ako. "Diyos ko tiyang, ni boyfriend nga ho wala ako." Depensa ko sa sarili dahil iyon ang totoo. Kahit simpleng babae lang ako ay napakarami pa rin namang nagpapalipad hangin sa akin ngunit wala ni isa akong pinansin. Mas mahalaga sa akin ang aking pangarap. Pakiramdam ko kasi ay sagabal lang ang mga lalaki sa pagtupad niyon.

"Aba'y dapat lang. Huwag puro ganda at kalandian ang isipin, dapat laging utak ang pairalin! Oh siya aalis na ako. Yung mga pinsan mo hah." Mariing bilin uli nito matapos masuot ang belt bag niya.

Tumango lang ako at marahang ngumiti hanggang sa lumabas na ng bahay si tiyang.

Napapailing ako sa tuwing naiisip ang salitang 'boyfriend'. NBSB kasi ako as in No Boyfriend Since Birth. Kaya gusto ko yung first boyfriend ko ay siya na ring mapapangasawa ko.

Saktong tapos na ako sa pagluluto nang siya namang paglabas ng magkapatid na Emily at Ericka.

"Magandang umaga! Kumain na kayo. Namalengke pa si tiyang." Ani ko sa dalawa.

"Ang sipag mo talaga ate Ze, napakaganda pa! Swerte talaga ang mapapangasawa mo." Ani Emily kaya ginulo ko ang buhok nito.

"Asus nambola pa!"

Marami na sa 'king nagsasabi ng ganito pero tinatawanan ko lang. Hangga't hindi ako nakakagraduate at nakakahanap ng maganda at permanenteng trabaho ay hindi ako mag-aasawa.

"Naku ate, nakalimutan kong sabihin sayo kahapon. May kaklase akong sumasideline sa pagmomodelo, sabi niya naghahanap pa raw ng part timer na modelo ang agency na pinapasukan niya kaya ikaw agad ang naisip ko. Bakit di mo subukang mag apply doon ate? Napakaganda mo, matangkad ka pa at sexy kaya tiyak matatanggap ka agad." Mahabang bulalas naman ni Ericka.

"Oo nga ate, keysa naman pagurin mo yang ganda mo sa paglalabada , pagtitindera o kung ano pang raket mo na nakakasira ng beauty. Segunda naman ni Emily kaya natawa na 'ko.

"Pag-iisipan ko yan. Pero sa ngayon, kumain na muna kayo at baka ako pa ang mapagalitan ni tiyang kapag nalipasan kayong dalawa." Ani ko sa dalawa na naupo na rin sa hapag.

Sa totoo lang, dati pa namang may mga beking gusto akong kunin para sa pagmomodelo at pati na rin pagsali sa mga beauty pageant. Kaso mahina ang loob ko sa mga ganoon. Feeling ko kasi napakababa ko para makipagsabayan sa mga babaeng may kaya sa buhay at mas may mataas na kumpyansa sa kanilang sarili. At mas lalong wala akong experience sa pagrampa rampa. Sa pagrampa lang sa palengke ako sanay na sanay.

Sabihin na nating maganda ako pero wala akong kumpyansa sa sarili dahil sa kahirapan ng buhay na kinalakihan ko. Saka na siguro ako susubok kapag nakapagtapos na ako. Yung hindi na ako mamaliitin ng ibang mga tao.

Kumain na ang dalawa habang ako'y nagkape lang. Naglinis na rin ako ng bahay para wala ng masabi si tiyang pag-uwi niya.

Pagkatapos naman ng dalawa ay tumulong din ang mga ito sa 'kin. Kahit may pagkaistrikta at bungangera si tiyang ay hindi naman nagmana ang mga anak niya. Katunayan, kasundo ko ang mga ito na parang kambal lang dahil sa agwat ng edad. Isang taon lang kasi ang pagitan nila, nasa grade 10 si Emily habang grade 9 naman si Ericka.

Nagkukwentuhan kaming tatlo nang biglang tumunog ang cellphone ko na de keypad. Sinagot ko naman ito kaagad ng makitang tumatak sa screen ang pangalan ng landlady ko, yung may ari ng inuupuhan kong maliit na boarding house malapit sa school.

"Ze, anong oras ka ba babalik dito mamaya?" Bungad na tanong nito sa kabilang linya.

"Magandang umaga po Mrs. Fuentes, baka hapon pa po. Bakit po?" Tuwid na sagot ko.

"Naku pwede mo bang agahan? May mahalaga kasi akong lalakarin ngayon eh walang maniningil sa paupahan kong apartment. Uutusan sana kita. Ibabawas ko nalang sa renta mo ang suhol."

"Naku sige sige po Mrs. Fuentes, mamaya maya po babiyahe na ako pabalik diyan." Masayang sagot ko na ipinagpapasalamat ng ginang bago nito pinutol ang tawag.

Abot tainga ang ngiti ko nang ibaba ang mumurahing cellphone. Talagang masaya ako kapag ganitong inuutusan ako ng ginang, dahil kung hindi binabawas sa bayarin ng upa ko ay minsan nililibre niya nalang kaya napakalaking tulong nito sa 'kin. Mabuti nalang at napakabait din sa akin ni Mrs. Fuentes.

Malayo kasi ang unibersidad na pinapasukan ko dito sa tinitirhan ni tiyang. Nasa syudad pa iyon at dalawang oras na sakayan ng bus kaya kinailangan ko talagang mangupahan. Pero syempre yung bayad sa renta ng boarding house ay ako na ang dumidiskarte. Isa pa, sa pinakamaliit na kwarto ako nangungupahan. Yung kwartong dating tambakan lang ng mga patapong gamit ni Mrs. Fuentes, na ako pa mismo ang kusang naglinis, kaya mas mura iyon ng higit kalahati kumpara sa ibang mga kwarto.

"Sino yun ate? Boyfriend mo?" Nangingiting tanong ni Emily kaya tinawanan ko.

"Sira! Yung landlady namin, may inuuutos kaya napatawag. Bueno, hihintayin ko lang si tiya at luluwas na rin ako ng syudad mamaya." Ani ko sa dalawa.

"Kailan ka ba magboboyfriend ate? Baka kako gusto mong magmatandang dalaga eh sayang naman yang ganda mo." Biro naman ni Ericka kaya marahan kong kinurot ang pisngi nito.

"Kayo ha ke babata niyo pa boyfriend na agad yang nasa isipan niyo. Dinamay niyo pa ako eh bente dos pa lang naman ako. Hayaan niyo, balang araw eh magdadala rin ako ng boyfriend dito yung kasing gwapo ni Chris Evans." Ganting biro ko para manahimik na ang dalawa.

At talagang biro lang yun dahil saan naman ako makakapulot ng kasing gwapo ni Chris Evans aber? Isa pa, kung meron man ay magugustuhan naman kaya ang isang dukhang kagaya ko? Kaya mas maigi nalang talagang di ko na iisipin ang ganun.

Ika nga, de bale ng maging matandang dalaga ako, huwag lang mapunta sa maling lalaki.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status