Share

Kabanata 4

Dala marahil ng kahihiyan kaya nagawa kong tumakbo nang ganoon kabilis. Muntik pa akong mangudngud. Nyemas! Panibagong kahihiyan na naman ang nagawa ko. Ni hindi ko mawari kung nasaang lupalop na ako ngayon!

Pagkatapos kong marinig lahat ng iyon, hindi ako nagdalawang isip na tumayo at lapitan silang dalawa. At no’ng nakita nila ako, kita ko sa mata ni Mishella ang gulat ngunit sa lalaking kasama niya, wala. Nakatingin lang sa akin gamit ang 'di mabasang emosyon.

Palagay ko’y iyon pa ang nagpadagdag sa aking mga luha. Ang reaksyong nangbabalewala. Iyak ako nang iyak habang dinuduro ko sila. Tangina hanggang duro lang ang nagawa ko, hindi kayang lumabas ang mga kinikimkim kong salita. Nilulunod ng aking iyak ang gusto kong sabihin.

Nanggigigil akong sumbatan sila pero hindi ko alam kung paano, hindi ko kaya. Ang tanging makapaglalabas ng nararamdaman ko ay luha. Kasabay niyon ang panginginig ng aking mga tuhod at labi dahil lumukob sa buong katawan ko ang sakit, ang sobrang sakit.

"A-ate..." Bago pa siya makalapit sa posisyon ko agad na akong umatras, bigong-bigo.

"A-ate... Si Papa kasi. 'Wag kang ma-magalit please..."

Puntangina! Anong huwag magalit? Paanong hindi magagalit?!

Ang kapal pa ng mukha na tawagin akong Ate. Hindi ko siya kapatid at kailanman hindi ko siya ituturing na kapatid!

Nasa dulo na ng dila ko ang mga katagang 'yon, handa ng ibato sa kanya.  Pero wala, iling lang ako nang iling.

At ang gaga mangiyak-ngiyak din! Dahil sa ano? Ka-artehan, kadramahan, at para magmukha siyang kawawa?

Pakitang tao pwe!

Sa pagkakataong iyon ramdam kong talo ako.

Ang mga nag-uunahang luha ko’t paninikip ng dibdib dahil sa sunod-sunod na habol ng hininga ang nagtulak  sa akin na ilabas ang natitirang lakas upang talikuran sila at kagyat na tumakbo.

Habang lumalayo ang distansiya naming tatlo. Lumalayo rin ang loob ko sa buhay at mundo.

=====

Pinapagitnaan ako ng malalawak na tubuhan. Matataas na ang mga tubo nito kaya hindi makalusot ang araw. Mas lalong tumindi ang paghahabol ko ng hininga dahilan sa bato-batong daanan. Nangangawit na rin ang aking kanang paa.

Nakikita ko sa gilid ng aking mata ang nagmamasid sa 'kin. Humina ang aking hakbang. Nakapuwesto siya sa silungan na gawa sa nipa at kawayan. Sa tabi ng punong molave.

Magtatanong na ba ‘ko? Ano ba kasing lugar ito. Matagal na kaya kaming nakatira rito sa Nayades pero kailanman hindi ako napadpad sa lugar na ito. Posible ring minsa'y napuntahan ko na ito kaso nakalimutan lang?

Ewan, wala na akong ganang bigyan pa ng atensyon ang mga katanungang iyon.

Gusto ko ng umuwi.

Nag-aalangan akong lumapit sa matandang babae. Mag-isa siyang namamaypay sa sarili, nakasuot ng sleeveless duster. Naiilang ako sa tingin niyang sumusunod sa akin.

"Taga saan ka Neng?" agad niyang sambit. "May kikitain ka ba ngayon dito? Nobyo mo, aba'y sino?"

Kumunot ang aking noo sa sunod-sunod niyang tanong. “’Wag ka ng magpatuloy lalo na’t mag-isa ka lang. Babarilin ka riyan ni Mauy, nagbabantay siya do’n sa dulo, kasama niya ang administrador.”

At hindi pa nga ako hinayaang makasagot. Malalim akong napabuntonghininga. Pagod na hinawi ang strap ng bag mula sa balikat.

“Wala po akong kikitain La. At hindi na ako tutuloy do’n,” banggit ko habang hinahalungkat ang laman ng aking bag. Hinahanap ko ang aking panyo nang mapunasan ko itong aking natuyong luha at dumadaloy na pawis.

Salamat naman at hindi ko naiwala.

"Aba't paano ko napunta rito? Sino bang kakilala mo rito? Kanino ka bang anak?" Sa tatlong tanong ng matanda, isa lamang ang nagawa kung sagutin.

"Anak po ako ni Emelda Olirus—"

"Asus! Olirus baka mo? Taga doon 'yan sa Sitio Pelecencio ah. Anak ka pala niya? Eh paanong napunta ka rito?" Hindi yata sanay magdahan-dahan ang matandang babae. Isang bagsakan eh.

Gayun pa man kakatwa dahil may nakakakilala kay Nanay rito.

"Mahabang kwento po... Pero pwede po bang humingi ng pabor?"

"Pa-pabor? Sige..." nagdududa niyang sagot. "'Di ko na po kasi alam kung paano umuwi doon sa amin, sa Sitio Pelecencio po. Pwede mo po ba akong tulungan?"

Guminhawa ang aking pakiramdam nang tumango, ngumisi, at nagsimula nang maglakad ang matanda.

=====

"Napa-aga ang uwi mo Nak ah. Nagtrabaho ka?" Natigilan ako sa sinabi ni Nanay. Nasa harap ko siya habang naka-upo ako sa upuang yari sa kawayan.

"Oh 'asan na sweldo mo para makabili ako ng bigas. 'Di ako pina-utang ni Neng Katarina, alam mo namang nagkasagutan kami no’ng nakaraan ng pinsan niyang si Inday Maura—ang chismosang ‘yon! Ah basta, siya akin na sweldo mo."

Nyemas, oo nga pala. Kung bakit ako nag-escape ay dahil magtatrabaho sana ako kina Ma'am MJ. Pero dahil may 'di inaasahang nangyari. Ayun 'di na natuloy, sayang.

Gutom na naman abot namin nito.

"Nay kasi a-ano... May nakuha na silang tagapaghugas, 'di ako naka-abot. Pero bukas Nay hindi ako papasok, panigurado may kakainin tayo niyan," sabi ko. Pinagsawalang bahala ang magiging reaksyon ni Nanay.

Hinubad ko ang paldang uniporme at isinukbit sa balikat. Sa loob nito ang suot kong katamtamang iksi na short. At nang papasok na sana sa silid naming tatlo...

"Ha?! Edi sana gumawa ka ng ibang paraan para kumita Elise, gamitin mo nga kukote mo! Pwede kang mang-scrap, maglabada o maglinis ng bahay. Kung tutuusin marami kang magagawa sa edad mong 'yan. Daig mo pa dapat ako dahil matanda na 'ko at may mga gawain na 'di ko magagawa at tanging kasing edad mo ang makagagawa. Pero dahil sa katamarang taglay mo, heto gutom na naman tayo! Lintik na buhay!"

Napayuko ako pagkatapos sabihan iyon ni Nanay, kasi naman eh. Kung 'di lang nangyari ‘yong kanina may makakain sana kami. Kaso nangyari na, 'di na maibabalik.

Maging ang panahon ayaw makisama sa buhay namin, para kaming kontrabida na kailangang pahirapan para maging makabuluhan ang kwento. Nakakasawa nyemas.

"Si-sige Nay...'Di na mauulit," pabulong kong sabi. Sumaktong sumulpot ang isang ideya na siyang nagdulot ng paglaki ng aking mata. Tama!

"Pero Nay 'di ba titira rito si Mishella sa atin kapalit ng pera. Oh 'asan na 'yon Nay?" sabik kong saad, unti-unting nabubuhayan ng pag-asa. Bagaman binawi ito nang napansin ko ang pagbabago ng ekspresyon ni Nanay at ang pag-iwas niya ng tingin.

"'Yon nga ang problema Nak eh, naubos ko pambayad sa utang, sa tindahan. Saka... nagamit ko sa sugal. Minalas ako at ayun naubos lahat."

"Paanong?! Nay naman, sana naman inuna mo muna ang kakainin natin bago iyang sugal mo—"

"Aba Elise 'wag mo 'kong pangunahan! Sadyang limang libo lang ang ibinigay ng ama mo sa 'kin. Kung tutuusin kulang pa 'yon pambayad sa utang. Umalis ka nga muna sa harapan ko't baka 'di ako makapag-timpi! Hanapin at pauwiin mo na lang ang kapatid mo para may silbi ka naman!"

Napailing ako’t napapalatak. Bakit 'di ko ba naisip na si Nanay ay masyadong lulong sa sugal lalo na sa tongits. Duda rin ako kung binayad niya nga ba talaga sa utang ang natirang pera. Kasi naman pati kakainin namin nawala sa isipan niya. Papaano pa kaya ‘yong mga utang?

Pinagpatuloy ko ang naudlot na paghakbang habang bagsak ang balikat sapagkat nakapasan ang patung-patong na problema. May bago pa ba? Hay.

=====

"Ikaw na ang taya Ellena!"

"Hindi ah, ikaw pa kaya Moymoy. 'Di mo ‘ko naabot, lampas ‘yong kamay mo eh."

"Sinungaling ka Ellena. Nakatalikod ka kasi kaya 'di mo nakita!"

"Sinungaling ako ha Moymoy? Eh ikaw nga mandaraya! Napipikon ka na kasi kanina ka pa taya. Ang hina mo kasing tumakbo! Sana 'di ka na lang sumali… Mandaraya ka."

Bumungad sa akin ang nakikipagbangayan na sina Moymoy at Ellena—ang bunso kong kapatid.

Nasa harap kami ng simbahan, nakatayo sa mga hagdan na patungo sa malalaking pinto ng simbahan. Dito kadalasan naglalaro ang mga bata lalo na tuwing hapon.

Ang sing-gilid ng lugar na ito ay para sa nagtitinda de kariton. Dahil hindi araw ng misa, kakaunti ang nakapuwesto ngayon.

May mga nakikita rin akong estudyanteng naka-uniporme na pumaparit-parito, marahil bibisita sa simbahan—imposible iyon. Sa tingin ko siguro may katagpuan. Paano ko nasabi? Syempre 'di pa uwian sa oras na ito.

"Oh ito na Manang ko. Sumbong kita sa kanya, mandaraya ka!"

Napabalik-ulirat ako nang marinig ang matinis na boses ni Ellena. Agad ko silang nilapitan.

"Gha tama na 'yan, tawag ka na ni Nanay at ikaw rin Moymoy umuwi ka na sa inyo. Kapag naglalaro kayo dapat walang pikunan dahil una pa lang laro lang naman ‘yan. Naiintindihan niyo ba 'ko?"

Kilala ko si Ellena malamang, likas siyang maldita, pikon, at lubos kung makapagtaray. Kaya 'di na ako nanibagong padabog siyang umalis. Itong si Moymoy naman ay mabilis na tumakbo at lumapit sa ibang mga kalaro niya. Hay naku, mga bata nga naman.

Wala na ring rason upang manatili ako doon, kaya agad nang tumalikod at nagsimulang maglakad ngunit hindi ko mawari kung bakit bigla akong nahinto.

Hindi rin maipaliwanag ba't bigla akong lumingon sa harap ng simbahan. Halo-halong emosyon ang bumalot sa aking puso nang masaksihan ko nang buo ang nasabing lugar.

Hindi ko alam kung bakit, siguro dahil tinawag ako ng Diyos?

Natawa ako, walang kwentang ideya.

Napaka-imposible sa totoo lang. Isang katangahan ba. Oo naniniwala akong may Diyos ngunit isa Siyang hindi patas na Diyos.

Kaming mahihirap patuloy na naghihirap, kaming kawawa patuloy na nagiging kawawa. At ang ibang nakaahon sa buhay patuloy na umaahon, ang ibang mayayaman patuloy na yumayaman.

Habang kami? Ito at naiiwan sa ibaba. Gumagawa kami ng paraan, lahat ng mabuting paraan, nanalangin at nagsisisi. Pero ano? Wala pa ring kwenta, nasa laylayan pa rin kami ng buhay.

Wala eh ang unfair. Sobra-sobrang hirap na ang naranasan namin sa buhay, hindi pa ba sapat 'yon para sumaya? May sakit, poot, at pagkabigo na kaming naranasan pero wala pa ring saya na bumawi sa pangit na karanasang iyon.

Nasaan Siya? Nasaan Siya sa oras na halos mangisay kami sa gutom? Nasaan Siya noong mga panahong iyon? Nagbibingihan o sadyang sarado ang pinto Niya sa mga tulad namin? Kahit kailan hindi ako naging masaya at kuntento sa buhay kong ‘to.

Hindi ba't Siya ang Diyos na makapangyarihan at Diyos na mapaghimala? Pero siguro isa rin Siyang Diyos na mapili.

Si Mishella, may tatay na may nanay pa. Habang ako, hindi man lang nakaramdam ng pag-alaga.

Ngayon sa kasalukuyang hinaharap, alam kong ang Diyos ay nasa panig nina Mishella at ng lalaking 'yon. Kaya 'di na ako aasang aahon pa kami dahil una pa lang nakikinita ko ng mamatay kaming talunan at kawawa sa lugar na ito.

=====

A/N: Hi po sa inyong lahat, salamat po sa pagbabasa! I’m just going to put here one of my fave Bible verses.

Jesus replied,

"You don't understand now what I am doing, but someday you will."

-John 13:7

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status