Share

Chapter 7

SI Mama ang naghatid sa akin sa klase gamit ang kotse niya. Kahit na anong pilit ko kay Daddy na kahit pumasok man lang pansamantala sa loob ng klase ay hindi niya magawa. 

Depensa niya ay nakatambak daw ang paper works niya at medyo late na rin siya para sa unang araw niya ng trabaho para sa buwang ito.

Subukin mang magboluntaryo ni Tita Hyacinth upang kahit na papaano ay mapagaan man lang ang loob ko, pero sa halip na natuwa ako sa gusto niyang mangyari ay nauwi lang ito sa pagkairita ko.

Isang instant rejection ang ginawa ko sa kanya kaya naman nakatanggap pa ako ng lectures kay Daddy sa kung paano ko raw ba matututunang rumespeto sa nakakatanda.

Hindi ko alam na nakakabastos na pala ang rejection ngayon. Totoo ba?

Ang rejection ay para rin naman sa kabutihan mo, 'di ba?

Para saan nga ba ang rejections?

Oo, alam ko na hindi nakakatuwa ang rejections sa buhay pero rejection rin naman ang nagiging daan upang matuto tayo sa mga mali natin, 'di ba?

Hindi ka matututo sa isang bagay kung hindi ka dumaan sa isang rejection. Hindi mo malalaman ang mga pagkakamali mo kung hindi ka marunong tumanggap ng rejections at mas lalong madidiin ka lang sa isang bagay kung balewala sayo ang isang rejection.

Minsan nakakasakit yung ma-reject ka ng isang tao, pero hindi ba't ito rin ang nagiging dahilan upang tumibay ang loob natin?

Maraming nagsasabi na marami raw ang nawawalan ng pag-asa pagkatapos makatanggap ng isang instant rejection sa mga nasa mataas na position. Kung sakaling nawalan ka ng pag-asa at tuluyan kang humina nang dahil sa sinabi nila, bakit hindi ka gumawa ng paraan upang mas lumakas pa at tumibay ang loob mo?

Ang ibig kong sabihin ay kung sakaling makatanggap ka ng rejections, pwede kang magpahinga. Pwede ka namang magpahinga kung gugustuhin mo. Kahit na abutin pa nga ng ilang buwan ang pagpapahinga mo ay wala namang problema do'n, basta't ang mahalaga lang ay sisiguraduhin mo na babalik ka. Babalik ka upang patunayan sa kanila na kakayanin mo at deserve mo ang bagay na pilit mong inaabot sa ngayon.

Wala nang mas sasaya pa sa maabot mo ang pangarap mo gamit ang sariling sikap at hindi ka nagpapadaig sa hina ng loob. Mas masarap pakinggan yung salitang, “Nagawa niya ang bagay na 'yan dahil nagsikap siyang maabot 'yan,” hindi ba?

Mas masarap ding isipin na nagawa mong makaabot sa tuktok kahit na kabi-kabila ang rejections na natanggap mo sa kanila. Masakit ang salitang rejections lalo na kung pilit pang ipinamukha sayo, pero masarap at maganda ang magiging bunga n'yan kapag alam mo sa sarili mong nagpursigi kang maging marunong.

Talo ng marunong ang magaling sa lahat ng bagay. Isipin mo na lang na challenges lang ang lahat na maaari mo rin namang matapos sa isang subok lang kung marunong ka sa lahat ng bagay. Aanhin mo ang kagalingan kung hindi ka marunong dumiskarte sa buhay, 'di ba?

Naging masaya naman ang unang umaga ng klase ko. Marami rin akong nakilala at maraming nakipagkaibigan sa akin nang sandaling magsimula ang klase. Kabi-kabilang kantahan para sa unang subject at laro naman sa pangalawa.

Nang sandaling matapos naman ang breaktime namin para sa sandaling iyon ay daglian na rin kaming pumasok sa loob upang magpatuloy sa pangatlong subject.

Mabilis kong inabala ang atensyon sa mga pens na nakakalat sa mesa ko. Nakakahiya naman sa mga katabi ko sa upuan dahil malinis ang gawi nila habang ang harap naman ng mesa ko ay puno ng mga kalat.

Ni hindi ko nga rin alam kung bakit nakakalat ang lahat ng ito gayong hindi ko naman sila nagamit sa una at pangalawang subject. Posible bang gumulong lang ito dahil sa hangin na nagmumula sa bintana sa gilid ng kinauupuan ko?

Hindi ko na inisip pa kung paano nga ba itong nagulo sa ayos kanina at sa halip na mag isip pa ng kung ano-ano ay tahimik ko na lamang itong sinikop sa pencil case ko. 

Habang abala sa pag aayos ng mga gamit ay patuloy lang sa pagsasalita ang guro sa harap na wari'y may ipinapakilala sa mga kaklase. Hindi pa naman gano'n ka-focus ang tenga ko sa mga sinasabi niya kaya naman sa halip na pagtuunan iyon ng pansin ay nanatili na lang ang tingin ko sa pag-aayos.

“Ako po si Klaude Biguel delos Martinez. Natutuwa po akong makilala kayong lahat,” pakilala ng isang boses sa harapan.

Hindi ko alam pero tila ba nakaramdam ako ng confusement sa sarili. Para bang sa isang iglap lang ay gusto kong malaman kung sino nga ba ang nasa harapan at nagmamay-ari ng boses na iyon. 

Boses niya pa lang ay natitiyak kong lalaki siya kaya naman nang dahil sa curiosity ay kunot-noo kong iniangat ang ulo ko upang matunghayan kung sino nga ba ang nasa harapan kasama ng guro namin para sa araw na iyon.

Agad na nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino nga ba ang pamilyar na taong nakatayo ngayon sa harapan naming lahat.

Sa harapan ay nakatayo ang isang batang lalaki na matangkad lang ng kalahating pulgada sa taas ko kung ikukumpara ko sa sarili ko. Medyo maitim ang buhok nitong tumatabon pa sa mga singkit niyang mata. Matangos ang ilong at hindi ko rin inaasahan na may iilang kumpol ng maliliit na nunal sa pisngi niya na nakapagpa-dagdag sa porma ng mala-anghel nitong mukha. Hindi ko inaasahan na ganito pala kaamo ang mukha niya nang malapitan, 'di tulad noong una ko siyang nakita sa loob ng simbahan.

Ramdam ko ang pag-awang ng bibig ko habang nakatitig sa kanya. Isang mabilis na pagpasada ang iginawad niya sa buong klase at nang sandaling magtama ang dalawa naming mata sa isa't isa ay hindi niya na inalis ang titig sa akin.

Nakaramdam ako ng hiya sa paraan ng pagtitig nito sa akin. Para bang sa isang pitik lang at pagtitig sa gawi ko ay naalala niya na ang una at huling sandali kung saan kami unang nagkatinginan. 

Hindi kami magkakilala, pero curious ako sa pagkatao niya. Alam kong nawiwindang na rin ang mga kaklase namin sa presensya niya ngayon sa klase. Tila ba isang anghel ang lumapag sa mundo at dito napiling mag-aral kasama namin. Misteryoso ang presensya niya at nasisiguro kong kakaiba siya. Hindi ko alam kung dahil ba sa mga berde nitong mga mata kaya pakiramdam ko ay naging espesyal siya, o baka naman may iba pang dahilan na hindi ko magawang mahinuha? 

Natapos ang klase namin para sa araw na iyon nang tuliro ang utak ko sa kakaisip sa kanya. Wala pa man ay tinatamaan na ako sa presensya niya ngayon lalo na at magiging magkaklase kami sa mga susunod pang buwan at taon. 

Ramdam ko rin ang dagliang pag-init ng mukha ko sa tuwing maaalala ko na nagkatitigan kaming dalawa sa klase kanina.

Walang emosyong mababakas sa mukha niya at tanging pagkamisteryoso lang ang nararamdaman ko sa pagkatao niya. Natitiyak ko rin namang may parte sa pagkatao niya ang nagiging dahilan kaya naman nakakaramdam ako ng ganitong klase ng emosyon sa tuwing maaalala ko ang titigan naming dalawa.

Sandali akong napatigil sa paglalakad at napaisip sa sarili.  

Interesado ako sa kanya at mukhang gano'n rin naman siya sa 'kin. Posible kayang may interes kami sa isa't isa at kaming dalawa lang ang tila ba naghihintayan sa kung sino ang mauunang lumapit sa aming dalawa upang makipagkilala? 

Bumagal ang paglalakad ko sa hallway dahil sa labis na pag-iisip. Tapos na ang klase at kasalukuyan na akong naglalakad patungo sana sa parking lot kung saan maghihintay si Mama.

Speaking of Mama, sana kasama niya si Daddy ngayon dahil ilang beses kong ipinaalala kay Daddy na gusto kong isa siya sa susundo sa 'kin ngayon. Oo, pumayag siya at alam kong napilitan lang siya kanina dahil bumuhos ang mga luha ko nang dahil sa pagtatampo sa ginawa niyang pagtanggi sa alok ko. Pero kahit na alam kong napilitan lang siya— naniniwala pa rin ako na pupunta siya rito gaya ng ipinangako niya kanina sa harapan pa mismo ni Tita Hyacinth at ni Mama.

Ramdam ko ang pagbagal ng paglalakad ko dahil eksaktong eksakto sa paglalakad ko ang paglabas ng mga nasa higher grades. Hindi ko rin naman inaasahan na mabubunggo ako kaya naman ang mga gamit na hawak ko lang kanina ay nalaglag sa sahig at walang sawang naapakan ng mga inosenteng bata. 

Sinadya kong umupo sa sahig upang pulutin iyon pero dahil nga sa maraming mga bata ang nakikipagsabayan sa pagmamadali sa paglalakad ay hindi ko naiwasang muling mabangga at mapaupo sa sahig kasama ng mga libro at gamit ko.

Ramdam ko ang kirot ng tuhod ko nang dahil sa pagbagsak ko, at tiyak ko ring magkakaroon iyon ng gasgas kung sakaling madapuan man ng hangin. Isang mariing pikit ang nagawa ko nang makita ko ang ilang binti na unti-unting papalapit sa mukha ko. Nang dahil sa gulat ay napapikit na lang ako at hindi ko na rin nagawang protektahan ang ulo at mukha ko kaya naman aware na ako sa consequences na maaari kong kaharapin sa ngayon.

Ilang sandali pa ang nakalipas ay hindi ako nakaramdam ng sakit sa mukha kaya naman dahan-dahan akong nagmulat at agad na nanlaki ang mga mata sa nakita ko.

Nakaluhod sa harap ko ang batang lalaki habang nasa kamay niya ang mga libro na natapon kanina sa sahig.

Wala na ring gaanong estudyante sa gawi namin kaya naman matiwasay at kalmante kong nakikita at nasasaksihan ang mga berde nitong mata.

“Ayos ka lang?” tanong niya na magkakasunod kong tinanguan.

Hindi ko alam kung paanong magre-react sa biglaan niyang pagsulpot sa harap ko at sa pagtulong sa akin. Hindi ko rin magawang magpasalamat sa biglaan niyang pagtulong dahil sa pagkawala ng boses ko na natitiyak kong epekto ng gulat ko sa presensya niya. Hindi ko alam kung paano akong haharap sa kanya nang dahil sa kahihiyan. Ewan ko ba pero nagsisimula na akong maawa sa sarili ko ngayon! 

Bakit sa dinami dami ng pwedeng makakita at tumulong sa 'kin, bakit siya pa? Hindi siya ang expected kong numero uno'ng tutulong sa akin. Ni hindi ko man lang nga inaasahan na sasadyain niya pang pumunta sa pwesto ko upang panoorin akong pumikit at magparaya na lang sa nakaambang sakit na maaari ko sanang matanggap ngayon kung hindi lang siya nagpakita.

Ako ang naunang tumayo upang magpagpag ng maikling skirt. Para bang sa ilang segundong pagkrus ng landas naming dalawa ay para bang na-self concious ako sa sarili ko. Sobrang ikli ng skirt ko at nang sandaling matabig ako kanina ay natitiyak kong malaki ang chance na nakitaan ako ng panloob kanina!

Ramdam ko ang biglaang pag-init ng pisngi ko lalo na at panay pa rin siya sa pagtitig sa 'kin ngayon.

Sumunod siya sa pagtayo nang umayos ako sa harapan niya. Hindi ko rin inaasahan ang paglahad nito sa harap ko ng mga aklat at nakaiwas ang tingin sa akin. Hindi ko alam pero nahihiya talaga ako sa nangyaring ito!

Kung pwede lang na tumakbo ngayon ay baka tumakbo na lang ako. Hindi ko rin naman inaasahan na siya ang lalapit sa akin upang tumulong at ang mas pinakamalala pa sa lahat ay siya ang taong nakakita sa katangahan ko kanina.

“S-Salamat,” pasasalamat ko bago hinablot sa kanya ang mga aklat at nagmamadaling tumakbo palayo sa kung nasaan man siya.

May kung anong tumitibok sa parte ng puso ko, hindi ko alam kung resulta ba ito ng takot at nerbiyos o isang pakiramdam na hindi ko man lang magawang pangalanan sa ngayon.

Hindi naman gano'n kahaba ang pathway at tila ba sinadya lang talaga para sa mga bata. Para bang pinahaba lang dahil sa maliliit na hakbang ng mga paa namin at kung susumahin mo ang hakbang, tiyak ko namang hindi aabot sa labindalawang hakbang ng matatanda ang pathway na tinutukoy ko. Hindi ko lang maintindihan kung bakit sa pagtakbo ko ngayon ay para bang mas lalo lang itong humahaba.

Nanginginig ang mga binti ko nang matunton ko ang parking lot at halos matuwa nang makita ko ang kotse ni Daddy na nakaparada rito. 

Sa labas ay nakatalikod ang isang babae at nahihinuha ko na kung sino nga ba ang nakatayo sa gilid ng passenger seat sa labas.

Nakangiti akong tinanaw ni Daddy mula sa malayo at agad na pinatay ang katawagan niya sa cellphone bago lumapit sa akin at ginawaran ako ng isang napakahigpit na yakap.

“How's your school, Kimberly?” tanong niya na ikinangiti ko.

Ngayong nagtanong si Daddy ng tungkol sa araw ko, tila ba tinabunan no'n ang panginginig na naramdaman ko nang makaharap ko si Klaude kanina. 

“Maayos naman po, Daddy,” nakangiti kong sagot na nakangiti niyang tinanguan bago kami magkasabay na bumaling kay Tita Hyacinth na papalapit na sa gawi kung nasaan kaming dalawa ni Daddy.

“Kumusta ang unang araw mo, Honey?” pagluhod niya gaya ng pwesto ni Daddy. “I hope you're okay here?”

“Maayos naman po, Tita,” sagot ko na nakangiti niyang tinanguan.

Excited akong nagtatakbo patungo sa loob ng kotse dahil alam kong naroon si Mama at naghihintay sa balita ko. Siya ang isa at pinaka-una sa lahat ng taong excited sa unang araw ng klase ko, kaya naman hindi ko naiwasang mapatili habang tumatakbo patungo roon.

Isang marahas na pagbukas sa pinto ng backseat ang ginawa ko at halos bumagsak ang mga balikat ko sa bakanteng upuan na naroon sa loob. 

Wala si Mama at mas lalong wala ang presensya niya.

“Nasa bahay ang Mommy mo, Kimberly,” paliwanag ni Tita Hyacinth nang makita niya ang reaksyon ko.

Nadismaya ako sa narinig na salita mula sa kanya.

Bakit nasa bahay si Mama, bakit siya ang nandito? Si Mama ang inaasahan kong susundo sa akin kasama ni Daddy— o kahit wag mo nang isama si Daddy, kahit si Mama na lang.

Bakit siya ang naririto kung alam naman niya sa sarili niyang hindi siya ang kailangan ko rito?

“Nasaan po si Mama? Si Mama po nasaan?” paulit-ulit kong tanong.

Kung kayo siguro ang nasa kalagayan ni Tita Hyacinth, alam kong maiirita kayo ngayon sa paraan ng paulit-ulit kong pagsasalita. Kaya naman nang sandaling mamula na ang buong mukha niya sa pagka-irita ay nakaramdam ako ng hindi ko inaasahang pagkatuwa sa loob-loob ko.

“Wala ka na bang ibang bukambibig kundi 'yang Mama mo, Hershey? Nandito naman ako ah?” angil niya dahilan upang sumibi ako mula sa pagkakarinig sa mga salitang binitiwan niya. “Nandito na ako sa harapan mo. Handang-handa na akong bumawi sa mga pagkukulang ko sa 'yo. Nandito na ako. Bakit naghahanap ka pa ng iba?” pag-aalburoto niya bago nagpakawala ng isang marahas na pagbuntong hininga.

“Hindi kita mommy,” sagot ko bago umiyak.

Dagliang lumapit si Daddy sa 'kin upang punasan ang mga luha sa pisngi ko nang dahil sa sinabi ni Tita.

“Stop na, Baby,” pang-aalo ni Daddy ngunit nanatili lang ako sa paghikbi. 

Tila ba hindi nakikisama ang mga luha ko dahil nagpatuloy lang ito sa pagbuhos kaya naman wala na akong ibang nagawa kundi punasan na lang ito gamit ang likod ng palad ko.

“Gusto ko si Mama, Daddy,” pakiusap ko kasabay ng paghikbi na tinanguan niya kasabay ng paghagod sa likod ko habang nananatili lamang akong nakayakap sa kanya. “Ayoko kay Tita.”

“She's not your fucking Mom!”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status