Share

Chapter 6

Normal lang ba na kapatid ang turing mo sa asawa mo? Normal lang ba na kapatid ang ituring mo sa lalaking nagharap sa 'yo sa simbahan kasama niya? Tama bang ituring na kapatid ang taong kasama mo sa lahat ng mga pangakong binitiwan mo sa harap mismo ng Diyos na kung saan ay naging saksi sa sumpaan niyong dalawa?

Normal lang ba na kapatid ang turing mo sa lalaking kasama mo sa iisang bahay at may anak na kayong dalawa? 

Kapatid ang turing niya kay Daddy, pero mag-asawa silang dalawa.

Ang gulo, hindi ba?

Dahil nga sa medyo bata pa sa mga ganitong klase ng usapan ay sa halip na pagtuunan pa iyon ng pansin ay malaya na lamang akong napapikit at dinama ang mga mahihinang tapik ni Mama sa hita ko.

Sa isang madilim na mundo, si Mama lang ang nagiging kakampi ko sa lahat ng bagay. Siya lang rin ang kaisa-isang taong sumusuporta at walang sawang nakikinig sa akin sa tuwing makaka-encounter ako ng mga problema. 'Yung tipong kahit na wala naman siyang ideya sa mga hinanakit ko ay nagagawa niya pa ring makinig kahit na kung tutuusin ay labas naman siya doon. 

Oo, naa-appreciate ko ang mga ganitong klase ng usapan. 'Yung kahit na wala naman siyang ideya ay nagagawa niya pa ring makinig kahit na taliwas sa mga karanasan niya ang ibinabahagi ko.

Ganoon naman talaga dapat, 'di ba?

Matuto kang makinig sa mga taong nagkukwento ng hinanakit sayo, hindi yung nagkukwento na nga sila ng hinanakit sayo tapos ikaw pa itong kusang sasawsaw at ipapasok ang sariling problema sa usapan niyong dalawa.

Kaya naman ang kalimitang nagiging bunga ng ganyang kilos ay hindi pagkakaunawan at ang pinaka-nakakaloko sa lahat ay sa halip na pagkuwentuhan ninyong dalawa ang hinanakit mo sa sarili— mapupunta pa sa kanya, at sa halip na bigyan ka ng piece of advice ay siya pa ang papakinggan at aaluin mo.

'Yung tipong nagkwento ka sa kanya upang mabawasan sana ang hinanakit mo sa sarili pero nauwi ang usapan niyo sa pag-comfort mo sa kanya. 

Ang galing, 'di ba?

Nakaramdam ako ng labis na antok dahil sa pagod buhat sa paglalaro namin ni Mama kanina. Ganito ang gawain naming dalawa sa tuwing maiiwan kaming dalawa sa bahay at wala si Daddy.

Dati rati ay kasama pa namin si Daddy na maghabulan hanggang sa mapagod, pero ngayon ay tila ba imposible na ang bagay na iyon lalong-lalo na na nand'yan na si Tita Hyacinth sa tabi niya.

Oo, aaminin kong nakakaramdam ako ng iba mula sa mga lihim nilang titigan sa isa't isa lalo na kung magkakasama kaming apat sa hapag para sa hapunan o di kaya ay tanghalian. 'Yung paraan ng tingin ni Daddy kay Tita Hyacinth ay may halong adorasyon habang ang mga titig naman ni Tita Hyacinth kay Daddy ay para bang nanlalagkit.

Alam niyo ba yung pakiramdam na lumalandi ang isang babae sa pamamagitan ng mga lihim at  nanlalagkit na mga tingin? Ganoon ang ipinapakita ni Tita Hyacinth kay Daddy at alam kong hindi lang ako ang nakakaramdam nito dahil maging si Mama ay nahihinuha niya ang namamagitan sa dalawa. 

  

“Mama, normal lang ba na mangaliwa ang isang lalaki?” inosente kong tanong sa kanya na ikinalaki ng mga mata nito.

Abala kaming dalawa ngayon sa pagdidilig ng mga halaman at kanina pa akong namumutla at nakatulala lang sa isang maliit na sanga.

Sa sanga na iyon ay may isang berdeng uod na matiwasay lang na gumagapang sa ibabaw nito. Kanina ko pa siya pinapanood na gumiling-giling buhat sa paggapang niya sa sanga na nasa harapan namin. 

Ang sabi ni Mama, lahat ng nilalang ay may karapatang mabuhay sa mundo. Ito rin siguro ang dahilan niya kung bakit hinahayaan niya na lang ang uod na malayang kumain ng mga halaman niya. 

  

Minsan ay hindi ko rin magawang intindihin si Mama gaya na lamang ng pagpapaubayang ginagawa niya ngayon. Natatakot din ako na baka madala niya sa reyalidad ang ganitong klase ng ugali at lahat na lamang ng mga bagay na nae-encounter niya ay baka mapalipas niya na lang.  

Siya yung tipo ng babae na mapagpaubaya. Halos lahat ng problema na maaaring ikasakit niya ay pinapalampas niya na lang. Wala rin siyang pakialam kung sakaling masaktan ang damdamin niya kapag naisipan niyang palagpasin ang mga bagay na iyon, basta't ang mahalaga ay walang masasaktan sa panig ng dalawa.  

Wala siyang pakialam kung sakaling siya ang lubos na mahirapan at wala siyang pakialam kung siya ang masasaktan, ang ayaw niya lang ay yung may masasaktan sa desisyon niya kahit na siya pa ang nasa tama.

Ito ang ugali ni Mama na kinaaayawan ko, at gaya nga ng sinasabi ko kanina ay natatakot ako na baka madala niya ito sa reyalidad at halos lahat ng taong mananakit sa kanya ay patuloy niya lang na pagbibigyan sa kung anong mga kasalanan na maaaring magawa nito sa kanya.

 

Hindi ako kumportable sa mga ganitong klase ng set-up sa panahon ngayon, lalo na at ang mga magulang ko at ang pagsasama nila ang nakasalalay dito.

Agad na nalukot ang mukha ko sa mga posibleng bagay na maaari niyang kaharapin kung ipagpapatuloy niya na lang ang pagpapaubaya sa maraming bagay.  

Yung pagpapaubaya at pagbibigay-daan niya sa hayop ay matatanggap ko, pero yung . . .

Hinding-hindi ko matatanggap 'yung pagpapaubaya niya kay Daddy para kay Tita Hyacinth— NO!

Mas lalong nadagdagan ang pagkakalukot ng mukha ko nang marinig ko ang mahinang pagtawa ni Mama. Wala akong naisip na gawin kung hindi ang mas lalong sumama ang mukha at kunot-noong nag-angat ng tingin sa kanya. 

Pinanood ko siyang ilapag sa babasaging mesa ang grass cutter na hawak niya bago ko naramdaman ang pagyukod niya sa lupa at ang paghawak sa magkabila kong balikat.

“Maski kailan ay hindi naging normal ang pangangaliwa, Kimberly,” pagpapa-intindi niya na ikinanguso ko.

Oo, alam ko naman na hindi normal ang sinasabi ko. Gusto ko lang naman ng confirmation mula sa kanya dahil alam ko sa sarili kong siya ang magdudusa sa oras na maging totoo ang hinuha ko sa relasyon ng dalawa.

 

“Eh, bakit po ba may lalaking nangangaliwa, Mama?” muli kong tanong at pilit na umaasa sa isasagot niya.

Hindi ko alam pero kuryoso ako sa bagay na ito. Maaari ring isa ito sa mga dahilan kung bakit nalilito ako sa kung ano man ang namamagitan sa dalawa.

 

Matino ka bang babae kung alam mo sa sarili mo na may pamilya ang lalaking nilalandi mo? Matino pa bang masasabi ang isang babae na pilit isinisiksik ang sarili niya sa isang lalaking alam ng lahat na pamilyado na?  

Hindi ko alam kung ganito ba talaga ang tama ngunit base sa pagkaka-intindi ko, hindi normal ang mga ganitong klase ng pakikipagrelasyon sa isang lalaki lalo na at may pamilyang naghihintay sa pagdating niya sa loob ng isang araw.

 

Hindi ko rin magawang intindihin si Mama dahil para sa 'kin ay malabo ang kanyang desisyon. Para bang binubulag niya na lang ang sarili sa mga kasalanang ipinapakita sa kanya kahit na alam ng lahat at nararamdaman ng mga taong nakapaligid sa kanya ang pagiging martyr niya sa pagmamahal kay Daddy.   

Alam kong mahal nila ang isa't isa at nararamdaman ko lahat ng iyon, pero bakit ganito?

Hindi ganito ang pamilyang inaasahan ko. Hindi ganito ang kumpletong pamilya sa pagkakaalam ko.

 

Imposible ito.

Dahan-dahan siyang yumuko sa tuhod dahilan upang maglebel ang tingin namin sa isa't isa. Bakas sa mga mata nito ang pinaghalong lungkot at hindi ko maipaliwanag na takot.

 

Takot nga ba sa maaaring mangyari kung nagkataon man na nasa tama ako, o takot na baka malaman ko ang sikreto nilang tatlo? 

Hindi na bago sa akin kung may sikreto man silang itinatago sa akin. Sa tuwing mapapabisita sa bahay si Tita Hyacinth ay nararamdaman kong may iba sa pagtrato niya sa dalawa.

 

Hindi rin naman ako naglalakas ng loob na magtanong sa kanila dahil para sa akin ay wala namang kabuluhan lahat ng sinasabi nila.

 

Habang tumatagal ang araw, mas lalo lamang lumalayo ang loob ko kay Tita Hyacinth. Ayokong masaktan si Mama nang dahil sa pagsama ko sa kanya. Ayokong iparamdam kay Mama na pinipili ko siya kaysa sa kanya.

 

Minsan ay napapansin ni Tita ang pag iwas ko sa tuwing magkakasalubong kami sa loob ng bahay at sa halip na makipagpatintero sa kanya ay ako na mismo ang kusang umiiwas at alam kong nararamdaman niya iyon.

 

Takot siya na lumayo ang loob ko sa kanya kaya gumagawa rin siya ng paraan. Siya na nga ang nagsabi na gusto niyang bumawi sa akin, 'di ba? Hindi ko nga rin alam kung anong babawiin niya sa akin.

 

May mababawi nga ba siya kapag sinabi kong ayoko sa kanya?

 

Nawala ang pag-iisip ko sa kung ano-anong bagay nang maramdaman ko ang marahang pag-alog ni Mama sa magkabilang balikat ko. Inosente akong nagtaas ng tingin sa kanya at napalabi dahilan upang matamis itong ngumiti.

 

“Kapag ang isang lalaki ay nangaliwa, ibig lang na sabihin no'n ay wala na siyang nararamdaman para sa kinakasama niya. Kapag ang isang lalaki ay nagloko, ibig lang na sabihin no'n ay nabulag siya sa isang pangako,” paliwanag niya. 

Hindi ko maintindihan ang nais niyang ipahiwatig sa akin. Hindi rin naman gano'n kabukas ang isip ko sa mga ganitong bagay dahil— anong expected mo sa pang-intindi ng isang anim na taong gulang na bata?

 

“Lahat ng tao ay may karapatang magdesisyon sa buhay. Karapatan niyang mamili ng taong makakasama niya sa buhay. Karapatan niyang bumuo ng desisyon para sa sarili niya at karapatan niya ring mamuhay ng masaya.” Isang malamyos na titig ang iginawad niya sa 'kin kasabay ng marahang paghimas sa magkabila kong balikat ng mga kamay niya. “Kung sakaling maghanap man siya ng iba at magawa niyang iwanan ka, huwag na huwag mo siyang pipigilan,” dagdag niya.

Palihim na tumaas ang kilay ko nang dahil sa confusion.

Huwag siyang pipigilan? Hindi ba't pagpapaubaya rin ang sinasabi niya sa 'kin ngayon?

Ito na ba yung tinatawag na pagpapamana?

“Bakit naman po, Mama?”

Isang malungkot na ngiti ang iginawad niya sa akin na mas lalo kong ikinabahala. Alam kong taliwas ito sa pakiramdam at paniniwala niya pero bakit ganito ang mga salitang sinasabi niya? 

Para bang kung makapagsalita siya sa harap ko ngayon ay para bang sinasabi niya na wala siyang karapatan sa asawa niya. Porque ba mahal mo ang pinsan mo, magagawa mo na ang ganitong klase ng pagpapaubaya?  

Ang pagpapalaya sa asawa mo?

“Kung mahal ka ng isang lalaki, siya na ang kusang lalapit at magmamahal sayo. Kung mahal ka ng lalaking pinili mo, hindi niya na magagawang maghanap ng iba dahil para sa kanya—kumpleto ka na.”

Ang mga salitang ipinamukha sa akin ni Mama ay ang kaisa-isang bagay na pinanghahawakan ko na lang sa ngayon. Tama naman siguro siya, 'di ba?

 

Hindi magagawang magloko ng isang lalaki kung walang manlalandi sa kanya. At marami sigurong kumpleto ang pamilya sa panahon ngayon kung walang kabit na dumidikit.

 

Lumipas ang maraming araw at dumating na nga ang isa sa mga araw na pinakahihintay ko at ng mga bata na kaedad ko. Ito ang mahalagang araw na kukumpleto sa buhay namin na kung saan ay magagawa na rin naming pag-aralan at matutunan lahat ng mahahalagang bagay sa buhay ng isang tao— ang makapag-aral.

Isang tapik sa binti ang nagpagising sa diwa ko at nang sandaling magmulat ako ng mata ay ang nakangiti ng mukha ni Mama ang bumungad sa akin.

 

Nakagawian na naming dalawa ang matulog nang magkatabi sa higaan kahit na may sariling kwarto naman ako sa bahay. Minsan nga ay hatinggabi na ako kung magtungo sa kwarto niya upang makitabi. Sadyang bumuhos lang ang napakalakas na ulan kagabi kaya naman hindi na ako nag-atubiling tumakbo patungo sa kwarto niya. 

 

“Gising na, Kimberly. Papasok ka pa,” utos niya.

Kahit na pinipilit pa rin akong hilahin ng kamang kinahihigaan ko ay wala rin akong choice kundi piliting bumangon at sumunod sa utos ni Mama.

Gaya nga ng sinabi niya ay ngayon ang unang araw ng pasok ko sa primary. Mas lalo pang nakakadagdag sa excitement ko ang katotohanang isang buong araw na akong mananatili sa school, 'di tulad nang nakaraang buwan na sa bahay lang ako nanatili kasama ng private tutor ko. 

Ewan ko ba pero nakakadagdag din sa excitement ko ang magkaroon ng kaibigan na pwede akong samahan sa lahat ng bagay.

 

And yeah, uhaw ako sa pakikipag-kaibigan. Never akong nagkaroon ng kaibigan dahil gaya nga ng sinabi ko kanina ay sa bahay ako nag-aral ng kindergarten. Bihira rin akong payagang lumabas kaya naman wala akong choice kung hindi manatili sa bahay kasama ni Mama. 

 

Mahigpit sila, oo. Alam ko naman na para rin naman sa akin ang paghihigpit na iyon kaya naman nagagawa kong tanggapin lahat ng bilin at sinasabi nila. Hindi rin naman importante sa akin ang kaibigan pero tila ba nagbago ang pananaw ko nang makita ko ang mga batang naglalaro sa bakuran namin noon.

 

Bakas sa mukha nila ang saya habang hinahabol ang isa't isa. Bakas sa mukha nila ang pagiging competitive na gusto ko rin namang maranasan. Gusto ko ring subukan na kaya ko ang isang bagay at kaya kong mapatunayan sa kanila na kaya ko ang lahat. Sila lang naman ang hindi nagbibigay ng pagkakataon sa 'kin.

Ni hindi ko man lang narinig sa kanila ang pagpayag na magkaroon ako ng kaibigan. Gusto ko lang din namang maranasan na may matakbuhan sa buhay at magkaroon ng ka-kwentuhan maliban sa kanila, maliban kay Mama kumbaga.

 

Pinagmasdan ko ang mga uniform na nakasabit sa closet ni Mama. Nakangiti ko itong kinuha at isinukat sa salamin. Malaya kong pinagmasdan ang sarili kong repleksyon habang nakangiti at natutuwa sa itsura ko.

 

Ganito pala ang pakiramdam na may isang bagay kang hinahangad at sa hindi inaasahang pagkakataon ay magagawa mo nang makuha sa isang pitik lang ang bagay na ginugusto mo?

Ganito rin ba ang mararamdaman ko kung sakaling magkaroon ako ng kaibigan sa klase?

 

Mabilis lamang ang naging kilos ko, magmula sa paliligo hanggang sa paghahanda. Pagkatapos mag ayos sa harap ng salamin ay nakangiti ko nang binuhat ang bag na nakalapag sa gilid ng kama at nangingiti nang bumaba sa kitchen upang daluhan sila Daddy sa breakfast.

 

“Ang ganda naman ng anak ko,” puri ni Tita Hyacinth habang nakasalo siya sa hapag.

Anong ginagawa n'yan dito?

Ramdam ko ang pagkalusaw ng mga ngiti ko at peke na lang na ginantihan ang ngiti niyang nagmistulang hilaw nang makita niya ang reaksyon ko sa sinabi niya.

Rinig ko ang tikhim ni Daddy sa kabisera na ipinagsawalang bahala ko na lang at nagpatuloy na sa pagdampot ng mga pagkaing nakahain sa hapag. 

 

Anak niya raw ako.

Anak niya raw ako?

Hindi ko alam kung anong nakain niya at nag-iilusyon siya ng mga ganyang klase ng bagay.

Iisa lang ang nanay ko at iisa lang ang babaeng ituturing kong nanay.

May mga bagay na kailangan mong matutunan kung saan ka lulugar, at isa na doon ang pagdikit mo sa isang lalaking alam mong may pamilya na.

 

Kasama ka na nga sa mga medical missions tapos hanggang dito ba naman sa bahay ay naririto ka?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status