Share

Chapter 8

May bago ba?

Hindi na rin naman ito ang unang pagkakataon na sinigawan ako ni Tita Hyacinth nang dahil sa pangungulit ko tungkol kay Mama. 

Yes, we are in good terms pero tama ba ang sigawan at ipahiya ako sa harap ng maraming tao? Mas lalo lamang umalburoto ang inis ko sa kanya nang dahil sa ginawa niyang paninigaw at pamamahiya sa 'kin sa harap ng maraming tao.

Ni wala nga siyang karapatang taasan ako ng boses kasi nung una pa lang, wala na talaga siyang karapatan sa akin. Si Daddy lang naman ang pilit na isinisiksik sa akin ang babaeng hindi ko naman gaanong kilala o mas tama bang sabihin na ang babaeng magiging dahilan kung bakit masisira ang pamilyang pinapangarap ko ngayon.

Masaya ang pamilya ko. Masaya ang pagsasama ni Mama at ni Daddy. Masaya ako sa tuwing nagkakatuwaan kaming tatlo at mas lalong sumasaya ako sa tuwing makikita ko silang dalawa na nagkakatuwaan. Masaya ako hindi dahil sa scripted lang ang mga tawa at hagikgik na ipinaparinig nila sa akin. Masaya ako dahil magkasama silang dalawa at alam ko sa sarili ko na magiging masaya lang ako kung magiging kumpleto ang pamilyang binuo nila at ako ang naging bunga ng pagmamahalan nila.

Lalo lamang nagningas ang apoy ng galit ko kay Tita Hyacinth dahil sa linyang binubuo nito sa pagitan naming dalawa ni Mama. Hindi ko nagugutuhan ang pangingialam nito sa mga desisyon ko sa buhay.

Ang ibig kong sabihin ay anong karapatan niyang makialam sa kung ano man ang hanapin ko?

Hindi ko alam pero may parte sa puso ko ang nagsasabing palipasin na lang ang sinabi niya dahil mukha namang wala siya sa reyalidad at natatabunan lang ng sama ng loob kay Mama ang galit niya, habang ang kalahati naman ng utak ko ang nagsasabing tama lang ang galit na namumuo sa akin at deserve niya naman ang bagay na iyon kung tutuusin.

Hindi ko alam kung sinong susundin ko, ang puso ko ba na nagsasabing hayaan na lang siya sa gusto niyang desisyon o 'yung utak ko na nagsasabing magalit sa kanya kahit na sa simpleng rason lang.

Sa totoo lang ay natatakot ako, may kakaiba akong nararamdaman sa kanya na iba sa paniniwala ko. Ito yung pakiramdam na para bang malaki ang magiging impact niya sa buhay ko kung magagawa ko siyang tanggapin sa buhay ko. Hindi ko alam pero ito ang nararamdaman ko sa ngayon.

Para bang sa isang simpleng salita niya lang ay mapapasunod niya na ako sa kung ano mang gugustuhin niyang ipagawa sa akin. May parte sa pagkatao ko ang nais na sumunod sa kanya pero mas lamang pa rin doon ang kamuhian siya. 

Labis ang naging hinanakit ko sa kanya nung mga panahong iyon kaya naman hindi ko naiwasang mapaluha sa sinabi niya.

Kung sakaling hindi ko man siya nanay gaya ng sinasabi ni Tita Hyacinth— ano namang pakialam ko?

Kahit na totoo man ang sinasabi ng babaeng kaharap ko, hindi pa rin naman iyon ang magiging dahilan upang kamuhian ko si Mama dahil unang-una sa lahat, siya ang tumayong ina ko rito sa mundo.

Anong karapatan kong magalit sa babaeng wala namang ibang ginawa kundi mapabuti at alagaan ako?

Wala akong pakialam kahit na makarinig ako ng diskriminasyon mula sa kung sino man ang gustong mang-alipusta kung sakali mang hindi ako nagmula sa sinapupunan ng kinikilala kong nanay. Sa panahon ba naman ngayon ay kinakailangan pa ba ng ebidensya? Hindi pa ba sapat na pinalaki kang maayos ng taong kumupkop sayo dahil hindi ka niya nagawang pabayaan?

Mahal ko si Mama kahit na alam kong nagsisinungaling siya. Mahal ko siya dahil nagawa niya akong alagaan kahit na hindi ako nanggaling sa kanya. Hindi naman siguro importante ang lukso ng dugo na sinasabi ng iba, 'di ba? Porque ba hindi kayo magkamag-anak ay wala ka nang karapatang kumupkop at tumulong sa isang ulilang bata?

Malaki nga ang bilib ko kay Mama, itinuring niya akong anak kahit na kalahati sa pagkatao ko mula sa dugo ni Daddy ay hindi nanggaling sa kanya. Bumibilib ako sa kanya dahil sa pagiging matured at bukas ng isip niya sa mga ganitong klase ng usapan. Nagagawa niyang kupkupin ang isang taong wala namang katiyakan kung sa kanya nga ba nagmula.

Ang buong akala ko ay sa hayop lang siya nagiging mabuti, pati rin pala sa tao. 

Kung anong ikinaganda ng mukha niya, siya rin namang ikinabuti ng ugali niya mula sa kalooban. 

Wala pa namang katiyakan pero ito na lang siguro ang natitirang paraan upang unti-unti kong matanggap ang resultang wala pa mang katiyakan ay unti-unti na rin namang nagpapagulo sa buhay ko at nagpapaguho sa mundo ko. 

Marahas kong pinunasan ang luha ko. Panay pa rin ako sa paghikbi kahit na paulit-ulit na akong inaalo ni Daddy. Kabi-kabila na rin ang mga taong napapatingin sa gawin namin at tila ba may namumuo ng kuwestiyon sa mga isip nila kung ano nga bang pinag-aawayan namin ng babaeng nakatayo pa rin sa harapan ko.

Bakas sa mukha ni Tita Hyacinth ang iritasyon na maski kailan ay hindi ko inaasahang maipaparamdam niya sa 'kin. Ngayon ko pa lang yata nakita ang nagpupuyamos sa galit nitong reaksyon nang dahil sa paulit-ulit kong sinabi kanina. 

Alam kong iritable siya dahil magmula nang makita ko silang dalawa na naghihintay sa akin ay sa halip na sagutin ang mga tanong nila ay ang presensya ni Mama sa araw na ito ang tinatanong ko. 

Aaminin kong sobrang sama ng loob ko at hindi ko man lang magawang patilain ang dismayado kong awra kahit na bahagya na rin namang humupa ang paghikbi at pag-iyak ko buhat kanina.

Laking pasasalamat ko kay Daddy dahil narito ang presensya niya at nandito siya upang aluin ako sa pag-iyak sa pamamagitan ng paghagod sa likod ko habang ako naman ay abala pa rin sa impit na paghikbi. 

Madalas kong iniiwas ang tingin ko kay Tita Hyacinth ngunit alam ko sa sarili kong namumula na rin ang mga mata nito.

Hindi ko alam kung para saan ang pamumula ng mga mata niyang mababakas mo ang pagod sa tuwing kukurap at tititig sa gawi ko. Ito ba ay resulta ng galit niya sa akin magmula pa kanina, o baka naman dahil sa dismaya niya sa sarili dahil nagawa niya akong sigawan nang nasa harap si Daddy.

Alam ko rin naman na papagalitan siya ni Daddy sa oras na makauwi kami at isa ito sa mga inaasahan ko dahil— she deserves that.

Saksi ako sa kung paano paulit-ulit na bumuntong hininga si Tita Hyacinth habang nakayuko sa lupa at tuwid na nakapamewang. Kahit na nababakas sa kanya ang pinaghalo-halong galit, inis at pagkadismaya sa mga oras na ito ay nagmumukha pa rin siyang elegante at may class sa itsura ng pagkakatayo niya. 

Lihim akong napapamura sa sarili ko sa tuwing makikita ko ang postura niyang iyon. Para bang sinasabi na elegante pa rin akong tingnan kahit na nagagalit at wala ako sa sarili habang nakaharap sa inyo. Hindi ko rin maiwasang mainggit dahil alam kong wala akong maibubuga sa kanya. 

Kung tutuusin ay maaari siyang ipanglaban sa Miss World dahil sa ayos at klase ng postura niya. Maging sa pamimili ng mga damit ay may skills siya kaya naman hindi ko maiwasang mapamura. Normal lang naman sigurong matuwa sa babaeng gaya niya, hindi ba?

Kung hindi lang talaga nasisira ang pamilya ko nang dahil sa kanya, baka sakaling talikuran ko na lang ang mundo at magsilbing isa na lang sa dying hard fan niya. 

Ang kaso ay wala kami sa wisyong dalawa upang magmahalan sa gitna ng pag-aaway.

Oo, maganda siya pero aaminin ko rin sa sarili ko na mas maganda pa rin ang mama ko at sa kanya ako nagmana ng tikas sa katawan.

Okay, Kimberly. Lokohin mo na lang nang lokohin ang sarili mo dahil halos lahat ng tao sa mundo ay napapaniwala sa mga ganitong klase ng feedbacks. I mean, kaya may mga magkaibigan na nauuwi sa prangkahan dahil hindi sila nagkakasundo sa mga desisyon nila sa buhay kaya ang ending— friendship over na.

Buong sandali akong natulala kay Tita Hyacinth at nang sa wakas ay nag-angat siya ng tingin sa gawi ko at nagsalubong ang tingin namin sa isa't isa, hindi ko maiwasang mag-iwas ng tingin at lihim na napasinghal sa sarili.

Hindi ko alam pero may parte ng puso ang kumikirot sa tuwing makikita ko siyang nasasaktan nang dahil sa mga sinasabi ko. 

Oo, pareho lang naman kaming nasasaktan sa ganitong klase ng set-up, pero ang akin lang kasi ay bakit kailangan pang magsakitan kaming dalawa, 'di ba?

Pwede ko namang hanapin sa sarili ko si Mama o di kaya ay hintayin at abangan ko na lang siya sa bahay sa oras na makauwi kami. Pwede rin namang tumahimik na lang siya at kimkimin na lang sa sarili niya kung gaano niya akong kinaayawan at sa halip na maging vocal na lang sa pagsigaw sa nararamdaman niya, bakit hindi niya na lang lunukin ang katotohanan at hayaan na lang akong mabuhay sa reyalidad nang hindi siya kasama o di kaya naman ay wala siya sa paningin ko?

Hindi ko naman ginustong magkaroon ng isang kumpletong pamilya ngunit naroon ang sakit. Gusto ko ng isang kumpletong pamilya na kahit na nakakaramdam kami ng kagipitan sa pera ay nagagawa pa ring maging masaya.

Minsan ay naiinggit ako sa mga batang nadadaanan ko sa kalye, 'yung tipong may mga magulang sila na naghahanap lang ng kalakal sa mga basurahan upang ma-afford lang nila ang makabili ng kape. Yung tipong umaasa lang sila sa mga pagkaing pag-pag na tira sa mga fastfood chain kahit na maaari silang makakuha ng sakit galing doon upang may maipantawid lang sa gutom.

Hindi naman sa sinasabi kong gusto kong maranasan ang mga bagay na iyon pero kung iyon lang ba ang paraan upang mamuhay kaming masaya at kumpleto nila Mama at Daddy— why not, hindi ba?

Sa panahon ngayon ay hindi naman importante ang pera. Hindi rin naman importante ang hygiene na kung sakaling sa kalye lang kayo nakatira ay ayos lang. Hindi rin naman importante ang matitirahan. As long as magkakasama kayong lahat ng pamilya niyo at wala kayong sakit, okay na ang lahat.

Sa panahon ngayon ay kailangan mong piliin ang mga bagay na alam mo sa sarili mong makakatulong sayo at 'wag mong pipiliin ang mga bagay na maaari mong ikasakit. Hindi importante ang materyal na bagay at masasabi kong ang pamilya ang pinaka importante sa lahat, at kasama na rin si Lord sa mga importanteng tao at bagay na sinasabi ko. 

Agad na nanlaki ang mga nanunubig kong mata nang makita ko ang iiling-iling nitong mukha bago nagdesisyong bumuntong-hininga na rinig mula sa gawi namin ni Daddy.

Dahan-dahan siyang yumukod sa harapan ko dahilan upang umatras si Daddy at panoorin kaming dalawa ng babaeng ito na mag-usap sa harapan niya.

Hindi ko inaasahan ang pagkulong nito sa magkabilaan kong pisngi sa mga kamay niya. Kung makahawak siya ng mariin sa mukha ko ay para bang isa itong babasaging gamit na hindi pwedeng mabasag sa isang haplos lang. Marahan ang pagguhit ng mga daliri niya sa pisngi ko na bahagya ko pang ikinailang

Ramdam niya ang gulat sa balat ko kaya naman malungkot siyang nangiti.

Hindi ko inaasahan ang bahagya nitong pagkakangiti at ang pinaghalong lungkot at pait sa mukha nito kaya naman hindi ko naiwasang mapatanong sa sarili kaugnay sa reaksyon niya.

“I'm sorry kung nasigawan kita, Anak,” saad niya kasabay nang mariing pagpikit dahilan upang mag-angat ako ng naluluhang tingin sa kanya.

“I'm not your daughter. Si Mama lang ang Mommy ko,” inosente kong sagot sa kanya.

Ngayon ay nararamdaman ko ang sakit na lumabas sa mga mata niya pagkatapos niyang marinig ang sinabi ko. Kailan ba naging big deal sa kanya ang lahat? Pati ba naman dito, aartehan niya ako?

“I'm sorry Kimberly sa mga nasabi ko sayo kanina. Aware ako na it's not appropriate para sayo pero sana magawa mo akong intindihin,” pag-ayos niya ng upo bago huminga ng malalim. “Gusto ko lang namang maglaan ng oras para sa 'ting tatlo ng Daddy mo. . .”

“He's not your husband naman, Tita. Pero bakit ikaw ang nandito?” hikbi ko na ikinatigil niya at bahagyang napayuko sa sarili.

Wala na akong pakialam sa mararamdaman niya ngayon. Gusto ko lang namang mailabas lahat ng hinanakit ko sa kanya kaugnay sa sinabi at ipinamukha niya sa 'kin kanina!

“I want my Mom here. Not you!” sigaw ko sa mismong mukha niya bago pumanhik sa loob ng kotse at padabog na sinara ang pinto nito.

Doon ko binuhos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Sobrang sakit ng salitang binato niya sa 'kin kanina. At anong sinasabi niyang maglaan ng oras? Para saan?

Hindi ko alam na allowed siyang pumasok sa pamilya namin. Alam niya ba ang pinagkaiba ng guest at pakaing-baboy?

Ang guest ay oras lang ang itinatagal sa bahay ng kaibigan nila habang ang ang pakaing-baboy ay 'yung mga bisita na inaabot ng linggo kung makitira sa bahay ng iba. Maging sa pagkain ay damay mo sila. Ganito ang nakakawalang-ganang makasama sa iisang bahay, 'di ba?

Nang matagumpay kong napatigil ang pag-iyak ay marahan akong bumaling sa bintana at hihikbi-hikbi silang pinagmasdan.

Nakatalikod sa gawi ng bintana kung nasaan ako si Tita Hyacinth. 

Hindi ko alam pero tila ba humupa ang hikbi ko sa sarili nang makita ko itong nakatalikod sa gawi kung nasaan ako at ilang sandali lang ay nakita ko na ang marahang pag-alog ng mga balikat nito marahil siguro sa  labis na pag-iyak.

Mukha itong lantang bulaklak na hindi nadiligan sa ayos niya. Hindi ko naman inaasahan ang biglaang paglapit sa kanya ni Daddy at halos manlaki ang mga mata ko nang makita ko siyang niyakap si Tita Hyacinth.

Saksi ako sa kung paano niyang ibinaon ang mukha ni Tita Hyacinth sa dibdib niya at ang marahan nitong paghaplos sa likod na tila ba gaya ko kanina ay pinapatahan siya sa pag-iyak.

Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kirot sa dibdib— hindi para sa 'kin, kundi para kay Mama.

Ano na lang kaya ang mararamdaman ni Mama sa sandaling makita niya ang ayos ng dalawa? Ano kayang mararamdaman niya kung sakaling malaman niya ang relasyon ng dalawa?

Nakakatawa lang na sa anim na anyos nila ipinapakita ang ganyang mga kilos. Paano na lang kung ma-adopt ko 'yan, 'di ba?

Hindi ba sila nag-iisip?

Tumigil ako sa pag-iyak at paghikbi nang sandaling pumasok sa front seat si Tita Hyacinth at halos masuka ako nang makita ko si Daddy na pinagbuksan at inalalayan pa ito sa pag-upo. Isang tikhim ang pinakawalan niya bago namin magkasabay na pinagmasdan si Daddy na umikot sa kotse upang makaalis na rin kami sa lugar na ito.

Grabe, sirang-sira na ang unang araw ko sa klase.

“Where do you want to go, Kimberly?” tanong niya na para bang walang nangyaring sagutan sa pagitan naming dalawa kanina.

“I want to go home,” sagot ko.

Hindi na rin naman nagawang dugtungan ang sasabihin dahil sa tono ng pananalita ko ay para bang pinuputol ko na ang karapatan niyang magsalita.

Ganyan, tama 'yan. Tumahimik ka at tigilan mo ang pagpapel sa buhay ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status