Share

Chapter 3

Nagmistulang tambakan ng basura ang loob ng sasakyan ni Enrico. Lahat ng mga iyon ay mga gamit ni Nenita na pinamili ng tatlong magkapatid sa kanya. Kulang nalang ay dalhin nila ang buong mall sa mansyon dahil ayaw nilang magpa-awat sa pagbili.

Walang nagawa si Nenita kundi ang tumunganga habang pinapanood ang mga ito na salitan sa paglapit sa kanya para tingnan kung bagay ba sa kanya ang napili nilang bilhin. Nagmistula siyang manikin na binibihisan ng tatlong tao.

Lutang ang isip ni Nenita hanggang sa matapos ang magkapatid sa pamimili. Hindi niya inaasahan na mangyari ito sa buhay niya. Pakiramdam niya ay isa siyang bata na matagal na nawala at natagpuan ang totoong pamilya.

Ang isa pang ikinalutang ng isip niya iyong malaman na ang pamilyang tinutuluyan niya ngayon ang may-ari nong mall.

"Wala ba kayong sasakyan na dala? " naiinis na tanong ni Enrico sa dalawa nitong kuya na nagsiunahan na pumasok sa loob ng kotse niya.

"Meron. Pero dito namin gusto sumakay pauwi, " sagot ni Ethan at sinara ang pinto ng sasakyan.

Napailing nalang si Enrico. Pinasakay niya sa passenger seat si Nenita bago umikot sa driver seat na nakabusangot ang mukha. Sa pangyayari ngayong araw ay na blangko ang isip ng dalaga. Hindi niya alam kung ano ang kanyang maramdaman sa pinapakita na asal sa kanya ng tatlong magkapatid.

Nahihiwagaan siya rito. Subra-subra ang kabaitan at kabutihan ang pinapakita nila gayong kagabi palang nila ito siya nakilala. Lulan sa sasakyan, tahimik lang siyang nakatingin sa labas ng bintana habang ang tatlong magkapatid ay nag-uumpisa na naman sa pagtatalo.

Nang makarating sila sa mansyon, hindi na siya hinayaan ng tatlong binata na magbitbit ng mga pinamili nila. Inabot sila ng hapon doon sa mall kaya pagkadating nila pinatulog muna siya ng tatlo at gigisingin nalang daw kapag maghahapunan na.

Gusto niyang magtanong kung ano ang maging trabaho niya rito pero pinagsarhan na siya ng pinto ni Enrico. Pagod na umupo siya sa dulo ng kama. Pinagmasdan niya ang mga pinamili nila na naka latag sa lapag. Mapait siyang napangiti sa isiping ang dali niyang nakuha ang mga ito habang ang kanyang mga kapatid ay nagtitiis sa pinaglumaan niyang mga gamit.

Hindi siya makatulog. Kaya naisipan niyang ayusin nalanng ang mga gamit na pinamili. Tinanggal niya sa isipan ang lungkot at konsensiya na siya lang ang makakaranas nito at hindi kasali ang mga kapatid niya.

Nang matapos nagpasya siyang lumabas sa kaniyang kwarto. Ang tahimik ng bahay. Namamanggha siya sa laki at lawak nito. Sa ganda ng paligid na ngayon lang nakita ng kanyang mga mata.

"S-sir... magandang hapon po." kinakabahan, nahihiya na sambit ni Nenita nang makasalubong niya sa pasilyo papuntang kusina si Javier.

"Are you hungry?" tanong sa kanya ni Javier .

Umiling siya. "Hindi ho. Hindi ako makatulog kaya naisipan kong lumabas at maghanap sana ng may gagawin," sagot nito na hindi makatingin sa lalake sa pagka-ilang.

Bahagya siyang kumalma nang ngumiti si Javier sa kanya. "Marunog ka ba magluto?" tumango siya bilang sagot. "Tara sa kitchen. Samahan mo ako magluto."

Sumunod siya kay javier. Lahat ng gawaing bahay ay alam niya. Ngunit ang paggamit sa modernong kagamitan ay wala siyang alam maski isa. Wala naman kase silang ganoon na gamit dahil kahoy ang ginagamit nila sa kanila sa pagluto.

"Do you know how to use this?" Umiling siya bilang sagot sa tanong ni Javier. "Electric stove ang tawag dito. Iikot mo lang ito pababa para bumukas ang apoy," inikot iyon ni Javier pababa. "Like this. Tapos pwede mo rin siyang i- adjust into low, medium and high."

Bawat paliwang ni Javier ay tinatandaan iyon ni Nenita. Pati ang paggamit ng microwave, oven, dishwashing machine kung saan manghang-mangha si Nenita. Lahat ng kagamitan sa kusina ay pinakita iyon ni Javier kung paano gamitin.

"Nakakamangha. Sa amin kase mano-mano lahat. Hindi kagaya dito na hindi ka na mag-ihip ng apoy para lang makasaing ng kanin," nagniningning ang mga mata sa pagkamangha na sambit ni Nenita.

Siya na ang pinagsaing ni Javier. Pati ang pag bukas ng kalan ay siya rin ang gumawa. Naka masid lang sa kanya si Javier at tigapuna kung ano ang susunod niyang gagawin. Naaaliw si Nenita. Bukod kase sa bago palang niya ito naranasan, less hassle pa sa trabaho niya.

Naghahain na si Nenita ng pagkain sa lamesa nang maabutan sila ni Enrico at Ethan. Halos kasabay lang rin nila sa pagdating si Don Emmanuel. Pinagmayabang naman ni Javier sa ama nito at kapatid ang natutunan ni Nenita na siyang ikinabusangot ng dalawa niyang kapatid ngunit hindi magawang makipagsagutan dahil kasama nila ang kanilang ama.

Natapos ang hapunan na naging normal na kay Nenita. Na para bang matagal na niyang kilala ang mag-ama na kasama niya sa harap ng hapag-kainan.

KINABUKASAN, maaga siyang nagising. Dahil alam na niya ang kung paano gamitin ang mga kagamitan sa kusina, siya na ang nagluto ng agahan. May nakadikit sa pinto ng ref kung ano ang ulam ngayong umaga. Hindi niya alam kung sino ang naglagay pero sinunod niya kung ano ang nakasulat doon.

"Anong oras na, ngayon ka pa lang nagising?" narinig ni Nenita ang pagalit na boses ni Ethan kaya lumabas siya sa kusina upang silipin ito. "Ikaw ang nakatuka ngayon sa pagluto ng agahan!"

Ang kausap nito ay si Enrico na nagkukusot ng kanyang mata at humihikab pa na pababa ng hagdan kasunod ni Javier.

"Baka kanina pa gising si Nenita—"

Nahinto sa pagsalita si Ethan nang pagharap niya nakita niya si Nenita na lumabas sa kusina. Alanganin ang ngiti na iginawad ni Nenita sa kanila at bumati rito. "Good morning po. Nakaluto na ako ng agahan. Iyong nakalista doon na nakadikit sa pinto ng ref ang niluto ko."

Mga ilang minuto pa bago nahimasmasan ang tatlong magkapatid sa gulat sa sinabi ni Nenita. Hindi kase nila inaasahan na ganoon lang kadali ni Nenita matutunan ang lahat na kagabi lang niya iyon nasubukan.

"Nakahanda na po ang agahan. Tatawagin ko po ba si Don Emmanuel?"

"H-hindi na. Bababa na iyon maya-maya," usal ni Javier at sabay silang lahat na nagtungo sa kusina.

Puro prito lang naman ang niluto ni Nenita dahil iyon ang nakalagay sa sulat. Itlog, hotdog, tocino at spam. Basic lang iyon sa kanya kahit itlog palang ang natikman niya sa mga iyon. Nang dumating si Don Emmanuel ay sabay na silang lahat na nag agahan.

Nang matapos, ang paglilinis naman sa buong bahay ang inusisa ni Nenita. Nagtulong ang talong magkapatid sa pagturo kay Nenita nang sa ganon ay maging fair iyon sa kanila. Nagmamasid naman si Don Emmanuel sa kanila na may magandang ngiti sa labi.

Hindi kase sila biniyayaan ng kanyang asawa ng babae na anak. Kaya natutuwa siya na may babae na ngayon sa kanilang tahanan na noon ay pangarap lang nila. Nakakalungkot lang dahil wala na ang kanyang asawa.

"Hindi mo naman kailangan maglinis araw-araw," sabi ni Ethan kay Nenita. Nagmemeryenda sila ngayon dito sa sala. "Kaya wag mong abusuhin ang sarili mo sa pagtatrabaho. Ang laki nitong bahay."

"Hindi mo na rin kailangan maglaba dahil pumupunta si Nanay Sonya dito tuwing linggo. Siya yung labandera," sabi naman ni Javier.

"Since, you are good in cooking, maybe iyon nalang ang trabaho mo since starting this monday maging busy na ako. Hindi ko na magagawa iyong mga trabaho na nakatuka sa akin," suhentiyon ni Enrico na sinang-ayunan ng dalawa nitong kuya.

"SIge po, walang problema. Ilista niyo lang kung ano ang lulutuin ko para magawa ko siya," masayang sagot rito ni Nenita.

Sa laki ng mansyon, sa sala palang ay aabutin na siya ng kalahating araw sa paglinis. Paano pa kaya kung isali niya pa ang ibang bahagi ng bahay sa paglinis? Hindi naman siya nagrereklamo sa maging trabahoo niya dahil siya naman ang naki-usap na mamasukan siya bilang kasam-bahay. Pero napagtanto niya na hindi niya pala kayanin na mag-isa ang trabaho rito kung buong bahay ay lilinisin niya.

Tulad ng napag-usapan, siya ang tiga luto. Pero dahil hindi siya sanay na walang ginagawa, kapag wala na ang magkapatid ay naglilinis siya. Nagpupunas sa mga babasagin na mesa. Nang mga gamit na naka display. Nang mga bagay na maabot niyang punasan. Basta may ginagawa siya. nahil hindi porque pinagsabihan na siya na iyon lang ang gagawin niya nahihiya parin siya na uupo nalang pagkatapos gayong nabanggit ni non Emmanuel na may sahod siyang matatanggap dito.

Unti-unti nang nakapag-adjust si Nenita sa pamamahay ng mga Montefalco. Medyo nasanay na siya na puro lalaki ang araw-araw niyang kasama. Medyo tanggap na niya na hindi na niya kasama ang kanyang mga kapatid at hindi ito makita.

"Mag ikot-ikot ka muna dito may pupuntahan lang ako," wika ni Jvier nang makarating sila sa bayan. Mamalengke siya ng mga gulay at dito niya gusto bumili. "Marunong ka na naman gumamit nito diba?" tukoy nito sa touchscreen na cell phone na inabot niya kay Nenita. "Tawagan mo ako kapag tapos ka na. O kaya ay si Ethan at Enrico."

"Sige po,sir."

"Mag-ingat ka," kumuha ng libuhing pera si Javier sa pitaka nito at inabot sa kanya. "Para sayo. Baka may gusto kang bilhin para sa sarilii mo."

Umiling si Nenita. "Hindi na ho. Wala naman akong bibilhin."

"I insist," aniya at inilagay iyon sa palad ni Nenita.

Hindi na nakipagtalo si Nenita. Tinanggap niya iyon pero wala siyang balak na gastusin iyon. Ilang beses na siyang naka punta rito sa bayan kaya pamilyar na siya sa lugar. Nagtungo na siya sa kanyang pupunatahan. Marami ang kanyang bibilhin ngayon kaya hindi na siya nagsayang ng oras.

Malaki ang pera na ibinigay ni Don Emmanuel sa kanya. At sinabing siya na ang bahala sa mga bibilhin nito dahil hindi naman sila mapili sa ulam na kanilang kinakain. Maalam siya sa pagluto kaya gamay na niya ang pamimili ng mga sangkap.

Nang makakita ng sariwang shrimp, bumili siya ng tatlong kilo . At limang kilo ng tilapia at bangus. Paborito niya kase ang mga ito. Bumili rin siya ng karneng baka dahil naisipan niyang magbulalo siya mamayang hapunan.

Ang dami niyang pinamili. ngunit hindi niya alintana ang kabigatan nito. Dalawang bayong ang dala niya at puno iyon lahat. Dumaan siya sa bakery nang makaramdam ng gutom. Bumili sya ng isang slice ng cake. Pati iyong hindi pamilyar sa kanya na klase ng tinapay ay bumili rin siya at softdrinks. Maluha-luha ang kanyang mga mata nang ilapag iyon sa kanyang harapan. Ito ang mga pagkain na hindi niya pa natitikman. Dahil kahit pandesal na tig limang piso ay hirap silang makabili sa hirap ng kanilang buhay.

"Kapag nakasahod ako, hindi lang ito ang ipapatikim ko sa mga kapatid ko," hilam ang mata na usal niya at kumain.

SA ILALIM ng tirik na araw, may ngiti sa labi na naglalakad ang isang batang babae bitbit ang kanyang pinamili nang may humablot sa kanyang braso at hinila siya sa loob ng isang makipot na daan. Takot ang rumihestro sa kanyang mukha. Akma siyang sisigaw upang humingi sana ng tulong nang makilala niya kung sino ang humablot sa kanya. Kahit nakabalot ng purong ang kalahati nitong mukha ay kilala niya kung sino ito. Mariin siyang napalunok at sinalubong ang matalim nitong tingin.

"Ilang linggo kang hindi nagpakita at nagparamdam sa akin, " mahina ngunit mariing usal ng lalaki sa batang babae. "Namimihasa ka yata doon," mariing napalunok ang batang babae nang dumiin ang pagkahawak ng lalake sa braso niya. "Pakatandaan mo ang dahilan kung bakit ka pumasok sa buhay ng pamilyang iyon, Antonette. Iyon ang ilagay mo sa kukute mo. Dahil bawat galaw mo binabantayan ko. "

"O-opo... Sorry po. H-hindi na mauulit... " nangangatal ang labi sa takot na sagot nito sa lalaki pagkatapos marahas siya nitong binitawan at iniwan.

Napapikit at mariing nakakuyom ang kamao ng batang babae na nagngangalang Antonette. Pinulot niya ang mga pinamili na nalaglag sa lapag. Pagkatapos ay humugot ito ng isang malalim na paghinga upang ikalma ang sarili.

"Misyon... Iyon ang dapat na isipin ko sa pamilyang iyon, " aniya at muling pinasigla ang mukha bago muling nagpatuloy sa paglakad pauwi sa bagong bahay na kanyang tinitirhan ngayon.

Sa pamilyang dapat ay misyon lang ngunit masaya ang puso niya kapag kasama niya ang mga ito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status