Share

Chapter 1

Abot langit ang kaba ni Maxine nang tawagin siya ng sekretarya ni Director Kim at papasukin sa loob ng audition room. Si Director Kim ay isa sa mga sikat na director ng SongSong Entertainment. Nagkaroon kasi ng audition para sa isang supporting role ng isang pelikulang proyekto ni Director Kim at lakas-loob namang nag-apply roon si Maxine.

Sa anim na taon niyang pagsusumikap bilang maging isang ganap na artista ay ito ang unang pagkakataon na naglakas loob siyang mag-apply para sa isang role. Pagka-graduate pa lang kasi niya ng kolehiyo sa kursong Tourism Management ay sumabak na siya sa acting classes at workshop. Panay rin ang paglabas niya bilang extra sa mga pelikula o 'di kaya'y sa mga commercial sa telebisyon. Matiyaga rin niyang pinasok ang pagmomodelo upang magkaroon ng pangalan kahit na papaano.

Sa totoo lang ay pangarap talaga niyang maging isang flight attendant, pero isinantabi niya ito para lamang sa nag-iisang lalaki na kanyang gusto—si Lucas Ridge.

Trese anyos pa lamang siya ay iniidolo na niya talaga si Lucas na noo'y labing limang taong gulang naman. Ambisyosa na kung ambisyosa, pero wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Nakahanda siyang gawin ang lahat para lamang maabot ang lalaking kanyang kinababaliwan.

"Miss Maxine Willow," pagbanggit ng direktor sa kanyang pangalan habang palipat-lipat ang tingin sa mga papel na hawak.

"Yes po, Direk," magiliw naman niyang tugon. Pakiramdam niya ay bibigay ang mga tuhod niya anomang oras dahil sa sobrang niyerbyos.

"Bukas sa conference room at 9 o'clock in the morning," sabi nito sa kanya. Napakurap-kurap naman siya rito na tila ba hindi makapaniwala sa sinabi nito sa kanya.

"P-Po?" Umayos ng upo ang direktor at deretsyo siyang tiningnan sa mga mata.

"You passed the audition, Miss Willow. At bukas na ang script reading kaya dapat ay naroon ka."

Hindi malaman ni Maxine ang kanyang gagawin matapos marinig ang mga salitang iyon mula sa direktor na nasa kanyang harapan. Gusto niyang himatayin sa labis na pagkatuwa! Gusto rin niyang yakapin ang matandang lalaki na nasa kanyang harapan! Hindi siya makapag-isip ng tama kung ano ang dapat na una niyang gawin.

"Thank you po, Direk! Gagawin ko po ang lahat para sa role na 'to. Hindi ko po kayo bibiguin!" masayang sabi ni Maxine sa direktor.

Nginitian siya ng matanda habang tumatango-tango. "Do not disappoint me, Miss Willow. I believe in you. You may go now."

"Thank you so much, Direk!" Iyon lang at tinalikuran na nga niya ang direktor.

Hindi naman maalis-alis sa mukha niya ang pagkakangiti nang lisanin niya ang audition room na iyon. Sa wakas ay nabigyan na siya ng supporting role sa pelikula. Hindi na lamang siya basta extra kung 'di parte na talaga siya ng isang pelikula.

"Kumusta? Anong balita?" salubong sa kanya ng pinsang si Summer.

Isang napakalapad na ngiti naman ang ibinigay niya rito saka siya tumugon. "I passed!" she giggled.

"Oh my gosh! Congratulations!" masayang bati ni Summer sa kanya habang napapatalon pa sa sobrang tuwa.

"I can't believe it! Sa fifty-four na nag-audition, ako ang nakuha!" kilig na kilig naman niyang sabi.

"Kailangan nating mag-celebrate! Let's go!" yaya sa kanya ng pinsan pero agad din siyang tumutol dito.

"No, Sum. I need to rest para bukas. Script reading na kasi namin at kailangan kong maghanda."

"Oh, I see. Oh sige, halika na at umuwi na tayo. Sa bahay na lang tayo magdiwang!" At hinila na nga siya ng pinsan pasakay ng elevator.

Pero natigilan siya nang sa pagbukas ng pinto ng elevator ay bumungad sa kanya ang isang napakagwapong nilalang.

Isang simpleng blue t-shirt at fitted and ripped jeans ang suot nito na siyang nagpapahubog sa magandang katawan nito. At kahit na nakasuot ito ng black shades ay lutang na lutang pa rin ang kagwapuhan nito.

Kumislot ang puso niya nang balingan siya ng tingin ng gwapong lalaki at nang maglakad ito papunta sa kanya. Napaawang ang mga labi niya at wala sa sariling binigkas ang pangalan nito.

"Lucas."

Lucas already passed her pero agad ding nagtigil at bumalin sa kanya. "Yes?" Nakangiti ang mga labi nito sa kanya at nakaramdam ng pagwawala ang puso niya.

"Maxine Willow?" singit na tanong naman ng kasama nitong lalaki. "Oh my gosh! Ikaw nga!" Ang buong akala ni Maxine ay lalaki ang kasama ni Lucas, pero nahimigan niya ang kakaibang tono ng boses nito nang mapasigaw ito.

"Do you know her?" tanong ni Lucas sa kasama nitong lalaki.

"Yes! She is one of the beautiful models and... I'm a fan!" tugon nito na siyang ikinagulat niya. Totoo naman na nagmomodelo rin siya pero hindi naman yata kapani-paniwala na mayroon siyang fan.

"Really? Fan ka ni Maxine?" masayang singit na tanong naman ni Summer dito.

"Yes! At hindi ko inasahan na makikita ko siya rito," tugon ng lalaki kay Summer at pagkatapos ay binalingan siya nito. "Can we take a picture?"

"Sure," tugon naman niya rito habang napapatango-tango pa.

"Sir Lucas, wait lang ha," paalam nito kay Lucas at nag-nod naman si Lucas dito.

Tumabi ang lalaki kay Maxine at kinuhaan naman sila ni Summer ng litrato. Pagkatapos ay bigla namang humirit si Summer.

"Parang mas maganda kung kuhanan ko na rin kayong tatlo, isama natin si Lucas," pormal na sabi ng pinsan niya. Pinandilatan naman niya ito ng mga mata at hindi niya alam kung bakit napakakalmado lamang nito kahit na alam naman nitong patay na patay siya kay Lucas Ridge.

Summer is not just a cousin to her, ito rin ang P.A niya dahil ito ang lagi niyang kasa-kasama sa lahat ng lakad niya. Bukod doon ay itinuturing din niya itong bestfriend niya kaya naman alam na alam ni Summer ang lahat ng bagay sa kanya.

"Oh sure." Narinig naman niyang tugon ni Lucas at palihim na nagdiwang ang kalooban niya.

Lucas stood beside her and he felt the electricity when their skins stick together. Hindi niya magawang ngumiti ng maayos dahil sa mga nagkakagulo sa kanyang sistema.

"Parang mas maganda kung alis ka muna diyan," sabi ni Summer sa lalaking fan daw ni Maxine.

"A-Ako? Alis muna ako?" naguguluhang tanong nito habang itinuturo ang sarili.

"Oo ikaw, alis ka muna," tugon naman ni Summer habang nakatuon ang pansin sa cellphone na hawak nito na nakatutok sa kanila ni Lucas.

Marahan na umusod ang lalaki hanggang sa silang dalawa na lamang ni Lucas ang makuhanan sa screen ng cellphone na hawak ni Summer.

"Uhm... pwede bang magdikit pa kayo ng kaunti?" Napataas ang kilay niya sa tanong ng pinsan. Ano ba sa tingin nito ang ginagawa nito? Hindi ba nito alam na para na siyang aatakihin dahil sa presensya ni Lucas?

"Okay, sure," magalang na tugon naman ni Lucas at naramdaman na nga lamang ng balikat niya ang malapad na dibdib nito. Sa gulat niya ay napalingon at napatitig siya rito.

"Perfect!" nakangiting wika ni Summer sabay kuha sa kanila ng litrato.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status