Share

CHAPTER 5

“KUMUSTA ang pakiramdam mo, hijo? Maigi na ba? Heto't may dala akong almusal na lugaw.” Binalingan ni Lalaine ang kanyang Nanay Melba nang sabihin iyon sa lalaki na kasalukuyang nakahiga lamang at parang malalim ang iniisip. Hindi niya rin alam kung narinig ba nito ang tanong ng kanyang nanay dahil hindi man lang ito umimik.

Oras iyon ng pagbisita sa hospital kaya naroon ang kanyang Nanay Melba. Isa pa'y nagbilin din kasi siya sa kanyang nanay ng damit niyang bihisan at makakain nila ng lalaki sapagkat sa mga tulad ng pampublikong ospital kung saan sila naroon ay walang rasyon ng pagkain lalo na iyong mga nasa ward. Kalilipat lamang nila roon mula sa recovery room dahil ang sabi ni Doc Macaraig ay maigi na ang lalaki at kailangan na lang magpagaling.

Ayon kay Doc Macaraig, nagtamo ang lalaki ng multiple gunshot wounds sa katawan ngunit maswerte itong walang na-damage na organs. Ang pagkakaroon naman nito ng temporary amnesia ay dahil sa matinding pagkakapalo ng ulo nito sa matigas ba bagay. Kinakailangan pa rin nitong manatili pa ng isang linggo sa ospital dahil may mga tests pa na kailangang gawin para masiguro na ligtas na ito.

Lihim na napailing si Lalaine sa inasta ng lalaki habang binubuksan ang bag na naglalaman ng pagkain. Isa-isa niyang nilalabas ang mga plastik na baunang may lamang kanin, ulam na adobong paa ng manok, at lugaw para sa antipatikong lalaki. Nagpaluto talaga siya nito sa kanyang Nanay Melba dahil ang sabi ni Nurse Via ay bawal pa itong kumain ng solid food.

Napaka-antipatiko! isip-isip ni Lalaine nang maalala ang nangyari kagabi kung saan basta na lamang niya binuksan ang banyo dahil akala niya ay may nangyayaring kung ano sa pagitan nito at ni Nurse Via. Halos lumubog siya noon sa kinatatayuan dahil sa kahihiyan sapagkat pinag-iisapan niya ang mga ito ng hindi maganda samantalang ang tumambad lang sa kan'ya ay si Nurse Via na hirap na hirap alalayan ang antipatikong lalaki sa pag-aayos nito ng sarili matapos matanggalan ng catheter.

Humingi naman siya ng paumanhin sa mga ito pero ang lalaking ito ay halos kainin siya ng buhay sa sama ng tingin. Sinigawan pa siya nito at ang sabi'y dapat daw ay kumatok muna siya at saka ipinagtabuyan siya paalis ng banyo. Hindi tuloy niya malaman kung nahihiya ba ito sa kanya o ayaw lang talaga siya nitong makita. Pero ngayon ay wala ng choice ang masungit na lalaking dahil siya na ang mag-aasikaso at aalalay kung gusto nitong magpunta ng banyo.

“Alam mo ba hijo, ang anak kong si Lalaine ang sumaklolo sa'yo at nagdala rito sa ospital,” pagpapatuloy pa ng kanyang Nanay Melba. “Napakabait talaga niyang anak ko kaya't heto nga sinabi pa niyang ipagluto kita ng lugaw," dagdag pa ng kanyang nanay na tila ba hindi alintana ang hindi pagtugon ng lalaki.

Nanatili namang nakabaling ang lalaki sa ibang direksyon at hindi kumikibo kaya lihim na napabuntong-hininga si Lalaine habang inihahanda ang mga pagkain. Alam niyang marahil ay epekto pa rin ng sakit nito ang inaasal ng lalaki ng mga sandaling iyon pero hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng inis kahit pa nga sabi ng doktor ay kailangan ng mahabang pasensya ang mga pasyenteng tulad nito.

“Ano baga ang itatawag namin sa'yo, hijo?" mayamaya'y tanong pa ng kanyang Nanay Melba sa walang imik na lalaki.

"Nay, 'wag mo na siyang kausapin dahil baka English-in ka lang n'ya. Hindi po yata 'yan marunong magsalita ng Tagalog eh," hindi nakapagpigil na sabat ni Lalaine. Sa sinabing iyon ni Lalaine ay lumingon sa kan'ya ang lalaki na may blankong ekspresyon. Hindi tuloy n'ya mawari kung nagalit ba ito o nainis sa sinabi niya.

Natutop naman ni Nanay Melba ang kanyang bibig dahil sa sinabi ng anak. "Ay! Ganoon ba anak? Kaya siguro hindi n'ya ako sinasagot," wika nito. “Pasensya ka na hijo, hindi ko alam na hindi ka marunong magsalita ng Tagalog. Kung sabagay mukha kang foreigner," saad pa ng kanyang Nanay Melba sa lalaki na noon ay nakatingin lang sa kanila. 

Hindi na lang pinansin pa ni Lalaine ang pagsusungit ng lalaki, sa halip ay nilapitan niya ito bitbit ang plastik na mangkok na may lamang mainit pang lugaw. "Kumain ka na, susubuan kita ng lugaw," turan niya rito. Saglit niyang ibinaba ang mangkok na hawak at inilapag sa mesa katabi ng kinahihigaan ng lalaki. Pero ni hindi man lang ito tuminag, sa halip ay muli nitong ibinaling ang ulo sa ibang direksyon. "Kailangan mong kumain para lumakas ka. Ayaw mo bang lumabas ng ospital?" ani Lalaine na hindi na mapigilan ang sariling ipakita ang inis sa lalaki. Ayaw sana niyang magalit dahil naiintindihan naman niya ang kalagayan nito, iyon nga lang hindi naman siya Santa.

"Oo nga naman, hijo. Kailangan mong magpalakas dahil baka hinahanap ka na ng mga magulang mo," segunda naman ng kanyang Melba.

Hinahanap nga kaya siya? tanong naman ni Lalaine sa isipan. Halata naman sa lalaki na galing ito sa mayamang pamilya. Tiyak na madali lang para sa mga itong mahanap ang lalaki, pero bakit halos dalawang linggo na ang lumipas ay walang kamag-anak na natutunton ang mga pulis? Hindi kaya ulila na siya? Sa naisip ay nakaramdam ng awa si Lalaine para sa lalaki. Lalo tuloy siyang hindi makapag-desisyon kung ipapasok na lamang ang lalaki sa rehabilitation center o kupkupin niya. Sinusundot kasi ang kanyang konsensya sa t'wing naiisip niya na iiwan niya sa pangangalaga ng Social Worker ang lalaki.

"Please, itigil mo na ang katigasan ng ulo mo at kumain ka na. Sayang naman 'tong lugaw kung hindi mo kakainin," ani Lalaine sa nakikiusap na tono. Hangga't maaari ayaw na niyang magalit pa sa lalaki. "Maraming tao ang nagugutom tapos ikaw inaayawan ang pagkain? Kung alam mo lang, gipit din kami ngayon kaya—"

"Give it to me.  I can feed myself," putol ng lalaki sa sinasabi ni Lalaine pagkatapos ay nagpumilit itong bumangon kahit bakas sa mukha ang matinding sakit nararamdaman. Sariwa pa kasi ng mga sugat nito kahit palagi naman niyang ginagamot.

"Ano ang sabi niya, anak? Galit ba siya?" usisa naman ng kanyang Nanay Melba.

"Kaya n'ya na raw po kumain mag-isa, Nay," sagot naman ni Lalaine saka inabot sa lalaki ang mangkok na may lamang lugar. Napakasungit! Ako na nga ang nagmamagandang-loob eh! nagngingitngit na wika ni Lalaine sa isipan. Matapos iabot ang mangkok ay pihim niya itong inirapan.

"Mabuti naman kung ganoon," nakangiting saad ng kanyang Nanay Melba. "Kumain ka ng marami hijo, masarap iyang lugaw. Paborito 'yan ni Lalaine sa t'wing may sakit siya," dagdag pa ng kanyang nanay saka pinanood ang lalaki sa ginagawa na para bang nagniningning ang mga bata.

Gwapo nga, masungit naman! ani Lalaine saka kinuha ang sariling plato na may lamang pagkain. Hindi na niya ito pinansin dahil nagugutom na rin siya. Nag-umpisa na siyang kumain matapos alukin ang kanyang Nanay Melba na pinanonood lamang sila, pero mayamaya lang muling nilingon ni Lalaine ang lalaki nang marinig niyang naduwal ito.

"What is this?! " tanong nito na tila diring-diri habang hawak ang paa ng manok na sahog ng lugaw.

"That chicken feet," kaagad namang sagot ng kanyang Nanay Melba na imunuwestra pa sa lalaki kung ano iyon. Natawa pa si Lalaine dahil pinilit pa talaga ng kanyang nanay ma magsalita ng lengwaheng English kahit mali naman ang pagbaybay nito. Hindi kasi nakapagtapos ng pag-aaral ang kanyang nanay at elementary lang naabot nito dahil mas inuna raw nito noon ang pagsasaka ng palay. Ngunit kahit ganoon ay ipinagmamalaki niya ang kanyang mga magulang dahil pinagtapos siya ng mga ito kahit pa nga dalawang taon lang iyon sa kolehiyo.

"Nay, nakakaintindi po siya ng Tagalog," natatawang saad ni Lalaine sa kanyang Nanay Melba pagkatapos ay sa lalaki naman bumaling na noon ay masama ang mukha habang nakatingin sa lugaw na hawak.  "Chicken feet 'yan," wika ni Lalaine sabay taas ng paa ng manok na kanina pa niya nginangata. Paborito niya ito mapa-adobo man o sahog sa lugaw ang luto. "Siguro ngayon ka lang nakakain niyan, ano?' Wag ka mag-alala, hindi ka malalason d'yan. Pagkain naming mga mahihirap' yan," dagdag pa ni Lalaine habang panay ang nguya. Nakita naman niya kung paanong sumama ang mukha ng lalaki pagkatapos niya itong sabihin. Palibhasa mayaman! isip-isip ni Lalaine saka muling itinuon ang atensyon sa sariling pagkain.

"Masarap 'yan hijo, tikman mo," turan pa ng kanyang Nanay Melba. "Pag matikman mo iyan ay tiyak na hahanap-hanapin mo."

Sa sulok ng mga mata ni Lalaine ay nakita niya namang isinubo ng laki ng hawak na paa ng manok. Lihim pa nga siyang natawa nang makitang halos maubos iyon sa isang subo. Pati yata buto ng manok kinakain. Ang tigas kaya no'n! wika niya sa sarili habang pasimpleng pinagmamasdan ito.

Nang matapos kumain ay tumayo si Lalaine para kunin ang bote na may lamang tubig at iniabot iyon sa lalaki. Tinanggap naman nito iyon subalit ni hindi man lang nagpasalamat. Ngumuso lamang si Lalaine at saka uminom na rin ng sariling tubig pero naudlot iyon nang magsalita muli ang lalaki. Bihira lang kasi itong magsalita at kung may sasabihin man ito madalas ay may iuutos lang.

"I need to go to the bathroom," wika ng lalaki na kay Lalaine nakatingin habang dahan-dahang bumababa sa kamang hinahihigaan.

"Ano baga ang sabi niya anak?" muling usisa naman ng kanyang Nanay Melba.

"Pupunta raw siya ng banyo, Nay," sagot naman ni Lalaine sa ina saka tumayo lumapit sa lalaki. Pero hindi maipaliwanag si Lalaine kung bakit sa t'wing magkakadikit sila ng lalaki ay kinakabahan siya. Kailangan kasi niyang akayin ang lalaki sa pagtayo at paglalakad dahil hindi pa nito kaya mag-isa. Kaya tuloy minsan ay lihim na hinihiling na 'wag na itong magpunta ng banyo dahil hindi niya gusto ang pakiramdam na magkadikit sila nito. Para siyang napapaso na hindi niya mawari kaya hindi siya komportable roon.

Kahit naiilang sa sitwasyon ay kinuha ni Lalaine ang braso ng lalaki at isinampay sa kanyang balikat. May kabigatan ang lalaki dahil malaking tao ito ngunit ramdam naman niyang inaalalayan din nito ang sarili upang hindi siya mahirapang lalo. Matapos niyon ay ikinawit naman ni Lalaine ang sariling braso sa baywang nito upang alalayan itong hindi matumba kahit pa nga hayun na naman ang nakakapasong pakiramdam.

"Naku, anak! Bagay na bagay kayo ni Lukas!" bulalas ng kanyang Nanay Melba habang pinanonood sila. Tila pa kilig na kilig ang matanda sa nakikita.

Napahinto naman si Lalaine at bumaling sa kanyang nanay nang marinig ang sinabi nito. "Lukas, Nay?" pag-ulit niyang nagtatanong. Ang lalaki namang akay niya ay walang kibo ngunit sa sulok ng mga mata ni Lalaine alam niyang nakatingin din ito sa kanyang nanay at tila naghihintay ng sasabihin kung bakit iyon ang ibinigay nitong pangalan sa lalaki.

Tumango naman ang kanyang Nanay Melba at bakas sa mukha ang kasiyahan. "Oo anak. Ayaw mo bang ipangalan sa kan'ya ang pangalan ng Tatay Lukas mo? Maigi na iyon dahil pakiramdam ko ay muling nagbalik ang tatay mo, Lalaine," anang matanda na tila ba nakikita sa balintataw ang yumaong asawa. Sampung taon ng pumanaw ang Tatay Lukas niya dahil sa isang aksidente pero pakiramdam ni Lalaine ay kailan lang iyon. Naroon pa rin sa kanyang puso ang sakit ng pagkawala nito sapagkat malapit sila nito sa isa't isa.

Hindi na lamang kumibo si Lalaine at muling ibinalik ang atensyon sa lalaki. Marahan niya itong inakay habang hawak niya sa kabilang kamay ang dextrose nito. Nang marating ang banyo ay bumitiw na siya rito at hinayaan ang lalaki na pumasok roon. Mabuti na ngang Lukas ang pangalan mo, hindi na ako mag-iisip kung anong itatawag ko sayo, isip-isip pa ni Lalaine habang naghihintay sa labas ng banyo.

Ilang sandali pa ang lumipas ay narinig ni Lalaine na lumagaslas na ang tubig sa loob ng banyo. Marahil ay tapos na ito sa ginagawa. "Kailangan mo ng tulong Lukas?" tanong niya mula sa labas. Subalit ni hindi man lang ito tumugon at tanging lagaslas lang ng tubig ang kanyang naririnig. Hinayaan na lang ito ni Lalaine pero nanatili pa rin siya roon sa labas ng banyo dahil hawak niya ang dextrose nito.

Ilang minuto pa ang nagdaan, ipinagtaka ni Lalaine kung bakit hindi pa rin ito lumalabas. Nakaramdam tuloy siya ng pag-aalala dahil baka napaano na ito. Ipinasya ni Lalaine na pasukin ang banyo at doon, tumambad sa kanya ang lalaki na nakaupo sa tiles at tahimik na humihikbi. Nakakadurog ng puso ang anyo ng lalaki ng mga sandaling iyon kaya naman mabilis siyang nilapitan ni Lalaine at niyakap. Hindi gumanti ng yakap ang lalaki ngunit naramdaman niyang isinubsob nito ang mukha sa kanyang dibdib saka tahimik na humihikbi.

"Okay lang 'yan.' Wag mo piliting alalahanin ang lahat," ani Lalaine habang mahigpit itong yakap at marahan itong hinahaplos sa ulo. Alam ni Lalaine na mahirap ang pinagdadaanan nito kaya muli siyang nakaramdam ng konsensya dahil sa pagsusungit niya rito.

Ilang sandali pa ang nakalipas nang marinig ni Lalaine ang kanyang Nanay Melba mula sa labas ng banyo. "Anak, nandyan ang Social Worker sa labas. Gusto kang kausapin tungkol kay Lukas," pagtawag ng kanyang nanay.

"Sige po Nay, sandali lang po," ani Lalaine saka bumaling sa lalaki na noon ay titig na titig sa kan'ya bagaman mayroon pa ring luha sa mga mata. Sa pakiwari ni Lalaine ay uminit ang kanyang pisngi dahil doon kaya siya na ang kusang umiwas. Isa pa, hindi niya kayang makipagsukatan ng titig sa lalaki dahil pakiramdam niya ay nalulunod siya sa tingin ng abuhing mga mata nito.

"Thank you... for everything," wika ni Lukas at pagkatapos ay tumayo na. Si Lalaine naman ay hindi makapaniwala sa narinig. Iyon kasi ang kauna-unahang pagkakataon na nagpalasamat ito sa kan'ya. Tuloy pakiramdam niya ng mga sandaling iyon ay kinikiliti ang kanyang puso.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status