Share

CHAPTER 3

"LALAINE anak, mabuti naman at ligtas ka," kaagad na bulalas kay Lalaine ng kanyang Nanay Melba nang makita niya itong kumakaripas papalapit.

"Nay!" ganting wika naman ni Lalaine saka tumayo at sinalubong ang papalapit na ina at saka yumakap. "Bunso, bakit nandito ka? 'Di ba't may pasok ka?" baling naman ni Lalaine sa bunsong kapatid niyang si Lawrence. Kasalukuyang nasa grade 8 na ito sa mataas na paaralan ng San Miguel.

"Eh Ate, sinamahan ko si Nanay magpunta rito sa hospital. Saka nag-aalala ako sa' yo, akala ko ikaw ang naaksidente," turan naman ng kanyang kapatid.

"Anak, mabuti na lang at nakagawa ka ng paraan para makatawag. Alalang-ala ako sa'yo. Akala ko kung napaano ka na sa daan kaya hindi ka pa nakakauwi," saad kay Lalaine ng kanyang Nanay Melba. Kababakasan ng matinding pag-aalala ang kulubot na mukha ng matanda ng mga sandaling iyon.

"Oo nga, Ate. Hindi nininerbiyos na si Nanay kanina sa sobrang pag-aalala. Akala namin kung napaano ka na. Mabuti na lang at hindi pa ako nakakapasok sa eskwelahan nang magpunta si Aling Ising at sinabing nasa telepono ka," segunda naman ng kapatid niyang si Lawrence.

Hinila ni Lalaine ang kanyang Nanay Melba upang maupo sa isang tabi. Naroon pa rin kasi siya sa labas ng operating room at hinihintay na matapos ang operasyon. Matapos kasing masuri sa emergency room ay kaagad dinala ang lalaki sa operating room para masalinan ng dugo. Ayon sa doktor na sumuri, maraming dugo ang nawala sa pasyente kaya't kinakailangang masalinan kaagad. Mabuti na lamang at may reserbang dugo ang hospital na katulad ng blood type nito. Iyon nga lang, kailangan din niyang mag-donate ng sariling dugo kapalit ng naisaling dugo sa pasyente.

Masuwerte ring dala ni Lalaine ang kanyang pitaka dahil naroon ang numero ng telepono ng kapit-bahay niyang si Aling Ising. Ito lamang kasi ang may linya ng telepono na maaari niyang pakisuyuan para makausap ang pamilya. Noong kasing nagtatrabaho siya ng stay-in sa karatig-bayan, kay Aling Ising siya nakikisuyo para makumusta ang kanyang nanay at kapatid. Wala kasing cellphone ang Nanay Melba niya at siya lang ang mayroon. At para naman makatawag siya ay nakiusap siya sa nurse station para makontak si Aling Ising at nang malaman ng kanyang Nanay kung nasaan siya at kung ano ang nangyari.

"'Wag kayong mag-alala, okay lang po ako. Walang nangyari sa akin," nakangiting wika ni Lalaine sa kanyang Nanay Melba. "At ito," sabay turo niya sa brasong band-aid pa. "nag-donate lang po ako ng dugo kapalit ng dugo na ginamit sa pasyente," paliwanag pa niya. Nakita naman niyang nakahinga ng maluwang ang kanyang nanay dahil sa sinabi niyang iyon.

"Hay, naku! Mabuti naman kung ganoon anak," saad kay Lalaine nang kanyang Nanay Melba matapos ay binuksan nito ang maliit na bag na bitbit nito. "Nagdala ako ng pagkain Lalaine anak, alam kong wala pang laman ang tiyan mo,"dagdag pa nito sabay abot sa kanya ng baonan na may lamang kanin at ulam.

Tila naman noon lang nakaramdam si Lalaine ng pagkalam ng sikmura kaya awtomatiko siyang napatingin sa malaking wallclock na nakasabit sa pader. Ala-una na pala ng hapon! ani Lalaine sa sarili. Hindi niya namalayan na ilang oras na pala siyang nasa ospital dahil sa dami ng kanyang iniisip.

"Maraming salamat po, Nay. Gutom na nga po ako," nakangiting sagot niya saka kinuha ang baunan na may lamang pagkain. "Kumain na ba kayo ni bunso, Nay?" tanong pa ni Lalaine sa mga ito.

"Opo Ate, kumain na kami ni Nanay. 'Wag kang mag-alala," sagot ng kapatid niyang si Lawrence.

"Siya ngang tunay, anak. 'Wag mo kaming intindihin. Kumain ka na't alam kong nalipasan ka na ng gutom. Pagkatapos ay ikuwento mo sa amin kung ano ang nangyari," wika ng kanyang Nanay na ang tinutukoy ay kung bakit siya napasok s ganoong sitwasyon. Tumango na lamang si Lalaine saka nag-simulang kumain habang ikinukwento ang mga nangyari.

° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° °

MAHIGIT isang linggo na simula nang mangyari ang aksidente subalit hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa rin nagigising ang lalaking sinaklolohan ni Lalaine. Kaya hayun siya, mahigit isang linggo na ring walang maayos na tulog at pahinga.

Siya kasi ang nagbabantay ng pasyente sa recovery room dahil siya ang naging guardian nito. Wala pa rin kasing lead ang mga pulis na nag-iimbistiga sa pagkakailanlan ng lalaki. Ni walang nakakakilala rito sa kanilang lugar o kahit sa karatig-bayan kaya ang hinala ni Lalaine ay hindi ito nakatira sa kanilang probinsya at marahil ay dito lamang ito dinala.

"Anak, napakaguwapo talaga niyang binata, ano? Napakakinis pa, parang artista. Sayang lang dahil puro sugat ang kanyang mukha," nangingiting turan kay Lalaine ng kanyang Nanay Melba. Oras iyon ng dalaw ng bisita sa ospital kaya't naroon ang kanyang nanay para dalhan siya ng makakain at bihisan.

Salitan sila ng kanyang Nanay Melba sa pagbabantay sa lalaki ngunit mas mahaba ang inilalagi niyang oras dahil ayaw niyang mapagod ang kanyang nanay. Ito rin kasi ang pansamantalang nagluluto at nagtitinda ng pang-almusal na hindi niya nagagawa. Doon lamang kasi sila kumukuha ng pang-gastos kaya't hindi maaaring hindi sila magtitinda.

Napailing naman si Lalaine sa tinuran ng kanyang Nanay habang inaayos niya ang plastik na baunan. Katatapos lamang kasi niyang kumain ng pananghalian na ihinatid nito. "Naku, Nay ha? Akala ko malabo na ang mga mata mo, malinaw pa pala," pabirong sagot niya.

"Aba'y bakit? Totoo naman anak, 'di ba?" anang Nanay Melba niya saka tumayo sa kinauupuang silya at sinipat ang walang malay na lalaki. "Ang puti-puti ng balat at ang kinis. At saka parang anak-mayaman," dagdag pa nito kay Lalaine.

Sa sinabi ng kanyang nanay ay ibinaling ni Lalaine ang atensyon sa walang malay na lalaking nakahiga sa hospital bed. May benda ito sa ulo, at may nakakabit na kung anu-anong aparato sa ilong at bibig. Artista nga kaya siya? O baka model? piping tanong ni Lalaine sa sarili habang pinagmamasdan ito.

Aaminin niya, totoo ang sinabi ng kanyang Nanay Melba na guwapo nga ito. At hindi lang basta guwapo, para kay Lalaine, kulang ang salitang guwapo para ilarawan ang anyo ng lalaki. Matangkad ang lalaki, sa tantiya niya ay nasa 5 feet and 11 inches ang taas. May magandang pangangatawan, may maputi at makinis na balat ngunit ngayon ay napupuno ng galos, pasa, at sugat dahil sa aksidente. Ang buhok nito ay kulay-kape at bahagyang kulot. May matangos na ilong, mahahabang pilik-mata na animo'y pangbabae, at manipis ngunit maputlang mga labi na marahil ay sanhi ng pumutok na sugat. Mayroon din itong tattoo sa leeg na ang disenyo ay maliit na mga tuldok at pahabang mga linya. Hindi alam ni Lalaine kung ano ang tawag sa disenyong iyon pero alam niyang may ibig sabihin iyon.

"May nobya na kaya siya, anak? O baka naman may asawa na? Naku! Sayang naman kung magkakaganoon," dagdag pa ng nanay ni Lalaine na pilyang nakatingin sa kanya. Napailing naman siya saka muling ibinalik ang atensyon sa pag-aayos ng pinagkainan. Mayamaya lamang kasi ay aalis na rin ang kanyang nanay dahil matatapos na ang oras ng pagbisita.

Alam din ni Lalaine ang ibig sabihin ng kanyang Nanay Melba. Sa edad niyang bente-sais ay lagi nitong binabanggit ang kawalan niya ng nobyo. Nagkaroon naman siya ng boyfriend noon, si Roy. Nakilala niya ito sa dati niyang pinagtatrabahuhan sa karatig-bayan. Namasukan siyang office clerk noon sa isang logistics company.

Tumagal sila ni Roy ng mahigit isang taon subalit hiniwalayan siya nito dahil sa tumanggi siyang ipagkaloob ang virginity niya sa nobyo. Ang gusto kasi ni Lalaine ay maikasal muna silang dalawa ni Roy. Subalit hindi naman niya akalain na iyon pala ang magiging dahilan ng kanilang paghihiwalay.

Isa pa'y nagkaroon din siya ng malaking eskandalo sa pinagtatrabahuhan kung saan sangkot ang kanyang boss. Nang-iwan ng trauma kay Lalaine ang eskandalong iyon kaya minabuti na lang niyang umuwi sa kanyang pamilya at doon na lang hanap-buhay. Ang compensation na nakuha niya mula sa dating pinagtatrabahuhan ay ginamit niyang puhunan para makapagsimula ng mapagkakakitaan.

"Nay, iniisip ko lang, paano natin masusuportahan ang lalaking 'yan sa oras na kupkupin natin siya? Kulang na kulang ang kinikita natin para magdagdag pa ng pakainin," mayamaya' y saad ni Lalaine sa kanya Nanay Melba. Ang sabi kasi ng mga pulis na nag-iimbestiga sa pagkakakilanlan ng lalaki, ay siya muna ang kukupkop dito hanggang sa gumaling ito.

Marahan namang umiling ang kanyang Nanay Melba saka masuyong ngumiti." Huwag kang mag-alala anak, tiyak naman na hinahanap na siya ng kanyang pamilya sa oras na ito. Saka nalimutan mo na ba ang pangaral ng 'yong ama?"

"Mas magaan sa loob ang tumutulong kaysa ikaw ang tinutulungan," sagot naman ni Lalaine nang maalala ang laging payo ng yumao niyang ama. Walong taon pa lang kasi niya nang pumanaw ito dahil sa sakit sa puso.

Napatango-tango naman ang Nanay Melba niya. "'Wag kang mag-alala, anak. Magiging ayos lang ang lahat," saad ng kanyang nanay matapos ay tumayo na bitbit ang bag na may lamang baunan. "O siya' t aalis na ako, anak. Pauwi na ang kapatid mo. Tiyak na gutom na iyon. Babalik na lamang ako bukas para dalhan ka ng pagkain."

Tumayo naman si Lalaine saka nilapitan at niyakap ang ina. "Thank you po, Nay. Mag-iingat po kayo," nakangiting paalam niya.

"Walang anuman Lalaine, anak." Matapos niyon tumalikod na ito at lumabas ng naturang silid.

Naiwan si Lalaine na pinagmamasdan ang nakahigang lalaki. "Sino ka nga ba? Ano'ng pangalan mo?" tanong niya. "Ano'ng nangyari sayo at bakit ka nagkaganyan?" dagdag pa ni Lalaine na para bang naririnig siya nito. Ang payo rin kasi ng doktor ay kausapin niya ito palagi nang sa gayon ay maging mabilis ang paggaling nito. Kahit daw kasi walang malay ang pasyente ay nakakarinig naman daw ang mga ito.

Ilang saglit pa'y hindi alam ng dalaga kung epekto lamang iyon ng puyat o totong nakita niyang gumalaw ang kanang kamay ng lalaki. Pinakatitigan pa niya ito ng husto at mayamaya pa'y muling gumalaw ang kamay nito ng mas matagal. May malay na siya!

Mabilis na tumalilis si Lalaine palabas ng silid at nagtungo sa nurse station. "Nurse! Gising na yata ang pasyente. Nakita kong gumalaw ang kamay n'ya!" bulalas ni Lalaine sa babaeng nurse na naroon at kasalukyang nagkakape. Sa narinig ay mabilis itong tumayo at sumunod sa kan'ya bitbit ang isang chart.

"Nurse Via, please tell Doc Macaraig that the patient has regained consciousness in Room 041," bilin pa ng nurse sa kasama nito at saka mabilis na silang tumalikod.

Nang magbalik sa silid ay hindi inaasahan ni Lalaine na bubungad sa kanya ang lalaki na noon ay gising na at nagpupumilit bumangon." Sir, huwag po kayong kumilos dahil sariwa pa ang mga sugat niyo!" bulalas ng babaeng nurse at kaagad itong dinaluhan.

Hindi umiimik si Lalaine habang nakatingin sa mga ito subalit nang hindi sinasadyang magtama ang kanilang mga mata ng estrangherong lalaki ay nakaramdam siya ng matinding kaba at pagkailang. Lalo pa't para siyang hinihigop ng mga abuhing mata nito na kay lalim kung tumitig.

"W-Who are... you?" nahihirapan pang tanong nito kay Lalaine na marahil ay epekto ng mga tinamong sugat.

"A-Ako si Lalaine," nauutal na sagot naman niya. Hindi malaman ni Lalaine kung bakit gaanon na lang ang kabang nararamdaman habang nakatingin sa estrangherong lalaki. "I-Ikaw, sino ka? Alam mo ba ang nangyari sa'yo? " ganting tanong niya.

Nakita ni Lalaine kung paanong nangungot ang noo ng lalaki na tila ba naguguluhan sa nangyayari. Bakas sa mukha nito na pilit nitong inaalala ang kung anumang nangyari rito. Nasapo pa nito ang ulo na para bang sumasakit iyon dahil sa labis na pag-iisip.

"Fuck!" mayamaya bulalas nito na ikinapitlag ni Lalaine. "Shit! Who... am I?" naguguluhang tanong nito sa sarili.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status