Share

CHAPTER 3

CHAPTER 3

CLEMENTINE DESCHAMPS

"Ipakikilala kita sa reyna." Tugon ng hari.

Makailang beses niyang pilit na inililingkis ang braso niya sa baywang ko ngunit makailang beses ko rin itong tinampal. Wala akong pakialam kung ano ang iisipin o sasabihin sa akin ng ibang nakakakita ng ginagawa ko sa hari, huwag lang akong makulong sa mga kamay niya.

"Huwag mong ubusin ang pasensya ko." Bulong niya.

"Pakialam ko sa pasensya mo. Edi ubusin mo." Sagot ko sa kaniya.

Hindi na niya ko pinansin pa at pwersahang hinatak na lang papunta sa harap ng reyna.

"Ito ang aking reyna. Sofia V. Ang pangalawang anak na babae ng hari ng Spain at ang aking legal na asawa." Pagpapakilala ng hari sa isang babae.

Isang babae na may suot na isang magarbong puting damit na nabuburdahan ng ginto. Marami rin itong alahas at natatabunan ng pampaganda ang mukha.

"Kinagagalak ko ang makilala ka Madame de Bijou." Tugon nito sa akin at ngumiti.

Hindi ako sumagot. Tahimik lamang ako habang nakatingin sa kaniya at nakatingin din siya sa akin. Hindi rin umiimik ang iba. Mukha silang nabwibwisit sa akin na hindi ko maintindihan.

May mali ba kong nagawa? Hindi na nga ako umimik para manahimik sila tapos magagalit pa. Hays.

"Tumungo ka sa kaniya." Tugon ng hari.

"Ayoko." Diretso kong sagot.

"Ikaw!" Duro sa akin ng iba.

"Mga kapatid huminahon kayo." Pagpapakalma sa kanila ng reyna.

Humakbang palapit sa akin ang reyna at tinignan niya ko mula ulo hanggang paa.

"Alam naman natin na ang isang kriminal ay kriminal pa rin kahit na gaano pa kaganda at kagarbo ang suot niyang damit." Nakangiting tugon ng reyna.

Napatango-tango naman ang iba sa sinabi nito at ang ilan naman ay nagsimula nang pagbulungan ako.

Hindi na nga totoo ang ganda mo ang pangit pa ng ugali mo. Hindi na pala ako dapat magtaka kung naghihirap man kami ngayon.

Isa pa, kriminal din naman kayo. Ang pagkakaiba lang ay hindi kayo nakakulong.

"Sofia, huwag kang magalit. Bago pa lang siya." Pagdepensa sa akin ng hari.

"Sinabi mo e." Tugon ng reyna.

Umalis na siya at nakihalubilo sa iba pang mga tao. Habang ang iba naman ay hindi pa rin tapos na pagtsismisan ako.

"Alam mo ba kung anong mga klaseng tao kayo?" Tanong ko rito.

"Ano?"

"Mga lobo. Mga mababangis na lobong nagkukubli sa mga magagandang kasuotan at mga mahahalagang bato." Sagot ko.

"Walang akong pakialam sa opinyon mo. Sumunod ka sa akin." Sabi nito at naunang maglakad.

Kaysa naman maiwan ako ritong mag-isa kasama ang mga taong mapangmata ay mabuti pang sundan ko na lang siya. Pumasok kami sa isang kwarto na puno ng mga pagkain, halos lahat ng nakahain ay hindi ko pa nakikita o natitikman.

"Anong gagawin ko rito?" Kunot-noong tanong ko sa kaniya.

"Kumain ka. Lahat 'yan ay sa'yo." Tugon nito sa akin.

"Lahat? Anong akala mo sa akin? Baboy?"

"Kaunti lamang 'yan. Wala pa 'yan sa sangkapat na kinakain ng reyna sa isang hapag." Sagot nito.

Wala pa sa sangkapat? Kung nauubos niya lahat 'yan ay bakit hindi pa siya tumataba?

"Paano ba kumain ang reyna niyo?"

"Isang subo at tapon." Nakangiting tugon nito.

Kumulo ang dugo ko matapos marinig ang sagot niya.

Habang kami ay namamatay sa gutom, ang reyna ay nagagawa lamang sayangin ang mga pagkaing kung tutuusin ay dapat kami ang tumatamasa. Lalo na ang mga gaya naming magsasaka.

"Kumain ka na."

"Kumain?!" Galit kong tugon at humarap sa kaniya. "Alam mo bang nabuhay ako na ang kinakain lamang ay mga tira?! Habang kami ang napapagod sa pagtatrabaho ay kami rin ang lalong naghihirap! Tapos ngayon ay sasabihin mo sa akin na kumain ako?! Kumain ng ano?! Kumain ng mga pagkain na mula sa hirap ng mga kapatid ko habang sila naman ang nagugutom?! Hindi ako gaya niyo!"

"Kahit na ayaw mo ay kailangan mong kumain. Ilang araw ka nang hindi kumakain. Himala na ngang buhay ka pa." Sagot nito sa akin.

"Hindi ko kailangan! Mas nanaisin ko pang mamatay!"

Madali siyang lumapit sa akin at hinatak ang braso ko palapit sa kaniya.

"Gusto mo bang tapatin na kita? Sige. Hindi kita binuhay para lang sa wala. Binuhay kita dahil kailangan kita." Seryoso nitong tugon.

"Anong ibig mong sabihin?" Tanong ko.

"Kailangan kita para sa France. Ikaw ang gusto kong magpabago ng takbo ng bansang ito." Sagot nito sa akin at pinakawalan ako.

"Bakit hindi ikaw ang gumawa? Ikaw ang hari."

"Ako nga. Ngunit kung ako lang ang may gusto ng pagbabago, paano ko magagawa?"

"Gusto mo bang sabihin na gusto mo kaming tulungan?"

"Oo." Diretso niyang sagot.

"Kung gusto mo lang pala kaming tulungan gamit ako... Bakit kailangan mo pang gawin sa akin ang mga bagay na 'yon?!"

"Hindi ko rin alam." Umiiling nitong sagot at ngumiti. "Ang alam ko lang ay may iba akong nararamdaman kapag ikaw na ang kaharap ko. Hindi ko alam kung ano. Ngunit hangga't nararamdaman ko 'to ay hinding-hindi kita pakakawalan at mananatili kang akin."

"Duda ako sa intensyon mo." Sagot ko sa kaniya.

Pagkatapos niyang gawin sa akin ang mga kalokohan niya ay bigla niyang sasabihin na gusto niya lang na tulungan ko siya? Niloloko mo ba ko?

"Edi magduda ka. Kung talagang gusto ko lang na paglaruan ka ay hinding-hindi kita bibigyan ng posisyon dito sa palasyo at palalabasin sa kwarto upang ipakilala sa buong mundo. Ngunit ginawa ko pa rin, dahil gusto kitang bigyan ng kapangyarihan."

Oo nga naman. Pero anong malay ko? Baka pakulo niya lang 'yan para di ako magduda sa kaniya. Pasasakayin niya lang pala ako tapos ililigaw.

"Bakit ako? Marami namang iba riyan na maaaring tumulong sa'yo."

"Dahil ikaw ang pinuno ng rebolusyon at isa kang babae."

Napataas ang kilay ko sa sinabi niya. Totoo naman ang sinabi niya pero bakit kailangan niya pang idiin na babae ako? Masyado naman atang maliit ang tingin nito sa amin.

"Huwag kang magkakamali. Hindi ko minamaliit ang mga babae. May ina ako at mga kapatid na babaeng nirerespeto ko. Ang ibig ko lang sabihin ay dahil babae ka ay ikaw ang dapat sa pwestong hinahanap ko." Paliwanag niya.

"Ipaliwanag mo sa akin ng maayos."

"Ikaw ang magbabalik ng karangalan sa France. Ikaw rin ang nais kong magtayo at magwagayway ng bandila ng kababaihan sa bansang ito. Sa tulong ko, nais kong tulungan mo rin ako upang iahon sa hirap ang lugar na ito."

Nakipagtitigan ako sa kaniya upang malaman kung nagsasabi ba siya ng totoo, pero di ko siya mabasa. Mapagkakatiwalaan ko ba siya?

"Tutulungan kita, basta ba ay ipapangako mo sa akin na walang ka ng iba pang gagawin." Tugon ko.

Ngumisi siya. "'Yan ang hindi ko maipapangako. Nakalimutan mo na ba kung sino ka ngayon? Ikaw ang babae ko. Kahit na ang nais ko lang mula sa'yo ay ang tulong mo para sa bansang ito, may tungkulin ka pa rin sa akin na hinding-hindi mo matatakasan."

Sabi ko na. Hindi talaga dapat nagtiwala dito kahit kaunti.

"Pero kung yun ang gusto mo. Hindi kita pipilitin." Tugon nito.

Luh? Sinapian ba 'to ng kung ano?

"Tutuksuhin lang kita."

Pinilit kong ngumiti sa kaniya kahit gusto ko na siyang ibalibag.

"Kumain ka na. Kailangan kong umalis." Paalam nito at iniwan na ko.

Napakagaling niya talaga. Ang galing niyang mag-asar. Sa sobrang asar ko sa kaniya ay iniisip ko na kung paano ko siya papatayin.

Napalingon ako nang bumukas ang pinto at pumasok si Fantine kasama ang bagong dalawang katulong.

"Binabati kita, Madame." Bati nito sa akin at tumungo.

"Hindi mo kailangang gawin 'yan." Sagot ko sa kaniya.

"Salamat po." Sagot nito at tumayo. "Madame ito nga po pala si Isabelle at Julie." Pagpapakilala niya sa dalawa niyang kasama.

"Anong nangyari sa dalawa?" Tanong ko sa kaniya.

"Wala na po sila." Sagot nito.

Huh?

"Patay na sila?" Tanong ko uli.

"Ah..." Tugon nito at natawa. "Hindi po. Pinaalis lang po sila ng hari sa palasyo at pinagbawalang bumalik uli kahit kailan."

"Akala ko..."

Malay ko ba? E iba pa naman ang takbo ng utak ng hari.

"Ako nga po pala ang magiging lady-in-waiting niyo." Sabi ni Fantine.

[A lady-in-waiting or court lady is a female personal assistant at a court, royal or feudal, attending on a royal woman or a high-ranking noblewoman.]

Mabuti naman. Mas gusto ko na siya kaysa sa iba.

"Kumain na po kayo." Sabi nito at inalalayan ako paupo sa harap ng lamesa.

"Bon appetit, Madame." Nakangiting tugon nito sa akin.

Salitang nilalagay nila Julie at Isabelle sa paglalagay ng pagkain sa pinggan ko habang si Fantine naman ang nagpapaliwanag ng gagawin.

Jusko! Kakain na nga lang may nalalaman pa sila paano ang tamang pagkain!

Pero aminado ako... Ang sarap ng mga 'to. Hindi ko alam kung masarap lang ba talaga o dahil ngayon lang ako nakakain ng ganito. Nakakalungkot nga lang isipin na hindi ito natitikman ng iba ngayon, ngunit gagawa ako ng paraan para matikman rin ito ng iba sa hinaharap.

"Madame, bumalik na po tayo. Titignan daw po kayo ng doktor." Sabi ni Fantine pagkatapos ko kumain.

Napatingin ako sa kamay ko kulay lila na dahil sa sobrang lala ng pagkakabali rito. Naaalala ko tuloy na ang hari nga pala ang bumali nito. Napakabayolente niya sa akin tapos sasabihin niya lang na gusto niyang tulungan ko siya! Ang kailangan kong gawin ngayon ay tulungan muna siya dahil alam kong hindi rin naman ako makakatakas. Isa pa, gusto ko rin naman talagang i-angat ang France, kaya nga ako nag-umpisa ng rebolusyon e.

Pagkabalik namin sa kwarto ko ay naghihintay na pala ang doktor kasama pa ang dalawa niyang katulong. Agad niyang sinuri ang kalagayan ko at halata sa kaniyang naaawa siya sa akin.

"Madame, nakakaramdam pa po ba kayo ng sakit sa kamay niyo?" Tanong nito.

"Hindi na. Namanhid na ko." Sagot ko.

"Naiintindihan ko po. Araw-araw po akong babalik upang gamutin kayo. Gamitin niyo rin po sana ang mga ibibigay kong panglunas upang hindi magpeklat ang mga sugat niyo."

"Salamat po, doktor." Sagot ni Fantine.

"Salamat po." Sabay na tugon naman ng dalawa pa.

"Mauuna na po ako, Madame de Bijou." Paalam nito at umalis na kasama ang dalawa niyang tauhan.

Scratch! Scratch!

"Ano 'yon?" Tanong ko.

"Huwag po kayong mag-alala. May tao lang po sa labas." Nakangiting sagot ni Fantine.

Bakit hindi na lang kumatok?

Si Julie na ang nagbukas ng pinto. May isang lalaki sa kaniya ang nagbigay ng isang papel at kinausap siya sandali. Sinarado na niya ang pinto at lumapit sa amin.

"Madame, narito daw po ang listahan ng mga gawain niyo. Sinabi po ng hari na kayo na daw po ang bahalang mag-ayos ng oras." Sabi nito at ibinigay sa akin ang papel.

Napakunot ang noo ko matapos makita ang nakasulat dito.

"Madame, may problema po ba? Paumanhin po ngunit nakakabasa po ba kayo?" Tanong ni Fantine.

"Nakakapagbasa ako at nakakapagsulat. Naiirita lang ako sa dami nito." Sagot ko.

Bakit may posisyon pa siyang nalalaman na binigay sa'kin? Akala mo natutuwa ako e.

"Bakit may nakalagay dito na pagtanggap ng tao para sa hari?" Tanong ko sa kanila at pinakita ang papel.

Halata namang nagtaka rin sila at tinignan ito at binasa ng paulit-ulit.

"Madame, mukhang gusto po ng hari na kayo po ang tumanggap ng bisita para sa kaniya. Kayo po ang magdedesisyon kung dapat po siyang humarap sa hari." Sagot naman ni Isabelle.

Ano?

"Talaga pong pinagkakatiwalaan kayo ng hari, Madame." Tugon naman ni Julie.

Pinagkakatiwalaan ba talaga o gusto lang niyang ako ang mahirapan?

"Sabi niya ako ang gagawa. Bakit mayroon dito na may nakalagay nang oras?" Tanong ko.

"Madame, 'yon po ang mga hindi pwedeng mabago." Sagot ni Fantine.

"Bakit kailangan ko pang sumabay sa hari habang kumakain nang ala-una?" Naiirita kong tanong.

"Ano po?!" Gulat nilang tanong.

"Nakalagay dito na sasabay ako sa kaniya kapag ala-una." Sagot ko.

"M-Madame! Mag-isa lamang pong kumakain ang hari kapag tanghalian at walang pwedeng ibang pumasok kahit pa ang reyna! Iba po kayo!" Gulat na tugon ni Isabelle.

Ganoon? Ano ngayon?

Umupo ako sa lamesa at binigyan naman ako ng tinta at panulat ni Fantine. Inayos ko na ang mga gagawin ko.

Araw-araw tuwing ika-walo ako ng umaga gigising at ika-siyam naman ng umaga ako titignan ng mga doktor. Sa ika-sampu naman ay kakain ako ng agahan. Alas-onse, tatanggap ako ng bisita hanggang ala-una. Ala-una ay kakain ako kasama ang hari. Pagkatapos kumain ay bakante na ang oras ko. Pagkarating naman ng alas-kwatro ay tuturuan ako hanggang sa ika-anim ng gabi. Sa ika-anim ng gabi ay kasama akong manunuod ng iba ng pagtatanghal. Sa ika-sampu naman ay kakain ako katabi ng hari at ng iba pa. Pagkatapos ng lahat ay pahinga ko.

Ang dami nilang alam. Hindi ba sila nagsasawa?

Linggo lang talaga ang pinakabakante ko kasi pinayagan ako ng hari na matulog sa simbahan at bumalik ng lunes ng umaga.

"Pwede na po 'to." Sabi ni Fantine.

"Kailan ko ba susundin 'yan?" Tanong ko.

"Bukas na bukas po." Sagot ni Julie.

Ang saya. Bukas agad.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status