Share

Chapter 6

Chapter 6

Alam ko na nagbibiro lang siya, pero para sa akin, hindi magandang biro iyon. Kahit na ganito din kami dati, never sumagi sa isip ko na posibleng maging kami pagdating ng araw.

"Malabo po 'yan, Sir." sabi ko.

"Malay mo." aniya. Kinindatan pa ako.

Lalo ko siyang pinagkunutan ng noo. Gusto ko na sanang matawa sa sinasabi niya kaso pinanindigan ko pa rin ang pagsusungit ko sa kaniya. Tutal, wala na din naman kami sa office, kaya malaya na akong gawin ang gusto ko.

Hindi ko na lang siya pinatulan. Sinundan ko siya hanggang sa pumasok kami sa isang mamahaling restaurant doon. Aangal sana ako pero naisip ko na boss ko nga pala ang kasama ko.

Mangha ako sa loob. Medyo marami na ring tao at halatang puro mayayaman ang mga kumakain doon.

Isang waitress agad ang nag-assist sa amin pagkapasok. Nauuna siya sa aming naglalakad. Bawat daanan namin ay may nahuhuli akong ilang babae na kumakain doon na napapatingin sa amin.

Siguro dahil sa artistahing boss ko. Panira lang talaga ang bag ko na nakasukbit sa balikat niya.

Hindi ko na iyon gaanong pinansin para masundan si Sir Dan. Ayokong maiwan ditong mag-isa.

Hinila ni Sir Dan ang isang upuan. Napakamot ako sa sintido ko dahil alam kong gusto niyang umupo ako doon. Ginawa ko na lang para hindi din siya mapahiya sa ilang nahuhuli kong nakatingin sa amin.

Nang masiguro na niyang nakaupo na ako ng maayos ay naupo na din siya sa kaharap ko lang na upuan.

"Hindi niyo na po dapat gawin iyon." mahina lang iyon. Sapat para marinig niya.

Ngumiti siyang nagpapa-cute sa akin na kinasimangot ko.

"Last niyo na po 'yan, Sir." naiiritang sabi ko.

"Bakit?" natatawang aniya.

Sinundan ko ng tingin ang bag ko nang ilapag niya iyon sa tabi niya.

"Hindi mo pwedeng kunin ito." banta niya.

"Kukunin ko lang po ang cellphone ko." pagmamakaawa ko.

"No."

Parehas kaming napalingon sa waitress na lumapit sa amin para i-abot ang menu card. Tinanggihan ko iyong inaabot niya sa akin. Bahala na itong kasama kong um-order.

Habang namimilinsiya ay inabala ko na lang ang sarili ko sa pagtingin sa paligid.

Sakto ang soft music na pinapatugtog nila sa cozy na decorations ng restaurant. Simple lang ang furnitures pero mukhang mamamahalin.

Nagulat ako nang binalik ko ang pansin ko sa kasama ko.

Pinapanood niya pala ako. Although natatakpan ang mukha niya simula ilong niya ay alam kong napangiti siya dahil sumingkit lalo ang mga mata niya. Hindi ko rin napigilang mangiti dahil sa reaksyon niya sabay tumingin muli ako sa ibang direksyon sa hiya. Kaya pala hindi ko pa siya naririnig na umu-order.

Nang maka-recover siya ay sinabi na niya sa babae ang order niya. Agad siyang umalis pagkatapos.

"Ang dami niyo pong in-order."

"Okay lang 'yan, para tumaba ka naman." napatingin siya sa paligid saglit. "Maraming kainan dito, e. Next time, doon naman tayo sa kabila." aniya.

"Naku, sir. Hindi na po. At saka, wala na pong next time."

"Tss. Basta."

Nauwi sa kwentuhan ang pag-uusap namin. Madalas siyang nagbibiro. Unti-unti na naman akong nakampante sa pagiging palakwento niya. Hanggang dumating ang pagkain namin ay siya pa rin ang nagsasalita.

"Best seller nila ito." aniya.

Nilagyan niya pa talaga ako ng pagkain sa pinggan ko.

"Ako na po, sir."

"Okay lang 'yan." mukhang masaya pa siya sa ginagawa niya.

Patuloy lang ang kwentuhan namin kaya hindi ko na din napansin na napaparami na ang pagkain ko. Hindi ko na din maalala kung kailan ako nabusog. Sa dami ng nangyari sa akin, hindi na ako nakakakain ng maayos. Madalas, sa office na ako kumakain. Hindi ko pa nga nauubos minsan.

Ang inaalala ko na lang ngayon ay may makakita sa amin. Ano na naman ang palusot ko? Baka isipin nila na nagdi-datr kami.

Bigla akong natigilan.

Napapikit akong napailing. Hindi naman siguro.

"Why?" nagtatakang aniya.

"Wala po." tinuloy ko ang pagkain ko.

Nung malapit ko nang maubos ang nasa pinggan ko ay napansin kong may sinisenyasan siya. Napatigin din ako doon.

Naabutan ko na lang 'yung waitress kanina na tumango pagkatapos ay umalis sa kinatatayuan niya. Saktong tapos na akong kumain ay lumapit na siya sa amin para i-serve ang dalawang slice ng blueberry cheese cake. Hindi ko mapigilan ang tuwa nang makita ko iyon nang ilapag niya sa harap ko ang isa.

Pero saglit lang iyon. Napaisip kung paano niya alam na mahilig ako sa cheese cake?

"Try it." nakangiting sabi niya. Hawak na niya ang kutsarita para kainin din ang sa kaniya.

Imbes na tanungin ay sumunod na lang ako. Baka kasi isipin niya na ma-feeling ako.

Unang kain palang ay para na akong kinikilig sa tamang tamis at sarap nito. Bigla akong natauhan nang mapatingin ako kay Sir Dan na pinapanood na naman akong kumakain.

"Sorry po. Favorite ko lang po kasi itong cheesecake."

"Yeah.. I know. Kaya nga ito ang in-order ko." paliwanag niya.

"Paano po niyo nalaman?"

"Hmmm... Narinig ko lang." aniya sabay kibit-balikat. Saka lang niya sinimulan kainin ang nasa pinggan niya.

Tumangu-tango ako. Malamang kay Trixie dahil siya lang naman ang kasama ko lagi sa pagkain.

Hindi ko na pinatagal ang pagkain ko kahit na gusto ko sanang unti-untiin iyon pero itong kasama ko, tila ba sinasadyan tagalan ang pagkain. Ang liit kasi ng kutsara niya sa pagkain niya. Gusto ko sanang magreklamo kaso nakakahiya naman.

Nang sa wakas ay natapos na siya ay tinawag na niya ulit ang waiter para sa bill. Gold card ang ginamit niya pangbayad.

Sabay kaming tumayo pagkatapos. Dala-dala pa rin niya ang bag ko. Akmang kukunin ko sana iyon pagkalabas namin ng restaurant pero hindi pa rin niya binigay.

"Ihahatid na kita. Wala nang train."

"Hindi na po. Okay lang po ako."

"No. Kunin lang natin sa condo 'yung kotse ko."

"Ayoko po. Uwi na ako." gusto ko nang magdabog.

"Okay. Mag-taxi na lang tayo."

"Hindi na po, Sir Dan. Umuwi na po kayo, uuwi na din po ako."

Dumilim bugla ang mukha niya dahil sa paulit-ulit na pagtanggi ko. Iyong kinang ng mga mata niya kanina habang kumakain kami ay napalitan ng seryosong tingin.

"Ihahatid kita sa ayaw mo't sa gusto. Now. Mamili ka, kung magta-taxi tayo o kukunin natin ang sasakyan sa condo."

Sa takot na baka ma-badtrip na siya ng tuluyan ay ako na lang ang huminahon.

"Kayo po." aniko.

"Okay. Let's get my car."

Tinalikuran na niya ako't naunang lumakad.

Naiinis akong nagdadabog sa pwesto ko. Sinadya kong i-mute ang boses ko habang nagsasalita ng reklamo ko sa inis. Nang saktong paglingon niya sa akin ay tumigil na din ako. Plastic akong ngumiti sa kaniya para hindi halata. Nginitian niya ako din ako pabalik. Akala niya siguro natutuwa ako na pupunta ako sa condo niya.

Binalikan niya ako saka mabilis akong hinawakan sa may wrist ko. Nag-panic pa ako sa ginawa niya. Aalisin ko dapat iyon pero hinila niya ako para lumakad na din. Para tuloy kaming magka-holding hands habang naglalakad.

Ramdam ko ang init ng palad niya sa pulso ko habang ako naman nilalamig na sa kaba. Sa tuwing babawiin ko ang kamay ko ay mas hinihigpitan niya ang pagkakahawak niya sa akin. Iniisip ko tuloy kung ginagawa niya din ito sa iba. Ako na din ang kumontra sa naisip kong iyon. Sobrang sungit kasi niya sa office.

Bigla ko na namang naalala si Jake. Sweet naman din siya dati sa akin. Pero pagkatapos niyang nakilala ang nanay ko, doon na siya nanlamig sa akin.

Mariin akong napapikit at napailing para mabura sila sa isip ko. Napahinto din si Sir Dan nang mapahinto din ako sa paglalakad.

"Bakit?" halata sa boses niya ang pag-aalala.

Mabilis akong umiling. "Wala po. Wala po."

Napaatras ako nang bigla siyang lumapit sa akin. Pigil ang hininga ko nang sobrang lapit na ng mukha niya sa akin.

"Umiiyak ka ba? Okay ka lang?" nag-aalang aniya.

Ako na ang lumayo sa kaniya dahil panay pa rin pagmamasid niya sa mata ko. Pinahid ko kung anuman ang tinitingnan niya doon. May nagbabadya na palang luha sa mga mata ko.

"O-okay lang po ako. May... Naalala lang po ako." aniya.

Naabutan ko iyong mapaklang ngiti niya. "Forget him, okay? Nandito na ako."

Kahit naiintindihan ko ang sinabi niya ay dinedma ko na lang iyon.

Boss ko ito.

Walang meaning.

Hindi siya nangpi-flirt. Nagjo-joke lang siya.

"Tara na nga. Para makauwi ka na."

"O-opo."

Nakarating kami sa isa sa mga malalaking condominiums doon.

Ilang guards ang nakasalubong namin na binabati din niya pabalik kapag binabati siya. Hanggang sa makarating kami sa reception.

"Good evening, Sir..." nakangiting bati ng security guard doon.

"Ma'am."

Ngiti lang naman ang sinagot ko sa kaniya.

"May admin ba kayo at this hour?"

"Wala na po, sir."

"I see. Bukas na lang. Isasama ko siya sa taas, ha?"

"Dito na lang po ako, sir." tanggi ko.

"Sumama ka na."

"Pa-log in na lang po si ma'am, sir."

Imbes na ako ang magsusulat sa log book ay siya na ang gumawa dahil ayaw pa rin niya akong bitawan. Nangi-ngiti siya habang nagsusulat. Nung sisilipin ko iyon ay mabilis naman niya iyong binalik sa guard.

"Ma'am Eunice... Sy?"

"Anong Sy---?" gulat na reaction ko. Magkadugtong ang mga kilay ko nang lingunin siya

"Tama na 'yan." hinila niya na ako habang natatawa dahil sa kalokohang ginawa niya.

Halos kaladkarin niya ako papuntang elevator kasi ayaw ko talagang sumama sa kaniya. Sumakay kami agad sa kalalabas lang na tenant sa elevator.

Pinakawalan niya lang ako nang magsara na ang pinto.

"Lakas ng trip niyo po, 'no?" galit na sabi ko sa kaniya.

Kinalimutan ko nang boss ko pala ito.

Nakangiti lang siya sa akin na para bang wala lang sa kaniya ang ginawa. Pinapanood niya lang ako habang nagdadaldal.

"That's fine, okay? Cool ka lang d'yan." aniya na nangingiti pa rin.

Inirapan ko siya at hindi na nagsalita pa. Tumalikod ako sa kaniya paharap sa pinto ng elevator. Doon ko lang napansin na 'yung pinakadulong floor pala ang pinindot niya.

"Sir, baka lumampas tayo sa unit niyo po? Sabi ko kasi sa inyo sa baba na lang po ako maghihintay, e." reklamo ko.

"Hindi. Nasa penthouse ang unit ko." aniyang nangingiti pa rin.

Napapikit na lang ako sa inis. Para tuloy napahiya ako sa sinabi ko. Oo nga pala. Boss ko ito. Syempre mayaman ito. Kaso nakakalula din kapag sobrang tagal mo sa loob ng elevator. Parang ayaw kong tumira sa mga ganito.

Nang marinig kong nasa tamang floor na kami ay ako talaga ang excited na lumabas doon. Hindi para makita ang unit niya, kun'di para makalabas na sa elevator.

Hinawakan na naman niya ako. Napatigin ako doon tapos sa kaniya.

"Baka tumakas ka pa rin." inunahan na niya akong magreklamo.

Nauna siyang lumabas habang hila pa rin ako.

"Hindi naman po ako tatakas." aniko na nakasunod sa kaniya.

Nilingon niya ako para taasan ng kilay.

Mabilis niyang nabuksan ang pinto ng unit niya. Saka niya ako binitawan.

"Tara."

"Ay, hindi po, Sir. Dito na lang po ako." mariing tanggi ko.

"Natatakot ka ba na may gawin ako sa iyo sa loob?" nakangising aniya.

"Opo."

.

Halatang nagulat siya sa sagot ko. Umarte siyang nasaktan siya sa sinabi ko, "Grabe ka sa akin, ha?"

Pagkatapos ay mabilis niyang hinuli ang braso ko sabay hila papasok sa loob. Agad niyang sinara ang pinto para hindi ako makalabas.

"Ano ba, sir?!" asik ko.

"Matigas ulo mo, e." aniya pagkabitaw sa akin.

Sinundan ko siya masamang tingin nang lumakad siya papasok sa loob.

Pasalamat talaga siya kasi amo ko siya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status